Endo

ENDO

Fictional story written by: Prince_Kotaro

**********

NAMUTLA si Bert habang kinakausap ng mga tauhan ng human resources ng kanilang kumpanya, hindi mapakali sa kanyang kinauupuan.

“Hindi magsasampa ng kaso ang legal department sa iyo kung magi-immediate resignaton ka, walang severance pay, at maba-ban ang pangalan mo sa industry.” litanya ng personnel ng h.r. habang kinakausap si Bert. Gross negligence ang grounds kung bakit sila ngayon ay nagkakaharap sa opisina ng admin.

Mawawalan siya ng trabaho dahil sa sobrang pagtitiwala!

“Alam namin na hindi ka nakinabang sa mga ilegal na transaksyon, pero dahil sa kapabayaan mo nagamit ang credentials mo sa anomalya ni Manlangit.” tulala pa rin si Bert habang ipinapaliwanag sa kanya ang mga naganap.

“Nagtatago pa rin si Manlangit pero iniimbestigahan na ang kaso. Criminal case ‘yun dahil milyon ang nakuha niya dito.” paliwanag ng generalist na siyang naka-assign sa kaso.

“Pero papano po ako at ang pamilya ko?” tanong ni Bert daig pa ang basang sisiw, blanko ang utak sa nagaganap. Samantalang ang saya-saya pa niya nang pumasok sa trabaho, hanggang sa ipasundo ng H.R. papunta sa kanilang opisina.

“Sana inisip mo ‘yan bago ka nagpabaya!”

Kabilang na naman si Bert sa statictics ng unemployed sa bansa. Bagsak ang balikat, tinamad nang sumakay ng jeep nang pinauwi na ito.

Naisipan na lang na maglakad-lakad.

Hindi biro ang ginastos niya para makakuha ng mga certifications. Maliban sa pera, oras, at talino na ginugol niya para mapromote sa posisyon na habol niya.

Lahat ng iyon ay natapon lang sa wala.

Naisip niya na bumalik na lang sa pagiging service crew, gaya noong binata pa siya.

Pero sa edad niyang 35 years old, malabo na siyang muling makapagtrabaho sa food service dahil minsan nang nadapuan ng tuberculosis. Kapag nagpapa pre-employment medical examination nga siya ay todo-paliwanag pa siya sa duktor mabigyan lang siya ng fit to work.

Iba na ang panahon ngayon, pamilyado na si Bert. May tatlong bibig na umaasa na sa kanya na kanyang papakainin. Ang asawa niyang si Melinda at ang dalawa nilang maliit na anak.

Papaano nga pala niya ipapaliwanag kay Melinda ang lahat?

“Papaano na ‘yan?” hindi masagot ni Bert ang tanong ng kanyang asawa, ang nainvest naman nila sa crypto ay nalugi at naglaho na lang na parang bula. “Kakaunti na lang ang ipon natin, ang dami pang bayarin sa bahay.”

“May nagsabi sa akin sa opisina na pababantayan ang mga galaw ko, hindi ako pwedeng kumita ng malaki dahil iisipin nila galing sa nakulimbat yung pera.” tulalang nabanggit ni Bert. “Pwede pa rin naman akong magtrabaho, yun nga lang hindi na pwede sa kaparehong linya.”

“Hangga’t hindi nahuhuli si Manlangit, under suspicion ako.”

“Kung gusto mo doon tayo sa amin sa probinsya, may bangka naman kami pwede kang sumama mamalakaya.” alok ni Melinda sa asawa, sapagkat nakapagpundar ng bangkang de motor ang pamilya niya sa Mindoro na ginagamit pangkabuhayan.

“Bawal akong lumayo, maghahanap na lang ako ng pagkakakitaan ‘wag kang mag-alala.” aburidong nahiga na lang si Bert sa kama at itinulog na lang ang problema, baka magising pa siya sa bangungot na kinalalagyan niya.

Lum…