ni Lamberto B. Cabual
NAKATAWAG ng pansin ko ang isang babaeng palakad-lakad at pabalik-balik na para bang may hinahanap sa ikalawang palapag ng SM sa Pallocan West, Batangas City. Nilapitan ko siya.
“Alright ka ba?”
“Hindi e, nalaglag ang wallet ko.”
“Sa lugar bang ito nalaglag?” tanong ko.
Patuloy siya ng paglakad-lakad, “Oo, kasi, hawak-hawak ko pa kanina nang nasa escalator ako. Tiyak kong dito lang.”
Tumulong ako sa paghahanap. Sumulyap siya sa akin.
Sa isang sulok na malapit sa escalator, natagpuan ko ang wallet. Pinulot ko iyon, “Ito ba ang hinahanap mo?”
Bigla ang pagbadha ng tuwa sa kanyang mukha. “’Yan nga! Sa’n mo nakita?”
“D’yan sa malapit sa escalator. O, heto, ingatan mo at hawakan mong mabuti, baka malaglag na naman.”
Napayakap siya sa akin, “Naku, maraming salamat!”
“Wala ‘yon. Sige, ingat ka lang.”
Papaalis na ako nguni’t hinawakan n’ya ako sa braso. “Teka muna.”
Nakita kong kumuha siya sa wallet ng pera. “Tanggapin mo ito.”
“H’wag na lang, itago mo na ‘yan.”
Hindi niya ako napilit na kunin ang pera. Talagang matindi ang pagtanggi ko.
“Kung ayaw mong tanggapin ito, baka naman pu’edeng samahan mo akong kumain. Mag-aalauna na rin e. Magtatanghalian ako. Sige na, please!”
Sa pakiusap niya’y napahinuhod ako at natagpuan ko ang aking sariling kasama niya sa Max Restaurant ng Mall.
Siya ang umorder ng pananghalian.
“’Buti’t tinulungan mo ako at ikaw ang nakatagpo ng aking wallet. Kung hindi, baka nakita ng iba at hindi na napabalik sa akin.
“Importante ba ang laman?”
“Napakahalaga, nandito kasi lahat ang aking mga access at credit card. Narito rin ang mga resident at email address ng karamihan sa mga kaibigan ko.”
Nang maidulot na ng waiter ang pagkain patuloy kami ng pag-uusap habang kumakain. Napansin n’ya ang madalas kong pagbulos ng kaldereta.
“Mukhang paborito mo ‘yan. Order pa ako ng isa.”
“A, tama na ito. Inuubos ko nga lang e.”
Ang totoo, talagang gutom na ako noon. Marami ang kinain ko at nang makatapos kaming kumain, busug na busog ako, at nagliwanag ang isip ko…pati ang aking mga mata.
Noon ko napagwaring maganda pala ang tinulungan ko na nag-anyaya sa akin ng pananghalian. Noon ko nakitang may nangungusap siyang mga mata kung nagsasalita, may hugis-pusong mukha na tila masasalamin ang isang anghel, may matangos na ilong na bumagay sa maninipis na labi…at may ngiting nakahahalina…pagkatamis-tamis.
Naramdaman ko ang paghangang nagpapitlag sa aking puso at nagkainteres tuloy akong makilala siya.
Ako muna ang nagpakilala. Matapos kong sabihin ang ngalan ko at ang iba pang bagay tungkol sa akin, nagpakilala naman siya.
“Si Belen ako…Belen Ledesma.”
“Singer ka siguro.”
“Ba’t mo nasabi iyan?”
“Kaapilyedo mo si Kuh Ledesma e, kamag-anak mo ba siya?”
“A, hindi, wala akong relasyon doon, saka hindi ako singer. Kumakanta rin ako, pero kung nasa banyo lang. Sintonado pa nga e.”
Napangiti ako at iniba ko ang usapan. Gusto ko kasing alamin kung may boy friend na siya. “Baka makita tayo rito ng boy friend mo at magselos siya.”
“A, wala ako n’yan,” nakangiti siya, “ walang magkamali e.”
Lumawig pa ang aming usapan, at napagkasunduan naming maging magkaibigan.
“May ibibigay ako sa ‘yo.”
“Ano ‘yon?” tanong ko.
May kinuha siya sa kanyang shoulder bag, “Ito…huwag mong tatanggihan, dahil pag tumanggi ka, babawiin ko ang pakikipagkaibigan sa ‘yo.”
“Okay, tatanggapin ko, takot akong mawalan ng kaibigan.”
Iniabot niya sa akin ang isang dasalan. “Gagamitin mo ‘yan, ha? Pag ginamit mo ‘yan maaalaala mo ako.”
Mapitagan kong tinanggap ang munting aklat, “Thank you, umasa kang gagamiting ko ito.”
Sabi ko, dadalawin ko siya sa kanila. Pumayag siya. Ibinigay rin niya sa akin ang kanyang address. Kinamayan ko siya at hinagkan sa pisngi bago kami naghiwalay.
NANG nasa bahay na ako, sanhi ng pananabik, binuklat ko ang bigay na dasalan ni Belen. Binasa ko ang mga pahina at kinagiliwan ang nilalaman niyon. Nasa dasalang ito ang mahahalagang bagay na dapat malaman ng isang Kristiyano.
Noong una pa man ay may ideya na ako sa mga simpleng bagay at kaisipang dapat malaman ng tao tungkol sa Diyos. Relihiyoso ang mga magulang ko at pinalaki nila akong isang mabuting Katoliko. Lay minister si Daddy sa Parokya ng Santisima Trinidad, ang bagong gusaling simbahan na hindi kalayuan sa aming tahanan.
Nguni’t sa dasalang bigay ni Belen, higit na naging malinaw sa akin ang kahalagahan ng sakripisyo ng misa. Na ang misa ay isang binalangkas na pagdiriwang. Na ang bawa’t bahagi nito ay bumubuo ng magkakaugnay na pagpupuri at pag-aalay sa Diyos.
Umantig sa akin ang malalim nitong kahulugan, mula sa pambungad na pagsisising humihingi ng awa ng Panginoon, sa pakikinig ng mga Salita ng Diyos, sa Liturhiya ng Eukaristiya, sa paghahandog ng ating sarili at ng pagtanggap sa Panginoon, hanggang sa katapusan na nagsusugo sa ating isabuhay ang ating pagiging Kristiyano.
Nabasa ko rin sa dasalan ang tungkol sa pangungumpisal sa Pari. Tila bugtong itong umukilkil sa aking isipan. Sa isip-isip ko, bakit ba kailangang mangumpisal sa Pari, at hindi tuwirang mangumpisal sa Diyos?
Dahil sa si Daddy ay makatigil-tigil na sa simbahan, nagba-Bible Study at sumasama sa mga Ispiritwal na mga pagpupulong, kinausap ko siya. Baka ‘ka ko siya ang makasasagot sa bugtong na nasa isip ko.
Ikuwento ko muna sa kanya ang pagtatagpo namin ni Belen Ledesma at ang pagbibigay nito sa akin ng isang dasalan na tila ba may hiwagang nagtutulak sa akin upang mag-usisa.
“Mukhang tinamaan ka yata sa dalagang ‘yon a.” kumindat siya, “baka naman hindi ang laman ng dasalan ang bumabalisa sa iyo, kung hindi siya.”
“Dad, pareho pong bumabalisa sa akin,” pagtatapat ko, “si Belen at ang bigay niyang dasalan.”
“A, palagay ko’y in-love ka na nga,” may tonong birong wika niya, “gusto mo bang magtanong ng epektibong paraan ng panliligaw?”
“Hindi po, Dad,” sagot ko, “nasa edad na po ako para magkaroon ng sariling diskarte.”
“O, e…ano’ng gusto mong malaman?”
“Tungkol po sa Sakramento ng Pagkukumpisal.”
“Sige, magtanong ka, anak.”
“Bakit po kailangang mangumpisal sa Pari,” nakatingin ako sa isang pahina ng dasalan, “gayong p’wede namang mangumpisal nang direkta sa Diyos?”
“Ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay hindi isang simpleng proseso,” sumeryoso ang mukha ni Dad. “Ang pagpapatawad ay dumaraan sa dalawang mahahalagang hakbang.”
“Ano po’ng mga hakbang ‘yon?”
“Una, ang kapatawaran sa lupa na ipinagkakaloob ng mga apostol batay sa iniwang tungkulin ng Panginoong Hesukristo sa mga ito.”
Mataman akong nakikinig.
“At ikalawa, ang kapatawaran sa langit na makakamit lamang kung nakamtan na ang kapatawarang ipinagkaloob ng mga apostol,” huminga siya nang malalim. “Sa simpleng pag-aanalisa, ang kapatawaran ay kinakailangan munang matanggap dito sa lupa bago makatanggap ng kapatawaran sa langit.”
“Sino po ba ang mga apostol?” nakatingin ako kay Dad. “At bakit tayo lamang pong mga Katoliko ang nangungumpisal sa Pari, na tao ring katulad natin?”
“Ang tinutukoy kong mga apostol ay ang Papa, mga Obispo at mga Pari.”
“Bakit po naman natin sila itinuturing na mga apostol ni Kristo?”
“Romana Iglesia Katolika lamang ang tanging relihiyon sa buong mundo na may pamunuan na nagmula sa mga unang apostol ng Panginoong Hesukristo,” paliwanag ni Dad. “Mula kay San Pedro na itinuturing na unang Papa ng Simbahan, malinaw na matutunton mula sa mga aklat ng kasaysayan ng Iglesia ang mga sumunod pang mga Papa. Gayundin naman ang mga Obispo at mga Pari ay kasama sa pamunuang nabanggit.”
“Gayon po ba, Dad,” pahiwatig kong nagsisikap na maunawaan siya.
“Oo, anak ,” ipinatong niya ang kamay niya sa balikat ko. “Samakatuwid, kung ang mga gawain at awtoridad ng mga apostol ay naisalin sa mga sumunod pang mga pinuno ng Simbahang Katoliko, malinaw na masasabing kasama sa mga tungkuling ito ang tagubilin ni Kristong magpatawad ng kasalanan.”
“Dad, salamat po sa paliwanag n’yo.”
Halata marahil ng aking ama na may mga tanong pa ring nagtitining sa aking isipan. “Ang lubusang pagkaunawa ng mga bagay ng Diyos ay nagmumula sa puso at sa tibay ng pananalig,” aniya. “Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan ngayon!”
ARAW ng Sabado. Aywan ko kung bakit may kung anong kapangyarihang nag-uutos na magsimba ako nang araw na iyon. Nagbihis ako at nagpasiyang sumimba.
Taglay ko ang lumang dasalang galing kay Belen at ginamit ko ito sa pakikiisa sa sakripisyo ng misa. Taimtim akong nanalangin.
Nang dumating na sa bahagi ng Bidding Prayer, at sabihin ng namumunong manalangin ng pansariling kahilingan, naalala ko si Belen.
“Pangalagaan mo po, Diyos ko, si Belen. Mula po nang magkakilala kami’y hindi na siya nawalay sa isipan ko. Pagindapatin mo po sana ako sa kanyang pakikipagkaibigan sa akin. Aywan ko po, Panginoon, nguni’t dama ko pong umiibig ako sa kanya. Kung magkatugon po ang aming mga damdamin, makaaasa po kayong magkasama kaming maglilingkod sa inyo.”
Sa pagkukumonyon, hindi ako makapaniwala nang makita kong kasama sa mga nakapila roon ang dalagang di mapawi sa puso ko—si Belen. Nagsimba rin pala siya. Nang makapangumunyon, marahan akong bumalik sa luhuran. Naramdaman kong lumapit siya at doon din lumuhod.
Nang matapos ang misa, nag-usap kami.
“Nandito ka na ba nang magsimula ang misa?” tanong ko.
“Oo, nasa pangatlong upuan ako sa gawing likuran mo.”
Magkasama kaming lumabas ng simbahan.
“Belen, di ba sabi ko sa iyo noon, papasyal ako sa inyo?”
“Alam ko.”
“P’wede bang mamayang gabi kita pasyalan?”
“Sige, kung gusto mo. Bukas ang tahanan namin para sa lahat.”
“Mamayang gabi darating ako, ha?”
“Hihintayin kita.”
Kinagabihan dinalaw ko si Belen sa kanilang tahanan. Ipinakilala niya sa akin ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Kay babait nila at kay huhusay tumanggap ng panauhin.
“’Yong pangako mo sa aking lagi mong gagamitin ang dasalang bigay ko sa ‘yo, aasahan ko, ha?” may lambing na wika ni Belen nang kami na lamang ang nag-uusap.
“Pangako, Belen, lagi kong gagamitin iyon.”
Namayani ang katahimikan sa aming dalawa.
“May sasabihin ka ba?” binasag niya ang katahikang iyon. “Alam kong magkaibigan tayo kaya gusto mo akong pasyalan. May mahalagang bagay ka bang sadya sa akin?”
Sa loob-loob ko, tila nababasa ni Belen ang damdamin ko.
Hindi muna ako nakapagsalita. Subali’t makalipas ang ilang saglit ay binuo ko sa aking sarili ang pasiyang ipagtapat ang damdaming nararamdaman ko para sa kanya.
“Belen, h’wag mo sanang ikagagalit,” mahina datapwa’t matatag ang tinig ko, “mula nang magkakilala tayo’y hindi ka na nawaglit sa isip ko.”
“Bakit naman?”
“Mahal na mahal kita…pinakaiibig…at nais kong ikaw ang maging katuwang ko sa buhay sa habang panahon.”
“Tiyak mo ba ang damdamin mo?”
“Oo, handa akong ibigin ka habang buhay,” minasdan ko ang kanyang mga mata, “at kung katugon ng damdamin mo ang damdaming kong ito…handa kitang pakasalan.”
“Maraming salamat sa pagtatapat mo at sa pag-uukol mo sa akin ng ganyang damdamin… nguni’t…”
“Nguni’t ano?”
“Mayroon na akong kompromiso sa Panginoon…Nakatakda na akong maging alagad niya…nakatakda na akong maging isang madre.
Natigilan ako sa kanyang sinabi, humulagpos sa dibdib ko ang isang malalim na buntunghininga…at gumilid ang luha sa aking mga mata.
“H’wag mong ipagdamdam ang sinabi ko,” hinawakan ni Belen ang aking kamay. “Ayaw kong makitang nalulungkot ka!”
Nang magpaalam ako’y inihatid niya ako sa tarangkahan ng kanilang tahanan.
“Bye, Belen,” may panglaw sa boses ko. “Hangad ko ang tagumpay mo sa tungkuling nais mong gawin.”
Hindi siya sumagot. Nakatungo siya.
Inihakbang ko ang aking paa na patungo sa kotse ko.
Subali’t pinigil niya ako…biglang niyakap…at sa dibdib ko’y umiyak siya nang umiyak.
Niyapos ko rin siya nang mahigpit.
Yanig ang balikat niya at dinig ko ang mahina niyang paghikbi, “Alam mo ba…mahal na mahal din kita!”
Hindi ko napigilang hagkan siya…sa noo…sa pisngi…at sa huli… naghinang ang aming mga labi. Luhaan ang aming mga mata…humihingal kami kapuwa.
Nang magbalik sa katinuan, nagulumihanan kami…hindi makakibo…litung-lito…at hindi malaman ang gagawin.
Naisip ko ang bigay na dasalan ni Belen. At nanariwa sa diwa ko ang huling sinabi ni Dad nang mag-usap kami. “Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan ngayon!”