Walang lalaki walang babae, walang ordinaryo walang propesyonal, walang pari, walang madre, walang dala-dalaga, o bunti-buntis basta’t sumusuporta sa komunista at teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF, salot sa lipunan ang tingin ni Edwin sa mga ito.
Gaya ng paglagablab ng isang apoy sa isang sinilaban na talahiban, ay kumalat at tumatak ang pangalan ni Lieutenant Edwin Santos sa buong lalawigan ng Quezon, at sa mga karatig pa nitong probinsiya. Siya ang tanyag na si BERDUGO, subalit, kaakibat nito ang matinding pagnanais ng kilusan sa agaran niyang kamatayan sa pamamagitan ng SPARU.
Muling pinatawag ng Battalion Commander si Edwin, pero sa pagkakataong ito’y mababanaag na ang saya sa mukha nito. Inilahad ni Colonel Eugenio ang magandang balita ke Lieutenant Santos.
“Report ka sa Magsaysay Anto hinihintay ka na doon. Tanginaka, swerte mo, sinagot ka ni Division Commander kay CGPA, hehehe”.
“Sa ayaw mo at sa gusto pinapag SF ka, masyado ka raw kasi utak pulbura haha”, dagdag pa ng koronel.
“Edwin, malamang pagkatapos ng schooling mo, ay ililipat ka sa ibang Unit at ibang area, kailangang palamigin ang pangalan mo Anto.”
“Gusto kong malaman mo, isa ka sa mga pinakamagagaling na Junior Officers na nakilala at nakatrabaho ko”.
“Hinahangaan ko ang disiplina mo, lalo na ang paninindigan mo, at siyempre yang talas ng pag-iisip mo”.
“Natitiyak kong malayo ang mararating mo Edwin. Sige na sabi pa ni CG umalis ka na kaagad agad, at papuputukin ko na lamang sa media ang pagkakasibak mo sa puwesto at dito sa Battalion. Maraming salamat sa napakalaking ambag mo Anto”.
Hindi masukat ng tinyente ang kagalakang dama sa dibdib.
Kung kanina-kanina’y mawalan siya ng pag asa, ibayong kasiyahan naman ngayon ang nadarama pagkatapos mapakinggan ang kanyang Battalion Commander.
Tumayo ang tinyente, at sa pamamagitan ng pinakamatikas na saludo na puwede niyang maigawad, nagpaalam na siya ke Colonel Eugenio.
“Permission to leave Sir”, kasunod ang pagpihit patalikod ng tinyente.
Nasa bungad na siya ng pintuan ng opisina ng muli’y tawagin siya ng Batcom.
“Edwin?”…
“Sir”?
“Iho, sa sandaling palarin ako at bigyan pa ng mas malaking responsibilidad, kukunin kita ha, hindi ito ang huli nating pagsasamahang unit Anto”.
Ang tinyentey mistulang hinaplos ang kaibuturan ng puso, at sa pamamagitan ng ngiti at isang mapagpakumbabang tango, ay tinugunan ang hiling ng kanyang Battalion Commander.
Lagpas isang taon din nakipagbuno si Edwin sa Special Forces School. Maliban kasi sa Special Forces Operations Course ay nagtiyaga na rin siyang kunin ang Basic Airborne Course.
Sa SFOC, sentro ng pagsasanay ang Guerilla Warfare, kung saan lalo siyang natuto sa mga taktika ng New People’s Army, at kung paano kontrahin o labanan ang mga taktikang ito. Ang pinaka nagustuhan niya sa training ay ang prinsipyo ng Special Forces:
Win the Hearts and Mind of the People and Win the War…
Sa Kasalukuyan
“Tok, tok, tok, Sir? Lt Santos Sir”?, si Diaz
Mahapdi man ang mata ay kailangang bumangon ng tinyente.Sinipat ang relo, 0700H, kasunod ng alarma mula sa kanyang cellphone.
“Sige na First sepilyo lang ako akyat na ako.”
Gaya ng una niyang pagdating ay naabutan niya ang kumpol ng tropa sa Assembly Hall na nasa pinakataas ng kampo.
“Taas kamay ang nakapag specialize”, ang pinuno
“Dito sa harapan ang mga nakapag Ranger at SF“.
At inilatag niya ang kanyang mga polisiya, sa administrasyon, pati narin sa operasiyonal bilang Commanding Officer ng mga ito.
Inulit ulit niya sa tropa ang mga bagay na lubhang kinaayawan niya. Mga bagay na kadalasang dahilan ng pagkakapariwara ng mg sundalo at mga kadalasang sanhi ng pagkakatanggal ng mga ito sa serbisyo, base narin sa kanyang karanasan bilang opisyal ng Hukbong Katihan at Sandatahang Lakas.
“Unang-una, BABAE
Huwag bubuntisin kung walang balak panindigan. Dahil hindi na katulad dati na pwede lamang suportahan ang babae kapag nabuntis, isang report lamang ng complainant lalo na sa Army Provost, tanggal ang sundalo, lalo na kapag ito ay pamilyado”.
“Maliban sa malalapit na miyembro ng pamilya, ay wala ng ibang babaeng puwedeng umakyat sa kampo. Lubhang napakadelikado kung masisiwalat sa kalaban ang struktura ng Command Post.
Pasimpleng hinanap ng tinyente ang kinaroroonanan ni PFC Ireneo, at nang magkatagpo ang kanilang mga paningin ay bahagyang pinandilatan niya ito. Nakuha naman ito ng tropa at muntik pang masamid at naibuga ang iniinom na kape nang mga sandaling iyon”.
“Pangalawa Droga at Disiplina
Tayo ay kailangang maging ehemplo ng pinakamataas na antas ng displina, at walang maski isang maliit na dahilan upang pasukin natin ang nasabing bisyo.”
Isaisip at isapuso ang Military Professionalism. Maraming bawal, maraming balakid, maraming regulasyon, subalit hindi tayo sibilyan, isa pa’y walang maski isa dito na pinilit na yakapin ang Army, lahat ay nagboluntaryong maging kawal”.
“Ranger ka man, SF ka man o hindi ay pare-parehas lang tayong nagsanay. Nagkakaiba ang mga sundalo hindi dahil sa mga specialization courses kundi dahil sa disiplina. Ranger man, SF man, o hindi, ay pareho pareho tayong tinuruan ng Operational Security, Immediate Action Drills, o Movement to Contact. Alam natin lahat yan. Ang problema nga lamang, ang Rangers at SF buong puso ay sinusunod at ginagawa ang mga ito, ganun ang disiplina”.
Pansin ang manaka-nakang pagtango ng First Sergeant at ng iba pang mga Senior NCO’s habang ngsasalita ang Company Commander.
“Tama nga naman . Tama ka Sir”, mahinang sambit ni Master Sergeant Diaz sa kinauupuan nito.
“Ang sunod ay ang Alak
Maraming puwedeng gawin ang alak pag sa ulo ito ilalagay at hindi sa tiyan. Ilang buhay na ang walang saysay na nakitil dahil dito. Kaya’t maliban sa mga panahong may okasyon, bawal na bawal sa akin ang pag-iinom ng nakalalasing na inumin sa saan mang lugar dito sa loob ng kampo”.
Atubili man ay kailangang niyang muling idako ang mga mata sa kinauupuan ni Ireneo. Si Brian nama’y mistulang nakakita ng pagkakataong upang makabawi. Isang ngisi ang ibinalik nito sa tinyente.
“At ang panghuli ay ang SUGAL
Hindi magandang halimbawa sa pamayanan o sa mga tao na nakikitang nagsusugal ang mga unipormadong tulad natin. Idagdag pa ang mga sundalong nalulong dito. Ang sugal ay para ring droga, nakakaadik, at nakakasira ng pamumuhay at pamilya”.
Samakatuwid, BDA’S
Para mas madaling maalala at maintindihan ng tropa, kaparehas sa kanilang suot suot na caumoflauge, Battle Dress Attire. BDA’S: Babae, Droga at Disiplina, Alak, at Sugal.
Umabot ng halos dalawang oras ang formation at malapit ng mag alas 9 ng umaga.
Nakapanaog na sa kanya kanyang bunkers ang mga sundalo. Naiwan sa taas si Edwin, inuubos ang pang apat na yata niyang pusuwelo ng kape sa umagang iyon, kasama pa rin ang First Sergeant.
“Sige na First, dito na muna ako sa taas, ang tinyente. Pakitawag si K-POP”, dagdag nito.
Naintindihan ito ni Diaz at nagpaalam na sa CO.” Permission to leave, Sir”.
Si Brian noong mga oras na iyon ay nasa PX, hinihintay ang pinsan para ihatid sana ito sa kabisera.Pagkatapos ng formation na iyon ay napabilib na naman siya ng kanilang bagong opisyal. Mula nung magreport siya, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon siya ng opisyal sa Alpha Company na graduate ng Academy.
Sa iilang taon niya sa serbisyo, may mga Officers na rin siyang nakasama at nakasalamuha. Sa iisang pagkakataon lamang na nakasabayan niya ito, siguradong sigurado siyang malayo ang mga ito ke Lt Santos.
Isa pa nga sa mga ito ay manliligaw ng kanyang pinsan.
Tinyente Dela Vega, ang acting Operations Officer o S3 ng Battalion. Angat lamang ito ng mga kalahating taon ke Edwin sa sebisyo.
Dahil ang Alpha Company ang pinakamalapit sa Battalion Headquarters, madalas ay nakikigamit ito ng kanyang pick-up, pagkatapos nitong malaman na may maganda at sariling sasakyan ang sundalo. Wala naman itong kaso ke Ireneo. Walang issue ang pag hiram hiram ng opisyal sa kanyang Hilux pick-up truck. Ang siste nga lamang ay hindi naiwasang makilala nito ang kanyang pinsan, si Claire. Iyon nga lang, kilala ang opisyal na me pagkagago, mayabang, at mainitin ang ulo. Idagdag pa dito ang hindi magandang reputasyon nito pagdating sa mga babae. Pagkatapos nitong siyotahin, paasahin, at matikman at pagsawaan ay kanya na itong iiwan.
Kilala din ito bilang opisyal na mahilig mamisikal sa mga nagkakasalang tropa. “Instant Justice” ika nga sa kanila sa military, nanghahataw ito ng tubo sa puwet, nanununtok, at naninipa.
Si tinynete Dela Vega mismo ang humiling sa kanya upang imbitahin at gawing muse ng Alpha ang kanyang pinsan.
Dito lubos na nag-aalala si Brian, walang kaalam alam ang kanyang pinsan sa tunay na ugali ni Dela Vega. Palibhasa’y…