Hiwaga At Pagnanasa (Kabanata 11-14)

KABANATA 11 -Ang Hiyas ng Buhay

“Jaaaaakkkkeeee!” umiiyak na sigaw ni Nicole.

Yakap yakap niya si Jake na ngayo’y nakahiga sa sahig. Walang malay. Agad naman silang dianluhan nina Mik at Salka.

“P-prinsipe Yveros…” nanginginig na wika ng kanyang tagapagbantay habang hinahawakan ang kamay ni Jake.

“Salka, ano’ng nangyayari?” aniya. Nanlulumong hinigpitan ang pagkakayakap kay Jake.

Wala siyang kaalam alam sa mga pangyayari. Isa lang ang sigurado siya. Sa lahat ng mga mahiwagang nangyayari at ng lahat ng mga katanungan gumugulo sa kanyang isipan ay tila laging may nakahandang sagot si Salka. Dahil sa dinami rami ng mga magugulong pangyayari ay hindi niya na natanong si Salka kung sino ba talaga ito at kung anu ano ang mga kakayahan nito bilang shamana.

Inilapit ni Salka ang tainga nito sa mukha ni Jake. Kapagkuwa’y bumaba iyon sa dibdib nito.

“Ilipat natin siya sa kama,” ani Salka.

Napaitingin ito sa kanya at nagsalita, “Gahibla nalang ang kanyang natitirang lakas, mahal na prinsesa.”

Tila pinipiga ang kanyang dibdib sa narinig. Hinaplos niya ang mukha ni Jake.

“A-anong gagawin natin?” Tanong niya.

Napadako ang tingin niya sa mga galos at sugat ni Jake sa mukha at buong katawan.

“Hindi ko kayang gamutin ang kanyang mga pisikal na sugat, mahal na prinsesa.” Wika ni Salka habang sinusuri ang mga sugat ni Jake.

“Sa palagay ko ay ang mga sugat ng prinsipe ay sanhi ng mahikang nanggagaling lamang sa isang engkatong may dugong bughaw.” Dagdag pa nito.

Malakas na napasinghap si Mik kaya sabay na napalingon sila ni Salka rito.

“Mik?”

“Baka pwede mo siyang gamutin, Prinsesa Yelena. Matagumpay mo akong binuhay. Bakay kaya mo na ring gamutin si Prinsipe Yveros lalo pa’t ikaw ay isa ring encantadang may dugong bughaw.

Nanlumo siya. Heto na naman sila, patuloy na nangagapa sa dilim. Hindi alam kung ano ang gagawin at kung papaano gagamitin ang kanyang taglay na kapangyarihan.

Napalingon siya kay Salka nang pumikit ito ng mariin at sinapo ang gilid ng ulo. Naging mabilis ang paghinga nito.

“Shamana!” Sigaw ni Mik ngunit nakapikit pa rin si Salka. Niyugyog ni Mik ang balikat nito. Nang hindi pa rin iminulat ni Salka ang mga mata ay malakas na sinampal ito ni Mik sa kaliwang pisngi.

“Mik!” napahumindig siya sa ginawa ni Mik. Unti unting iminulat ni Salka ang mga mata.

“Nagpapadalus-dalos ka, Shamana! Hindi mo pa kayang maglakbay sa inyong aklatan gamit ang iyong isip! Paano kung hindi mo kayanin?! Paano kung maligaw ka o mamatay?! Alalahanin mo, ikaw ang huling shamana sa ating mundo. Sino ang magiging kanang kamay ng prinsesa kung mamamatay ka? Ikaw nalang ang natitirang shamana. Ikaw ang huling shamana! Hindi ka ba nag iisip?!” Galit na litanya ni Mik. Kapagkuwa’y natutop nito ang bibig na tila ba nagsisisi dahil sa mga bagay na mamutawi sa bibig nito.

“Paumanhin…” sagot ni Salka.

Kumalma naman si Mik at sinabing, “Paumanhin rin sa mga nasabi ko, shamana.”

Napatango lang si Salka.

“Kanang kamay? Magiging kanang kamay ko si Salka? Anong ibig mong sabihin, Mik?” Tanong niya.

“May tamang panahon para talakayin ang bagay na yan, mahal na prinsesa. Sa ngayon ay kailangan nating malaman kung paano gagaling ang prinsipe.” Sagot ni Mik saka lumingon kay Salka.

“Anong nakita o nabasa mo sa inyong aklatan?”

Malungkot na yumuko si Salka.

“A-ang… ang hirap…” dagdag pa nito.

“Shamana!”

“H-hindi makakayang gamutin ng mahal na prinsesa si Prinsipe Yveros kung hindi niya hawak ang hiyas ng buhay…”

Natutop ni Mik ang noo.

“Sigurado ka?” Tanong ni Mik kay Salka. Napatango naman ito bilang tugon.

Tila ba hindi na siya pinapansin ng mga ito kaya naman nag salita na siya.

“Hiyas ng buhay? San ba makikita ‘yan? Kukunin ko nang sa gayo’y magagamot ko na si Jake.”

Nagkatinginan ang dalawa ngunit walang tugon mula sa mga ito.

“Saan ko kukunin ang hiyas ng buhay?”

Nanatiling tikom ang bibig ng mga ito.

“Inuutusan ko kayo bilang inyong prinsesa, sagutin niyo ang tanong ko!” sigaw niya. Palagi siyang tinatawag ng mga ito bilang ‘Prinsesa Yelena’ o ‘di kaya’y ‘Mahal na Prinsesa’ kaya naman naisipan niyang gamitin iyon kina Mik at Salka.

Sabay namang napaangat ang tingin ng dalawa. Tila takot na takot sa kanyang tinuran.

“M-mahal na prinsesa, ang h-hiyas ng buhay…” wika ni Salka.

“… hindi mo basta bastang makukuha ang hiyas ng buhay, mahal na prinsesa. Nasa… nasa..”

“Saan?!” sigaw niya.

“N-nasa gitna ng ipinagkanulong gubat… sa itim na lawa…” singit ni Mik.

“Saan yan?”

“Mapanganib, mahal na prinsesa,” ani Salka.

“Hindi gagana ang kapangyarihan ng isang dugong bughaw sa ipinagkanulong gubat, Prinsesa Yelena. Tanging mahika lamang ng mga mababang engkanto ang maaaring gumana roon. Gaya ng aking mahika…” saad ni Mik sabay tayo. Lumingon ito kay Salka.

“Marahil ay nararamdaman mong hindi ako bilib sa kakayahan mo, shamana. Oo, aaminin ko, nagdadalawang isip ako sa kakayahan mo. Napakabata mo pa para maging shamana. Pero wala na akong iba pang pagpipilian sapagkat ikaw nalang ang natitirang shamana.” Puno ng emosyong pagsasalaysay ni Mik. Lumapit it okay Salka at lumuhod.

“Simulan mo na ang pagbigkas sa orasyong panangga…” Wika ni Mik.

Nagsimulang magsalita si Salka sa isang kakaibang lenggwahe. Hindi iyon kagaya sa lenggwaheng inusal niya upang pakalmahin ang panahon at buhayin si Mik.

Pero kahit na iba ang lenggwaheng inuusal ni Salka ay nakakapagtakang isa isa niyang naiintindihan ang bawat kataga. Sa sapantaha niya ay tila ba umuusal ng orasyon si Salka upang maprotektahan si Mik sa mga masasamang egkanto at iba’t ibang uri ng maligno sa ipinagkanulong gubat at itim na lawa.

Pagkatapos ng naturang orasyon ay pinagpag ni Salka ang buong katawan ni Mik.

“May lagusan sa kabilang burol, maaari mo iyong gamitin, Reemo.” Wika ni Salka.

Tumango lang si Mik at nagpasalamat. Tumayo na ito at tumitig sa kanya.

“Paalam, mahal na prinsesa. Hanggang sa huli nating pagkikita…” anito at naglakad palabas ng kubo.

“T-teka! Anong ibig mong sabihin? Mik!” sigaw niya.

“Kailangan kong kunin ang hiyas ng buhay para magamot mo na ang mahal na prinsipe, Prinsesa Yelena.” Anito nang lumingon ito sa kanya.

“Ikaw lang mag-isa ang pupunta doon?” wika niya.

Tumango si Mik.

“Hindi! Hindi maaari! Sasamahan kita.”

Nagsalita si Slka.

“Pero, mahal na prinsesa, mapanganib ang ipinagkanulong lawa. Gaya ng sabi ni Reemo, hindi gagana ang kapangyarihan mo roon. Ang mahika lamang ng mga mababang engkanto ang gagana roon.”

“Isa pa… ang mga engkantong nakatira sa gubat na iyon ay galit sa mga dugong bughaw na kagaya mo.” Dagdag pa ni salka.

“Sasamahan ko pa rin si Mik…” aniya.

Ngunit paglingon niya sa pintuan ay wala na ang kanyang tagapagbantay.

KABANATA 12 -Ang Ipinagkanulong Gubat

Napatakbo si Nicole sa pintuan. Pagsilip niya sa labas ng kubo ay wala si Mik.

“Paanong…?” Takang tanong niya sa sarili. Ang bilis naman yatang makapaglakad ni Mik?

Huli na nang mapagtanto niyang binuhay niya pala itong muli at marahil ay bumalik na ang mahika nito na nawala magmula nang pumasok sila sa lagusan sa kanyang kwarto. Napakagat labi siya. Paano niya masasamahan si Mik?

“Salka, please, kailangan kong samahan si Mik. Paano kung may mangyaring masama sa kanya?”

“Pero, mahal na prinsesa, walang silbi ang iyong kapangyarihan kapag naroon ka na sa ipinagkanulong gubat.”

“Wala akong pakialam! Kailangan kong samahan si Mik!”

Nanlulumong napasabunot si Salka.

“Kayang kaya mo namang sundan si Reemo, mahal na prinsesa. Sa palagay ko ay hinahanap niya pa ang lagusan sa kabilang burol.”

“P-paano?”

“Isipin mo lang siya mahal na prinsesa at mararating mo ang kanyang kinaroroonan.”

Napahugot siya ng malalim na hininga.

Lumapit siya rito at niyakap ito ng mahigpit.

“Maraming salamat, Salka. Napakabait mo sa amin. Sana dumating na ang araw na makapagkwentuhan tayo tungkol sa mga mahihiwagang bagay na nangyayari ngayon…” aniya habang kumakalas sa pagkakayakap dito.

“Darating din ang araw na iyon, Prinsesa Yelena.” Nakangiting sagot ni Salka.

Tumango siya at nilapitan si Jake. Tumutulo ang luhang hinalikan niya ito sa noo.

Tumayo na siya at sa huling pagkakataon ay lumingon kay Salka at pilit na ngumiti.

“Mag-ingat ka, mahal na prinsesa.”

Pumikit na siya at binuo ang imahe ni Mik sa kanyang isipan. Napapitlag siya nang tila ba tinangay siya ng hangin at natagpuan niya ang kanyang sarili sa tabi ng kanyang tagapagbantay.

“Ay, baklang cafir!” gulat na bulalas ni Mik.

Natawa siya. Naisip niya tuloy si Yago nang mabanggit ni Mik ang salitang cafir. Parang hindi niya lubos maisip na ang isang napakalaking kapre na may mababang boses ay magiging bakla. Ngunit ang kanyang pagtawa ay nauwi sa pagtangis. Naalala niya ang busilak na kalooban ni Yago. Ang isang napakaamong kapre na nagbuwis ng buhay para mailigtas sila.

“M-mahal na prinsesa?!” bulalas ni Mik. Tumingkayad ito upang punasan ang kanyang mga luha. Halos hindi nga nito maabot ang kanyang panga. Natatawang pinahid niya ang kanyang luha at lumuhod upang magkapantay na ang kanilang mga mata ng kanyang tagapagbantay.

“Bakit mo ako iniwan?!” nagtatampong usal niya.

Lumungkot ang mukha ni Mik.

“Hinding hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may masamang mangyari sa’yo sa ipinagkanulong gubat, mahal na prinsesa. Kailangang nasa isang ligtas na lugar ka. Nasa malubhang kalagayan ang isa kong alaga. Si Prinsipe Dravos naman ay hindi ko mahagilap kahit pa nararamdaman kong lumalakas na ang aking mahika. Sisisihin ko ang aking sarili kung hindi ako naging matagumpay sa pagbabantay sa inyong tatlo.”

Inayos nito ang pagkakasukbit ng sisidlang tela sa balikat nito. Kapagkuwa’y muling humarap sa kanya.

“Pakiusap, bumalik ka na sa kubo ng shamana, mahal na prinsesa.”

Mariin siyang umiling.

“Hindi kita iiwan, Mik.”

“Pero, Prinsesa Yelena—“

“Halika na!”

Wala nang nagawa ang kanyang tagapagbantay nang halos kaladkarin niya na ito patungo sa isang malaking puno.

“Ito na ba ang lagusan?” tanong niya.

Umiling si Mik. Pagkatapos ay dumako ang tingin nito sa isang di kalakihang bato.

“I-iyan? ‘Yan ang lagusan?”

“Oo, mahal na prinsesa.”

Lumapit siya sa naturang bato at hinawakan iyon. Ngunit walang nangyari. Walang namuong liwanag mula roon.

Napapalatak si Mik.

“‘Di ba nga sabi ko sa’yo na hindi gumagana ang kapanyarihan ng mga engkantong may dugong bughaw pagdating sa ipinagkanulong gubat?”

Hindi siya umimik. Nakita niyang lumuhod si Mik sa tapat ng batong lagusan at umusal ng tila ba orasyon. Ngunit hindi niya iyon maintindihan. Ilang sandali pa ay umusok ang bato. Nanatili ito sa pagkakaluhod at nagsalita

… oh, ipinagkanulong gubat,

ako’y nagpapasalamat,

sa biyayang ipinamahagi,

sa aming mabababang uri…

Huminto ito sa pagsasalita at tumingala sa kalangitan.

… ang pangalan ko ay Reemo,

mababang uri ng engkanto,

ako ang iyong lingkod,

at ako ay naninikluhod…”

Niyakap ni Mik ang bato at hinalikan iyon.

… oh, ipinagkanulong gubat,

tahanan ng mga engkantong salat,

dinggin ang panalangin,

duwende ay papasukin…”

Nagliwanag ang bato at may namuong lagusan sa gitna niyon. Hinawakan siya ni Mik at kumumpas ito sa ere.

Tila tinatangay sila ng hangin ngunit parang ihinehele rin siya ng tubig, Hinahaplos ng apoy ngunit binabalot rin ng lamig. Iba’t ibang sensasyon ang kanyang naramdaman habang naglalakbay sila sa lagusan. Ibang iba sa mga lagusang napasukan niya na.

Nang maramdaman niyang nakatapak na sila sa lupa tila ba nahihilo siya.

“M-mahal na prinsesa!” dinaluhan siya ni Mik.

“Mahal na prinsesa, ipagpaumanhin niyo po, ngunit kailangan ko po kayong tawagin sa ibang pangalan. Huwag niyo ho sanang isiping ako’y isang lapastangan. Kailangan ko lang kayong protektahan…”

Tumango siya at naglakad na sila.

“Saan ba makikita ang hiyas ng buhay, Mik?”

“Ssshhhhh! ‘Wag kang maingay!”

“Reemo!”

Napalingon sila sa pinanggalingan ng boses na tumawag kay Mik. Ngunit wala silang nakita. Walang tao o anumang uri ng nilalang sa dakong iyon ng gubat. Makalipas ang ilang sandal ay may narinig silang iyak ng sanggol. Hinanap niya ang pinagmumulang ng naturang pag-iyak hanggang sa natagpuan niya ang napakagandang sanggol na nakahiga sa damuhan.

Luluhod n asana siya upang damputin ang naturang sanggol nang bigla siyang hilahin ni Mik.

Nahintakutan naman siya nang biglang humagikhik ang bata at nag iba ang anyo nito. Isang halimaw!

Dahan dahan itong tumayo at niyakap si Mik.

“Anong masamang hangin ang nagdala sa iyo dito, isinumpang duwende?” Humahagikhik pa ring tanong ng batang halimaw. Ngayon niya lang napagtanto na marahil ay isa itong tiyanak.

“At sino itong kasama mo?” nagdududang tanong nito.

“Kaibigan, ipinapakilala ko sa’yo si Riva. Isa siyang… a-aswang,” ani Mik.

“Hmmm, ano’ng pakay niyo rito?”

“Tinutulungan ko si Riva na maibalik ang kanyang nawawalang lakas at mahika. Naiwan kasi siya ng kanyang mga kasamahan at may nakaengkwentro siyang isang shamana sa araw ng pangangalap. Walang nagawa si Riva nang kunin ng shamana ang kanyang lakas at mahika…” pagpapaliwanag ni Reemo. Namangha siya sa pagtahi-tahi nito ng kasinungalingan.

Tumingin sa kanya ang tiyanak at nagsalita.

“Bakit mo hinayaang talunin ka ng isang hamak na shamana? Ang mga shamana ay kaalyado at tapat na naninilbihan sa mga dugong bughaw. Sana ay pinatay mo na kaagad!”

Napapikit siya sa ideyang papatayin ng mga ganitong uri ng engkanto si Salka.

Biglang sumingit si Mik at ito na ang sumagot para sa kanya.

“Ah, eh, isang batang aswang si Riva. Wala pa siyang kakayahang talunin ang lapastangang shamana…”

Tumango tango ang tiyanak.

“O, siya. Ikaw na’ng bahala, Reemo. Ako’y maglilibot libot muna at baka napasok na tayo ng mga encantado’t encantada.”

“Sige, kaibigan.”

Nang makaalis ang tiyanak ay napakapit siya kay Mik. Unti unti nang tumatatak sa kanyang isipan na mapanganib nga ang lugar na ito para sa isang encantada o engkantong may dugong bughaw.

Nagpatangay siya ng hilahin siya ni Mik. Halos mabuwal siya sapagkat kasabay ng pagkumpas ng kamay nito ay ang pagbabago ng kapaligiran. Nasa tapat na sila ng isang lawa. Ngunit kakaiba ang lawang iyon dahil iba ang kulay. Kulay itim.

Nagpalinga linga siya sapagkat may naririnig siyang nakabibighaning boses. May kumakanta at sadyang napakaganda ng boses na iyon. Kaaya aya sa pandinig.

“Reemo, nandito ka pala…”

Napalingon sila sa gilid ng lawa. May isang napakagandang sirenang nakasandal sa malaking bato.

KABANATA 13 -Ang Itim na Lawa

“Reemo, nandito ka pala…”

Napalingon sila sa gilid ng lawa. May isang napakagandang sirenang nakasandal sa malaking bato.

“Amara…” Bulalas ni Mik.

Ngumiti ng pagkatamis tamis ang sirena, saka nagsalita.

“Kasama mo ba si—” napahinto ito sa pagsasalita nang dumako ang tingin sa kanya. Kapagkuwa’y tuminging muli kay Mik.

“Sino itong kasama mo, Reemo?”

“Ah, siya ang kaibigan kong si Riva. Riva, si Amara. Ang diyosa ng itim na lawa.

“M-magandang gabi sa’yo, Amara…” aniya.

Tinanguan lang siya ni Amara.

“Amara, ako’y nandito dahil—“

“Kasama mo ba si Yveros?” Putol nito sa pagsasalita ni Mik. Kapansin pansing naging malamyos ang boses nito nang mabanggit ang pangalang ‘Yveros’.

Yveros? Kilala ng sirenang ito si Jake?

Tumikhim si Mik bago nagsalita.

“Oo, kasama ko siya. Subalit nasa bukana pa siya ng gubat. Marahil ay nakikipaghuntahan pa sa mga tikbalang.”

“Ako ay nangungulila na kay Yveros, Reemo.” Wika ng sirena sa malungot na tinig.

“Teka at tatawagin ko muna siya…” ani Mik na biglang naglaho na parang bula.

Naiwan siyang nakatayo sa gilid ng lawa. Nakakabingi ang katahimikan. Naaasiwa siya sa ginagawang pagtitig sa kanya ng sirenang si Amara.

“Hindi ko mabasa ang iyong tunay na pagkatao,” untag ni Amara.

“H-ha?” bigla siyang nilukob ng takot. Paano kung malaman nito na isa siyang encantada?

“Anong uri ng engkanto ka? Hindi ko mahagilap sa aking isipan kung ano ka. Malakas na mahika ang bumabalot sa katauhan mo.”

Napakunot noo siya. Hindi niya naman ginamit ang kanyang kapangyarihan dahil sabi nga ni Mik ay hindi iyon gumagana sa gubat na ito. Nakapagtataka ang sinasabi ng sirena.

“H-hindi ko alam… Isa akong a-aswang. Ngunit nawala ang aking lakas at mahika nang makasagupa ko ang isang shamana,” sagot niya. Inulit niya lang ang kasinungalingang sinabi ni Mik kanina sa kanilang nakasalamuhang tiyanak.

“Isang lapastangang shamana!” galit na wika ni Amara.

“Mabuti at nakaligtas ka? Sa pagkakaalam ko ay isa nalang ang natitirang shamana. Isang dalagitang walang kamuwang muwang sa ating mundo. Sana’y nilapa mo siya nang wala na’ng matirang shamana na kaalyado ng mga dugong bughaw!” Dagdag pa nito. Bakas ang poot laban sa mga shamana.

“Hindi ko siya napatay sapagkat may inusal siyang orasyon. At… at masakit mang aminin ngunit hindi ako isang magaling na aswang.” aniya na napapakagat labi. Humamaba na yata ag hinahabi niyang kasinungalingan. Ngunit hindi niya mapigilan ang kanyang sarili sapagkat nilamon na siya ng kyuryosidad.

“Sabagay, ang bata bata mo pa. Maiintindihan ko kung bakit natalo ka ng shamana.” Anito ngunit nagsalita ring muli, “Subalit sa pagkakaalam ko ay bata rin ang huling shamana. Marahil ay kaedad mo lang…”

“Siguro ay mas magaling lang siya,” sagot niya. Ngunit dahil ay inatake na naman ng kyuryosidad ay nagtanong siya sa sirena.

“Bakit ba kalaban natin ang mga shamana?”

Bakas ang pagtataka sa mukha ni Amara ngunit sinagot rin naman nito ang tanong niya.

“Hindi engkanto ang mga shamana ngunit hindi rin naman sila mortal. Ipinanganak silang may taglay na natatanging utak. Ang lahat ng mga nababasa at natututunan nila ay tumatatak sa kanilang isipan at hindi nabubura. At kapag nasa bingit ng kamatayan ang isang shamana ay maaari niyang isalin ang lahat ng kanyang kaalaman sa kanyang anak o apo. Kaya lalong nadadagdagan ang kaalaman ng bagong sibol na shamana. Kung tutuusin, wala silang mahika. Ang tanging kapangyarihan nilang maituturing ay ang katalinuhan nilang taglay.”

Namangha siya.

“Pero, bakit itinuturing natin silang kalaban?”

“Mga ipokrito ang mga shamana! Palagi silang pumapanig sa mga dugong bughaw. Itinuturing nilang salot ang mga mababang uri ng engkanto tulad natin. Ang takbo ng kanilang pag-iisip ay kagaya rin ng sa mga dugong bughaw. Tayo ay salot sa paningin nila, na walang karapatang mamuhay kasama nila, na tayo ay alipin lamang.”

Napahumindig siya sa mga sinabi ng sirena. Ganito nga ba ang kalakaran sa mundo ng mga engkanto?

“Pero teka, bakit wala kang kaalam alam tungkol sa mga bagay na ito? Aswang ka ba talaga? Sino ang iyong mga magulang? Bakit ako ang nagtuturo sa iyo ng mga kaalaman ukol sa mga shamana?”

Bakas ang pagdududa sa tinig nito kaya naman natakot siya na baka mahalata na nitong hindi siya tunay na aswang. Nag i-isip pa siya ang isasagot nang makarinig siya ng mga yabag sa damuhan. Paglingon niya ay nakita niya si Jake at kasunod nito si Mik.

Namilog ang k…