May asawa’t mga anak na rin si Nanding. Tahimik ang kanilang buhay ngunit kilala siya sa lugar namin na mahusay makisama. Katunayan madalas na may nag-iinuman sa bahay nila. Ang mga kainuman niya ay ang kanyang mga barkada roon sa lugar namin.
Dala ng mahigpit na pangangailangan, lakas-loob akong pumunta sa kanila. Ang kanyang asawa ang una kong nakausap ngunit mabuti pa raw kung si Nanding ang diretsong kausapin ko dahil hindi siya ang humahawak ng pera nila. Tinawag si Nanding at paglabas ay iniwan kami ng kanyang asawa sa kanilang sala.
Bago pa ako nakapagsalita ay inunahan na ako ni Nanding. Kung sadya ko raw ay humiram para sa anak kong nakulong ay walang problema. Lumukso ang puso ko sa labis na katuwaan. Hindi na ako nahirapang kausapin pa sila at parang siya na mismo ang nag-alok ng tulong sa akin. Laking pasasalamat ko sa kanila at nangakong babayaran agad kapag nagkaroon na ako ng pera kahit ang totoo ay hindi ko pa naiisip kung saan ko naman hahagilapin ang ipambabayad sa kanila.
Ngunit bago ako umalis ay mahigpit ko siyang pinakiusapan na huwag na huwag makakarating sa kaalaman ng aking asawa na humiram ako sa kanila. Nangako naman si Nanding at sabi pa nga sa akin ay naiintindihan daw niya na nag-aaway ang mag-ama ko.
Lumabas ang anak ko ngunit hindi siya umuwi sa amin. Pumupunta lang siya kapag alam na wala ang kanyang ama. Ako naman ay problemado na sa dami ng kompromiso. Lalo na nang pinuntahan ako ng anak ni Nanding at pinatatanong daw ng kanyang ina ang hiniram ko. Wala akong maisagot at sinabihan ko na lang ang bata na pupunta ako sa kanila.
Tuliro ako at hiyang-hiya habang kausap ko ang kanyang asawa na medyo may kasungitan ng araw na kausapin ko. Buti na lang lumabas si Nanding at siya na raw ang bahalang makipag-usap sa akin tutal sa kanya ako personal na humiram.
Inamin ko ang totoo kay Nanding na wala pa akong maibabalik kahit magkano sa aking hiniram. Naunawaan naman niya ako at pumayag na kapag nakaluwag na ay saka ko na lang ibibigay sa kanya ang hiniram ko. Hiyang-hiya ako ngunit kailangan kong kapalan ang aking mukha.
Wala akong kaalam-alam na ang kabaitang ipinakita sa akin ni Nanding ang unti-unti palang magtutulak sa akin sa kumunoy ng pagkakasala. Umpisa noon kapag napapadaan ako sa kanila at natitiyempong nasa labas si Nanding ay tinatawag niya ako. Hindi para maningil kundi kinukumusta lang ang aking anak. Wala naman akong ibang masabi kundi ang totoo na hindi pa rin nagbabago ang anak ko.
Kahit may mga kaharap siyang barkada at nag-iinuman sila, kapag dumadaan ako sa kanila at nakita niya ay tinatawag ako ni Nanding. Tumatayo pa iyan sa kanyang kinauupuan para lumapit sa akin at makipag-usap sandali.
Nahihiya akong lumapit kapag nandoon ang kanyang mga kaibigan dahil kung makatingin ay parang mga nakakaloko at nagbubulungan pa ang iba. Ngunit nahihiya naman akong hindi lumapit dahil sa kompromiso ko kay Nanding.
Ganun ng ganun lagi. Ako na nga ang umiiwas na dumaan sa kanila. Hangga’t maaari ay ayokong matatawag pa niya kapag kaharap ang kanyang mga barkada. Subalit magkapitbahay kami kaya hindi maiiwasan na mapadaan ako ng madalas sa kanila.
Gabi noon at walang ibang tao sa bahay kundi ako lang. Biglang dumating si Nanding na itsura pa lang ay halatang nakainom. Hindi ko malaman ang aking gagawin sa pag-aakalang maniningil na siya. Pero pinakiharapan ko ng maayos at pinapasok ko pa sa loob ng bahay.
Hinatid daw niya sa labasan ang kanyang mga kaibigan. Wala raw siyang ibang sadya kundi ako. Nang magpapaliwanag na sana ako tungkol sa hiniram ko sa kanila ay bigla niya akong nilapitan at hinawakan sa kamay. Kumabog ang dibdib ko sa ginawa ni Nanding. Pisil pa lang niya sa kamay ko, ramdam ko nang may halo itong malisya.
May itsura ka at bata pa. Mukhang matanda ka lang dahil siguro sa problema n’yong mag-asawa,” ayon kay Nanding. Tinanong ko siya kung ano’ng ibig sabihin ng kanyang ginagawa sa akin. Ngumiti si Nanding sabay sabi sa akin na kung nakakaintindi raw ako, dapat ay alam ko kung ano ang ibig n’yang sabihin sa akin.
Inalis ko ang aking kamay sa kanyang pagkakahawak. Sabay pinakiusapan siya na kung maaari ay umalis na at baka abutan pa kami ng aking asawa. Tiyak ‘kako na magtatanong iyon kung bakit nandoon si Nanding sa bahay at baka malaman na humiram ako sa kanila para mailabas lang ang anak ko.
Imbes na pakinggan ang pakiusap ko ay lumapit muli si Nanding sa akin at hinawakan uli ako sa kamay. Umiwas ako ngunit kasabay ng pag-iwas ko ay niyakap niya ako. Nagpanting ang tenga ko sa galit at pilit ko siyang itinutulak. Ngunit wala akong magawa dahil mas malakas siya sa akin.
Hindi ko rin magawang sumigaw dahil ewan ko ba kung bakit unang pumasok sa utak ko ay baka marinig kami sa bahay nila na katabi lang sa amin. Nagpumiglas ako ngunit hindi bumitiw si Nanding. Hanggang sa nahalikan niya ako sa labi. Kung hindi ko pa siya kinagat sa labi ay hindi pa lalayo sa akin.