Ang Kalapitbahay

May asawa’t mga anak na rin si Nanding. Tahimik ang kanilang buhay ngunit kilala siya sa lugar namin na mahusay makisama. Katunayan madalas na may nag-iinuman sa bahay nila. Ang mga kainuman niya ay ang kanyang mga barkada roon sa lugar namin.

Dala ng mahigpit na pangangailangan, lakas-loob akong pumunta sa kanila. Ang kanyang asawa ang una kong nakausap ngunit mabuti pa raw kung si Nanding ang diretsong kausapin ko dahil hindi siya ang humahawak ng pera nila. Tinawag si Nanding at paglabas ay iniwan kami ng kanyang asawa sa kanilang sala.

Bago pa ako nakapagsalita ay inunahan na ako ni Nanding. Kung sadya ko raw ay humiram para sa anak kong nakulong ay walang problema. Lumukso ang puso ko sa labis na katuwaan. Hindi na ako nahirapang kausapin pa sila at parang siya na mismo ang nag-alok ng tulong sa akin. Laking pasasalamat ko sa kanila at nangakong babayaran agad kapag nagkaroon na ako ng pera kahit ang totoo ay hindi ko pa naiisip kung saan ko naman hahagilapin ang ipambabayad sa kanila.

Ngunit bago ako umalis ay mahigpit ko siyang pinakiusapan na huwag na huwag makakarating sa kaalaman ng aking asawa na humiram ako sa kanila. Nangako naman si Nanding at sabi pa nga sa akin ay naiintindihan daw niya na nag-aaway ang mag-ama ko.

Lumabas ang anak ko ngunit hindi siya umuwi sa amin. Pumupunta lang siya kapag alam na wala ang kanyang ama. Ako naman ay problemado na sa dami ng kompromiso. Lalo na nang pinuntahan ako ng anak ni Nanding at pinatatanong daw ng kanyang ina ang hiniram ko. Wala akong maisagot at sinabihan ko na lang ang bata na pupunta ako sa kanila.

Tuliro ako at hiyang-hiya habang kausap ko ang kanyang asawa na medyo may kasungitan ng araw na kausapin ko. Buti na lang lumabas si Nanding at siya na raw ang bahalang makipag-usap sa akin tutal sa kanya ako personal na humiram.

Inamin ko ang totoo kay Nanding na wala pa akong maibabalik kahit magkano sa aking hiniram. Naunawaan naman niya ako at pumayag na kapag nakaluwag na ay saka ko na lang ibibigay sa kanya ang hiniram ko. Hiyang-hiya ako ngunit kailangan kong kapalan ang aking mukha.

 

 

 

 

Mga Pahina: 1 2