“Salamat po pala sa lahat ng tulong niyo sa akin sa ospital.”ani Gudo habang bumibiyahe sila ni Kabesa pauwi sa kanilang lugar.
“Wag mong isipin ‘yun, Gudo. Bilang kabesa at lolo ng bumaril sa’yo, obligasyon ko ‘yun. Ako ang dapat magpasalamat dahil hindi ka na nagsampa ng kaso sa apo ko.”
Hindi kumibo si Gudo. Ang mga mata nito ay nakatingin sa labas ng jeep. Sa sandaling iyon, ang isip niya ay na kay Beth. Iniisip niya kung ano na ang lagay nito.
“Siyanga pala, Gudo.”ani Kabesa, “Malapit na ring lumabas ang apo ko sa ospital. Nagpapalakas na lamang siya. Oras na makalabas siya ay ididiretso na agad namin siya sa Maynila. Nakahanda na rin siyang lumipad papuntang Amerika sa makalawang buwan para manirahan doon kapiling ng kaniyang mga magulang.”
Tumango naman si Gudo sa sinabi ng matanda.
“Tsaka may pinasasabi sa’yo ang apo ko, Gudo. Gusto niyang humingi nang tawad sa mga nagawa niya. Alam mo na raw kung ano ang mga iyon. Batid niyang maaring hindi mo raw siya mapatawad. Gayunman, nais pa rin niyang humingi nang tawad sa iyo.”
Muling tumango si Gudo.
“Humingi rin daw siya nang tawad sa mga taong ginulo niya. Habang ilang araw daw siyang malay sa loob ng ICU ay nanaginip siya. Ipinakita raw sa kanya ng isang panaginip ang mga naging kasalanan niya. Nakita raw niya ang isang nakakasilaw na liwanag sa dakong itaas at sa dakong ibaba naman niyon ay ang nag-aapoy na dagat. Naghihirap sa apoy na dagat ang mga taong kagaya niya. Parang totoo raw ang lahat nang nasasaksihan niya. Kaya natakot siya nang maisip niya ang mga nagawa niya.”
Naisip ni Gudo ang bagay na iyon.
“Naniniwala ka ba sa mga bagay na ganyan, Gudo? Yung may langit at impiyerno?”
“Ang pinaniniwalaan ko po ay mayroon tayong Diyos. Isang mapagpatawad na Diyos. Na binibigyan niya nang pagkakataon ang mga tao para magbago. Para ituwid niya ang mga kamaliang nagawa niya.”
Ngumiti si Kabesa sa narinig niya kay Gudo. Sa sandaling iyon ay humanga siya rito.
“Kabesa, pakisabi po kay Paulo na pinapatawad ko na siya. Humihingi rin ako nang tawad sa kanya sa mga nagawa ko.”
“Napakabuti mo, Gudo.”
Makalipas ang ilang oras, tirik na ang mainit na sikat ng araw nang marating nila ang kanilang lugar. Pababa na ng sasakyan si Gudo nang may sabihin si Kabesa.
“Kung may kailangan ka, bukas ang aking tahanan, Gudo.”
“Salamat po, Kabesa.”ngiti ni Gudo.
Dumaan ang isang lalake nilang kapitbahay sa harap ng sasakyan. Galing ito sa pagpapastol nito sa bukid na hila-hila ang mga alaga nitong kambing. Dahil matalas ang memorya ni Gudo, nakilala niya ang mga kambing na iyon.
“Kabesa, hindi po ba kambing ni Beth ang mga iyon?”nagtatakang wika ni Gudo.
“Ibinenta ni Beth ang mga iyon nang umalis sila sa lugar natin dalawang araw na ang nakakaraan.”
Nabigla si Gudo sa sinabi ni Kabesa.
“Bakit po? Ano pong nangyari?”
“Ang paalam sa akin ni Beth ay luluwas daw siya ng kanyang mister sa Maynila. Doon na raw sila maninirahan.”
Biglang natahimik si Gudo. Bigla siyang nalungkot sa balitang iyon.
“Tsaka may napuna ako rito kay Beth. Atin-atin na lamang sana itong sasabihin ko.”
“Makakaasa po kayo, Kabesa.”
“Kasi nung paalis na si Beth, nagpunta siya sa bahay para magpaalam sa amin. Habang kausap ko siya ay napansin ko na tila may problema siya. Anak na ang turing ko sa kanya, Gudo. Kinausap ko siya nang masinsinan. Tinapat ko siya kung ano ba talaga ang tunay na sitwasyon. Umiyak lamang siya sa akin. Umiyak siya nang umiyak nang hindi sinasabi ang tunay na dahilan.”
Hindi kumibo si Gudo. Sa sandaling iyon ay nag-aalala siya nang husto para kay Beth sa kung ano ang nangyari rito habang nasa ospital siya.
“Tinanong ko siya kung may problema ba sila ng kanyang mister subalit patuloy lamang sa pag-iyak si Beth. Ramdam ko ang bigat nang kinikimkim niya. Hindi niya sinagot ang tanong ko at sa halip ay sinabi niya sa akin na magsisimula siyang muli sa Maynila. Pilit kong inaabot kay Beth ang tulong ko para sa pagsisimula niyang muli. Hindi man kalakihan ang halaga niyon ay malaki rin ang maitutulong niyon sa kanya. Hindi niya iyon tinanggap. Labis na raw ang mga naitulong namin sa kanila ni Rogelio. Mabigat sa loob ko ang kanyang pagpunta sa Maynila. Hindi madali ang buhay doon gaya rito sa ating. Dito sa atin magsipag ka lang at may kakainin ka sa maghapon. Sa Maynila, hindi lang sipag kundi diskarte ang kailangan para mabuhay. Hindi ko kinayang tingnan ang kanyang pag-alis.”
Napabuntung-hininga si Gudo sa narinig. Nangako si Gudo na walang makakaalam nang sinabing iyon ng matanda. Nagpaalam na siya kay Kabesa at bumaba ng sasakyan. Agad siyang nagtungo sa bahay ni Beth. Nakakandado na ang mga pinto nito. Hindi maiwasang sumagi sa isip ni Gudo ang naging sandali nila ni Beth sa bahay na iyon.
Malungkot na naglakad si Gudo at tinungo niya ang kanyang bahay. Pagkapasok niya sa loob ay muli namang nanariwa sa isip ni Gudo ang mga naging sandali nila ni Beth sa bahay niya. Dumako ang tingin niya sa kawayang papag kung saan nila pinagsaluhan ni Beth ang masasarap nilang sandali.
Biglang naalala ni Gudo ang bilin niya kay Beth. Nagtungo siya sa papag at dinukot mula sa pinakasulok sa ilalim nito ang isang kahon. Umaasa siyang sinunod ni Beth ang bilin niya. Nang buksan ni Gudo ang kahon ay nakita niyang naroon pa rin ang lahat ng kanyang pera. Ni hindi man lang nagalaw ang mga pera mula sa pagkakaayos nito. Magkahalong lungkot at pag-aalala ang nararamdaman ni Gudo para kay Beth. Sa maghapong iyon ay nagtanong-tanong si Gudo sa mga kapitbahay ukol kay Beth. Umaasa siyang may napagsabihan si Beth kung saan sa Maynila ito pupunta. Subalit siya ay bigo.
Sa gabing iyon ay humiga na si Gudo sa papag. Maayos niyang inihiga ang kanyang balikat kung saan naroon ang pahilom niyang sugat na nababalutan ng benda. Tulalang nakatingin si Gudo sa kisame kung saan iniisip niya kung saan sa Maynila posibleng nagpunta si Beth.
Makalipas ang isang linggo, nabigla si Kabesa sa biglaang pagpapaalam ni Gudo. Sinabi nito sa matanda na susubukan nitong hanapin ang kapalaran sa Maynila. Nalungkot si Kabesa at sinabi nitong bakit maging siya ay lilisanin ang kanilang lugar. Marami namang pwedeng pagkakitaan sa kanilang bayan. Kung kailangan ni Gudo ng puhunan ay handa niya itong tulungan. Subalit buo na ang pasya ni Gudo. Naging masaya na lang si Kabesa para kay Gudo. Ibinigay ni Kabesa ang isang tarheta. Nagsabi ang matanda na tumawag lang si Gudo sa kanya oras na mangailangan ito ng tulong sa Maynila. Dahil na rin sa pakiusap ni Kabesa, hindi na nakatanggi si Gudo na tanggapin ang isang medyo makapal na sobre na naglalaman ng tulong ng matanda. Nagkamay silang dalawa nang tuluyang magpaalam si Gudo sa matanda.
“Kung papalarin kang magtagpo ang inyong landas ni Beth sa Maynila. Pakisabi na kinakamusta ko siya.”
“Opo, Kabesa,”
“Alam mo, Gudo. Mapapanatag ang loob ko dahil alam kong magiging masaya si Beth sa taong kagaya mo.”
Makahulugang tiningnan ni Gudo ang matanda.
“Para na rin kitang anak, Gudo. Alam kong may nararamdaman ka para sa kaniya.”
Hindi nakakibo si Gudo. Tama si Kabesa sa sinabi niyang iyon.
“At gusto kong malaman mo na wala akong anumang tutol sa inyong dalawa.”
Tila nagliwanag sa saya ang mukha ni Gudo sa sinabi ni Kabesa.
“S-Salamat po, Kabesa.”
“Sana, bago man lang ako mamatay ay makita ko kayong dalawa ni Beth. Sana maalala niyo pa ako kapag nasa Maynila pa kayo.”
“Hindi po namin kayo makakalimutan.”ani Gudo sa pinakamabuting tao na nakilala niya.
Muling kinamayan ni Gudo si Kabesa bilang pamamaalam. Matapos iyon ay umalis na siya sa kanilang lugar dala ang pag-asang makikita niyang muli si Beth sa Maynila.
* * *
Makalipas ang tatlong taon.
“Sir Gudo. Tara gimmick naman tayo. Kahit one-time lang sumama ka naman sa’min.”wika ng isang lalakeng halos kalahati lang ng edad ni Gudo. Hinubad nito ang kulang dilaw na hard hat na suot nito. Nasa loob sila ng isang kwarto na nagsisilbing locker room nila sa loob ng isang ginagawang mataas na gusali. Kakatapos lang nang maghapon nilang shift at naghahanda na sila sa kani-kanilang pag-uwi.
“Naku, pass na ako sa ganyan. Kung nung araw pwede pa akong makipagsabayan sa inyo. Kaya lang ngayon na medyo nagkakaedad na, tinigilan ko na ang pa…