Ang Pinuno Nueve

Ang Torpeng Berdugo

Walang lalaki walang babae, walang ordinaryo walang propesyonal, walang pari, walang madre, walang dala-dalaga, o bunti-buntis basta’t sumusuporta sa komunista at teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF, salot sa lipunan ang tingin ni Edwin sa mga ito.

Gaya ng paglagablab ng isang apoy sa isang sinilaban na talahiban, ay kumalat at tumatak ang pangalan ni Lieutenant Edwin Santos sa buong lalawigan ng Quezon, at sa mga karatig pa nitong probinsiya. Siya ang tanyag na si BERDUGO, subalit, kaakibat nito ang matinding pagnanais ng kilusan sa agaran niyang kamatayan sa pamamagitan ng SPARU.

Muling pinatawag ng Battalion Commander si Edwin, pero sa pagkakataong ito’y mababanaag na ang saya sa mukha nito. Inilahad ni Colonel Eugenio ang magandang balita ke Lieutenant Santos.

“Report ka sa Magsaysay Anto hinihintay ka na doon. Tanginaka, swerte mo, sinagot ka ni Division Commander kay CGPA, hehehe”.

“Sa ayaw mo at sa gusto pinapag SF ka, masyado ka raw kasi utak pulbura haha”, dagdag pa ng koronel.

“Edwin, malamang pagkatapos ng schooling mo, ay ililipat ka sa ibang Unit at ibang area, kailangang palamigin ang pangalan mo Anto.”

“Gusto kong malaman mo, isa ka sa mga pinakamagagaling na Junior Officers na nakilala at nakatrabaho ko”.

“Hinahangaan ko ang disiplina mo, lalo na ang paninindigan mo, at siyempre yang talas ng pag-iisip mo”.

“Natitiyak kong malayo ang mararating mo Edwin. Sige na sabi pa ni CG umalis ka na kaagad agad, at papuputukin ko na lamang sa media ang pagkakasibak mo sa puwesto at dito sa Battalion. Maraming salamat sa napakalaking ambag mo Anto”.

Hindi masukat ng tinyente ang kagalakang dama sa dibdib.

Kung kanina-kanina’y mawalan siya ng pag asa, ibayong kasiyahan naman ngayon ang nadarama pagkatapos mapakinggan ang kanyang Battalion Commander.

Tumayo ang tinyente, at sa pamamagitan ng pinakamatikas na saludo na puwede niyang maigawad, nagpaalam na siya ke Colonel Eugenio.

“Permission to leave Sir”, kasunod ang pagpihit patalikod ng tinyente.

Nasa bungad na siya ng pintuan ng opisina ng muli’y tawagin siya ng Batcom.

“Edwin?”…

“Sir”?

“Iho, sa sandaling palarin ako at bigyan pa ng mas malaking responsibilidad, kukunin kita ha, hindi ito ang huli nating pagsasamahang unit Anto”.

Ang tinyentey mistulang hinaplos ang kaibuturan ng puso, at sa pamamagitan ng ngiti at isang mapagpakumbabang tango, ay tinugunan ang hiling ng kanyang Battalion Commander.

Lagpas isang taon din nakipagbuno si Edwin sa Special Forces School. Maliban kasi sa Special Forces Operations Course ay nagtiyaga na rin siyang kunin ang Basic Airborne Course.

Sa SFOC, sentro ng pagsasanay ang Guerilla Warfare, kung saan lalo siyang natuto sa mga taktika ng New People’s Army, at kung paano kontrahin o labanan ang mga taktikang ito. Ang pinaka nagustuhan niya sa training ay ang prinsipyo ng Special Forces:

Win the Hearts and Mind of the People and Win the War…

Sa Kasalukuyan

“Tok, tok, tok, Sir? Lt Santos Sir”?, si Diaz
Mahapdi man ang mata ay kailangang bumangon ng tinyente.Sinipat ang relo, 0700H, kasunod ng alarma mula sa kanyang cellphone.

“Sige na First sepilyo lang ako akyat na ako.”

Gaya ng una niyang pagdating ay naabutan niya ang kumpol ng tropa sa Assembly Hall na nasa pinakataas ng kampo.

“Taas kamay ang nakapag specialize”, ang pinuno

“Dito sa harapan ang mga nakapag Ranger at SF“.

At inilatag niya ang kanyang mga polisiya, sa administrasyon, pati narin sa operasiyonal bilang Commanding Officer ng mga ito.

Inulit ulit niya sa tropa ang mga bagay na lubhang kinaayawan niya. Mga bagay na kadalasang dahilan ng pagkakapariwara ng mg sundalo at mga kadalasang sanhi ng pagkakatanggal ng mga ito sa serbisyo, base narin sa kanyang karanasan bilang opisyal ng Hukbong Katihan at Sandatahang Lakas.

“Unang-una, BABAE

Huwag bubuntisin kung walang balak panindigan. Dahil hindi na katulad dati na pwede lamang suportahan ang babae kapag nabuntis, isang report lamang ng complainant lalo na sa Army Provost, tanggal ang sundalo, lalo na kapag ito ay pamilyado”.

“Maliban sa malalapit na miyembro ng pamilya, ay wala ng ibang babaeng puwedeng umakyat sa kampo. Lubhang napakadelikado kung masisiwalat sa kalaban ang struktura ng Command Post.

Pasimpleng hinanap ng tinyente ang kinaroroonanan ni PFC Ireneo, at nang magkatagpo ang kanilang mga paningin ay bahagyang pinandilatan niya ito. Nakuha naman ito ng tropa at muntik pang masamid at naibuga ang iniinom na kape nang mga sandaling iyon”.

“Pangalawa Droga at Disiplina

Tayo ay kailangang maging ehemplo ng pinakamataas na antas ng displina, at walang maski isang maliit na dahilan upang pasukin natin ang nasabing bisyo.”
Isaisip at isapuso ang Military Professionalism. Maraming bawal, maraming balakid, maraming regulasyon, subalit hindi tayo sibilyan, isa pa’y walang maski isa dito na pinilit na yakapin ang Army, lahat ay nagboluntaryong maging kawal”.

Ranger ka man, SF ka man o hindi ay pare-parehas lang tayong nagsanay. Nagkakaiba ang mga sundalo hindi dahil sa mga specialization courses kundi dahil sa disiplina. Ranger man, SF man, o hindi, ay pareho pareho tayong tinuruan ng Operational Security, Immediate Action Drills, o Movement to Contact. Alam natin lahat yan. Ang problema nga lamang, ang Rangers at SF buong puso ay sinusunod at ginagawa ang mga ito, ganun ang disiplina”.

Pansin ang manaka-nakang pagtango ng First Sergeant at ng iba pang mga Senior NCO’s habang ngsasalita ang Company Commander.

“Tama nga naman . Tama ka Sir”, mahinang sambit ni Master Sergeant Diaz sa kinauupuan nito.

“Ang sunod ay ang Alak

Maraming puwedeng gawin ang alak pag sa ulo ito ilalagay at hindi sa tiyan. Ilang buhay na ang walang saysay na nakitil dahil dito. Kaya’t maliban sa mga panahong may okasyon, bawal na bawal sa akin ang pag-iinom ng nakalalasing na inumin sa saan mang lugar dito sa loob ng kampo”.

Atubili man ay kailangang niyang muling idako ang mga mata sa kinauupuan ni Ireneo. Si Brian nama’y mistulang nakakita ng pagkakataong upang makabawi. Isang ngisi ang ibinalik nito sa tinyente.

“At ang panghuli ay ang SUGAL

Hindi magandang halimbawa sa pamayanan o sa mga tao na nakikitang nagsusugal ang mga unipormadong tulad natin. Idagdag pa ang mga sundalong nalulong dito. Ang sugal ay para ring droga, nakakaadik, at nakakasira ng pamumuhay at pamilya”.

Samakatuwid, BDA’S

Para mas madaling maalala at maintindihan ng tropa, kaparehas sa kanilang suot suot na caumoflauge, Battle Dress Attire. BDA’S: Babae, Droga at Disiplina, Alak, at Sugal.

Umabot ng halos dalawang oras ang formation at malapit ng mag alas 9 ng umaga.

Nakapanaog na sa kanya kanyang bunkers ang mga sundalo. Naiwan sa taas si Edwin, inuubos ang pang apat na yata niyang pusuwelo ng kape sa umagang iyon, kasama pa rin ang First Sergeant.

“Sige na First, dito na muna ako sa taas, ang tinyente. Pakitawag si K-POP”, dagdag nito.

Naintindihan ito ni Diaz at nagpaalam na sa CO.” Permission to leave, Sir”.

Si Brian noong mga oras na iyon ay nasa PX, hinihintay ang pinsan para ihatid sana ito sa kabisera.Pagkatapos ng formation na iyon ay napabilib na naman siya ng kanilang bagong opisyal. Mula nung magreport siya, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon siya ng opisyal sa Alpha Company na graduate ng Academy.

Sa iilang taon niya sa serbisyo, may mga Officers na rin siyang nakasama at nakasalamuha. Sa iisang pagkakataon lamang na nakasabayan niya ito, siguradong sigurado siyang malayo ang mga ito ke Lt Santos.

Isa pa nga sa mga ito ay manliligaw ng kanyang pinsan.

Tinyente Dela Vega, ang acting Operations Officer o S3 ng Battalion. Angat lamang ito ng mga kalahating taon ke Edwin sa sebisyo.

Dahil ang Alpha Company ang pinakamalapit sa Battalion Headquarters, madalas ay nakikigamit ito ng kanyang pick-up, pagkatapos nitong malaman na may maganda at sariling sasakyan ang sundalo. Wala naman itong kaso ke Ireneo. Walang issue ang pag hiram hiram ng opisyal sa kanyang Hilux pick-up truck. Ang siste nga lamang ay hindi naiwasang makilala nito ang kanyang pinsan, si Claire. Iyon nga lang, kilala ang opisyal na me pagkagago, mayabang, at mainitin ang ulo. Idagdag pa dito ang hindi magandang reputasyon nito pagdating sa mga babae. Pagkatapos nitong siyotahin, paasahin, at matikman at pagsawaan ay kanya na itong iiwan.

Kilala din ito bilang opisyal na mahilig mamisikal sa mga nagkakasalang tropa. “Instant Justice” ika nga sa kanila sa military, nanghahataw ito ng tubo sa puwet, nanununtok, at naninipa.

Si tinynete Dela Vega mismo ang humiling sa kanya upang imbitahin at gawing muse ng Alpha ang kanyang pinsan.

Dito lubos na nag-aalala si Brian, walang kaalam alam ang kanyang pinsan sa tunay na ugali ni Dela Vega. Palibhasa’y nabiyayaan ito ng mga katangiang pisikal. Aristokraduhin ang maamong mukha nito, matangos ang ilong, bagayan pa ng angkin nitong katangkaran. Artistahin kumbaga.

Ang bumabagabag ke Ireneo, ay ang isiping kinikilig ang kanyang pinsan dito, mula pa sa unang pagkakataong na sila’y magkakilala at magkadaupang palad.

Sa pagkakakilala niya sa pinsan bilang kabataang “millennial”, guwapo lamang ang tanging panuntunan nito, kayat malamang sa hindi ay mabubulag ito sa panlabas na anyo at katangian ng manliligaw, gawa ng imaturidad.

Dito lubos na nag-aalala si ireneo. Sasaktan lamang ni Dela Vega ang kanyang pinsan.

“Tawag ka ni C O Bry”, si Diaz, bagay na pumutol sa pagninilay nilay ng sundalo.

“Halika bayaw…este Bry, si Edwin pagka-akyat ni Ireneo sa Hall.

“Masarap ba?”, biro ni Edwin, tinutukoy ang malamang bakbakan nito sa kaparehang si Rina sa nagdaang gabi.

Kamot lamang sa ulo at impit na hagikgik ang naging tugon dito ni Ireneo.

“Sir nakapag-paalam pala ako ihahatid ko lang si Claire ngayong araw. Bale balikan lang ako Sir.”

Claire, nadinig niyang muli ang pangalan na iyon.

Saglit na katahimikan ang bumalot sa dalawa.

Diyata’t, hindi niya talaga matanto kung bakit espesyal kahit ang pangalan lamang na iyon sa kaniya. Ang maganda at maamo nitong mukha sa kabila ng katarayan, tuloy ay muling nanumbalik sa kanyang isip.

Bantulot man ay lakas loob na nagtanong si Edwin
“Bry may nobyo ba pinsan mo?”
“Wala Sir. Puro mga manliligaw lang Sir.”
“Ilang taon nga siya Bry?”
“21 Sir.”

Muling katahimikan.

“Pero nagka boyfriend na din siya?”

Sunod na katanungan niya, wala ng inhibisyon pa, at lantaran na ang pagpapakita ng interes sa dalaga.

Dito ay nakaisip ng pagkakataon ang lokong si Brian.

Dinukot nito ang cellphone sa kanyang bulsa makaraa’y tumipa dito.Sumagot ang nasa kabilang linya at dagling inilagay sa loud speaker ni Brian ang tawag.

“Kuya saan ka? Kanina pa ako nakabihis at naghihintay sa iyo.”Malambing na boses mula sa kabilang linya. Napakalambing at napakalamig na boses. Si Claire.

“Andito ako sa taas umakyat ka nga muna dito dalian mo.”, utos ng sundalo sa pinsan
Di na binigyan ng pagkakataon ni Brian ang pinsan na tumugon at daglian nitong tinapos ang tawag.

Ang pinuno’y nataranta, “Teka lang Bry, animal,…. papupuntahin mo dito? Ni hindi nga ako nakaligo naghilamos lang ako”, halata ang nerbiyos sa natarantang si Edwin.

Biglang inagaw nito ang suot suot na ball cap ni Brian upang matakpan ang kanyang may kahabaan at gulong buhok. Nagsimula na ring pagpawisan nang butlig butlig ang tinyente.

Si Ireneo, halos mautot sa kakapigil sa paghagalpak ng tawa.. Hindi nito sukat akalain na ang bantog, tanyag, at sikat na warrior at berdugo ay hindi magkanda-ugaga sa isiping makakaharap lang naman nito ang kanyang pinsan.Bago pa man magreport si Lt. Santos sa Unit nila ay mainit na itong usap-usapan sa kanilang batalyon. Wala nga yatang Infantry Battalion na hindi naabot ng katanyagan ng pinuno.

Napagtanto, natiyak ni Ireneo, tinamaan nga talaga ang tinyente sa mataray niyang pinsan.

“Sir teka lang hahahaha.”, sa gitna ng bungisngis ay nagpaliwanang si Brian.

Ihingi ko daw kasi siya sa iyo ng dispensa sa inasal niya kagabi. Pero mas mainam siguro kung siya mismo ang mag sorry, hindi ba Sir? Hahaha.”, muling tawa ni Ireneo.

Wala ng nagawa pa si Edwin. Ilang sandali pa’y mauulinigan na nga ang mga mahihinang yapak sa sementong hagdan pakyat ng Assembly Hall, kapagdaka’y iniluwal ng bungad nito si Claire.

Si Claire, sa isang kupasin na denim skirt, na lalong nagpatingkad sa maputi at perpekto nitong mga biyas ay atubili kung lalapit ba sa dalawa, o hihintaying tawagin siya ng pinsan. Nakatungo ang ulo nito, kinukutkot ang mga kuko, tanda ng nararamdamang pag-aalangan at hiya.

Katulad ng pangbaba, naka jacket din ito ng maong na tumatakip sa simpleng Guess na puting blouse na suot nito. Naka birkenstock sandals ang dalaga, dahilan upang masilayang muli ni Edwin ang napakalilinis na mga kuko at daliri nito sa paa.

“Ehem.. ehem ehem. Ehem, pambubuska at basag ni Bryan sa namayaning katahimikan.

“Claire me sasabihin ka ke Sir hindi ba?”

Humakbang palapit sa kanila ang dalaga at agad napansin ng pinuno ang samyo ng halimuyak ng pabango nito sa hangin. Pamilyar ito at hindi puwedeng magkamali si Edwin, Dolce & Gabbana Light Blue.

“Nagkataon lang kaya na pareho kami ng gusto sa pabango? Sa isp ni Edwin. Sapagkat gaya ni Claire, ganoon din ang tipo niya sa mga colognes niya at perfumes. Iyong simple lang at hindi masyadong sopistikada ang samyo.

Inayos ng dalaga ang alon-alon nitong buhok, isinukbit at ikinawit sa ikod ng kanang tainga ang kahabaan nito.

Wala itong suot na anumang kolorete, maski na ang mga labi’y walang anumang bakas ng lipstick.

“Simple lang din kaya siya?”, muli ay hindi maiwasang tanong ni Edwin sa sarili.

“Sir? Sir hehehehe. Sir sorry daw kagabi.”, pukaw ni Ireneo sa natigilang pinuno.

Sa pagkakapako sa kagandahan ng kaharap, ay tuluyan ng inanod ang kanyang diwa sa kawalan. Humihingi na pala ito ng dipensa na hindi niya namamalayan.

“Ha? Ah eh naku, hi… hin… hindi, o- ok- ok lang iyon, ok lang..” , kandautal-utal na sagot ni Edwin.

“Sorry po talaga Sir. Hindi ko po dapat sinabi iyon. Sina kuya kasi, pati sina kuya Diaz at Primo parati na lang nila akong inaasar, napikon lang po ako, pero iyon nga pati tuloy kayo nadamay sorry po talaga Sir.”

Walang naisagot ang tinyente at tila ba’y umurong ang dila nito. Tanging tango na lamang ang tugon niya sa paliwanang ng dalaga.
Napagtanto ni Edwin, hindi naman yata likas na mataray ang dalaga at marunong din naman pala itong magpakumbaba at tumanggap ng pagkakamali.

Gustong gusto niyang tanungin ang dalaga kung mayroon itong katipan sa kasalukuyan. Gustong gusto niya itong tanungin kung pupuwede rin ba siya manligaw.

“Tangina mo Anto tanungin mo kaya, hindi ka takot kay kamatayan pero sa isang dalaga lang ay ninierbiyos ka, kumbinse nito sa sarili.

“Sir iyong itatanong mo”, si Ireneo, hindi na napigilang mamagitan dahil sa nasasaksihang katorpehan ng pinuno.

“Ha? Ah ehhh, muli’y bantulot na tugon ng tinyente.

“Kung may nobyo ka raw ba Claire, hehehe”, si Brian ulit.

Ang dalaga, kung kani-kanina lamang ay alanganin, ay bahagyang napahagikgik, at itinakip ang kanang palad sa bibig bago pa man siya tuluyang mapahagalpak.

“Ano ba yan akala ko naman kung anong itatanong”, yumuyugyog ang mga balikat nito sa impit na mga tawa.

“Putangina, mababaon ako nito sa kumunoy ng kahihiyan”, Si Edwin. Batid niyang kailangan na niyang bumawi sa sitwasyon.

“Claire, ilang taon lang ang agwat natin huwag mo na lang sana ako i” popo”, kung okey lang”..

“Yoooowwwnnn”, si Brian, hagip ni Edwin ang ngisi at naabutan pa ang bahagyang kumpas ng braso, nito, ang sagisag ng punyagi.

“Ha eh, eh sige po, ay sorry naman. Kayo daw kasi ang Company Commander Sir eh, kanina ko lang din naintindihan kung ano iyon. Sige po, Sir okey lang naman po, ay sorry ulit, sir hihihihi..

Oo maganda nga talaga ang dalaga, kagandahang pinatingkad pa ng tamis ng ngiti nito.

Edwin Claire, Edwin Santos, Lt Santos Claire kasunod ng abot niya sa kanang palad sa direksiyon ng dalaga.

Inabot naman ito ni Claire na hindi nawawala ang mga ngiti sa labi, at dito, dahil wala ng tumatakip na kamay ay nakita niyang naka braces din ang sinisinta.

“Hazel Claire,Ssir, Claire na lang Sir.”

May kung anong siklab ng kuryenteng naramdaman ang tinyente nang lumapat sa kanyang kamay ang napakalambot na palad ng dalaga.

Bahagya niya itong pinisil, bagay na napansin naman ni Claire.

Naunang bumitaw sa pagkakakamay ang tinyente.

“Claire kung puwede huwag mo na lang din ako Sir.”

“Ha, okay, kuya na lang?” inosenteng tugon ng dalaga.

Gusto niyang matawa sa tinuran nito. Hindi niya masiguro kung seryoso ba ito o nagbibiro lamang.

“Edwin na lang ha, okey lang?”

Okay. Edwin it is.. Nice meeting you. And sorry talaga ha last night”, bibo pa ring tugon ni Claire.

“Sige na Bry lakad na kayo para makabalik ka kagad.”
“Sige Sir permission to leave, Sir.”

Papanaog na ang magpinsan nang lumingon pabalik sa kanya ang dalaga.

“Ay iyong tanong mo pala kung may bf ako? Wala naman sa mga suitors ko ang pasado eh, gusto ko kasi mas pogi pa ke kuya Brian hihihi. So wala ako bf now. Bye bye Edwin.” at tuluyan na itong bumaba.

Hindi maalis sa isipan ni Edwin ang huling tinuran ni Claire sa kanya. Totoo man ito o biro.

“Diyos ko, noong nagsabog ka ng katapangan, nasalo ko yata lahat, pero sana biniyaan niyo naman po ako ng K POP na mukha”, biro na lang niya sa sarili.

Oo me naramdamang bahagyang lungkot ang tinyente.

“Tangina eh ano ngyaon? Kailangang mag focus Edwin, madaming mas importanteng bagay ang kaialangang pagtuunan ng pansin, bagong simula ito sa career mo tandaan mo yan”, ang tila pang aalo nito sa sarili.

“Tanginang guwapo guwapo na yan, sabi ko naman na kasing “out of league siya”.

Dinukot ng tinyente ang pakete ng Marlboro sa kanyang bulsa, at nag sindi ng isa.

Kasabay ng bawat hithit niya sa sinindihang sigarilyo ay ang isang pasya.

“Marami pa diyang iba, Trabaho na muna Edwin, Trabaho”… palala ng pinuno sa sarili