Ang Pag-Ibig ni Rizal

— Ang lalong matatamis na alaalang pinitas sa sanga ng walang-kamatayang pakikipagsapalaran ng ating bayani sa larangan ng pag-ibig, ang atin ngayong matutunghayan.

— Si Rizal, katulad din ng lahat ay may puso at sa pitak ng pusong iya’y minsan ding namugad ang pag-ibig.

I.

Kung may kamaliang maituturing sa panig ng mga nagsisulat ng talambuhay ni Dr. Jose Rizal ay walang iba kundi ang pagtutulad sa kanyang katauhan sa isang Bathala at hindi sa isang karaniwang taong may mga paang putik.

Dahilan diya’y lumabo na tuloy ang mga dapat lumiwanag na kabanata sa kanyang buhay lalo na ang nauukol sa kanyang pag-ibig sa pangunang matuwid na ang pag-ibig na ito kailan ma’y hindi kinilala ng mga pangunahing manunulat ng kanyang talambuhay na isang damdamin ng kabataan o isang damdaming katugon ng karaniwang tibok ng puso. At, tanggapin man sakaling ang pag-ibig na iyan ng Bayani ng Kalamba’y nabuo sa isang dakilang damdaming makabayan, dili iba kundi ang pag-ibig sa kanyang Tinubuan, sukat na kanyang dahilan iyan upang huwag na mabatid ng mga huling salin ng lahi ang tunay na damdamin ng kanyang puso?

“Fiat Lux.” Pabayaan nating magkaroon ng liwanag. At ang liwanag na hinihintay ng abang maykatha nito’y walang iba kundi ang ilaw ng katotohanan. Sapagka’t naniniwala’t nananalig pa ang maykatha nito na sa pagkakabunyag ng malalabong kabanatang ito sa buhay ni Dr. Rizal ang kadakilaan niya sa puso ng bayang nagmamahal at halos sumasamba sa kanyang pagka-bayani’y hindi magbabawas bahagya man, bagkus magiging lalo pa ngang dakila dahilan sa lalong naging malapit at matapat ang kanyang larawan sa kanila.

Sapagka’t kung hindi magiging matapat ang pagbubunyag ng kanyang kabanata sa pag-ibig, ang panahon ng kanyang kabataan, na masasabing simula ng pag-aalab ng kanyang damdaming makatao’y maaaring mapakubli at hindi mahirang ang lalong maningning at kapupulutan ng aral na bahagi nito.

Bilang unang palatandaan ng isang maselang na damdaming naghahari sa kaluluwa ni Dr. Rizal sa maagang panahon pa lamang ng kanyang kabataan ay ang malabis niyang pagmamahal sa tula. Napukaw sa kanya ang damdaming-makata sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina at ng matandang kapatid na si Saturnina na “nag-atas” sa batang si Pepe na magmahal at mag-aral ng mga bagay na may kinalaman sa sining at sa klasiko. Ang mga aklat ni Saturnina hinggil sa mga paksang nasabi’y pinatutunghayan sa kanyang kapatid kaya’t sa loob ng dalawa pang taon, ay nangyari nang mabasa niya pati ang Bibliyang Kastila. Nang nakasusulat na si Pepe at sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina ay nangyaring makalikha ang bata ng isang tulang may mga kamalian, datapuwa’t may mga kamalian ma’y nagpapakilala rin ng matayog na lipad ng diwa’t tanging salamisim.

Bago siya tumuntong sa kanyang ika-walong taong gulang ay nakasulat siya ng isang dula, na itinanghal sa isang kapistahan ng nayon, at sa kasiyahan ng kapitan munisipal, siya’y pinagkalooban noon ng dalawang pisong gantimpala. Gayon din naman, sa gayon ding gulang, ang mga tala ng kasaysaya’y nagsisiwalat na siya’y nakalikha ng isang tulang inihandog sa kanyang mga kababata. Anopa’t sa gayong maagang pagkakagising ng kanyang damdaming-makata, ang kanyang kudyapi’y umunlad at tumaginting sang-ayon sa damdaming inilalarawan ng pihikan niyang diwa. Katibayan nito’y ang kanyang tulang Un Recuerdo a Mi Pueblo (Isang Gunita sa Aking Bayan) na nagpapasariwa’t nagbibigay ng mga alalahanin hinggil sa kanyang kamusmusan sa Kalamba – sa bayan niyang sinilangan.

“Murang kamusmusan,
bayang iniibig,
Bukal ng ligayang walang
kahulilip
Ng mga awiting kapana-panabik
na nagpapatakas sa lungkot at pait!

Magbalik kang muli sa
puso ko’t dibdib,
Magbalik na muli,
sandaling nawaglit!
Magbalik sa aking
katulad ng pipit
Sa pamumukadkad ng
bulaklak-bukid.”

Ang tulang iyan ay sinulat noong 1876 nang maglalabinlimang taong gulang pa lamang ang ating bayani at nang siya’y nagsisimula pa ng pag-aaral sa Ateneo.

Kung ang layon nati’y ang sumulat hinggil sa kanyang pagka makata’t sa mga nalikha niyang tula, tayo’y makapagpapatuloy nang walang sagabal. Walang ibig na ipakilala sa mga talatang sinundan kundi ang maagang pagkakagising kay Rizal ng isang diwang-makata na ang ibig sabihi’y lalong handa ang kanyang damdamin sa tibok ng puso. Maaaring ang tibuking ito’y dahilan lamang sa diwang maka-sining sapagka’t ang diwang-makata’y may pag-ibig na matapat sa sining, datapuwa’t sa ibabaw niya’y hindi maikakait na handa na nga ang damdaming may init at sigla ng kabataan upang isaalang-alaang ang ano mang tibukin ng puso.

Nasa kabataan ang ating bayani, noon. Nguni’t talambuhay niya — at dito nagkakaisa ang mga pangunahing manunulat na nang siya’y labing-animing taon pa’y nakarama na ng “masasal na tibukin ng puso”. Ang tibukin ng pusong ito’y ukol ni Pepe sa isang dalagitang nag-aaral sa Kolehyo ng “Concordia”, kay Segunda Katigbak. Ang mga pangyayari sa bahagi ng buhay na ito ng bayani ay naganap pagitan ng Abril hanggang Disyembre ng 1877.

Ang isang kapatid na babae ni Pepe, si Olimpia, ay isa ring kolehiyala noon sa nasabing kolehiyo at matalik na kaibigan ni Segunda (Gunding). Kung dumadalaw si Mariano, kapatid na binata ng huli, ay nakakasabay si Pepe, sa pagdalaw sa kapatid naman nito — kay Olimpia nga. Sa tuwing darating si Pepe sa kolehiyo’y nasasalubong niya sa tanggapan ng mga panauhin si Segunda at nag-uusisa agad kay Pepe kung nais na makausap ang kapatid.

Bilang gunita sa mga araw na yaon ng kanyang unang pag-ibig, ang mga unang bugso ng damdaming naghahari sa puso ni Pepe, ay lalong kaakit-akit manamnam sa sariling paghahanay din niya:

“Itinatanong niya (ni Gunding) sa akin kung anong bulaklak ang aking naiibigan. Sinabi ko sa kanyang ibig ko ang lahat ng bulaklak, datapuwa’t lalong higit ang maiitim at mapuputi.
Isinagot naman niya sa akin na nais niya ang mga puti at rosas, at pagkatapos ay nag-isip siya.”

“May kasintahan ka ba?”, tanong niyang bigla sa akin makaraan ang ilang saglit.

“Wala!” ang tugon ko. “Kailan man ay hindi ako nagkaroon ng kasintahan, sapagka’t walang sino mang dalagang pumapansin sa akin.”

“Ikaw ay baliw! Ibig mo bang kumuha ako ng isa para sa iyo,” tanong ng dalaga.

“Salamat sa inyo,” ang wika kong lipos ng pamimitagan, “nguni’t di ko ibig na abalahin pa kayo.”

“Nagunita kong may nagbalita sa akin na siya (si Gunding) ay ikakasal sa darating na Disyembre, kaya’t magalang akong nag-usisa, at siya naman ay tumugon sa lahat at bawa’t isang katanungan ko.”

“Dadalaw ba kayo sa inyong bayan sa Disyembre?”

“Hindi”, ang tuyot na sagot niya.

“Ibinalita nila sa akin na may malaking pistang idaraos sa inyong bayan, at kayo’y magiging isa sa mga punong-abala.”

“Hindi”, ang wika niyang kasabay ng pagtawa. “Nais ng aking mga magulang na ako’y mamahinga na, nguni’t di ko nais, sapagka’t nais ko pang manatili dito ng limang taon!”

At isiniwalat ni Rizal, pagkatapos na sila’y nagpatuloy sa pag-uusap, ng iba’t ibang matitimyas na “kabaliwan ng kabataan”. Nang sumunod na mga pagkakataon, si Pepe at si Gunding, ay parang nag-kakahulihan na ng loob, na hindi maikakait na katugon na ng tibukin ng puso. Aywan kung sa anong himala at nangyaring maipagtapat ni Gunding kay Pepe ang ganito:

“Nalalaman mo kaya kung gaano kalungkot sa akin, kung ikaw’y mapalayo pagkatapos na tayo’y magkakilala? Halimbawa’y hindi ako makipag-iisang-dibdib?” at dalawang patak na luha ang nalaglag buhat sa magagandang mata ng kolehiyala.

Datapuwa’t nababatid ni Rizal ang kalagayan ng dalagita. Napipinto na ito upang makipag-isang-dibdib sa isang lalaking matapat na umiibig at umaasa.

Dumating ang Disyembre at kailangang dumating din naman ang sandali ng paghihiwalay. Si Pepe’y nagbalik na sa kanyang bayan, si Gunding ay gayon din. Nguni’t sa lansanga’y nagkatagpo sila – si Pepe’y nakasakay sa isang kabayo at si Gunding nama’y sa isang kalesa — walang nagawa si Pepe kundi yumukod bago ngumiti samantalang ang dalagita nama’y nagwasiwas ng panyolitong nag-aanyaya upang sumama o sumunod sa kanya ang binata. Datapuwa’t si Rizal na nakawawatas sa tunay na kalagayan ni Gunding na nakatakda na ang pakiki-isang-kapalaran sa isa namang matapat na umiibig ay nagpasiyang salungatin ang simbuyo ng damdamin ng kabataan. Noon di’y ipinihit ang kabayo sa ibang landas, sapagka’t naniniwala siyang maaaring siya ang maging dahilan ng pagkapalungi, kung sakali, ng matapat na pag-ibig ng isang lalaki’t binatang katulad niya. Ayaw niyang maging kaapihan ng iba ang ikaliligaya niya.

Nakaraan ang kabanatang ito ng isang pag-ibig na malungkot sa ating bayani, nguni’t siya’y maalam na lumunas sa sugat ng kanyang puso. Nababatid niyang panaho’y isang dalubhasang manggagamot at ito ang tiyak na lulunas sa sugat ng kanyang puso, yamang siya’y maaaring makalimot at ang paglimot na ito’y maaaring sa pamamagitan din ng paghanap ng ibang pag-ibig na kundi man higit ay sadyang kanais-nais upang magpaalab na lalo sa kanyang likas at dakilang pagmamahal sa Tinubuang Lupa.

Mga Pahina: 1 2 3