AGUINALDO (39) | Balik

A-siete ng Nobyembre, Sabado. Mahigit isang linggo nang nananatili sa Batangas ang mag-anak para sa Undas.

Sa panahong iyon ay inakala ni Diane na maaayos na nila ni Dennis ang problemang kapwa nila pilit iniiwasan. Na sa kanilang pagluwas pabalik ng Maynila ay magbabalik na rin sa wakas ang katiwasayan sa kanilang pagsasama.

Ngunit nagkamali siya. At sa kanyang mga natuklasan kagabi, mukhang mas lalo pang magiging kumplikado ang mga bagay.

“Kailan pa Hon?” sambit ni Diane nang may seryosong tono.

Napakunot ang noo ni Dennis sa tanong na bumungad sa kanyang paggising. Pupungas-pungas itong napatabon ng braso pahalang sa kanyang noo upang salagin ang liwanag ng araw na tumatama sa kanyang mukha.

Kinapa niya ang kanyang telepono sa side table upang tignan ang oras ngunit wala iyon doon. Saka siya napahaplos sa kanyang mukha. Dama niya pa rin ang bahagyang kirot ng ilang tama ni Greg doon mula sa pagkakapisikalan nilang magkumpare kahapon.

Kinurap-kurap niya ang kanyang mga mata. Naaninagan niya si Diane na nakatayo sa gilid ng kama. Nakahalukipkip ito at tila inabangan siya talagang magising.

“KAYO BA NI PAM?!” muling tanong nito. Dama ang tensyon sa basag na boses na parang maiiyak sa galit.

Nagitla man sa tanong ng asawa ay sinikap ni Dennis na hindi magpaapekto. Bumangon na ito mula sa pagkakahiga, ibinaba ang mga binti sa gilid ng kama, at napasapo ang isang kamay sa kanyang kumikirot na ulo dahil sa hang-over.

“Ano bang pinagsasasabi mo Hon?! Ang aga-aga eh, pwede ba?!” angil nito habang hinihilot ng mga daliri ng kanang kamay ang magkabila niyang sentido.

“Ano’ng pinagsasasabi ko?… ALAM MO ANG SINASABI KO DENNIS!… Magmamaang-maangan ka pa?! Eh ano yan?!” maluha-luhang sagot ni Diane sabay itsa ng telepono ng mister sa may kama.

Kunot-noong inabot iyon ni Dennis. Sa kanyang pag-unlock sa telepono ay bumungad sa kanya ang thread ng mga pag-uusap nila ni Pam. Napalunok siya ng mapagtantong nabasa iyong lahat ni Diane at nakita maging ang palitan nila ng mga malalaswang pictures, voice recordings at videos.

Sa simula, noong mga panahong pilit pa niyang iniiwasan si Pam upang huwag nang masundan pa ang mga nangyari sa kanila ay maagap siya sa pagdelete ng kanilang mga chat conversations. Yung pictures naman ay sinave na lang niya sa pinakatatagong folder.

Ngunit mula noong nakatunog siya sa pagpapatuloy ng namamagitan kila Diane at Greg ay napagbuntunan niya ulit si Pam upang makaganti sa dalawa. Doon na nawaglit sa kanyang isip ang pagbubura ng kanilang mga pag-uusap lalo’t hindi naman pinapakialaman ng misis ang kanyang telepono.

Hindi pala siya dapat nagpakakampante. Dapat ay mas naging masinop siya at nanigurado na walang kahit anong ebidensiyang makikita si Diane.

Ngayon pa kung kailan matagal nang tapos ang lahat sa kanila ng inaanak ay saka pa natuklasan ng asawa ang lahat. Sising-sisi si Dennis. Hindi siya nag-ingat.

Ngunit hindi na iyon importante. Ang problema ngayon… alam na ni Diane.

“Ano, itatanggi mo pa?!” nanunuya nitong tanong.

Hindi kumibo si Dennis at ni hindi makatingin sa asawa. Tumayo ito at akmang lalabas ng silid nang harangin ito ni Diane.

“Paano mo nagawa sa’kin to Dennis!! Bakit?! Sabi mo hindi mo ko sasaktan!! Huhuhu” palahaw nito habang pinaghahahampas ng mga braso ang dibdib ng mister.

Panay ang iyak ni Diane habang kinakabog ang kanyang dibdib. Tila gustong iparamdam sa kanya ang kirot ng kalooban na iniinda nito ngayon.

Hinablot ni Dennis ang magkabilang pulsuhan ni Diane at mariin iyong hinawakan upang awatin ang asawa.

“Teka nga Diane! Bakit… Ako lang ba ang may itinatago ha? AKO LANG BA?!!”

Natigilan si Diane sa pagtataas ng boses ni Dennis. Binawi niya ang kanyang mga braso at hinimas ang mga iyon. Inasahan na niya na mauungkat din ang sa kanila ni Greg at hahantong sa ganitong sumbatan ngunit mas masakit pala kapag nadinig mo na.

Napatingala si Diane kay Dennis at sinalubong ang nanlilisik nitong tingin. Lumong-lumo at tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata dahil sa pagbalik nito ng sisi sa kanya at pag-ungkat sa kanyang mga nagawa.

“Ano ‘to Dennis… Gantihan?… Bakit si Pam pa? Para mo na siyang anak!… Nakatira siya sa bahay natin! SA PAMAMAHAY KO!!”

Hindi na sumagot si Dennis at kunot-noo itong lumabas ng silid upang magpunta sa banyo.

Paano na ngayon. Pinilit ni Dennis isipin ang dapat niyang gawin. Ang tamang gawin. Kung itatanggi man niya ang bintang, walang saysay dahil tiyak namang nabasa at nakita na lahat ni Diane ang mga ebidensiyang magdidiin sa kanya.

Iba magselos ang mga babae. Kung aminin man siya, paniguradong hindi rin ito maniniwalang tapos na ang lahat sa kanila ni Pam. Tiyak na hindi rin siya titigilan nito.

Pagkahilamos ay bumalik siya sa silid na hindi pa rin maisip kung ano ang dapat gawin. Pagpasok niya ng kwarto ay nadatnan niya sa kama ang mga damit ng kanyang mag-ina na ang iba ay nasa loob na ng maleta. Nasa may cabinet si Diane at nag-aapurang inilalabas ang iba pang mga gamit ng dalawa.

“Oh Hon, ano naman ‘to?!”

“Uuwi na kami ni JR. MAGSAMA KAYO DITO NG BABAE MO!!”

————————-

Hindi mapakali si Pam. Sa magdamag ay maya’t maya ang gising niya at panay ang silip sa kanyang telepono. Nag-aabang kung may matatanggap na siyang sagot sa kanyang mga tanong.

Habang nilalapatan niya ng lunas ang mga sugat ng kanyang papa kagabi ay sinubukan niya itong tanungin ngunit wala itong kibo kaya naman si Dennis na ang kanyang tinawagan. Nagtataka na nga kung bakit nag-away ang kanyang papa at ninong, alalang-alala pa siya ngayon dahil sa nasabi niya sa kanyang ninang na siyang nakasagot sa tawag niya kagabi.

Ganoon na lang ang pagtataka niya sa lagabugan na nadinig sa labas ng bahay kagabi. At laking gulat niya nang sa kanyang pagsilip sa ay madatnang halos magpatayan ang magkumpare sa may veranda.

Mula pagkabata niya ay ngayon lang niya nakita ang kanyang ama at ninong na nag-away. Mahigit pa sa matalik na magkaibigan ang turingan ng dalawa na para na nga ding tunay na magkapatid.

Wala siyang alam na rason para magkaalitan ang dalawa. Kaya’t ganoon na lang ang kanyang pangamba na baka nalaman na ng kanyang papa ang tungkol sa nakaraan nila ng kanyang ninong. Baka nagkasitahan ang mga ito at humantong ang pagtatalo sa pisikalan.

Kaya naman nataranta siyang tawagan ang Ninong Dennis niya kagabi upang tanungin ito. Na sa kasamaang palad naman ay nasagot ng kanyang Ninang Diane.

Kabang-kaba si Pam nang mag-ring ang kanyang cellphone at makitang si Dennis ang tumatawag. Halos matapos na ang pag-riring niyon nang kanyang sagutin ngunit hindi siya nagsalita. Pigil-hininga lamang siyang nakinig kung sino ang nasa kabilang linya.

“Hello?! Hello Pam!” Iritadong boses ng kanyang ninong ang kanyang nadinig.

“He-Hello Ninong?…”

Takot man sa reaksiyon ni Dennis sa pagkakadulas niya kagabi sa misis nito ay nakahinga na din siya na hindi si Diane ang nadinig niya. Mas hindi niya ata kakayanin kung ito ang kanyang makausap.

“Pam… Paluwas na kami. Dito ka na muna, hindi ka na muna namin maisasama.”

“Ha? Bakit biglaan ninong? Ano’ng nangyari?!” naguguluhan nitong tanong.

“Saka na muna Pam. Magulo ngayon—“

Walang ano-ano’y bigla na lang nitong pinutol ang tawag. Hindi na siya nangahas tumawag pa o ni magmessage upang magtanong. Malakas ang kutob niya na alam na nga ni Diane ang lahat kaya’t hindi na siya maaaring makituloy sa bahay ng mga ito sa Manila.

Lumabas si Pam ng kanyang kwarto at bumaba palabas sa may veranda kung saan niya nadatnan si Greg na nagkakape. Sa kanyang pagtanaw sa kalsada, maya-maya lang ay nakita na niya ang pagdaan ng sasakyan ng kanyang ninong. Di niya maiwasang makadama ng lungkot at pag-aalala sa nangyayari.

“Pa lumuwas na ata sila Ninong Dennis oh. Bakit ba kasi kayo nag-away?!” pilit na pag-uusisa nito sa ama.

“Pwede ba Pamela?… Wag mong mabanggit-banggit pangalan nung kupal mong ninong?!… Kapag bumalik ka na sa eskwela, mag-dorm ka na lang. Hinding-hindi ka na babalik sa bahay na ‘yon!” galit na hiyaw ng kanyang papa.

Hindi na nakaimik si Pam sa nadinig. Gulong-gulo man sa mga nangyayari ay minabuti na lamang niyang manahimik. Mas nangingibabaw ngayon ang pag-aalala niya para sa kayang ninong at sa asawa nito.

Kunot-noong nakatanaw si Greg sa may kalsada sa pagdaan ng sasakyan ni Dennis. Iniinda pa din ng kanyang katawan ang mga tinamong tama mula kay Dennis kagabi. Na sa kanyang isip ay di niya sinapit mula sa kumpare kung di lamang siya ganoon kalasing kahapon.

Ngunit ang mas ikinakadismaya nito ay dumating at nakaluwas ang mag-anak nang hindi man lamang niya nalapitan o nakausap si Diane.

‘Nakapuntos ka ngayon Dencio… makakabawi rin ako…’

————————-

Ni hindi na nakapagpaalam ang mag-anak sa kanilang mga katiwala na wala sa bahay nang mga oras na iyon. Kaysa hintayin pang makabalik ay nagmessage na lamang sa kanila si Dennis at inilock ang bahay at gate sa kanilang pag-alis.

Nagpupumilit man si Diane na mauna na sila ni JR lumuwas at maiwan siya doon ay hindi iyon hinayaan ni Dennis. Mabuti na nga rin na umuwi na sila nang makapag-usap. Baka mainam na din na nalaman ni Diane ang tungkol sa nakaraan nila ni Pam upang wala na siyang itinatago pa sa kanyang asawa.

Tama rin siguro na maiwan na si Pam sa Batangas. Ayaw din ni Dennis na mapagbuntunan ni Diane ng galit ang kanyang inaanak. Kung mayroon mang dapat magpaliwanag at sumalo ng galit ng asawa ay sapat na siguro na siya na lamang.

Ang tanong lang ay kung makakapag-usap kaya sila ng maayos lalo’t napakataas ng tensyon at emosyon sa ngayon.

“Hon andyan ba yung envelope ng papeles na ipinakisabay ni ate? Nadala ba?” pagbasag ni Dennis sa katahimikan noong bumabaybay na sila sa expressway.

Mula nang bumiyahe sila ay walang kibuan ang mag-asawa. Pirmi lamang nakatingin si Diane sa labas ng bintana na waring napakalalim ng iniisip. Paminsan-minsan ay nililingon ang anak na nasa may toddler car seat sa likod. Tahimik lang din ang paslit na tila nakikiramdam sa kanyang mga magulang.

“Wala. Naiwan dun sa ibabaw ng ref.” tipid na sagot ni Diane.

“Tsk. Sabi ko naman kasi isilid na sa maleta nung idinaan ni ate eh. Hayaan na nga, pa-courier ko na lang kay Paeng kaysa balikan pa natin.” dismayado nitong tugon.

“Oh edi sana kay Pam mo sinabi?… Sana si Pam ang pinag-empake mo ng mga gamit mo… Tutal inaasawa mo din pala yung inaanak mo eh! Di ba?!”

Tila nakasama pa ang sinabi ni Dennis dahil muli na namang nagsiklab ang galit ni Diane.

Napabuntong-hininga na lang si Dennis at pinilit na huwag na munang pansinin ang litanya ng asawa. Gustong-gusto man niya itong balikan ng sumbat tungkol sa namamagitan dito at kay Greg ay mas pinili niyang magtimpi.

Pinagana niya ang wiper ng oto dahil sa pagbagsak ng mahinang ulan. Kakaunti lang ang mga sasakyan sa expressway. Marahil dahil Sabado pa lamang kaya’t nakabakasyon pa din ang karamihan ng mga tao. Kung ang iba ay nagpapahinga pa, mukhang silang mag-asawa ay may susuunging giyera mamaya pag-uwi.

Iniinda niya ang ginawang pagpapatuloy ni Diane at Greg sa kanilang ugnayan. Ngunit batid niyang sadyang mas masakit kay Diane ang nalaman nito dahil wala itong kaide-ideya, kaya’t di niya ito masisi sa reaksyon nito.

Ganoon na lang din ang galit niya sa sarili sa mga oras na iyon. Pilit niyang itinuwid ang pagkakamali ngunit sa huli ay siya pa din ang nagdulot ng sakit sa kanyang asawa.

“My God Dennis… How could you?!”

Dismayadong napalingon si Diane sa mister at iiling-iling na bumaling ulit sa bintana habang pinapahid ng kamay ang kanyang mga luha. Napakasakit man kay Dennis na siya ang dahilan ng pagtangis ng kabiyak ay alam niyang makakabuti rin ang pag-iyak upang kahit papaano ay gumaan ang nararamdaman nito.

Panay ang tahimik na paghikbi ni Diane. Hinagod pa ni Dennis ang kanyang likod na padabog naman nitong hinawi ng balikat. At maya-maya’y muli na naman itong napabulalas.

“So totoo pala yung sinabi noon ni Tata Kaloy!! Alam niya ang namamagitan sa inyo ni Pam kaya sinet-up mo yung matanda?!!”

Biglang nag-init ang hininga ni Dennis sa mga nadinig. Nakaderetso lang ang tingin nito sa maluwag na kalsada ngunit salubong ang mga kilay. Tiim-bagang sa pagtitimpi habang humihigpit ang kapit ng mga kamay sa manibela.