Ang lagusan
BY: BladeMaster_Elven
CHAPTER 8
MAY nasumpungang isang batis sa pinakapusod ng gubat sina Rheanna at Efraim kinabukasan. Doon na sila naligo at nagpalit ng damit.
Maraming prutas sa paligid ng batis na napakalinaw ng tubig. Papaya, saging at lansones ang inalmusal nila. Busog na busog tuloy ang dalawa nang lisanin nila ang lugar.
Sa pagalalakad ay napadpad sila sa isang bahagi ng gubat na may nakatayong isang munting kubo. Nagtataka man ay punong-puno ng pananabik na tinungo iyon nina Rheanna at Efraim.
“Tao po!” Tawag ni Efraim sa may pinto.
“Magandang araw po! Tao po!” Sigaw rin ni Rheanna sa tapat naman ng nakasarang bintana.
“Wala yatang tao!” sabi ni Efraim pagkatapos siyasatin ang buong paligid. “Baka abandonado na ang bahay na ito.”
“Sigurado ka?”
“Walang tao, e! Pero mabuti na rin kung ganoon,” aniya. “May isang lugar tayong masisilungan.
“Kumatok ka uli at baka natutulog lamang ang may-ari,” sabi ni Rheanna.
“Tao po! Tao po!” Muli ay tawag niya. Ngunit wala pa ring sumasagot. “Wala talaga. Pasukin na kaya natin?”
“Sige, “ sang-ayon nito.
Marahang itinulak ni Efraim ang pinto. At nang ganap niya iyong mabuksan ay halos lumuwa ang mata niya sa nakitang tanawin sa loob.
“Rheanna…” Hindi makapaniwalang tawag niya sa kasama.
“B-bakit – “ Maging ito ay napamulagat sa nakita.
Ginto at hindi sira-sirang pawid ang dingding ng munting kubo. Maliwanag na maliwanag sa loob. Kumikislap ang lantay na ginto sa bawat sulok ng bahay!
“Bahay ito ng engkanto!” Iyon kaagad ang mga katagang lumabas sa bibig ni Efraim. “Umalis na tayo rito! Mapapahamak tayo!” Aniyang hinatak si Rheanna ngunit humulagpos ang kamay ng dalaga at naiwan ito sa loob.
Walang kaginsa-ginsa’y yumanig ang buong paligid. Unti-unti, tila kahong tumutupi ang munting kubo.
“Rheanna! Lumabas ka!”
“Tulungan mo ako, Efraim! Hindi ako makaalis! May humihila sa akin!”
Nang sumilip si Efraim ay nakita niya ang sinasabi nitong humihila sa kamay nito. Mga tao ring tulad nila na marahil ay nasilaw sa kinang ng ginto at nilamon ng bahay na iyon hanggang hindi na nakalabas pa ang mga ito.
“Rheanna!” anang isang tinig.
“R-Ralph?” Gimbal ang dalaga pagkakita sa nawawalang nobyo. “P-paanong–“
Umiiyak si Ralph. “Patawarin mo ako,” sabi nitong pilit inaabot ang kamay ni Rhenna subalit tila nakagapos ang katawan nito at hirap na hirap makakilos. “Nasilaw ako sa maraming kayamanan sa loob ng kahong ito! Ngunit ang lahat ng ito’y patibong ng engkantong si Juvai! Papatayin n’ya tayo! Kaya’t umalis na kayo habang may panahon pa!”
“Tutulungan ka namin, Ralph!” Sabi ng dalagang umiiyak na rin at awang-awa sa nakikitang kalagayan ng kasintahang matagal nang nawawala. “Hindi ako papayag na hindi kita kasama pag-alis ko dito!”
“Hindi natin kaya si Juvai! Makapangyarihan siya at maraming mga alagad! Ngunit may isang tanging paraan para magapi ang mga engkanto…”
“Anong paraan?” Si Efraim na hindi nakatiis na huwag magtanong.
“Ang lagusan… hanapin ninyo ang lagusan!” pagkasabi niyon ay biglang umusok ang katawan ni Ralph at hindi pa naglilipat-sandali’y abo itong lumagpak sa makintab na sahig ng bahay.
“Ralph!” Parang papanawan ng ulirat si Rhenna! “Ralph!”
Nagkaroon ng malakas na pagyanig. Kung hindi nakakapit si Efraim sa mga sanga ng punongkahoy na katabi ng bahay ay nabuwal na siya. “Abutin mo ang kamay ko! Bilisan mo!” Sigaw ni Efraim. Naabot naman ni Rheanna ang kamay niya. Nang mahawakan ito ay ubos-lakas niyang hinatak ang dalaga palabas.
Eksaktong nailabas niya si Rheanna nang tuluyang sumara ang kubo. At kamangha-manghang naging isa itong maliit na kahon, singlaki lamang ng kahon ng sapatos .
“Salamat po, Diyos ko!” Naiusal ni Rhenna. “Muntik na tayong mapahamak! Pero si Ralph…” Napahagulhol na naman ito ng iyak.
Niyakap ito ni Efraim. “Wala na tayong magagawa, Rhenna… Napakahirap mabuhay sa engkantadong gubat na ito,” nailing na wika ni Efraim. “Tama si Tiyo Amado. Kung hindi mo susundin ang tibok ng iyong puso ay hindi mo malalaman kung ano ang totoo!” Di nagtagal ay napakalma rin ng binata ang kalooban ni Rheanna.
“Tingnan mo, Efraim! Ang Bundok ng Matungao! Malapit na tayo!” Nagtititiling yumakap ito sa kanya. “Sa wakas, malapit na tayo!”
Umiling siya. “Hindi pa, Rheanna,” aniya. “Huwag ka munang magsaya. Hindi pa nag-uumpisa ang tunay na laban. May iniwang banta ang engkantong itim na si Juvai. At hindi natin batid kung kailan o saan siya muling magpapakita para makipagtuos. Ngunit ganoon pa man, marami na siyang isinugong alagad niya. Baka doon pa lamang ay hindi na tayo magtagumpay!”
Natahimik ang dalaga. Alam din kasi nito ang katotohanan ng mga sinabi niya. Bago pa ang Bundok Matungao kung saan naroon daw ang silahis ng araw na nag-iiba-iba ng kulay na siyang palantadaang malapit na sila sa sinasabing lagusan patungo sa daigdig ng mga engkanto.
“Halika na, Rheanna,” pag-aaya niya. “Mahirap nang maunahan pa tayo ng mga engkantong itim! Siguradong sa mga oras na ito ay may binabalak na si Juvai at ang mga kampon nito!”
HABANG papaalis ang dalawa ay lihim na natutuwa si Mazoorka. Mula sa batis ay nakalutang sa hanging sinundan niya ang mga ito. At nagagalak ang engkatadang Leighna sapagkat kahit maliliit pa lamang na mga pagsubok ang dinaanan ni Efraim ay nakasisiguro naman siyang dala nito ang pag-asa.
“Sa wakas ay nakatagpo rin ako ng tunay na alagad ng Lumikha,” masayang wika ng engkantadang Leihgna. Umiikot-ikot pa ang malalaki at puting-puti nitong mga mata na tanda ng malaking kagalakan.
“Hindi pa ito ang oras ng pagbubunyi, Mazoorka,” anang tinig na sa likod niya.
Si Zikriyol, isang lalaking Leighna. Kumakampay-kampay ang malapad nitong mga tainga na parang sa elepante. Iyon ang tanging kaibahan ng lalaki sa mga babaing Leighna. Ang malalapad nitong mga tainga.
Ang babaing Leighna, may maliliit na butas sa gilid ng magkabilang mga mata. Doon sila nakakarinig. At ka…