Ang dati’y payak na Barangay ng Dalag ay ibang iba sa umagang iyon. Sa gitna ng “Covered Court” ay ang pinag dugtong dugtong na mesang kahoy kung saan isa isang sinasagot ng Alkalde ang mga katanungan mula sa mga miyembro ng nagsidatingang media kaugnay ng naganap na madugong labanan.
Isang “Press Release” na inorganisa ng munisipyo ang kasalukuyang ginaganap.
Nakalatag sa lamesa ang Apat na riple ng M16, Dalawang AK 47, Isa pang M16 na may 40mm M203 Grenade Launcher, Dalawang M14, Isang kalibre 45, samu’t saring bala at magazine ng baril, Dalawang “Improvised Explosive Device”, Isang “Motorola GP68” Handheld Radio, sari saring subersibong dokumento, Sampung backpacks, at iba pang mga personal na kagamitan na nakamkam ng mga sundalo mula sa mga napaslang at naiwan ng mga nagpulasang komunista. Sa labas ay ang hilera ng mga sasakyan ng Kapitolyo, Munisipyo, Municipal Police Station, Police Provincial Office, SOCO, 6 by 6 Trucks ng Security Force mula sa Army, at mga sasakyan mula sa Komisyon ng Karapatang Pantao.
Nauna nang nakaalis sa Barangay ang isang ambulansiya at truck ng kapitolyo na humakot sa mga bangkay ng labing isang miyembro ng NPA na napatay sa nagdaang engkwentro.
Dumagdag sa liwanag ng covered court ang mga kislap mula sa mga camera ng mga hindi magkamayaw na Media sa pagkuha ng litrato sa malamang, pinakatanyag na personalidad noong umagang iyon.
Si Edwin, ang pinuno.
“Puta Anto, sikat ka na”, pasimpleng siko at kantiyaw ni Cpt. Banatao, ang Batallion S3 ke Edwin. Sa kaliwa ng Mayor ay ang Punong Barangay, mga kinatawan ng Commission on Human Rights, sa kanan naman ay si Lieutenant Colonel Eugenio, ang Battalion Commander, kasunod ang Tinyente, at sa pinakadulo ng mesa ay ang Battalion S3.
“Gusto ko lang linawin na ang pagdating ng mga kaibigan natin mula sa Commission on Human Rights ay hindi nagangahulugan na may mga paglabag na nagawa ang ating mga kasunduluhan”, ang Mayor.
“Inanyayahan natin sila bilang daan sa malayang talakayan at kuro kuro, at nang sa gayon ay maisakatuparan o magampanan din nila ang kanilang mandato”.
“So meron pa ba tayong mga katanungan?”, ang pagtatapos ng Alkalde.
Isang kinatawan ng Bombo Radyo Quezon ang lumapit sa mikropono.
“Katanungan lamang po para kay Kapitan Robert. Gaano po katotoo na kayo po mismo ang kumukupkop sa mga rebelde? Kayo daw po mismo ang nagbibigay sa kanila ng pagkain at gamot, at tumimbre pa sa kanila na may mga sundalong nag o operate dito sa inyong barangay. Me mga bali balita po na kaanib kayo ng mga makakaliwang grupo Kapitan. Ano ang masasabi niyo dito?”, ang diretsong ratsada ng taga Bombo Radyo.
Sa kanyang kinauupuan, ay tahimik ang tinyente.
“Animal ka, sige nga sagutin mo”.
Muli ay isang ideya ang mistuang naglaro na naman sa isip ng batang tinyente, at sa mga labi niya’y gumuhit, hindi ang isang ngiti, kundi ang isang ngisi.
“Mukhang dumating na ang araw mo Kapitan”, tahimik at nakangising usal ni Edwin.
“Hehehe. Wala po ni maski katiting na katotohanan yan. Pawang mga haka haka lamang yan.”, ang tanggi ng Punong Barangay.
“Sa katunayan nga po, ay inanyayahan ko pa po si tinyente upang makapagkape noong malaman ko na na naririto nga sila sa Barangay”.
Sa nadinig na sagot ng Kapitan at sa nataong paghigop ng tinyente sa kanyang kape, ay nasamid ito at naubo. Muli’y tahimik na nasambit ng tinyente.
“Tang ina ka animal ka Kapitan, napakasinungaling mo. Mamaya ka”.
“Mukhang wala ng katanungan, meron pa ba?”, ang Mayor
At gumawi ang paningin ng kinatawan ng Bombo Radyo sa dako ng noo’y nagkakapeng si Edwin.
“Lieutenant Santos, gaano po ito katotoo?”
Bago sagutin ay tiim munang tinitigan ni Edwin ang noo’y nagsisimula nang kabahan na Punong Barangay. Kinuha nito ang iniabot ng S3 na mikropono, kapagdaka’y tumayo mula sa kinauupuan ang pinuno.
…