AGUINALDO (43) | Patawad

She’s always on my mind
From the time I wake up
‘Til I close my eyes
She is everywhere I go
She’s all I know

Though she’s so far away
It just keeps getting stronger
Everyday
And even now she’s gone
I’m still holding on

So tell me where do I start

‘Cause it’s breaking my heart
Don’t want to let her go…

Maybe my love will come back someday
Only heaven knows
And maybe our hearts will find a way
Only heaven knows
And all I can do is hope and pray
‘Cause heaven knows

Nangingilid ang luha ni Dennis habang minamasdan ang hawak niyang wedding ring ni Diane at nakikinig sa kantang tumutugtog mula sa kanyang telepono. Inaaninag ang initials nila at petsa ng kanilang kasal na nakaukit sa loob niyon habang tuloy lang siya sa pag-inom.

Ang pag-uusap nilang mag-asawa na inaasahan niyang wawakas sa kanilang problema ay kabaligtaran ang kinahantungan. Tuluyan na ngang winakasan ni Diane ang lahat.

Hindi pala sapat na umamin sila sa mga salang nagawa. Hindi pala sapat na humingi sila ng patawad sa isa’t isa. Dahil sadyang napakalalim na ng sugat na idinulot sa kanila ng mga pangyayari.

Napakasakit man para sa kanya, kailangan niyang pakawalan si Diane. Kung hihilom man sila at muling magkakabalikan ay tanging ang nasa itaas ang nakakaalam.

Why I live in despair
‘Cause wide awake or dreaming
I know she’s never there
And all the time I act so brave
I’m shaking inside
Why does it hurt me so…

Maybe my love will come back someday
Only heaven knows
And maybe our hearts will find a way
But only heaven knows
And all I can do is hope and pray
‘Cause heaven knows
Heaven knows… heaven knows

Tuluyan nang bumuhos ang luha mula sa kanyang mga mata. Napasapo na lang ang mga palad ni Dennis sa kanyang mukha sa labis na panlulumo.

“Gago ako, Hon! Sorry!… I’m so sorry!” sambit ni Dennis. Yumuyugyog ang mga balikat at parang batang nagpapalahaw sa sobrang sakit na nararamdaman.

Nauunawaan niya ang pinanggagalingan ng asawa. Hindi niya masisisi si Diane sa pasya nito. Dahil maging siya man ay hindi niya magawang mapatawad ang kanyang sarili.

Doon mismo sa sofa na kanyang kinauupuan, doon nagsimula ang lahat. Ang larong inumpisahan niya na siyang naging ugat ng sanga-sangang pagkakasala. Mga kasalanang naglagay sa kanila sa masalimuot na sitwasyong kinasasadlakan nila ngayon.

Kung maaari nga lamang ibalik ang panahon. Kung pwede lang ibalik ang isang taong nakalipas ay tiyak na hinding-hindi niya pipiliin ang katuparan ng kanyang pantasya na ang magiging kapalit pala ay pagkasira ng kanyang pamilya.

Ngunit huli na. Nangyari na ang lahat. Sadyang nasa huli talaga ang pagsisisi.

————————-

Kasalukuyang kausap ni Diane ang mga magulang sa may hapag-kainan. Pagkauwi niya pa lang ay nakaabang na ang mga ito at umaasa sa magandang balita.

Ngunit bakas sa mukha ng kanilang anak na hindi maganda ang kinahinatnan ng pag-uusap ng mag-asawa. Agad din nilang napansin na wala na ang singsing sa kamay nito.

“Yun na ang best option… maghiwalay na lang kami.” malungkot na saad ni Diane.

“Eh paano si JR?! Paano ang apo ko niyan? Lalaking lito yung bata!”

Palakad-lakad ang balisang ina ni Diane. Hindi maitago ang pagkadismaya sa mag-asawa. Nangangamba para sa walang-muwang na apo na magigisnang hindi buo ang pamilya nito.

“Para sa kanya nga po ito… Ayokong lumaki siyang nakikitang nag-aaway kami palagi ng daddy niya.” mahinang tugon ni Diane.

Habang nagkakape ay kunot-noo at tahimik na nakikinig lamang ang papa ni Diane sa sagutan ng mag-ina. Tila pinag-aaralan at tinitimbang ng mabuti ang paliwanag ng anak.

“DJ… Hindi na ba talaga kayo magkakaayos ni Dennis?” diretsong tanong na nito.

“Hindi na, Pa. Masyado na kaming nasaktan pareho… Mauungkat at mauungkat lang lahat… It’s not healthy anymore for us both.”

“Dios mio! Kaya gano’n na lang?! Eh kung hiniwalayan ko ang papa mo noon edi ano, lumaki kayo ng ate mo na sira ang pamilya natin?! Ipaparanas niyo kay JR ‘yon?”

Napabuntong-hininga na lang si Diane. Inasahan na niyang sasabihin iyon ng kanyang mama. Na ikukumpara nito ang pinagdadaanan nila ni Dennis sa dating naging problema ng kanyang mga magulang.

Ngunit bawat mag-asawa ay iba ang sitwasyon at iba ang mga pagsubok na pinagdadaanan. Kaya naman iba’t iba din ang solusyon. Hindi lalapat ang isang solusyon para sa lahat.

“Magiging mabuting magulang pa rin naman kami sa kanya kahit magkahiwalay na kami… Who knows, baka maging magkaibigan pa kami ni Dennis later on… Basta balang araw maipapaliwanag ko din kay JR… at alam ko maiintindihan din niya.”

Napabuntong-hininga na lang ang ina ni Diane nang maupo ito sa kanyang harapan. Naiiling habang tinatanaw ang walang-muwang na apo na naglalaro sa may sala.

Sa mura nitong edad, kahit bulol pa ito ay nagtatanong na ito minsan kung nasaan ang kanyang daddy. Kung bakit umiiyak ang kanyang mommy. Kung kailan sila uuwi.

“Haaay… ang kawawang apo ko…” bulalas ng lola na bakas ang pagkadismaya sa tinig.

“Patawarin niyo po ako, Ma, Pa… Masakit din sa’min ni Dennis ‘to… Masakit din sa’kin!… Alam kong hindi niyo pinangarap para sa akin na magkaganito… magkaroon ng broken family… pero sana po maintindihan niyo ako…” at napayuko na lang si Diane habang tumatangis sa harap ng kanyang mga magulang.

“Oh tahan na DJ, nauunawaan naman namin ‘nak… Di mo lang maialis sa amin siyempre na mag-alala… tama na yan…” ani ng mama ni Diane na pinisil at hinimas ang braso ng anak upang aluin ito.

Tumayo naman ang papa ni Diane, nilapitan at niyakap ang umiiyak na bunso at hinaplos ang ulo nito.

“Tahan na… Kahit ano’ng mangyari anak, nandito lang kami ng mama mo para sa inyo ng apo ko.”

Sa mga sumunod na araw ay sinikap ni Diane na kumilos ng normal at ipagpatuloy ang buhay. Nagbe-bake pa din siya para sa kanyang mga kliyente at naglalaan ng oras upang makalaro at maturuan ng basic concepts ang musmos na anak.

Ngunit madaming pagkakataon na napapatulala na lamang siya sa malalim na pag-iisip sa mga nangyari. Kahit gaano siya kaabala sa mga bagay-bagay, minsan ay bigla na lang itong mapapaiyak.

Pilit na tinatanggap ang kanilang sitwasyon. Sinisikap na ikondisyon ang kanyang isip. Ngunit sadyang napakahirap.

Sa payo ng mga magulang at sa mungkahi na din ni Greg, napagpasyahan ni Diane na lumayo na muna at mapag-isa ng ilang araw. Kahit papaano, sa maigsing panahon ay makapagnilay. Baka sakaling muli niyang matagpuan ang kanyang sarili.

Kinontact niya si Greg upang magpatulong magbook sa resort ng kliyente nito. Nagkasundo silang magkita ng Linggo. Nataong may luluwasin din kasi si Greg sa Maynila nang weekend na iyon kaya’t nagprisinta na itong samahan si Diane papunta ng Batangas.

Itinigil na ni Diane ang pagtanggap ng orders at sa mga sumunod na araw ay tinapos na niya ang lahat ng nalalabing mga transaksiyon bago ang kanyang pag-alis.

Linggo ng tanghali.

“JR, be a good boy ha… play with your toys, wag laging tablet.” bilin ni Diane sa anak sabay halik dito.

“Ma, kayo na muna bahala dito kay JR ha.”

Tumango lang ang kanyang ina habang pinagmamasdan ang anak na panay ang halik sa kanilang apo habang nagpapaalam.

“Eh saan ba kasi ang punta mo? Bakit ba yaw mo sabihin sa’min?”

“Nako hindi na, Ma. Kilala ko kayo ni Papa, madudulas pa kayong sabihin kay Dennis eh. Basta tatawag naman ako madalas sa inyo.”

“DJ! Eto na, parating na yung taxi na kinawayan ko.” tawag ng papa ni Diane mula sa gate.

Hindi nagpasundo si Diane kay Greg mula sa kanilang bahay bagkus ay napag-usapan nilang magkita na lamang sa terminal ng bus. Nagdahilan siya sa mga magulang na hindi na lang magdadala ng kotse dahil wala din siya sa wisyo upang magmaneho ng malayuan at sumang-ayon naman ang mga ito.

Matapos maikarga ang kanyang mga gamit ay umalis na ang taxing sinasakyan ni Diane.

“Ah manong… may dadaanan po muna tayo ha…”

Bago dumeretso sa lugar kung saan sila magkikita ni Greg ay nagpadaan muna si Diane sa shop ni Dennis. Gaya ng inaasahan ay sarado ang pwesto. Gamit ang spare keys niya ay pumasok siya sa loob ng opisina ni Dennis at makalipas lang ang ilang sandali ay bumalik na agad sa taxi at tumuloy na sa byahe.

————————-

“Uy Diane… ok ka lang ba?” tanong ni Greg habang nagmamaneho.

“H-Ha? Oo ayos lang.”

Sa pagbagtas nila sa kahabaan ng SLEX ay kanina pa palingon-lingon si Greg kay Diane habang nakatanaw ito sa labas ng bintana. Magkwento man siya ay kundi tango lang ay maigsing tugon lang ang isasagot nito. Halatang napakalalim ng iniisip.

Hinayaan na lamang ni Greg. Iyon naman ang rason ni Diane para sa bakasyong iyon. Ang makapag-isip.

Isiningit na din nila ang pamimili ng supplies para sa ilang araw. Matapos makapamili ay dumeretso na sila sa kanilang destinasyon. Mag-a-alas quatro na nang makarating sila sa resort.

“Ang ganda pala dito, Greg…” sambit ni Diane habang minamasdan ang paligid.

Kumikinang ang dagat sa pagtama ng sinag ng araw sa ibabaw ng tubig. Malinis at maaliwalas ang kapaligiran. Dahil iilan lang ang tao ay tahimik at napakapayapa ng paligid.

Papunta sa Reception ay nadaanan nila ang isang magarbong pavilion kung saan ginaganap ang malalaking events sa resort. Nadaanan din nila ang mga beach casita na pawang nakaharap sa dagat at may glass na dingding.

“O di ba? Sayang nga, kundi lang sila sarado nung summer dahil sa COVID, yayayain ko sana kayong mag-anak na mag-outing tayong sama-sama dito eh!”

Nagkatinginan ang dalawa sa sinabi ni Greg. Napangiti ngunit kapwa din natigilan sa ideya na magsasama ang kanilang mga pamilya.

Tila sabay silang natauhan na malabo nang mangyari pa iyon sa hinaharap dahil sa gusot sa kanilang tatlo. Bukod pa sa namagitan kila Dennis at Pam na lingid kay Greg.

“Sayang nga.” tanging naisagot na lamang ni Diane.

Nang makapagcheck-in na si Diane ay sinamahan siya ni Greg papunta sa kanyang casita. Mula sa kama ay tanaw na tanaw ang view ng karagatan dahil sa salaming dingding ng malawak na silid na nakaharap sa pampang.

“Ano, ok ka na dito Diane?”

Tumango lamang ito habang patuloy na lumilibot sa silid. Tinatanaw din ang labas ng kanyang casita kung saan may malaking duyan sa ilalim ng mga puno.

“Kahit kaunti ang guests, bukas daw ang cafeteria at pwede din magpa-room service. Kung may iba kang kailangan, message mo lang ako ha para mapuntahan kita. Ilang bayan lang naman kami mula dito.”

“Sige Greg… Maraming salamat ha.”

At iniwan na nga ni Greg si Diane upang mapag-isa.

Alam niyang emosyonal ito ngayon dahil sa pinagdadaanan. Kung siya lang ay kaya niyang samantalahin iyon upang pumabor sa kanya ang pagkakataon. Ngunit may kung anong pumipigil sa kanya na isakatuparan ang matagal na niyang plano.

Matapos tumawag sa kanilang bahay ay nagbihis si Diane at nagpasyang magswimming. Inilapag niya ang bitbit na twalya sa isang recliner at dumeretso na sa tubig.

Dinig niya ang masayang tawanan mula sa mangilang taong naroon din sa resort na nagsuswimming sa may kalayuan. May ilang mag-anak at mayroon ding maliliit na grupo ng magkakaibigan.

Habang lumulutang sa tubig at tila nagpapatangay sa agos ay pinagmamasdan ni Diane ang pag-iiba ng kulay ng kalangitan sa paglubog ng araw. Mula sa asul ay unti-unti na itong nagkukulay kahel. Tanaw din niya ang pagdaan ng mga lumilipad na ibon sa himpapawid.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata habang nakadipa sa ibabaw ng tubig at nagpapalutang. Tila kinakalma ng banayad na mga alon ang kanyang katawan at isip. Huminga siya ng malalim at sinamyo ang simoy ng dagat. Pilit na ipinapanatag ang kanyang kalooban.

Masyado siyang nagpatangay sa agos. Pinabayaan niyang lamunin ng pagnanasa at kamunduhan ang kanyang mga prinsipyo at paniniwala. Sumuong siya sa kasalanan at nagtaksil sa kanyang asawa. Bagay na hindi na niya mababago pa kahit labis-labis ang kanyang pagsisisi at panghihinayang.

Paano pa niya magagawang muling pakisamahan ang kanyang kabiyak. Gayong pakiramdam niya ay hindi na siya sapat sa pangangailangan nito. At hindi na rin siya nararapat sa pagmamahal at tiwala ni Dennis.

Paano siya magagawang patawarin ni Dennis. Gayong ni hindi nga niya magawang patawarin ang kanyang sarili.

Sa kanyang pagmulat ay nagkulay lila na ang himpapawid. Ang kaninang maaliwalas na kalangitan ay unti-unti nang nilalamon ng gabi habang lumulubog ang araw.

Tinanaw niya ang pampang at napansing napalayo na siya ng husto dahil sa pagpapatangay sa alon. Agad siyang bumalikwas at lumangoy na pabalik bago pa tuluyang abutan ng dilim sa gitna ng kawalan.

————————-

Lunes.

Nasa may duyan si Diane at nagrerelax sa ilalim ng lilim ng puno habang nagbabasa ng libro. Kaaalis lang ni Greg. Dinaanan siya nito upang kamustahin at dinalhan ng mainit na pan de sal bago bumalik upang puntahan ang plantasyon.

Nakakapanibago ang kinikilos ng kumpare ngunit masaya si Diane na tila nagbalik ang dating Greg. Noon pa man ay napakamaasikaso nila ni Elsa sa tuwing uuwi silang mag-anak ng Batangas upang magbakasyon.

Hindi niya maalis sa sariling magduda pa rin sa intensiyon nito matapos ang lahat ng mga nangyari. Ngunit naroon din ang kagalakan na parang nakita niyang muli ang dating Greg. Ang dating kumpare bago pa may nagsimulang mamagitan sa kanila noong nakaraang taon.

Napabalikwas si Diane nang marinig na nag-riring ang teleponong naiwan niya sa loob ng kwarto. Nagmadali siyang bumaba ng duyan at pumasok sa glass sliding door upang habulin ang tawag.

Dinampot niya ang telepono ngunit natigilan nang makita kung kanino galing ang incoming video call. Kay Pam.

Napabuntong-hininga si Diane habang nakatingin sa screen. Hindi malaman kung dapat pa ba niyang sagutin ang tawag. Napapaisip kung ano ang pakay sa kanya ng inaanak at kalaguyo ng kanyang mister.

“Oh Pam.”

Matapos sagutin ay ipinatong niya ang telepono sa desk sa loob ng silid at naupo sa tapat niyon. Ipinaling sa bakanteng dingding bilang background upang hindi mahalata ng kausap ang kanyang kinaroroonan.

Hindi mapigilan ni Diane na bahagyang magsalubong ang kilay habang nakatingin sa screen ng kanyang telepono. Sikapin man niyang kalmahin ang sarili ay di niya maiwasang mapakunot ang noo nang makita niyang muli si Pam.

Ang inaanak ng kanyang asawa na kung ituring nito’y para nang sariling anak. Ang anak ng kanilang kumpare na nakikipisan sa kanilang bahay sa Maynila. Ang babaeng wala siyang kaalam-alam ay nagkaroon pala ng lihim na relasyon sa kanyang mister.

“H-Hi ninang… k-kamusta po…”

Parang tinatambol ang dibdib ng dalaga sa kaba. Kay tagal inipon ni Pam ang lakas ng loob upang kausapin ang asawa ng kanyang ninong.

Kanina kung kailan nag-riring na ang kabilang linya ay halos putulin na niya ang tawag dahil sa kaba. Ngunit kailangan na niyang harapin ang pinangangambahan para na din sa kapanatagan ng kanyang kalooban.

“Ano’ng kailangan mo? Ba’t ka tumawag?”

Napahalukipkip ang mga braso ni Diane sa kanyang pagkakasandal. Hindi talaga maitago sa kanyang ekspresyon at tono ng boses ang nararamdaman habang nakikita niya si Pam sa loob ng silid nito.

Maganda. Mas bata. Mukhang inosente. Ngunit mukha lang pala.

Malapit din siya kay Pam at parang naging ate na siya nito. Ngunit habang nakikita niya ang dalaga ay pilit sumisiksik sa kanyang isip ang imahe ng asawa habang kaniig ang babaeng kanyang pinagkatiwalaan at itinuring nang kapatid.

“Ninang… alam ko mahirap magpatawad… dahil napakalaki talaga ng kasalanan ko… Pero gusto ko lang malaman mo… I’m really sorry!! Pinagsisisihan ko lahat!”

Nangingilid ang luha ni Diane sa sama ng loob habang minamasdan si Pam na napasubsob sa mga palad nito habang umiiyak. Hindi malaman kung ano ang itutugon sa paghingi nito ng tawad.

“Hindi ko intensiyon na makasira ng family niyo ninang… maniwala ka sakin!”

Panay ang hikbi ng dalaga habang humahagulgol. Kahit nabubulol na sa pagsasalita dahil sa pag-iyak ay nagpatuloy pa rin ito habang tahimik na nakikinig lamang si Diane.

“Bata pa ‘ko, crush ko na si ninong… kahit alam kong anak lang talaga ang turing niya sa’kin. Nung may nangyari, iniwasan na niya ‘ko… dahil mahal na mahal ka niya… pero ako ang mapilit…”

Nag-init ang tainga ni Diane sa mga naririnig. Nanginginig ang dibdib sa pagtitimpi. Kung ano-anong masasakit na salita ang hinihiyaw ng kanyang isip at gusto niya sanang ibato kay Pam.

Malandi. Walang hiya. Makati. Walang utang na loob. Ahas.

“Maniwala ka man o hindi ninang… matagal nang tapos ang sa’min ni ninong. Yun ang totoo. Pero kahit pinagsisihan ko na ang lahat, hindi pa din ako pinapatahimik ng kunsensiya ko… kaya gusto kong sa’yo na mismo humingi ng tawad…”

Muling napabuntong-hininga si Diane. Nagbalik sa kanyang alaala ang mga naganap noong Mayo bago sila lumuwas pabalik nang Maynila.

“Pam… nakita mo sana kung paano ginulpi ng ninong at papa mo si Tata Kaloy… Pinagbintangan siyang nagnakaw!… Pinalayas ang pamilya nila… Yun naman pala… totoo yung sinasabi niya na may relasyon kayo?! Kaya siya finrame-up ni Dennis?!”

Napaahon ang mukha ni Pam sa nadinig. Tila muling nagbalik ang bangungot na iyon. Diretso itong nakatingin kay Diane at humihikbing ipinagtapat ang malagim na pangyayari na kanyang itinatago.

“Ni-rape niya ‘ko, ninang. Ni-rape ako ni Tata Kaloy.” nanlulumo nitong sambit.

Nanginginig ang mga labi at baba ni Pam habang tuloy-tuloy ang daloy ng mga luha. Napasapo naman ang palad ni Diane sa kanyang bibig dahil sa nadinig.

“Nung nakatunog si Tata Kaloy tungkol sa amin ni ninong, binlackmail na niya ako na magsusumbong siya sa’yo at kay papa… minolestiya… hanggang sa pinwersa na niya ‘ko para makuha ang gusto niya…”

“Pam! Bakit hindi ka nagsumbong?! Bakit hindi ninyo siya ipinakulong at kinasuhan?!”

“Ayokong ma-eskandalo ninang. Ayokong mapagtsismisan. Kaya please… ‘wag na sana makarating kay papa… Tanggap ko na rin naman… Iyon na siguro ang karma ko… ‘yon siguro ang parusa sa akin sa mga nagawa kong kasalanan…”

May hinanakit man ay hindi din maiwasan ni Diane na mahabag sa sinapit ni Pam. Kahit sinong babae ay hindi nararapat na pwersahin kung ayaw nito. Batid niyang habambuhay na nitong dadalhin sa kanyang isip ang traumatic experience na iyon.

“Ang gusto ni ninong noon… ipapatay si Tata Kaloy… para matigil na ang mga pagbabanta niya… Pero inawat ko siya… Hindi ako pumayag.”

Natigilan si Diane at bahagyang nakaramdam muli ng selos nang malamang kaya pala ni Dennis na kumitil ng buhay nang dahil kay Pam.

“At yun na lang ang naisip na paraan ni ninong para mawala na yung hayup na matandang ‘yon!… Frame up… Kasi nalaman ko kay ninong na pati pala ikaw… dinedemand ni Tata Kaloy na kapalit ng pananahimik niya.”

Hindi makakibo si Diane habang pilit na inuunawa ang mga rebelasyong iyon ni Pam. Hindi na malaman kung ano ang mararamdaman para dito at kay Dennis.

“Kaya pala gan’on na lang ang galit si ninong noon… kasi pati ikaw gusto idamay ng demonyong ‘yon… Kaya ginawa ni ninong ang lahat… para protektahan ka din, ninang. Para hindi na makalapit si Tata Kaloy sa atin.”

Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa dalawang babae. Kapwa dumadaloy ang luha sa kanilang mga mata. Pilit naghahanap ng sasabihin.

“Pam… Sinagip mo ang buhay ni JR… Hinding-hindi ko makakalimutan yon at habambuhay kong tatanawin sa’yong utang na loob… Dahil kung hindi dahil sa’yo… baka nawala na ang anak ko…”

“Pero sana maunawaan mo na… hindi gano’n kadaling makalimutan ang lahat ng nangyari… kasi napakasakit talaga, Pam… sobrang sakit…”

Panay man ang pahid ni Diane ng kamay sa kanyang mga pisngi ay patuloy pa rin ang pagdaloy ng mga luha. Ngunit kahit naroon pa rin ang sakit at galit, kahit papaano ay malaking bagay ang ginawang pag-amin ni Pam at paghingi nito ng tawad sa kanya.

“Naiintindihan ko ninang… Sapat na sa akin na pinakinggan mo ‘ko… Maraming salamat…”

————————-

Martes.

Kasalukuyang nag-aagahan ang mag-aama sa hapag-kainan. Hindi napigilan ni Greg na pagsabihan ang kanyang unico hijo dahil sa paggamit nito ng telepono sa lamesa.

“Oy Kyle, hindi ba rule ko ‘yan… bawal ang cellphone sa lamesa? Ikaw, kung magpuyat ka kaka-CP mo… kakain lang hindi ka pa maawat saglit dyan?”

“Sorry, Pa…” paghingi ng binatilyo ng paumanhin at agad na ibinulsa na ang telepono nito.

“Ayan kasi…” pang-aasar naman ni Pam.

“Ikaw Pam, mano bang turuan mo ‘yang kapatid mo sa mga gawaing-bahay. Sabi ni Manang pati kwarto nyan siya pa naglilinis?!”

Napatikom na lang ang bibig ni Pam sa paglipat sa kanya ng sermon ng kanilang papa. Nginisihan naman iyon ni Kyle at may kasama pang sipa sa ilalim ng mesa upang inisin ang kanyang ate.