Kalalabas lang ni Lyn mula sa ospital. Hindi siya susunduin ni Tim. Tumawag ito kanina sa kanya. Hindi maipaliwanag ni Lyn yung mga pagbabago sa kanyang katawan. Ilang umaga na, na napuna nyang parang gusto nyang masuka. At sa hapong ito, parang gustong-gusto nyang kumain ng itlog na maalat. Nagtataka siya sapagkat isa ito sa mga ulam na hindi nya gustong kainin. Pero parang may nagdidikta sa kanyang utak na kailangan nyang kumain nito.
At di kalayuan sa gate ng ospital ay may isang grocery store na nagtitinda ng itlog na maalat. Mabilis siyang pumasok sa loob ng grocery store at agad na tinungo ang mga tray ng itlog na maalat, Kumuha siya ng tatlong piraso. Dinala nya sa counter at binayaran. Hindi niya napansin na isang itim na van ang humimpil sa may harap ng grocery store. Paglabas na paglabas ni Lynn sa pintuan ng grocery store, mabilis na lumapit ang dalawang lalaki na sakay ng van. Aral ang kanilang mga kilos. Walang limang minuto ang ginugol ng dalawa at agad nilang naisakay ang doktora sa nakahimpil na itim na van.
“Sir, nakuha na namin yung target. We’ll go to rendezvous.” Lihim na napangiti si Arnie ng marinig ang sinabi ng kausap sa walkie-talkie. Parang gusto nyang tumalon sa tuwa. “Ok, keep the target safe. See you at rendezvous.”
Pinaharurot ni Arnie ang minamanehong Mercedes Benz. Magkakaroon na ng katuparan ang kanyang obsesyon na maangkin ang magandang doktora na bumihag sa kanyang puso. ” Hindi mo pagsisisihan Dra. Abarrientos na maging reyna ng kaharian ni Arnulfo Alcantara!” Sabi nya sa isip nya. At muling sumagi sa isipan nya ang maamong mukha ng doktora. Ang magagandang mata nito. Ang biloy sa magkabilang pisngi na parang kay-sarap-sarap hagkan. Ang alindog nitong nagpapainit sa kanyang imahinasyon!
Buo na ang plano nya, pagdating sa lugar ng kanilang tipanan ng kanyang mga personal na mga bodyguard na inatasan nyang kumidnap sa doktora, nandoon na sa paliparan ng Legaspi City Domestic airport ang kanilang private jet. Ililipat nya ang doktora sa kanyang Mercedes Benz para dalhin sa airport. Nakahanda na ang kanilang flight kinabukasan papuntang Switzerland.
Nagising si Lynn mula sa pampatulog na ipina amoy nung dalawang lalaki na dumukot sa kanya sa harap ng grocery store at natagpuan nya ang sarili na nasa tabi ang nagmamanehong si Arnulfo Alcantara. Binabagtas na nila ang matarik na daan papuntang Legazpi City Domestic Airport. Ang unang pumasok sa isip ni Lynn ay si Tim. Nahuhulaan na nya ang gustong mangyari ng katabi. Ipinadukot siya nito. Naramdaman ni Lynn ang pagsulak ng pagkasuklam sa lalaking katabi. At bilang instinct, bigla niyang inagaw ang manibela sa katabi. Nagulat ito. Hindi nya namalayan na nagising na ang magandang doktora. Matulin ang takbo ng Mercedes Benz. Nang kinabig ni Lynn ang manibela ng sasakyan, instinct din na agad itong binawi pakabig ni Arnie. At hindi nya napansin ang paglitaw ng humahagibis na trak ng kopra sa kabilang linya. Huli na para maiiwas nya ang sasakyan. Pero nagawa nyang kabigin ito para iiwas sa direktang pagsalpok ang bahaging kinaroroonan ni Lynn. Parang isang milagro na hindi sumalpok sa kasalubong na trak ang minamanehong sasakyan ni Arnie. Pero hindi ito nakaiwas sa pagkahulog sa gilid ng daan.
May wisyo pa si Arnie ng dumating ang ambulansya na tinawag ng mga nakasaksi sa aksidente. Naipit siya sa manibela ng sinasakyan. Kung hindi sa airbag, malamang mas malaki ang pinsala na natamo ni Arnie. Subalit mas higit ang kanyang pag-aalala sa sakay na doktora, Tumama ang ulo ni Lynn sa dashboard ng kotse. Wala pa rin itong malay hanggang sa ipasok sila sa ER ng Albay Doctors Hospital.Parang hindi alintana ni Arnie yung pagkawala ng kanyang pakiramdam mula sa kanyang tiyan hanggang sa kanyang balakang. Ang nasa isip nya ang kalagayan ni Lynn. Sa mga sandaling ito lalo nyang naramdaman ang marubdob na pagmamahal sa sakay na doktora, At parang gusto nyang magsisi sa kanyang nagawa.
” Ano na namang kalokohan ito, Arnie?” Malumanay, pero dama nya ang tinitimping galit sa boses ng ama.Kinabukasan na ng ito ay dumating sa ospital na kanilang kinaroroonan. Wala pa ring malay si Lynn na inilipat na sa isang pribadong kwarto kasama ni Arnie.
“At sino naman siya?” Inginuso ng amang dating senador ang nasa kabilang kama,
“Fiancee ko siya Dad, si Dra. Lynn Abarrientos.” Pagsisinungaling ni Arnie. Papunta kami ng airport magbabakasyon sana kami sa Swizerland…” Tuloy-tuloy nyang pagsisinungaling.
Tiningnan ni dating senador Manuel Alcantara ang nasa kabilang kama na sinasabi ng anak na fiancee nito. “Maganda ang babaeng nasa coma pa.” Naisip ng dating senador. “Mukhang propesyonal yung babae at talagang maganda!” Napapailing ang ama ni Arnie.
“Tinawagan ko yung personal doctor natin sa Manila, papunta na siya anumang oras ngayon. At dadalhin natin ang fiancee mo sa Manila para ma-check up ng mabuti kung ano talaga ang kalagayan nya, at hindi pa siya nagigising.” Pagtatapos ng ama ni Arnie. Kailangan ding ma-xray ang ibabang bahagi ng katawan ni Arnie. May takot sa dibdib nya habang pinakikiramdaman ang sarili, lalo na ang kanyang ‘alaga’ na parang walang ‘pakiramdam’.
Hindi mapalagay si Tim habang nasa sasakyan siya. Kanina pa hindi sinasagot ni Lynn yung texts nya. At kapagka tinatawagan nya ito doon sa iniregalo nyang StarTAC, palaging ‘out of coverage area‘. Ilang beses na rin nyang tinawagan ito sa landline. Sabi ng katulong na sumagot, hindi pa raw ito nakaka-uwi sa kanila. Tinawagan nya ang ospital na pinaglilingkuran nito, umuwi na raw ito pagkatapos ng shift sa ospital. “Ano ba ang totoo? Tanong nya sa kanyang sarili.
Malakas ang kanyang kaba. At nag-aalala siya para sa katipan- na maybahay na nya. Pinaharurot nya ang dalang owner-type na jeep. Kailangang makarating siya sa Albay. Kailangan nyang alamin kung ano ang nangyari kay Lynn.
Si Leah ay nasa kanyang kwarto ng mga sandaling iyon. Nalaman nya kay Tim na nagbabalak itong tanggapin ang offer na fellowship ng isang University Hospital sa Australia. So, hindi na pala kailang i-sponsor ng kanyang ama ang batang propesor. Ang kailangan lang ay matiyak nya ang eksaktong lugar sa Australia na pupuntahan nito. At doon din siya pupunta upang magpaka-dalubhasa. “At titiyakin ko propesor Artemio Domingo na mahuhulog ka sa aking kariktan.” Napapangiti si Leah sa naisip. At naramdaman nya naaantig ang kanyang pagkababae maisip lang nya ang batang propesor. Hindi nya makalimutan yung dulot na init ng bisig nito na sumapo sa kanyang bewang ng sinadya nyang matumba kunwari doon sa may bar nang gabi sa unang araw ng symposium sa Sorsogon City. Subalit parang biglang siyang nakaramdam ng yamot ng naalala nyang ganon din ang ginawa ng sinasambang propesor kay Dra Abarrientos nung akmang natapilok ito sa hallway ng hote…