Katalagahan

Kagabi ay hindi ako sumama sa mga kaibigan ko. Naipangako ko kay Kuya na sa kanya ko ipagkakaloob ang isang buong linggo. Itong linggong ito. Kahit na nga ba sa loob ng nakaraang mga buwan ay siya na ang naging gunitain ng buo…ng pamilya.

Alam ko, magiging masaya na naman sa bahay. Wala na ang supil na mga ngiti. At mga halakhak na ang kamatayan ay halos sabay sa pagkakaluwal. Magiging maluwag na naman ang aming paghinga. Noon, tila lahat ng sariwang hanging pumasok sa bahay ay para kay Kuya lamang. Wala na ang wari’y tinik na dumuduro sa aming magkakapatid sa mga panahong kami’y nakalilimot at nakapagbibiruan. Sa aming panaka-nakang pagbibiruan, kung magkagayon man, ay saglit lamang ang dampi ng tuwa sa aming mga mukha. Kahit na nga malayo pa kami sa silid ni Kuya. Talaga lamang na mahirap sikilin ang paminsan-minsang bugso ng damdamin. Sigla at indak ang tunay na kahulugan ng buhay. Iyon ang alam ko. Iyon ang nadarama ko.

Minsan galing sa paglalaro, ang aming bunso’y humahangos na umuwi. Parang ibig umiyak. Ako ang dinatnan sa bahay. (Nasa palengke si Inang. Nagtuturo si Ate Ester sa elementarya. Si Ditse ay nasa tahian, nanahi.) Sa pagitan ng hinahabol na paghinga at pandalas na singhot ay ibinulalas niya ang unang kalbaryo ng kanyang kamusmusan. “Diko, mamamatay na nga ba si Kuya? Kanser nga ba ang sakit ng Kuya, ha, Diko?”

Matagal. Hindi ako nakaimik. Dambuhalang kulog ang bawat salitang umalpas sa kanyang munting bibig. Nakabibingi. Nakapanlulumo. Sa kanya ko unang narinig ang mga tanong na ito. Maliwanag at sukol sa kahulugan. Ni wala akong lakas na bigkasin sa aking sarili ang mga katanungang iyon. Bagama’t matagal ko nang pilit inaarok ang hiwaga ng kamatayan. Matagal na. Bago pa magkasakit si Kuya.

Si Lito. Bata pa siya. Wala pa sa kanyang kamalayan ang hiram na buhay. Siya’y isang kerubin ng kawalang-kamatayan. Sa kanya ang buhay ay isang biyayang sinlusog ng kalikasan. Hindi niya kailangan ang mahabang paliwanag. “Kanser nga sakit ng Kuya, pero madali na itong gamutin ngayon, di tulad noong araw,” sabi ko. “Kita mo at kay lakas ng Kuya ngayon,” dugtong ko pa. Iyon lamang at buong kasiglahan siyang bumalik sa iniwang mga kalaro. Matagal na siyang wala nang muli kong mahagilap ang aking sarili.

Anim na buwan ang taning ng doktor kay Kuya. Pagkaraan ng limang buwan ay malakas pa rin si Kuya. Minsan ay dumalaw si Tata Miguel. Sabi niya, “Bakit hindi ninyo dalhin kay Da Ipe. Aba’y kay-rami nang napagaling ni Da Ipe na tinanggihan na ng mga doktor.” At inumpisahan niya ang litanya. “Naroon si Monico na natuklaw ng ulupong, nakatirik na raw ang mga mata nang idating kay Da Ipe matapos tanggihan ni Dr. Villavicencio. Si Huling na modista, matagal ding nagkasakit, etraytis daw yata ang sabi ng doktor, pero hindi at kulam pala. Sandali lang pinagaling ni Da Ipe. Si Damian, ulser daw, nakatuwaan lang pala ng nuno sa punso. Si Robert ng Tata Sidro mo. Si Ameliang kapitbahay n’yo. Si Turing.”

Marami pa siyang sinabi na pinagaling ni Da Ipe. Wala siyang binanggit tungkol doon sa kung hindi man pinalubha ni Da Ipe ay hindi naman niya napagaling. Si Doro, si Maryang Tuhod, si Enyang, si Andang Pedro, si Tacing.

“Bayaan mo, Kuya Miguel,” sabi ni Inang, “at baka madala rin namin si Berting bago matapos ang linggong ito.” Ngunit alam kong alam ni Inang na hindi papayag ang Kuya. Buung-buo ang sampalataya ni Kuya sa siyensiya ng medisina kung sakit at sakit din lang ang pag-uusapan. Nasa huling taon na sa kolehiyo si Kuya at Medical Technology ang kanyang kurso. Pangarap din kasi niya na makarating sa Amerika.

At ako nga, bagaman at salutatoryan nang magtapos ng haiskul ay napilitang maghinto muna matapos makaisang taon sa UP. “Hintayin mo nang makatapos ang Kuya mo,” madalas na sabihn ni Inang. “Buti kung buhay pa ang Amang mo. Baka sakaling matustusan namin kayong dalawa. Pero ngayon, kahit nakatutulong na ang Ate Ester mo ay hirap pa rin tayo.” Hindi alam ni Inang na hindi na niya kailangang sabihin pa sa akin ang aming pagsusumikap na umunlad. Hindi na niya dapat isa-isahin pa ang matatarik na bundok sa aming harapan. Aalis na lamang akong nahahabag kay Inang, dahil alam kong nahahabag din siya sa akin.

Naalala ko si Danny. Matalik ko siyang kaibigan at mahigpit ding kaagaw. Siya ang aming balediktoryan sa San Ildefonso Academy. Pareho kami ng pamantasang pinasukan at pareho rin ng kursong kinuha. Nahinto nga lamang ako. Noong isang linggo ay dumalaw rin siya kay Kuya. Ngunit alam ko, gusto rin niya akong makita. At makausap.

Masayang tao si Danny. Ewan ko kung paano siya nakatiis na hindi ngumiti simula pagpasok sa bahay hanggang sa siya’y magpaalam. At kung paano siya nakapagtiis na hindi magkuwento. Malakas magkuwento si Danny. At lalong hindi siya marunong maubusan. Alam ko, wala siyang maapuhap na kahit isang kaluluwang may buhay sa buong kabahayan.

Ihihatid ko siya sa abangan ng sasakyan. Wala kaming kibong pareho. “Hanggang kailan ba ang taning sa Kuya mo?” pamaya-maya’y biglang tanong ni Danny.

“Bago matapos ang buwang ito,” sagot ko. Nakatingin ako sa malayo. Alam ko tinatantiya ni Danny kung ano ang nasa kalooban ko. Sa tuwing mag-uusap kami ay kapwa malaya sa mga personal na alalahanin ang bawat isa, di tulad ngayon.

“Lahat naman tayo ay may taning ang buhay, a,” sabi niya. Hindi ako sumagot. Nakatingin pa rin ako sa malayo.

Pages: 1 2 3