Sa anak na lalaki na si William, nag-ipon si Doray ng sari-saring bahagi ng isang motorsiklo, at ang mga ito’y isa-isang ipinadala sa pamamagitan ng balikbayan box. Sa tiyaga at haba ng panahon ay nakabuo ng isang motorsiklo si William. Naging pang-araw-araw na transportasyon niya ang maganda at matulin na motorsiklo. Gamit niya ito sa pagtungo niya sa eskwela at sa pag-uwi sa hapon. Maingat magpa-andar ng motorsiklo si Wiliam. Nguni’t hindi sapat ang pag-iingat kung may nagbabadyang kapahamakan. Minsan ay may taxi na nakasagi kay William. Napatilapon siya mula sa motorsiko at bumagsak sa kalye na una ang ulo. Nabagok ang kanyang ulo sa aspalto at nawalan ng malay. Salamat na lamang sa Diyos at hindi nasagasaan ng mga dumadaang sasakyan si William, habang ito ay nakahandusay sa kalye. Tumigil ang mga sasakyan at may mabubuting tao na tumulong sa kanya. Nadala siya sa ospital, nalapatan ng emergency procedure at nakaligtas naman sa muntik na kamatayan.
Sa mga balikbayan box na ipinapadala ni Doray sa pamilya, laging may nakasingit na chocolates, cookies, corned beef, junk food, at iba’t iba pang pagkaing-Amerikano, na nakasiksik sa sulok-sulok ng kahon. Ang kanyang ina naman na si Aling Tessie ang nagtatamasa sa mga padalang ito, sapagka’t mahilig siyang magkakain ng tsitsirya. Di malaon ay nagkaroon ng mga sintomas ng diabetes at blood pressure si Aling Tessie, at ito ay natiyak ng doctor na sumapit na nga kay Aling Tessie, nang siya’y kumunsulta sa klinika. Nagkasakit si Aling Tessie sanhi ng pagkain ng matatamis at maaalat na pagkaing mula sa Amerika.
Naging larawan ng pag-unlad ang pamilya ni Doray. Batid ng mga kapitbahay ang biyayang dumarating mula sa Amerika na nakapagpaluwag sa kabuhayan ng mag-anak. Hindi maitatago ang sunud-sunod na dating ng mga balikbayan box sa tahanan ng pamilya ni Doray. Ang bulag lamang ang di makapapansin sa mga dumarating na malalaking kahon na matingkad na dilaw ang kulay at kinakailangang dalawang lalaki ang bumubuhat dahil sa bigat ng mga ito. Ang mga kapitbahay, dahil sa matinding inggit, ay naging malamig ang pakikitungo sa mag-anak ni Doray.
Ang balikbayan box ni Doray ay naging bukal ng paglililo at pagdaraya ng asawa, ng paghihimagsik at kapabayaan ng anak na babae, ng kapahamakan ng anak na lalaki sa motorsiklo, ng sakit ng ina, at ng inggit ng mga kapitbahay. Ang pakay niya ay makapagdulot ng ligaya, kabutihan at ginhawa, ang maibahagi sa mga minamahal sa buhay ang maliliit na pilas ng America; upang maranasan nila, nang bahagya man lamang, ang lasa ng “gatas at pulot-pukyutan”. Nguni’t ang naging bunga nito ay hilahil at kasamaan.
Natakot si Doray sa nangyayari sa kanyang pamilya. Nabahala siya sa sunud-sunod na suliranin at kapahamakan na dumating sa kanyang mag-anak. Naramdaman niyang ibig na niyang bumalik sa Pilipinas, upang magampanan niya ang papel ng isang ina at makagawa siya ng mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na paglubog ng kanyang pamilya sa malalim na balon ng kapahamakan.
Isang araw ay may dumating na limang balikbayan box sa tahanan nina Doray sa Sta. Quiteria. Tuwang-tuwa ang mag-anak ni Doray na mayroon na namang dumating na maraming magagandang padala ang nagsusumakit na ina sa Amerika. Hindi pa nakikita ang laman ng mga kahon ay napapangarap na ni Mario ang mabibikas na damit at sapatos na maipagmamayabang sa mga kaibigan. Nananabik naman ang anak sa mga dvd ng pelikula, at ang kanyang ina at ama, sa mga corned beef na pabortio nilang pang-almusal. Nang buksan ang mga kahon, ang nakita ng pamilya na nilalaman ng mga kahon, ay mga lumang damit na pambabae, mga lumang sapatos at handbag, mga gamit sa kusina, mga retrato at sari-saring abubot na pambahay. Malaking sorpresa! Ano ang ibig sabihin nito, naisip ng bawa’t isa.
Kumililing ang telepono at may long distance call mula sa Los Angeles. Si Doray ay nasa linya.
— Mario, — sabi sa asawa, — uuwi na ako; ang arrival ko ay sa Miyerkoles na darating. Sunduin ninyo ako sa airport. Ang dumating na mga balikbayan box ay naglalaman ng mga kasuotan ko at sari-saring gamit na personal. Ipakilagay na lamang sa kuwarto natin ang mga kahon at ako na ang maglalabas at mag-aayos sa mga nilalaman nila pagdating ko diyan. Kumusta si Susan? Si William? Ang tatay? Ang nanay?
Namutla at nagitla si Mario sa naririnig at nakikitang pangyayari. Ang mga bata naman ay nangingiti sapagka’t kahi’t hindi inaasahan ang mga pangyayari, maluwag sa loob nila na wala nang tatanggaping pasalubong sa pamamagitan ng balikbayan box mula noon, kung ang ina naman nila ay uuwi na. Wala nang pasalubong na hihigit pa sa pagbabalik ng isang napawalay na ina.
Sa huli ay napagtiyak ni Doray na ang mahalaga sa buhay ay ang pagkakaisa ng kanyang mag-anak. Mahalaga ang salapi at mahalaga rin ang karangyaan, nguni’t ang mga ito ay hindi maaaring maging kahalili ng pagsasama-sama ng pamilya, sa hirap man at sa ginhawa. Mahalaga ang pagiging nandiyan ng isang ina sa tuwing siya ay kailangan ng asawa at anak. Mahalaga ang pagbabantay sa pamilya, bilang ina, at ang pagpapanatili na nagliliyab ang ilaw ng tahanan na nagbibigay-gabay sa landas na tinatahak.