Ang paglalakbay
BY: BladeMaster_Elven
CHAPTER 6
“HUWAG na huwag ninyong kalilimutan ang bilin ko,” paalala ni Tiyo Amado sa dalawang aalis. “Pipiliin ninyong mabuti kung sino man ang pagkakatiwalaan ninyo. Maraming mapanlilnlang na nilikha sa pusod ng gubat. At kung sakali mang mapahamak kayo, hawak ninyo ang susi na magliligtas sa inyo!”
“Opo, Tiyo, “ sabi ni Efraim na nagmano pa sa itinuturing niyang pangalawang ama. “Mag-iingat din po kayo. Umasa kayong muli kaming babalik na dala ang bagong pag-asa para sa atin at sa marami pang buhay na nasa daigdig.”
Nakangiting tumango si Tiyo Amado. “Alam ko, anak. Alam ko.”
“Tutuloy na ho kami, Apo Adoy,” pamamaaalam ni Rheanna. “Maraming salamat po. Sa maikling panahon ng pagtigil ko sa bahay ninyo ay naramdaman ko kaagad na kabilang ako sa itinuturing ninyong kapamilya. Tatanawin ko pong malaking utang na loob ang lahat ng kabutihang ipinakita ninyo sa akin.”
“Walang anuman iyon, hija,” sabi nito. “Laging nakabukas ang pinto ng bahay ko sa sinumang nangangailangan ng aking tulong. O siya, sige na, tumuloy na kayo at baka abutin pa kayo ng dilim sa daan.”
Pagkatapos muling humalik sa kamay ng matanda ay umalis na ang dalawa. Bitbit ng mga ito ang tig-isang knapsack na halos pagkain at ilang damit lamang ang laman. May dala rin silang banig at makapal na kumot na p’wede nilang gamiting tulugan at pahingahan saan mang lugar sila abutin ng gabi.
“Patnubayan nawa kayo ng Dakilang Lumikha! “sigaw ni Apo Adoy nang malayo na sina Efraim at Rheanna. “Hanapin ninyo ang sinag ng araw na nag-iiba-iba ng kulay! Malapit na roon ang daan patungo sa laguasan! Mag-iingat kayo!” Umalingawngaw ang tinig na iyon ng matanda ngunit hindi tiyak kung malinaw na nakarating sa pandinig ng magkasamang umalis.
“HINDI ka ba natatakot sa haharapin natin, Rheanna?” tanong ni Efraim pagkakita sa suson-susong hanay ng mga malalaking puno na iilang dipa ang layo sa kanila. Iyon ang pinakapasukan patungo sa engkantadong gubat. Ang masukal at mapanganib na kagubatang susuungin nila para mahanap ang lagusan.
“Natatakot siyempre,” mabilis na tugon ng dalaga. “Nanggaling na ako dito at alam ko kung gaano kapanganib ang lugar na ito. Pero alang-alang sa nobyo kong si Ralph, hindi na ako nagdalawang-isip pa na bumalik para hanapin siya.”
Tila may kumurot sa dibdib ni Efraim pagkarinig sa sinabing iyon ni Rheanna. “Mahal na mahal mo siya, ‘no? Ang s’werte naman niya!”
Pumormal ng mukha ang dalaga.
“Naniniwala ka bang buhay pa nga ang nobyo mo?” tanong ni Efraim pagkaupo sa ilalim ng punong akasya. Nasa pinakabunganga pa lang sila ng kagubatan. “Pahinga muna tayo. Nakakapagod!”
Naupo rin si Rheanna sa ilalim ng puno. Ngunit mahigit isang dipa ang layo nito mula kay Efraim.
“Ewan,” ani Rheanna. “Basta ang alam ko, ayaw kong tuluyang mawala ang natitira ko pang pag-asa na magkikita kaming muli.”
“At kung hindi natin siya makita?”
“Ganoon din sa naramdaman mo nang mawala ang Itay mo ang mararamdaman ko.”
Natahimik si Efraim.
“Ako naman ang magtatanong sa’yo, Ef,” sabi niya. “Hindi ka ba natatakot sa haharapin natin ang mga pagsubok. Isa pa wala itong kasiguruhan, hindi ba?”
Inabutan muna siya nito ng isang pirasong tinapay at mineral water bago tumugon. “Natatakot din siyempre. Sino ba namang hindi?,” anito. “Sino ba namang hindi natakot na humarap sa isang bagay na hindi tiyak kung ano ang kahahantungan? Pero sa dami ng mga bagay na ikinuwento ni Tiyo Amado, inilagay ko na rin sa isip kong may pag-asa pa para mahanap natin ang lagusan. At isa pa, inspirasyon ko ang pagkamatay ni Itay sa gagawin nating paghahanap.”
“Naisip ko, Ef,” sabi niya. “Kailan mo nalaman ang tungkol sa website?”
“Nito lang nakaraang dalawang linggo,” sagot nito. “D’on sa bago kong nilipatang apartment sa Sampaloc. May dating tumira doon na nakaiwan ng computer. Pinakialaman ko! Doon ko nga nabuksan ang website na nagsasabing may pabuya sa sinumang makakakita sa lagusan.”
“Hindi mo man lang ba naisip na baka kagagawan lamang iyon ng taong matalino pero sadyang planong manloko o manggudtaym ng kapwa?”
“Naisip ko na rin iyon noong una,” sabi ni Efraim. “Pero may ibang bagay pang nangyari pagkatapos, e!”
“Ano?”
Tumayo si Efraim at pagkuwa’y pinagpag ang puwitan ng suot nitong pantalong maong na kupasin. “Madalas ay may nagpapakita sa aking white lady! Si Mazoorka…”
Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa gitna ng gubat. Sa relong pambisig ni Efraim ay mag-iikatlo pa lang ng hapon ngunit sa dakong iyon ay tila mag-iikaanim na. Ni isang silahis ng araw ay walang makapasok sa makapal at nagtatayugang mga punongkahoy.
Musika naman sa pandinig ang huni ng mga ibon at iba pang mga hayop sa loob ng gubat. Marami ring ligaw na halaman at mga bulaklak na nakalatag sa dinadaanan nina Rheanna at Efraim. Ngunit tiyak nilang malayo pa ang pinakapaanan ng Bundok Matungao. Ang mga matataas na talahib ang palatandaan na malapit na sila sa bundok na kanilang pakay.
“Madilim na sa banda roon,” anang binata na sinundan ng pagsulyap sa suot na orasan.
“Pero mag-aalas kuwatro pa lang pala.”
“Anong gagawin natin?”
“Dito na muna tayo magpapalipas ng gabi, Rheanna,” sabi ni Efraim. “Mas ligtas tayo rito dahil wala pang gaanong matataas na damo. Doon tayo,” sabi niyang itinuturo ang malaking puno ng balete.
“S-sigurado ka?” Kinakabahang tanong ng dalaga. “Puno iyan ng balete, hindi ba.”
“Alam ko. Dito kita naabutang walang malay. Natatakot ka ‘no? Alam mo, Rheanna, kahit saang bahagi ng gubat na ito ay mapanganib. Ibig sabihin, walang pinagkaiba kung saang ilalim man ng puno natin piliing magpahinga.” Pagkasabi ay nagpatiuna na siya rito
Pagdating sa sinasabi niyang puno ay agad niyang inilatag ang dalang banig at inilabas ang isang makapal na kumot.
“Dito ka muna,” aniya. “Maghahanap ako ng mga tuyong dahon at sanga para makapagsiga tayo.”
“Iiwan mo ako dito?” Napataas ang boses ni Rheanna.
“Oo, pero babalik din ako kaagad. At kahit anong mangyari ay huwag na huwag kang aalis dito!” Mahigpit ang bilin na iyon ng binata.
“Sumama na lang kaya ako sa’yo, Ef…