Aagawin Ko Ang Lahat (Part 4)

Sophia’s point of view

Nakatingin lang ako kay Magdalena habang masarap na kumakain ng sopas na luto ng aking lola. Gutom na gutom ito na akala mo hindi nakakain ng ilang araw.

Kumuha ako ng isang basong tubig at itinabi iyon malapit sa mangkok niya dahil nagaalala akong baka mabulunan ito.

“Ano ang nangyari sayo, Magdalena? Bakit hindi ka nakapasok ngayon?” hindi ako nito pinansin at nagpatuloy lang sa pagkain.

Binuhat nito ang mangkok at doon humigop ng sopas.

“May ginawa ba sayo si Tatay Tyago? Sinaktan ka ba niya?” huminto ito sa pagkain ng marinig ang pangalan ng kanyang tatay tatayan. Bumakas ang takot sa kanyang mukha at kita ang panginginig ng kanyang kamay.

“Sabihin mo sa akin Magdalena, sinaktan ka ba ni Tatay Tyago?” muli kong tanong at nagsimula itong humikbi. Mabilis nitong tinakpan ang kanyang mukha gamit ang kanyang mga palad at umiyak.

Nakaramdam ako ng awa sa matalik kong kaibigan. Bawat hikbi, bawat patak ng luha at bawat tunog ng kanyang pagiyak ay alam mong may itinitagong pait at hinagpis na matagal ng kinikimkim. Tila ba isa itong bata na walang laban at tanging pag-iyak na lamang ang kayang gawin.

Ngayon ay sigurado akong sinasaktan at minamaltrato siya ng tatay tatayan niya. At ang kinakatakot ko ay ay baka … baka… baka minomolestya pa siya nito.

“Hfff hffff So-so-sophia ay-ay-ayaw k-k-ko ng bu-bumalik kay hff hfff Ta-tay Tyago hfff hfffff” dito bumagsak ang aking luha at niyakap ko ito.

“Sssshhhhhhh oo Magdalena, dito ka na lang tumira sa amin. Dito walang mananakit sayo at aalagaan ka namin ng lola ko”

“Ba-ba-bata pa lang a-akooo hfff hfff sina-hffff-hffff saktan na niya ako. A-a-ayaw ko hfff hfff ng ma-ma-masaktan pa”

“Oo Magdalena, hinding hindi na kita papayagang bumalik sa inyo. Wag mo ng alalahanin ang mga naiwan mong mga gamit, ako na ang bahala basta wag na wag ka ng babalik sa tatay tatayan mo” hinimas ko ang ulo nito upang patigilin sa pag iyak.

“Salamat Sophia. Maraming salamat! Tatanawin kong malaking utang na loob ito” anito at niyakap ako ng mahigpit.

Sinabihan ko siya na magpunta kami sa pulis at magsuplong pero nagatubili itong tumanggi dahil natatakot siya na baka kung anong gawin sa kanya ni Tatay Tyago. Natatakot siya na baka hindi lang siya ang saktan nito, kundi madamay pati ako at ang malalapit sa akin.

Pumayag naman ako sa kundisyon na hinding hindi na siya babalik pa sa kanilang bahay at dito na titira sa amin.

Pagkatapos kumain ay nagpresinta itong maghugas ng pinggan upang kahit paano raw ay makabawi ito sa pagpapakain namin sa kanya. Sinamahan ko na lamang ito sa lababo at tahimik na pinagmasdan dahil baka kung ano ang mangyari sa kanya.

Ngayon ay nasa loob na kami ng aking kwarto, bagong ligo at nakahiga.

“Sophia?” tawag nito sa akin kaya tumingin ako. “Maraming salamat sa pagtanggap sa akin dito bahay niyo ah. Nakakahiya man pero hindi ko na tatanggihan ang alok mo dahil hindi ko rin alam kung saan ako pupunta” nahihiya nitong sambit.

“Ano ka ba Magdalena? Para saan pa na matalik tayong magkaibigan kung hindi din tayo magtutulungan. Tsaka magtatampo ako niyan kung sa ibang tao ka pa hihingi ng tulong at hindi sa akin” ani ko.

“Nahihiya na kasi ako sayo, kasi sa lahat ng pagkakataon ikaw yung laging tumutulong sa akin. Wala akong matandaan na naitulong ko sayo” malungkot na sagot nito.

Kita ko ang lungkot sa kanyang itsura.

Kinuha ko ang aking cellphone at binuksan ang photo gallery. Ipinakita ko sa kanya ang mga litrato namin na magkasama simula noong 1st year college kami; yung mga masasayang galaan, tawanan, at yung mga kapilyahan namin.

Natuwa naman ito ng makita ang mga litratong iyon. Natawa kami dahil sobrang iba ng itsura namin noong unang taon ng college kumpara ngayon. Napakalaki ng pinagbago!

“Nakikita mo yang mga masasayang pictures na yan?” tumango ito. “Yan ang naging dahilan kung bakit naging memorable ang college ko. Ikaw ang dahilan kung bakit naging masaya at napuno ng kulay ang buhay kolehiyo ko” napangiti ito sa aking sinabi na akala mo kinilig.

“At ikaw din ang may dahilan kung bakit napressure ako sa pag-aaral! Ang talino mo kasi eh, nakakachallenge!” dagdag ko na nagpatawa sa kanya.

Tumaas ang kilay nito at umirap pa na akala mo nagyayabang.

“Wala ka pala eh! Ako nga hindi pa nag-aaral ng lagay na ito pero nauungusan na kita sa klase. Paneeeessss!” pang-aasar nito.

“Ang yabaaaaaaanggggg!!!” sigaw ko na kunwari naasar.

“Oh well. Hindi lang ako matalino, ubod pa ako ng ganda!” muli nitong pang-aasar.

“WOWWWWWWW PARANG BINABAGYO ANG KWARTO KO SA LAKAS NG HANGIN! TEKA MAKAKAPIT NGA DITO SA KAMA!” ani ko at tumawa ito.

“Oh bakit sino ba ang nanalo ng Binibining Kagandahan noong first year college tayo? Diba ako?” patuloy nito.

“Oh bakit sino naman nanalo ng Binibining Marikit nung second year? Ako diba?” pagmamayabang ko naman.

“Oh eh nung third year tayo? Sino ang nanalo nung Binibining Mayumi?” tanong nito.

Pinanlakihan ko siya ng mata na akala mo inaantay ang sagot nito.

“Oh sino?! Sige sino?! Walang nanalo sa ating dalawa nun kasi yung bagong salta sa klase natin yung nanalo” ani ko.

“Ay oo nga ano? Akala ko ako yung nanalo dun eh!” kamot ulo nito. “Siya diba yung may anghet daw?” natawa ako sa tanong niya.

“Oo parang siya nga! Kasi minsan nakatabi ko yun, wala naman kaming ibang kasama, pero ang lakas lakas ng amoy niya! Amoy sibuyas ghorl!” pag amin ko.

“Ay naku! Bukod sa may anghit ay mabaho din hininga nun! Akala mo laging may panis na laway sa bibig kasi talagang mahihimatay ka kapag nagsalita yun. Feeling ko sibuyas ang deodorant at toothpaste nung babaeng iyon!” napatawa ako ng malakas sa kanyang sinabi.

Napuno ng tawanan at asaran ang aking kwarto. Pinagpatuloy namin ang aming kwentuhan at inalala ang nakalipas na taon; kung paano nagsimula ang pagkakaibigan namin, yung mga pinagdaanan namin sa school, mga kumpetisyon na sinalihan namin, pagtakas sa klase at kung ano ano pa.

Bakas ang tuwa sa mukha ni Magdalena kaya masaya ako dahil kahit paano ay nabaling ang atensyon nito sa masasayang bagay.

Akala mo bata ito dahil tunay na tunay ang kanyang pagtawa at pati mga reaksyon nito. Para itong isang bata na tuwang tuwa kapag kinakausap ng kanyang ina. Para itong bata na akala mo unang beses nakapag laro sa labas at ineenjoy ang pakikipaglaro at pakikipag kwentuhan sa kaibigan.

Ngayon ko lang nakita si Magdalena ng ganito kasaya. Pero sa likod ng mga ngiti at tawa niya ay alam kong mapait ang nakaraan ang nasa likod nito.

Ginawa ko ang lahat para maging masaya lang ang usapan namin ngayon.

Pero natigil ang tawanan nang…

“May gusto ako kay Adonis” pagamin nito.

“Tingin ko ay hindi lang ito pagkagusto Sophia, dahil sigurado akong malalim na ang nararamdaman ko para sa kanya” dagdag nito. Tumingin ako kay Magdalena at nakitang seryoso ang kanyang mukha. “Mahal ko na si Adonis. Mahal ko siya hindi lang bilang isang kaibigan, kundi bilang isang lalake na pinapangarap kong mapangasawa”

Tila huminto ang oras at hindi ko alam ang sasabihin.

Sa limang katagang iyon, I was caught off guard.

Sa limang katagang iyon ay nakaramdam ako ng kaba.

Biglang nag iba ang mood sa loob ng kwarto at naging seryoso. Ilang segundong katahimikan ang namutawi na akala mo maririnig na ang tunog ng kuliglig.

“Matagal ko na siyang mahal Sophia at kung kaya ko lang siyang agawin sayo ay siguro ginawa ko na” dagdag nito. Mas kumabog ang dibdib ko sa sinabi niya, pero ginawa ko ang lahat upang panatilihin ang kalmado kong itsura.

Kahit na matagal ko ng alam at napapansin ang kanyang nararamdaman para sa boyfriend ko, ay iba pa din ang pakiramdam kapag inamin nito ang kanyang nararamdaman.

“Tuwing nakikita ko siya, gusto ko siyang halikan sa labi. Sa tuwing kinakausap niya ako ay gusto kong aminin na sa kanya ang nararamdaman ko” dagadag niya. “Pero, kaya kong kalimutan at talikuran itong pagmamahal ko sa kanya, Sophia. Alam mo kung bakit? Kasi mas importante ka kaysa sa kanya. Mas importante ang pagkakakibigan natin kaysa sa kanya. Kaya wala kang dapat ipagalala o ikatakot kasi hinding hindi ko magagawang agawan ka ng kahit na anong bagay, lalong lalo na si Adonis”

Ngumiti ako at binigyan siya ng malumanay na ngiti. Nakabawi ako sa epekto ng k…