“Malayo pa ba tayo Sarge?”, tanong niya ke Sgt Pal, ang nagmamaneho sa dala nilang Kennedy Jeep.
“Malapit lapit na tayo Sir, papasok na tayo sa pinaka barangay”, ang tugon naman ng sarhento.
“Klik”, tunog ng lighter.
“Isang stick muna tayo Sarge”, sabay abot niya sa kaha ng sigarilyo at panindi.
Naalala niya ang kanyang cellphone. Dinukot ito sa bulsa ng tactical bag, kinabitan ng headset, at pinatugtog ang kanyang playlist, “emo.”
I see forever when I look in your eyes
You’re all I ever wanted
I always want you to be mine
Let’s make a promise till the end of time
FireHouse.
When I look into your eyes
Isa sa mga pinakapaborito niyang kanta, sinabayan niya ng hithit …
Edwin…
1st Lt Edwin F. Santos
Tatlong taon nang naglilingkod bilang opisyal ng Hukbong Katihan ng Pilipinas. Binata, ngunit sa edad na 24 ay mas mature siyang tignan. Pagkatapos niya kasi makuha ang “payong” at “tatlong sibat” sa Special Forces School ay hindi na muna nagpagupit pa. Kung may balbas at bigote lamang siya ay mapagkakamalang “trainee” pa sa isang regular na specialization course.
“WARRIOR”, ang basbas sa kanya ng ibang opisyal, mga nakakakilala sa kanya sa hukbo. Warrior, sa anyong pisikal, at sa karanasan niya sa labanan.
Matikas siya sa limang talampakan at walong pulgadang taas. May matipunong pangangatawan, mula sa braso hanggang binti ay hinubog at hinulma ng matinding pagsasanay at regular na gawaing pisikal. May katamtamang kompleksiyon, maituturing na kayumanggi.
Ang kanyang tindig, lalo na kapag nakauniporme, ang siyang bumibighani sa mga kadalagahan, sa mga lugar kung saan siya napapadpad. Hindi naman maituturing na siya ay guwapong guwapo. Tama lamang. Isa lamang siyang tipikal na “Adan”, subalit may pinagpalang pisikal na katangian.
I’ve looked for you all of my life
Now that I’ve found you
We will…. (tut tut tut)
“Putsa empty bat” ….
Lubak lubak at hindi sementado, maalikabok na kalsada, at mangilan ngilang bahay at tao na nadadaanan. Ilang saglit pa ay madidinig na ang pamilyar na tunog ng kabihasnan. Ang dumadagundong na tunog ng “bass”.
Napangiti ang batang tinyente. “Yun”… “May Videoke”, “Sana may red horse din dito”, mahina niyang sambit, pero hindi nakaligtas sa pandinig ng nagmamanehong sarhento.
“Ok tong si Sir”, hehehe.
Isang kilometro pa’y bumagtas na ang Jeep patungo sa direksiyon ng isang burol, ang kanilang destinasyon, ang Command Post, o ang Kampo.
Tumigil ang Kennedy sa checkpoint. “Good evening Sir”, isang pagbati at matikas na saludo sa kanya, matapos siyang silipin at makilala ng guwardiya.
“Magandang gabi din”, malugod niyang balik na pagbati dito.
“Sir nasa taas po ang tropa, at Si First inaantay po ang pagdating ninyo”, dagdag ng sundalo.
Tinahak na nila ang pinakataas ng burol at unti unti ay makikita na ang mga kubong tila ba pinantay, pare pareho ang pagkakagawa, kalkulado ang distansiya o pagitan, at mistulang perpektong ipinalibot sa paligid..
“haaaaaaaaahhhhhhhhhh”, malalim na buntong hininga ng tinyente.
“Ito na”, mahina niyang sambit sa sarili.
Tubong ilokandia ang tinyente. Kilala siya bilang berdugo sa mga kalaban ng pamahalaan, sa komunistang grupo, at sa mga taga simpatiya sa ideolohiya at prinsipyo ng CPP NPA NDF.
…