May Lihim Ang Bahay-bahayan

ni Lamberto B. Cabual

MASAKIT ang sigid ng init ng araw sa balat, ikasampu pa lamang ng umaga. Sinimulan na ang paggawa ng isang mansiyon na umano’y pag-aari ng isang maykaya. Hindi namin kilala ang may-ari ng ipinagagawang ito. Ayaw raw na magpakilala. Sa isip-isip ko, marahil ay isang malaking pulitiko na ayaw mabisto ang kayamanan sa pangambang baka siya’y imbestigahan at makasuhan ng Inexplicable Wealth.

Isa akong arkitekto, at bukod sa rito’y Civil Engineer pa. Dalawa ang kurso kong natapos. Matiwasay akong nakapagtapos ng high school sa pagpupunyagi ng aking mga magulang. Mapangarapin ako at nag-working student ako sa siyudad. Awa ng Diyos, maluwalhati akong nakatapos ng dalawang kurso na kapuwa ko naipasa sa eksamen ng pamahalaan. Kaya ngayo’y licensed Architect at licensed Civil Engineer ako.

Sa ginagawang malaking gusali, ako ang arkitektong gumuhit ng plano at ako rin ang enhenyero. Hindi ko alam kung sino ang nagpapagawa, basta may kinatawan siyang nakipagkontrata sa akin. Pumayag ako, di ko man kilala ang may-ari, tutal babayaran naman ako sa halagang napagkasunduan. Ang kinatawan ng nagpapagawa ang pumirma sa kontrata.

Ang foreman na raw ang bahala sa lahat, sa pagbili ng mga materyales, pagpapatrabaho sa steel man, kapentero, tubero, electric man at labor. Basta’t ako’y manaka-naka raw lamang na sisilip upang tingnan kung tama ang ginagawa ng mga trabahador. Nguni’t ang nais ko’y tumutok sa ginagawang bahay. Gusto kong makita at masubaybayan nang malapitan ang lahat nilang ginagawa. Hangad kong ang bawa’t bahay o gusaling ako ang arkitektong gumuhit at enhenyerong namamahala ay magawa nang tama sa plano at pulido ang pagkakayari.

Kinausap ko ang kinatawan ng may-ari na gusto ko’y naroroon ako habang ginagawa ang bahay upang makatiyak na magiging maayos ang lahat. Subali’t sabi ng kinatawan ay pangingilagan at kasisilungan ako ng mga manggagawa. Para daw sa kabutihan at kapanatagan ng mga manggagawa, minsan-minsan na lamang akong sumipot. Naroon daw naman ang kapatas para ipatupad ang lahat ng nais ko sa pagpapagawang ito.

Iginiit ko ang gusto ko. Iminungkahi kong magpapanggap akong trabahador din, sasama ako sa mga manggagawang nasa grupo ng labor. Pumayag siya at yaon nga ang nangyari, kaya narito ako, kasamang nagtatrabaho at nagpapawis sa init ng araw.

“Pedro, bilis-bilisan mo nga ang paghahakot ng hallow blocks,” sigaw sa akin ng kapatas. “Aabutin tayo ng kuwaresma sa paggawang ito kung ganyan ka kabagal!”

“Opo,” tugon ko naman habang tagaktak ang pawis sa buo kong katawan.

Ang talagang palayaw sa akin ay Peter, nguni’t dito’y Pedro ang itinatawag nila, palibhasa’y nasa labor group lamang ako, busabos ang pagtingin nila sa akin. Wala silang kamalay-malay na ako ng arkitekto at enhenyero ng pagpapagawa ng malaking tahanang ito. Ngali-ngali na akong mainis, magpakilala, at sila ay pagmumurahin ko. Datapwa’t dahil nga sa may misyon ako, kaya dinagdagan ko ang pagpipigil ng sarili.

“Tumulong ka sa paghuhukay pagkatapos niyan.”

“Masusunod po.”

Malimit kaming binubulyawan na nasa pangkat ng labor hindi lamang ng foreman. Ang iba pang matataas sa amin ang tayo, tulad ng steel man, mason, at karpentero, sa paggawang iyon, ay nambubulyaw din.

Lumipas ang mga araw. Nang makapag-layout at iskuwalado na ang mga sulok, sinimulan ang excavation at kaming nasa labor ay pinapaghukay ng pagbubuhusan ng graba, buhangin at semento. Sabi sa akin ng kapatas ay doon daw mag-aasinta ng hallow blocks. Sa loob-loob ko, talagang bangag ang tingin sa akin ng kamoteng ito. Gusto ko nang mayamot at harapin siya, nguni’t nagpigil pa rin ako.

Tutulong sana ako sa pag-aasinta ng hallow blocks subali’t nagalit ang foreman.

“Kay bagu-bago mo e mag-aasinta ka, naloloko ka na ba?”

“Kung hindi po ako magsisimulang gumawa nito, paano po ako matutoto,” sabi ko.

“Hoy, magtigil ka nga, Pedro, gusto mo bang makagalitan ako ng arkitekto at enhenyerong nagplano at namamahala nito?” wika niyang mabalasik.

Ako ‘yon, sigaw ng isip ko na hindi ko maisatinig. “Pasensiya na po kayo, Bossing, gusto ko lamang po namang makatulong.”

“Doon ka nga sa paghahalo ng buhangin, graba at semento,” nakaismid siya, “at huwag kang parang laging natitikbalang.”

“Opo, Sir,” mahinahon akong nagtungo sa mga naghahalo.

KUNG gabing pagod ako sanhi ng maghapong paggawa, sa pamamahinga’y nagugunita ko si Melinda, ang kasintahan kong lumimot na sa akin. Nasasaktan ako kung naaalaala ko siya.

Kay saya ng aming kamusmusan. Mga bata pa kami’y magkapalagayang-loob na kami. Laging kami ang magkalaro palibhasa’y magkapitbahay. Iisa ang harapan ng aming bahay nguni’t sa gawing likuran ng tahanan ng cute kong kababata ay malimit kaming nagbabahay-bahayan.

“Ikaw ang tatay, ako naman ang nanay, payag ka.”

“Siyempre, payag ako, sabi mo e.”

Napapalakpak si Melinda, “Sige, pasok na tayo sa bahay natin.”

Nasok kami sa bahay-bahayang yari sa pinagsagpi-sagping karton. Karton din ang bubong at halos kasiyang-kasiya lamang kaming dalawa.

“Pa’no naman ako magiging tatay, at pa’no ka naman magiging nanay e wala naman tayong anak.”

“Meron na,” nakapikit na ngumuso siya sa akin.

“Nasa’n?”

“D’yan ka lang,” lumabas si Melinda, “kukunin ko ang anak natin.”

Naghintay akong nakahalumbaba, at di nagtagal bumalik siya. May kung anong dala na nasa kamay niyang nakatago sa likuran.

“O, ano ‘yang tinatago mo?”

Inilabas niya ang itinatago sa likod, “O, ito na ang anak natin.”

Inabot ko sa kanya ang isang manika, tuwang tuwa ako, at sa katuwaan ko’y niyapos ko siya at hinagkan sa kaliwang pisngi.

Napahagikhik siya, parang nagustuhan ang ginawa ko. “Hagkan mo rin itong kabila.”

“Bakit?”

“Kasi, nakikita ko, pag hinahagkan ni tatay si inay, magkabilang pisngi ang hinahagkan.”

“Ikaw naman, kulit-kulit . Sige na nga,” hinagkan ko ang kanang pisngi ng kababata ko.

Tuwang-tuwa siya.

NAITAYO na ang malalaking poste ng bahay at mataas na ang asinta ng hallow blocks. Inihanda na ang porma para sa pagbubuhos ng biga. Pinatulong ako ng kapatas sa pagtatayo ng mga pala-pala. Mataman kong inobserbahan ang paglalagay ng mga batangan at suliras. Naisagawa iyon nang ayon sa hangad kong tatag ng bahay. Nagporma ng mga plywood na de medya para sa pag-iislab at yaon ay nilatagan ng bakal na tama sa sukat na gusto ko. Tinalian ang mga bakal ng kawad sa tamang distansiya.

Habang pinagmamasdan ko ang ginagawang bahay, sumilid na naman sa isip ko si Melinda. Tapos na kami noon ng mataas na paaralan at kasintahan ko na siya. Nasa huling taon na siya ng kursong Nursing. Ako nama’y matatapos na rin ng Architecture. Nasa isip ko na rin ang plano kong kumuha ng Civil Engineering.

“Sweetheart, kung kasal na tayo at magpapagawa ng bahay, gusto ko’y matibay at matatag,” wika niyang tila nangangarap, “saka yaong malaki… mansiyon.”

“Bayaan mo,” tugon ko, “magsisikap akong mabuti. Pag natapos ko ang dalawang kursong gusto kong tapusin e maghahanapbuhay ako nang puspusan para sa ‘yo.”

“Oo, ‘lam ko namang gagawin mo ‘yon, tiwala ako sa iyo.”

Inilapit ko ang mukha ko kay Melinda, at naghinang ang aming mga labi. Maligayang-maligaya kami.

“HOY, Pedro, ano ba’t parang namamatanda ka na naman?” bulyaw ng kapatas. “Hindi pu’ede ang babagal-bagal, aba’y nag-iislab na tayo. Bilis-bilisan mo ang paghahakot ng halo at baka abutin tayo ng ulan, tingnan mo’t nagdidiklom ang langit.

“Opo,” sabi ko. Binilisan ko ang aking pagkilos.

Bawa’t isa’y naging masigasig sa aming pag-iislab. Tuloy ang paghahalo ng buhangin, semento at graba, tuloy ang paghahakot ng ng halo, ang iba’y nagpapasa-pasa ng timba ng halo hanggang sa makasapit ito na lugar na binubuhusan.

Nang mahinangan at mabuo na ang mga steel truss, iginayak na ang pagbububong. Ipinahanda at ipinahakot sa amin ng foreman ang nalalabing PVC para sa electrical wiring, at mga yerong pambubong. Elite type ang bubong na gagamitin, kulay maroon.

Anupa’t sa mabilis na paglipas ng panahon ay halos yari na ang ipinagagawang mansiyon.

ISA nang ganap na nars si Melinda noon, ako nama’y ganap nang arkitekto at Civil Engineer, nang isang araw ng Sabadong nasa White Beach kami ng Puerto Galera ay magpaalam siya sa akin.

“Pet, mag-a-abroad ako,” nakalingap sa akin ang mapupungay niyang mata. “Gusto kong magkaroon naman ng ibang karanasan sa pagiging nars.”

“Saan ka naman pupunta?” tanong ko.

“Sa London. Payag ka ba?”

“Kung gusto mo, at inaakala mong makabubuti sa iyo,” turing ko, “siyempre, payag ako.”

“Di ba para din sa atin ito at sa kinabukasan ng ating magiging mga anak?”

“Oo, alam ko ‘yon,” sang-ayon ko, “pero magkakalayo tayo!”

“Lumayo man ako… iiwan ko sa ‘yo ang aking puso at pag-ibig.”

“Talaga?”

“Oo, naman,” humilig siya sa aking dibdib. “Pagbabalik ko, payag na akong pakasal tayo.”

“Promise?”

“Nangangako ako.”

Ang pangakong iyon ng kasintahan ko’y naglahong parang bula. Nitong mga nakaraang buwan ay nawalan na kami ng komunikasyon.

Sa limang taong ipinamalagi niya sa United Kingdom, lagi kaming nag-uusap at nagbabalitaan. Kung di man kami makapag-usap sa telepono, nagpapalitan kami ng text o kaya’y nagpapahatiran kami ng email sa pamamagitan internet.

May ilang buwan na ngayong wala kaming ugnayan. Hindi ko na siya ma-contact. Tila nagpalit siya ng numero ng cell phone at ng email address. Walang sumasagot sa landline na dati kong tinawagan upang kausapin siya. Nilihaman ko siya sa huling pahatirang-sulat na ibinigay niya sa akin, nguni’t walang sagot akong natanggap.

Masamang-masama ang loob ko. Ganito pala ang hirap ng kalooban ng isang tunay na nagmamahal kung limutin ng kanyang minamahal.

Ang kutob ng loob kong lumimot at nagtalusira siya sa aming suyuan ay nagkaroon ng bahagyang linaw nang si Tito Bert na nangingibang-lupa din sa London ay magbalik-bayan. Ibinalita niyang nakita raw niya si Melinda at nakausap. Naging Private Nurse daw ang nobya ko ng isang bilyonaryong British. Pansin niyang si Melinda ay malapit na malapit sa ubod ng yamang pinaglilingkuran. O! Melinda, bakit mo nagawa sa akin ito! sigaw ng puso kong nagdurusa.

Gayunpaman, hindi ko pinabayaan ang aking sarili, ipinagpatuloy ko ang pagsisikap at puspusang paghahanapbuhay. Marami akong naging kliyente bilang Arkitekto at Enhenyero, at ito nga, sa ngayo’y pinagbubuti ko ang pagtatayo ng isang malaking mansiyon dito sa Lungsod ng Batangas.

NAYARI na ang malaking tahanang ginawa namin, liban sa ilan pang bagay.

“Dalhin mo nga rito, Pedro, ang kahon ng mga bisagra at kandado,” utos sa akin ng isa sa mga karpentero.

Ang ipinadadala ay mabilis kong kinuha, “narito na po.”