Katapusan
Kusang sumuko sa mga pulis si Daniel. Inamin niya ang pagpatay kay Ryn. Doon man lang ay mabawasan ang kanyang mga kasalanan. Ikinulong siya at sinampahan ng kaso sa salang “murder”. Ayon sa mga pulis pinlano raw ni Daniel ang pagpatay sa kanyang kabit. Hindi na kumontra ang lalaki. Bagkus, siya ay nag-plead ng “guilty” at hindi na umapila pa. Hindi nasangkot si Lisa kahit nawala itong parang bula at ang ina naman ni Ryn ay walang pakialam sa nangyari sa anak. Nguni’t bago nangyari ang krimen ay nakapag-file si Lisa ng annulment na hindi na kinontra ni Daniel. Hindi nga lang siya sigurado kung sino ang nag-aasikaso noon. Gumulong ang hustisya at pagkaraan ng tatlong taon ay nahatulan si Daniel ng “Reclusin perpetua” o habang buhay na pagkabilanggo. Inilipat ang lalaki sa ‘National Bilibid Prison’ upang doon gugulin ang kanyang sintensya.
Isang araw ay pinatawag ng ‘warden’ si Daniel. Sa loob ng pitong taon na pamamalagi roon ay naging maayos ang kanyang record. Ni minsan ay hindi siya nasangkot sa ano mang gulo. Nabigla pa siya nang ibalita nito na may bisitang naghihintay sa kanya. Sinamahan siya ng mga gwardiyang pulis sa ‘visiting area’. Laking gulat niya nang makita kung sino ito.
Lumapit si Daniel sa mesa kung saan naghihintay roon ang kauna-unahan niyang panauhin mula nang makulong. Nagtama ang kanilang mga paningin. Napakaganda pa rin ng kanyang dating asawa. Wala itong pinagbago samantalang siya’y nag-uumpisa nang lumabas ang mga puting buhok at gatla sa noo. Sampung taon na rin naman ang nagdaan at sa hirap ng buhay sa bilibid ay siguradong doble kang tatanda.
“Kumusta ka na, Daniel?” Ito ang unang namutawi sa bibig ni Lisa.
Napa-upo si Daniel. Titig na titig pa rin sa magandang mukha ni Lisa. Hindi makapaniwalang dadalawin ng babaeng labis niyang sinaktan. Biglang nangilid ang kanyang mga luha at di napigilang mapaiyak.
“Lisa…..salamat sa Panginoon at buhay ka.”
Ngumiti ang dating asawa. Hinawakan ang kamay ni Daniel.
“Patawad, Lisa sa mga nagawa ko. Pinagsisisihan ko na ang lahat. Kung kaya ko lamang maibalik ang nakaraan ay hinding hindi ko na gagawin ang pagtaksilan ka. I’m sorry.”
“Tapos na ‘yun, Daniel. Naka-move on na ako.”
“Nakita ko noong nilamon ka ng salamin at isinama ng mahiwagang lalaki, Lisa. Ano ang nangyari? Ang buong akala ko’y buhay mo ang naging kapalit sa mga kasalanan namin ni Ryn.”
“Tama ka, Daniel. Buhay ko ang naging kapalit nung hindi kayo pinatay ni Espejo. Nguni’t imbes na kamatayan ang aking kaparusahan, ako’y mabubuhay ng walang hanggan. Tatanda na kayong lahat pero mananatili ako sa ganitong edad. Makikita ko ang pagdating at pagkawala ng mga tao sa aking paligid. Makikita ko ang lungkot, saya, pati kamatayan. Ito ang bago kong buhay…. ito ang aking sumpa kung matatawag man itong sumpa.”
“I’m sorry, Lisa… I’m sorry…. Kasalanan ko itong lahat. Kami ni Ryn ang dapat tumanggap ng kaparusahan pero ikaw ang nagdurusa ngayon. Sorry, kung hindi ko pinahalagahan ang pagmamahal mo. Na mas inuna ko ang kalibugan kaysa ayusin ang ating pagsasama. Pati kayong magpinsan ay sinira ko. At sa labis na panibugho nung nakita ko ang lalaking ‘yun na nakikipagtalik sa babaeng akala ko’y ikaw, di ko napigilan silang patayin. Huli na nang nakita kong si Ryn pala ‘yun at tulad ng ginawa ko sa iyo, ako rin ay kanyang pinagtaksilan. Kung pwedeng ako na lang ang tumaggap ng iyong sumpa ay ginawa ko na. You don’t deserved this.”
“Daniel, hindi ko ito ikinukwento sa ‘yo para sumbatan ka o para ma-guilty ka. Hindi ko intensyon ‘yun. Minahal kita noon at wala akong pinagsisisihan sa mga naging desisyon ko. Totoo, nagalit ako sa inyo… Gusto ko rin gumanti…. Gusto ko kayong maghirap…. patayin… Pero mas nanaig ang pagmamahal ko sa ‘yo. Pag mahal mo pala ang tao wala kang hinihintay na kapalit kahit nasasaktan ka na… Kahit natatapakan na ang pagkatao mo… Nagiging tanga ka….. Nagiging manhid ka. Subali’t ang lahat ay may katapusan. Maaaring mamatay rin ang pagmamahal kung hindi inaalagaan….kung ang isa rito ay nagbago na ng damdamin….kung sumuko na at di ka na kayang ipaglaban…kung napagod na. At marahil ganun ang nangyari sa atin…..hanggang doon na lang talaga.”
Tuluyan nang napahagulgol si Daniel. Bakit nga ba nasa huli ang pagsisisi? Bakit kung kailan huli na ay saka niya napagtanto na mahal na mahal n’ya pala ang asawa? At kahit anong gawin niya’y hindi na mababalik ang lahat….di na mapapalitan ang sakit na idinulot niya sa puso ni Lisa. Pinakawalan niya ang isang babaeng ginawa ang lahat sa ngalan ng pag-ibig. Pinakawalan niya ang isang kayamanan na mahirap nang hanapin pa. Hindi si Lisa ang tanga kundi siya!
“Paalam, Daniel. Ito na ang una at huli kong pagpunta rito. Kahit magkaiba na ang ating mundo, nais kong malaman mo, pinatawad na kita. Huwag mo na akong alalahanin. Nasa maayos akong kalagayan. Sana matutunan mo ring patawarin ang iyong sarili. Mabuti kang tao, Daniel. Naniniwala akong makakabangon ka muli. Salamat.”
Tumayo si Lisa at iniwan na si Daniel. Kailangan niya nang bumalik kay Espejo. Ngayong annulled na ang kanilang kasal ni Daniel ay maari na siyang magsimula muli. Sa sampung taon na lumipas ay naghilom na rin ang sugat. Panahon na upang asikasuhin ang kakaibang misyong iniatang ni Espejo sa kanya na maaring magpabago naman sa buhay ng iba.
Pagkadating sa bahay ay agad tinungo ni Lisa ang kanyang kwarto. Naligo muna pagkatapos ay humarap na sa kanyang mahiwagang salamin nang nakahubad. Hinawakan niya ang naka-ukit na disenyo ng salamin.
“Espejo, narito na ako. Maari ka nang lumabas sa iyong mundo.”
Sa isang iglap ay nasa harap na niya ang makisig na binata. Naka hubad din ito at kitang kita ang nagsusumigaw nitong pagkalalaki. Kahit sinong babae’y mahuhumaling sa kagwapuhang taglay ni Espejo. Iba talaga ang karisma nito. Nguni’t naisip ni Lisa na ibang nilalang nga pala ang lalaki pero katulad niya, ito ay tapat magmahal. Hindi marunong magtaksil.
“Kung lahat na lang sana ng tao’y katulad ni Espejo, magiging maayos siguro ang pagsasama ng mag-asawa. Wala nang masisira nang dahil sa pakikiapid.”
Napangiti si Lisa nang matapos ang pagmumuni-muni. Kahit hubo’t hubad silang dalawa’y hindi na nakakaramdam ng malisya. Animo’y natural na lamang sa kanila ang ganito. Siguro’y palagay na kasi ang loob ni Lisa kay Espejo. Sa tagal nilang magkasama’y hindi ito naging bastos sa kanya. Hindi nito sinaling ang kahit na dulo ng kanyang daliri.
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang sumama si Lisa kay Espejo ay hinawakan nito ang kanyang baba at inangat upang matitigan ng husto ang kanyang mga mata. Ngumiti ito at siya’y niyakap.
“Hindi mo na nga siya mahal. Nakalaya ka na sa kanya…. Nabasa ko sa iyong mga mata.”
Yumakap na rin si Lisa rito. Natawa siya sa sinabi nito. Napaka swerte niya at naging parte ng buhay niya ang isang tulad ni Espejo. Walang namamagitang sekswal sa kanilang dalawa. Naging matalik pa nga silang magkaibigan at patuloy siyang sinusuportahan. Dangan lamang ay hindi maaring mabali ang kaparusahang kanyang inako. Nguni’t wala naman siyang reklamo. Masaya siya na matagal silang magiging magkasama ni Espejo. Lumayo ng konti ang binata upang makita muli ang mukha ng dalaga.
“S’yanga pala, Lisa, may dumating na kama sa shop. Isang kama na nababalutan nang hinagpis at paghihirap. Alam mo na siguro kung ano ang gagawin doon.”
“Oo, Espejo. Naitawag na sa akin ni Ella. Bukas ay titingnan ko. Kailangan ba talagang ‘yun ang maging kapalaran nang bibili ng kamang ‘yun?”
“Lisa, alam mong ang bawat antigo o ‘segunda manong’ mga bagay na iyong ibinibenta ay may kaakibat na kwento at lihim. Maaring ang lihim na ‘yun ay masaya, mapait, o may kasamang karahasan na tao ang may gawa. Mga lihim na pilit itinatago. Ang mga gamit na napupunta sa iyo’y nananatiling gamit subali’t ito’y nagiging piping saksi sa mga pinaggagagawa ng mga tulad mong mortal.”
“Espejo, matagal ko na gustong itanong ito sa ‘yo. Hiniling ba ng aking Ina na patayin mo ang aking Ama noong nahuli rin niya itong nakikipagtalik sa aking ninang o binigyan mo siya ng pagkakataon makapili sa nais niyang mangyari?”
“Lisa, nasabi ko na sa ‘yo na ang lahat ng mga taksil sa asawa na makikipagtalik sa harap ng salamin na ‘yan ay mamamatay. Nguni’t binigyan ko pa rin ng pagkakataon ang iyong Ina at mga ninuno na makapili sa nais nilang maging kapalaran ng kanilang mga asawa at alam mo na siguro ang kanilang naging kasagutan. Ang tao ay binigyan ng “free will” o kakayahang makapagdesisyon at makapili ng kanilang gusto. Nguni’t sa bawat desisyon na iyon ay may kaakibat na konsikwensya. Pwedeng maging pabor o hindi sa taong magdedesisyon. Pero dapat handa sila sa mangyayari dahil sa pinili nila. Ang karma ay dumarating sa hindi mo inaasahang pagkakataon tulad ng kamatayan. Ganito ang nangyari sa inyo nina Daniel at Ryn. Kayo ang pumili kung ano ang gusto ninyo at wala namang pumilit.”
Sandaling natahimik ang babae. Sino nga ba naman siya para husgahan ang mga naging desisyon ng kanyang Ina at mga ninuno? Dinanas niya ang sinapit nila. Alam niya ang pakiramdam ng pinagtaksilan. Nagkaiba man sila ng piniling landas, alam niya sa puso niya na mabuting tao ang kanyang nanay.
“Tingin mo ba, Lisa, hindi makatarungan ang nangyari sa kanila? Na mamatay at nawala sila sa iyong mundo sa ganoong paraan?”
“Hindi ko alam, Espejo. Wala ako sa posisyon para kwestyonin ang mga bagay na ‘yun. Naging mabuting magulang ang aking Ina. Ibinigay niya lahat sa akin. Pinunan niya ang naging pagkukulang ng aking Ama. Kung pumayag siya sa paraan ng pagkawala ng aking Tatay, sino ako para husgahan s’ya?”
Ngiti lamang ang naging sagot ng lalake. Ramdam niyang marami pang tanong si Lisa sa hiwagang bumabalot sa salamin nguni’t hindi niya maaring sabihin iyon sa dalaga. Isa itong sikreto na siya lamang ang nakakaalam.
“Tinatanong nga pala ako ni Ella kung bakit parang hindi raw ako tumatanda samantalang siya’y nag-uumpisa nang mag-iba ang hitsura?” Ang biglang pag-iiba ni Lisa sa usapan. Naramdaman din siguro nito na di komportable si Espejo kapag ang usapan ay tungkol sa salamin.
“Ano ang iyong isinagot?”
“Wala. Sabi ko’y sadyang mukhang bata lang ako… Bakit, maari ko bang sabihin sa kanya ang sikretong ito?”
“Ikaw ang magpasya sa bagay na ‘yan. Hindi ba’t sinabi mo rin kay Daniel kung bakit buhay ka pa imbes na nakulong ka na sa salamin? Sa tingin ko’y kailangan mo ng taong makakatulong sa ‘yo upang maging maayos ang iyong misyon. Ala…