Ang Pinuno by: elmergomopas

“Napakalayo na nito sa bayan”, mahina niyang bigkas.

“Malayo pa ba tayo Sarge?”, tanong niya ke Sgt Pal, ang nagmamaneho sa dala nilang Kennedy Jeep.

“Malapit lapit na tayo Sir, papasok na tayo sa pinaka barangay”, ang tugon naman ng sarhento.

“Klik”, tunog ng lighter.

“Isang stick muna tayo Sarge”, sabay abot niya sa kaha ng sigarilyo at panindi.

Naalala niya ang kanyang cellphone. Dinukot ito sa bulsa ng tactical bag, kinabitan ng headset, at pinatugtog ang kanyang playlist, “emo”

I see forever when I look in your eyes
You’re all I ever wanted
I always want you to be mine
Let’s make a promise till the end of time

FireHouse.
When I look into your eyes

Isa sa mga pinakapaborito niyang kanta, sinabayan niya ng hithit …

Edwin…

1st Lt Edwin F. Santos

Apat na taon ng naglilingkod bilang opisyal ng Hukbong Katihan ng Pilipinas. Binata, ngunit sa edad na 25 ay mas mature siyang tignan. Mula kasi nung magpa promote, ay hindi na nagpagupit pa ng buhok. Kung may balbas at bigote lamang siya ay mapagkakamalang “trainee” pa sa isang regular na specialization course.

“WARRIOR”, ang basbas sa kanya ng ibang opisyal, mga nakakakilala sa kanya sa hukbo. Warrior, sa anyong pisikal, at sa karanasan niya sa labanan.

Matikas siya sa limang talampakan at walong pulgadang taas. May matipunong pangangatawan, mula sa braso hanggang binti ay hinubog at hinulma ng matinding pagsasanay at regular na gawaing pisikal. May katamtamang kompleksiyon, maituturing na kayumanggi.

Ang kanyang tindig, lalo na kapag nakauniporme, ang siyang bumibighani sa mga kadalagahan, sa mga lugar kung saan siya napapadpad. Hindi naman maituturing na siya ay guwapong guwapo. Tama lamang. Isa lamang siyang tipikal na “Adan”, subalit may pinagpalang pisikal na katangian.

I’ve looked for you all of my life
Now that I’ve found you
We will…. (tut tut tut)

“Putsa empty bat” ….

Lubak lubak at hindi sementado, maalikabok na kalsada, at mangilan ngilang bahay at tao na nadadaanan. Ilang saglit pa ay madidinig na ang pamilyar na tunog ng kabihasnan. Ang dumadagundong na tunog ng “bass”.

Napangiti ang batang tinyente. “Yun”… “May Videoke”, “Sana may red horse din dito”, mahina niyang bigkas, pero hindi nakaligtas sa pandinig ng nagmamanehong sarhento.

“Ok tong si Sir”, nangingiti nitong usal.

Isang kilometro pa’y bumagtas na ang Jeep patungo sa direksiyon ng isang burol, ang kanilang destinasyon, ang Command Post, o ang Kampo.

Tumigil ang Kennedy sa checkpoint. “Good evening Sir”, isang pagbati at matikas na saludo sa kanya, matapos siyang silipin at makilala ng guwardiya.

“Magandang gabi din”, malugod niyang balik na pagbati dito.

“Sir nasa taas po ang tropa, at Si First inaantay po ang pagdating ninyo”, dagdag ng sundalo.

Tinahak na nila ang pinakataas ng burol at unti unti ay makikita na ang mga kubong tila ba pinantay, pare pareho ang pagkakagawa, kalkulado ang distansiya o pagitan, at mistulang perpektong ipinalibot sa paligid..

“haaaaaaaaahhhhhhhhhh”, malalim na buntong hininga ng tinyente.

“Ito na”, mahina niyang sambit sa sarili.

Tubong ilokandia ang tinyente. Kilala siya bilang berdugo sa mga kalaban ng pamahalaan, sa komunistang grupo, at sa mga taga simpatiya sa ideolohiya at prinsipyo ng CPP NPA NDF.

Berdugo, literal siyang nangangatay ng kalaban.

Ang kanyang diwa’y saglit na nagbalik tanaw sa nakaraan. Isang taon na ang nakalipas, ang dahilan ng kanyang pagkakalipat.

Sa isang liblib na barangay sa isang bayan sa Quezon, pagkatapos ng engkwentro sa pagitan ng guerrilla platoon ng NPA at ng kanyang dala dalang section, isang kadre ng komunistang grupo ang naiwang sugatan, hindi na nabitbit ng mga kasamahan sa takot na sila ay maubos sa labanan.

“Pantay pantay na distribusyon ng yaman ng pamahalaan, walang mahirap, walang mayaman, yan ang itinanim sa utak ninyo hindi ba?” argumento ng tinyente sa bihag

“Sir maawa kayo, magbabalik loob na po ako, may pamilya po ako sir, babalik na ako sa gobyerno, buhayin niyo lamang po ako, maawa po kayo sir”, sumamo ng bihag..

Subalit walang bakas ng anumang habag ang makikita sa tinyente. Poot. Umaapaw na galit ang maipipinta sa kanya, at nagpatuloy sa animoy sermon sa kadre ng komunista

“Ang mga mayayaman ay patuloy na yayaman, at ang mga hikahos ay patuloy na malulugmok sa kahirapan”.

“Ang mga sundalo ay kasangkapan lamang ng mga kapitalista, sa pangangamkam ng mga lupa sa kanayunan, para sa kanilang personal na interes gaya ng minahan, kung saan ang mga katutubo ay pwersahang itinataboy sa kanilang lupang tinubuan” dagdag litanya ni Edwin, mula sa doktrina ng Partido Komunista, ni “Mao Tse Tung”.

“Mawa kayo sir, maawa kayo sir, huh u hu”, patuloy namang hinagpis ng bihag..

Kilala niya ang tinyente. Kilala ng kilusan ang tinyente. Alan miya kung sino ang kanyang kaharap, hindi ito bumubuhay ng bihag.

“Kilala mo kung sino ako, tama?”, paniguro ng tinyente.

Walang tugon ang bihag. Ang mga balikat nito’y yumuyugyog sa pagtangis. Alam na niya kung saan siya hahantong.

Si berdugo ang kanyang kaharap. At oo, kilala niya, kilala nila ito.

“Maawa na po kayo sir”, patuloy na pakiusap ng kadre.

“Naaawa ba kayo sa mga may ari ng maliliit na koprahan na lingo lingo ninyong hinihingian?”, si Edwin.

“Naawa ba kayo sa mga may ari ng maliliit na palaisdaan, at sakahan na lingo lingo ninyong kinokotongan, samantalang halos listahan na lamang ng utang ang matira sa kanila pagdating ng anihan?”

“At sa sandaling hindi na nila kayang magbigay, ay ituturing ninyo silang kaaway na uri, at alam na nating lahat ang kaninlang kahihinatnan.”

“Ayaw ninyo ng kapayapaan, ang gusto ninyo’y pagkakapantaya pantay lamang ng lipunan bahala ng dumanak ang dugo ng mga inosenteng mamamayan”.

“Sumisigaw kayo ng hustisya, pero saan ang hustisya sa isang pamamahalang binabalot ng dahas at karahasan?”

“Naawa ba kayo sa mga mga dayong inyong pinaslang at inilibing dahil lamang sa hinalang espiya sila ng gobyerno?”

“Naawa ba kayo sa mga pamilya ng inyong mga dinukot at pinatay, na hanggang ngayon ay nagdurusa, hinahanap ang kanilang mahal sa buhay?”

“At sa mga kasamahan naming nagbuwis ng buhay dahil lamang sa adhikaing ilapit ang mga mamayan sa gobyerno, para sa inaasam ng lahat na kaunlaran, sa pamamagitan ng kapayapaan.”

“Gusto mong isa isahin ko silang binalatan ninyo ng buhay? Bagsak na at duguan, wala ng kalaban laban, subalit pinakain niyo pa ng lupa, bago niyo pakainin ng tingga?”, pangwakas niyang salita.

Mababanaag sa tinyente ang nagngangalit at nagpupuyos na poot, mga tiim na bagang at matang nanlilisik sa galit…
Tahimik ang paligid…..
Katahimikang binasag ng isang putok ng M16 na umalingawngaw…

BAAAAANNNNNNGGG……

“Blagggg”

Bumagsak ang wala ng buhay na katawan ng kadre. Umagos ang masaganang dugo, galing sa basag at wasak nitong ulo….