Maligno: Mga itim na nilalang
BY: BladeMaster_Elven
CHAPTER 6
PAUWI na si Apo Adoy nang mapahinto ito sa paglalakad.
Nakaramdam siya ng panganib sa paligid. Hindi normal ang katahimikan ng gabi. At alam na niya ang maaring mangyari kapag ganoon ang sitwasyon.
Isa iyong babala.
Binilisan niya ang paghakbang. Ngayon ay tanaw na niya ang kanyang bahay. Hindi na baleng mahulog siya sa maputik at madulas na pilapil. Ang mahalaga’y makarating siya kaagad bago pa mangyari ang kinatatakutan niya.
“Efraim! Efraim!” umaalingawngaw ang kanyang sigaw habang tumatakbo sa iilang dipa na lamang ang layo niyang bahay. “Efraim!”
“Si Tiyo Amado!” sabay namang napatayo ang dalawang naghahapunan at sinilip siya sa bintana.
“Magandang gabi ho, Mang Amado,” bati ni Rheanna subalit hindi ito pinansin ng matanda.
“Madali ka, Efraim! Isara mong lahat ang mga bintana at tiyaking nakakandado ang pinto!”
Tuloy-tuloy na sabi nito nang nasa may balkonahe pa lamang. Diretso kaagad ito sa loob ng kusina at mahigpit na isinara ang pinto doon.
“May problema ho ba, Tiyo?” Nagugulumihanang tanong ni Efraim. “May nakaaway ho ba kayo sa labasan?”
Subalit tila hindi nito narinig ang pagtatanong ng pamangkin. “Iyong mga bintana sa kuwarto ninyo! Isara mong mabuti at tiyaking kahit hangin ay hindi makakapasok!”
Nagpalitan ng tingin sina Rheanna at Efraim. Kapwa nagtataka sa ikinikilos ng matandang lalaki. At kung ano man ang dahilan ni Tiyo Amado ay pareho rin silang kinakabahan.
Walang kaparis ang takot na nakabadha sa mukha ng albularyo. Kahit si Efraim ay ngayon lamang nakitang takot na takot ang kapatid ng kanyang ama.
“Doon tayo sa aking silid,” sabi ni Tiyo Amado sa mahinang boses nang masigurong nakasara na ang buong bahay.
Sumunod sa kanya ang dalawa.
“Bakit ho kayo ginabi, Mang Amado?” Si Rheanna na naaalangan pa rin ang nagtanong.
“Kanina pa ho namin kayo hinihintay ni Efraim. Nag-aalala na nga ho kami na baka may masamang nangyari sa inyo.”
Tinitigan lamang ni Tiyo Amado ang mga ito. “Makinig kayong dalawa sa sasabihin ko,” hindi pa rin nagbabago ang reaksyon ng mukhang sabi niya. “Hindi ko akalaing mangyayari ang lahat ng ito. Dumating na ang kinatatakutan ko!”
“Hindi ko ho kayo maintindihan, Tiyo Amado,” Sabi ni Efraim.
“Efraim, mapanganib ang paghahanap sa lagusan! Maaari mong ikamatay… ninyong dalawa ni Rheanna! Subalit kailangan nating subukan bago mahuli ang lahat!”
Napamaang ang binata. “Ano hong ibig ninyong sabihin?”
“Iyong ikinuwento mo sa akin tungkol ‘ika mo sa computer na nagsasabing may lagusan…
ay totoo! Pero hindi ko alam kung sino ang may pakana niyon. Ang tungkol sa lagusan ay matagal nang lihim. Nasa Bundok ng Matungao ang daan patungo roon ngunit hindi ko alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng pader na lagusan!”
“Maaring napuntahan ko na ‘yun!” Sabi ni Rheanna. “Kaya lang parang may time space warp sa lugar! Mahirap makita. May mga bagay na nangyayari pero hindi ko maipaliwanag.
Doon kami nawala ni Ralph. Pero hindi ko alam kung paano ako nakabalik!
“Hindi lamang kayo ang nagtangkang hanapin ang lagusan,” nakayukong sabi ni Tiyo Amado. “Marami na. At lahat sila ay nangamatay.”
Napalunok si Efraim. “Ano hong dapat naming gawin?”
“Noong una ay inisip kong makabubuti kung hindi na kayo tutuloy dahil siguradong ikapapahamak ninyo. Pero…”
“Pero ano, Tiyo?”
“Kailangan ng mga enkanto ang tulong ninyo!”
Sa tinatakbo ng kanilang usapan ay halos walang maintindihan sina Efraim at Rheanna. Kung magsalita ang kanyang Tiyo Amado ay parang ganoon lamang kadaling puntahan ang daigdig ng mga engakanto!
“Totoo ho ba talagang may engkanto?” Lakas-loob na tanong ni Rheanna.
Tinapunan ni Efraim ng makahulugang tingin ang dalaga. “E, Tiyo,” sabi ni Efraim. “Iyon hong lumikha ng website sa computer, kilala ba ninyo? Ibig ko hong sabihin ay alam din ba ng mga engkanto ang tungkol dito?”
“Hindi,” umiiling na sabi nito. “Higit na kapahamakan ang dulot ng makabagong teknolohiya, hindi lamang sa mga tao kundi sa iba pang nilalang na nabubuhay sa daigdig. May kutob akong isang tao na naghahanap rin sa lagusan ang gumawa niyon. Posibleng nakabalik siya sa ating daigdig at plano niyang muli itong hanapin sa pamamagitan ng paggamit sa ibang tao. Kaya maraming sumuong sa panganib… at nawala na lamang na parang bula!”
“Nakabalik? Ibig sabihin ay natagpuan na niya ang lagusan?” Tanong ni Efraim.
“Wala pang nakakatagpo sa lagusan, ni isa mang taong nakakapasok sa mundo ng mga lamang-lupa,” tugon ni Apo Adoy nang umupo ito sa may gilid ng kama. “Isang lugar na mahiwaga….”
“Ano ho talaga ang hiwaga sa engkantadong gubat, Apo Adoy?”
“Minsan pa lang akong naisama doon ni Mazoorka. Mapanganib at mapanlinlang ang dakong iyon.”
“Si Mazoorka ay ang engkantadang puting-puti na nagpakita na rin sa akin,” paniniiyak ni Efraim.
“Leihgna ang tawag sa lahi niya,” ani Apo Adoy. “Para rin silang mga tao. Tulad rin nating may mga paa at kamay ngunit dalawa lamang ang mga daliri, na malambot at parang bulak na ubod ng busilak.”
“Paano ho silang nakakatayo kung napakalambot pala ng kanilang katawan.”
“Nakakalutang sila sa hangin kahit na walang pakpak.”
Napatango ang dalawang nakikinig. Pilit inilalarawan sa isip ang hitsura ng mga Leighna.
“May iba pa ho bang klase ng mga engkanto?” Si Rheanna.
“Marami. Pero sila lamang ang kilala ko. At maaring sa paghahanap ninyo ay makita ninyo ang iba pang uri ng mga lamang-lupa at mga maligno! At tama ang hinala mo, Efraim, ang pinuno ng mga Timawa ng gubat na si Juvai ang pumatay sa kapatid ko!”
Napatiim-bagang si Efraim. Gaano mang panganib ang susuungin niya, lalo lamang niyong pinalalakas ang loob niya para ipaghiganti ang ama.
“Bakit ganoon na lamang ang galit ng mga ito sa ama ni Efraim?” Kinilabutan si Rheanna.
“Hindi sa ama niya kundi kay Efraim! Malaking insulto para sa engkantong si Juvai ang pagkatalo nito noon kay Efraim! Madalas sabihin sa akin ng mga kaibigan kong lamang-lupa kung paano nito pinaghahandaan ang paghihiganti sa pamangkin ko.”
“Hindi ako natatakot sa kanya!” Nagpupuyos ang kalooban ni Efraim. Nakahanda na siya sa kung ano pa man ang maaring mangyari.
“Higit na malakas at maraming kampon si Juvai ngayon. Ewan… hindi ko pa rin maintindihan. Ngunit may is…