Kabababa lamang niya ng telepono ng biglang mag-ring ang kanyang celfone. Pangalan ni Ace ang lumitaw na name ng tumatawag sa kanya.
“Hello Pards. Nasaan ka na? Bakit bigla kang umalis?” ang mga tanong agad ni Ryan.
Subalit walang naririnig na sagot si Ryan mula sa kabilang linya.
“Hello…… Hello……. Hello…….. Pards… Ace….. Ace…. Nandyan ka pa ba? Naririnig mo ba ako? Nasaan ka na?” ang mga tanong muli ni Ryan.
Bahagyang tumahimik si Ryan upang pakinggan ng mabuti ang tumawag sa kanya sa kabilang linya. Baka mahina lang ang signal sa kinaroroonan ni Ace. Kaya hindi niya marinig ang mga tugon ni Ace sa kanya. Subalit walang marinig na nagsasalita sa kabilang linya si Ryan. Nanatili pa rin siya sa pakikinig. Hanggang sa marinig niya ang mga buntong hininga.
“Happy anniversary Pards. Paalam.” ang mga huling narinig ni Ryan mula sa kabilang linya.
Bigla na lamang naputol ang linya. Muling tinawagan ni Ryan ang celfone ni Ace. Subalit hindi na niya ito matawagan. Kabadong-kabado na si Ryan ng mga sandaling iyon. Hindi niya rin malaman kung ano ang kanyang gagawin. Hanggang sa mag-ring muli ang kanyang celfone.
“Hello.” ang sagot ni Ryan.
“Ryan, si Marge ito ang ate ni Ace. Alam mo na ba ang balita.” ang bungad naman ng tumawag sa kanya.
Halata sa boses ng kausap ni Ryan na umiiyak ito.
“Bakit Ate Marge? Bakit ka umiiyak? Ano yung balita?” ang mga tanong ni Ryan.
“Wala na si Ace. Iniwan na niya tayo.” ang tugon naman ng ate ni Ace.
“Anong ibig mong sabihin?” ang tanong na naman ni Ryan.
“Kaninang madaling araw ay biglang nag-decide na bumalik sa Manila si Ace. Madilim pa sa daan at medyo umuulan. Madulas ang kalsada. Iniwasan daw niya na mabangga ang isang papasalubong na jeep. Hindi na niya na-control ang kanyang kotse. Nagtuluy-tuloy siya sa bangin. Patay na siya ng ma-recover ang kanyang katawan.” ang nasabi ni Marge kay Ryan.
Parang natulala na lamang si Ryan dahil sa kanyang nalaman. Hindi na niya nakuha pang kausapin ang ate ni Ace. Naupo na lamang siya sa sofa at inabot ang isang picture frame na may larawan nilang dalawa ni Ace. Tinitigan niya ito at hindi nagtagal ay nagsimula ng pumatak ang mga luha sa kanyang mga mata. Unti-unting niyang naala-ala ang mga nangyari ng umagang iyon. Sa wari niya ay hindi iyon isang panaginip. Totoong kapiling niya si Ace ng umagang iyon. Marahil kahit sa huling pagkakataon ay pinilit pa rin na minsan pang ipadama ni Ace ang pagmamahal niyang wagas kay Ryan.