Ikalawang Bahagi
Kulang kulang dalawang oras na nag usap ang Punong Barangay ng Dalag at ang pinuno. Mag tatatlong oras na buhat nang makaalis ang Kapitan subalit hindi mawaglit sa isipan ni Edwin ang mga kataga nito kanina.
“Tinyente, kung sa tingin mo ako ang hinahanap mong pinakamalaking isda dito, nagkakamali ka”. Maniwala ka man o hindi, isa lamang akong masa, na kailangang makisama sa kilusan. Kung ikaw ang nasa katayuan ko ano ang gagawin mo tinyente?”
“Malaking bahagi ng buwis na nalilikom ng kilusan mula sa mga kaaway na uri ay nakalaan para sa pagkain at gamot ng mga kadre. Napakalaking pera nun tinyente, at bibinibigay lamang ng kilusan ang katungkulan na iyan, hindi sa isang masa lamang na katulad ko tinyente, kundi sa isang tulad nilang hindi mag aalinlangang humawak ng armas sa hudyat para isakatuparan ang isang taktikal na opensiba o di kaya’y lumahok sa armadong pakikibaka.
“Pansinin mo ang barangay tinyente, nasaan ba dito sa pamayanan ang pinakamalaking tindahan?
“Oo tinyente. Siya ang gumawa ng plano, siya ang namuno sa opensiba kahapon. Sa madaling salita, siya ang nagtangkang katayin kayo, hindi ako tinyente”.
Ito ang bahagi ng pag uusap nila ni Kapitan na hindi mawaglit, paulit ulit, at pabalik balik sa isipan ng pinuno.
Kinaumagahan, dalawang araw matapos ang labanan.
Hindi pa tuluyang sumisikat ang araw, at ang mga damuhan ay basa pa sa mga bakas ng hamog nang magsimula ang mga sundalong maghukay para hanapin ang bangkay ng pastor.
Kailangan nilang agahan ang paghahanap, sapagkat hindi din matiyak o alam ng Kapitan ang eksaktong pinagbaunan sa pastor.
Tuluyang lumatag ang liwanag mula sa sikat ng araw at nagsimula nang dumami ang mga taga Dalag na nag aabang at nag uusyuso sa ginagawang paghahanap ng mga sundalo, hanggang sa dumating na rin sa lugar ang ilang kinatawan mula sa lokal na polisya ng Mecaleon .
Ilang saglit pa nga ay….
Gwaaaarkkkk…. Waarrrkkkhhh…. Ggggwaaaarrrkkkkkkkk,
maluha luhang suka ng Team Leader makaraang amuyin ang dulo ng patpat na pinantusok sa bahaging iyon ng kawayanang karatig ng maliit na sapa, kung saan ang lupa ay may kahina hinalang kalambutan kung ikukumpara sa mga paligid na kalupaan.
At tama ang timbre ni Kapitan, natunton na ng tropa ang pinaglibingan sa pastor na matagal nang pinaghahanap.
Tahimik ang tinyente habang sinusundan ng tanaw ang papalayong bangkay sa ibabaw ng “stretcher”.
“Pull out” na tayo Alamid”, maya maya pa’y yakag na ni Edwin sa tropa.
Dahil sa mga nakalipas na kaganapan ay napilitang tuluyang makisama si Kapitan Robert sa mga sundalo, kabilang na dito ang pag alok sa “Barangay Hall” at “Covered Court” para magsilbing pansamantalang tuluyan ng pinuno at ng tropa.
Sa kanyang duyan, ay tanaw ng “Platoon Sergeant” ang kanina pang pananahimik ng pinuno sa higaan nito. Titig na titig ito sa hawak hawak na tila ba isang pinunit na pahina ng isang kwaderno.
Tumayo ang sarhento at nagpasiyang lapitan ang pinuno.
“Sir”, ang pukaw nito sa atensiyon ng tinyente makaraang makalapit.
“Gusto niyo ba magkape Sir?”, ang sarhento.
Bumangon si Edwin upang mabigyan ng espasyong mauupuan ang sarhento.
“Nasobrahan na yata ako sa kape Eric, maasim na sa sikmura”.
“Wala pa bang advice ang Batalyon, Sir?”
“Tumawag na si S3, wala pa, dito lang muna tayo, alalayan si Kapitan.”
“Eric tingnan mo to”, sabay abot ni Edwin sa papel.
1. Kap (Punong Tagalitis)
2. Kagawad Almendras (Miyembrong Tagalitis)
3. Kagawad Serio (Miyembrong Tagalitis)
4. Kagawad Fuentes (Miyembrong Tagalitis)
5. Kagawad Domacio Lilia (Miyembrong Tagalitis)
6. Kagawad Nelia at Nelias Store (Liaison Officer, Suplay ng pagkain at gamot)
7. Sk Chairman Guario Tagapag Organisa (Grupo ng Kabataan)
8. Kura Paruko ng Mecaleon
9. Aselaida Asuto Tagapag Organisa (Grupo ng mga Kababaihan)
10. Nicanor Fabia Tagapag Organisa (Grupo ng mga Magsasaka)
“Galing mismo ke Robert yan, ang tinyente matapos suriin ng sarhento ang listahan.
“Anong plano Sir”, kapagdaka’y tanong ng sarhento.
Tahimik ang tinyente, makaraa’y isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan nito.
“Puntahan mo na ang tropa Alamid”, ang pag iiba niya sa paksa.
“Shot yata sila samahan mo na, pag ganahan ako susunod ako maya.”
Sa isang sulok ng “Covered Court” ay nagsama sama ang dalawang “Squad Leaders” at apat na “Team Leaders”. Sa pahintulot ng pinuno ay masaya ang mga itong umiinom habang sinasariwa ang mga matagumpay na mga nagdaang operasyon.
Sa tama ng iniinom na serbisa, ay hindi maiwasang maging malagihay at taklesa na ang ilan sa pananalita.
“Tang ina kung ganyan lang sana lahat ng Platoon Leader dumiskarte, mauubos agad ang NPA hehehe, si Cpl Tacio, isang “Team Leader”.
“Magaling si Sir napakagaling, sang ayon naman ni Sgt. Patrimonio, ang lider ng unang hanay.
“Akala ko nga tatakbo at mamumutla eh, unang giyera baga at kalaban pa talaga ang umatake.”
“Ikaw Sarge ano masasabi mo?”, sabay abot ni Patrimonio sa baso kay Sgt Rica,
ang lider ng pangalawang hanay.
“Kung ganyan ang op…