Nang lumaon, pati na si Mrs. Sarabia ay nag-umpisa na ring mahilig sa pagbabasa ng mga nobela at kuwento. Lalo na kung walang korum upang makapaglaro siya ng madyong, dahil kasama ko nga si Luz sa pamamasyal. Sa simula’y pahiram-hiram si Mrs. Sarabia ng libro sa akin, hanggang sa matutuhan na rin niyang magsadya sa mga bookstore upang malaya siyang pumili at bumili ng makursunadahang basahin.
Habang dumadalas ang pamamasyal namin ni Luz ay dumadalang naman ang pagmamadyong sa kanilang bahay. Ito ang larong aking ipinanalo. Wala na ang ingay na animo’y nagsasangag ng graba at buhangin sa gabi. At natitiyak kong hindi na ito mauulit pa. Lalo na at kasal na kami ni Luz. Ngayon, sa gabing katalik ko ang aking makinilya at nagpupumilit na makabuo ng isang kuwento ay wala nang karibal na ingay na umiistorbo sa akin. Datapwa’t kung minsan ay. . .
“Riel, darling, matulog na tayo. Gabi na. Inaantok na ako.”
Sa ngayon ay ito ang karibal ng aking mga salaysaying pawang kathang-isip. At sa lahat ng pagkakataon ay handa kong ipagpalit ang lahat kong kuwento sa piling ng aking mahal na maybahay. Siya ay isang buhay na kuwentong ang dulot na ligaya’y walang katapusan.