“Anthony! No!” Tili niya.
Napatingin ito sa kanya, dahan-dahang ibinaba ang kamay at kumalma. Umamo ang mukha.
“You didn’t have the right to do that,” baling nito kay Jake.
Tumayo si Jake at nagsalita.
“Actually, I do. May karapatan akong dalhin siya sa kaharian ko. Just as you also have the right para dalhin siya sa kaharian mo,” mahinahong turan nito.
Bakas ang galit sa mukha ni Anthony, ngunit halatang nagpipigil. Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay.
“Are you okay? Nasaktan ka ba?” Malambing ang boses nito.
“I’m okay, Anthony.”
“Are you sure?”
Tumango siya.
Niyakap siya nito ng mahigpit. Pagkatapos ay hinaplos ng mga kamay nito ang kanyang mukha. Nabigla siya nang lumapit ang mukha nito sa kanya at hinalikan siya sa labi.
She was shocked and wasn’t able to respond to his sensual kiss.
Nakita niya sa gilid ng kanyang mata na umiwas ng tingin si Jake.
Tinapos na ni Anthony ang halik.
“I’ve missed you so much, sweetheart,” namamaos ang tinig nito habang ibinabaon ang mukha sa leeg niya.
Marahan niya itong itinulak.
Bumaling ito kay Jake.
“Makakaalis ka na. Ako na’ng bahala kay Nikki.”
“No, I’m staying here,” sagot ni Jake.
Pinigilan niya si Anthony nang akmang hahakbang ito palapit kay Jake.
“Just leave me here, okay? Kaya ko naman eh,” wika niya.
“No, Nicole. I’m not leaving you. Babantayan kita,” ani Jake at pinagsalikop ang mga kamay nila.
Dumilim ang mukha ni Anthony.
“Jake, I promise, I’m fine. Nanghina lang ako kanina, pero ngayon nararamdaman ko na nanunumbalik na ang lakas ko.”
“You’re feeling better because I’m here, Nikki. Ang nawala mong lakas ay napapalitan ng enerhiya na nagmumula sa’kin,” sabi ni Anthony.
“And you,” dagdag pa nito sabay lingon kay Jake, “I swear I would have killed you if something worse than this happened to Nikki.”
Hindi ito pinansin ni Jake. Bagkus ay lumapit ito sa kanya.
“Nicole, about what happened. I have to tell you something. Nung hinawakan mo ang patay na puno, kasabay ng pagkabuhay nito at ng iba pang mga halaman ay ang—“
Hindi natapos ni Jake ang pagsasalita sapagkat biglang sumulpot si Mik, ang kanilang duwendeng tagapagbantay.
Sumenyas ito na tumahimik silang tatlo.
“Nandito sila. Nasa paligid,” bulong ni Mik.
Nagkatinginan sina Jake at Anthony.
“Kailangan na nating umalis,” dagdag pa ni Mik sabay hawak sa kamay niya.
“Saan tayo pupun—“
“Ssssshhhhhhh!” Saway ni Mik sa kanya.
Hindi niya namalayan na magkahawak na pala ang kaliwang kamay nina Jake at Anthony at unti-unti ay may namumuong ilaw sa magkasugpong na mga kamay ng mga ito.
“What are they doing?” Pabulong na tanong niya kay Mik.
“Bumubuo sila ng lagusan,” pabulong ding sagot ni Mik sa kanya.
“Lagusan? Saan?”
“Hindi ko alam. Basta sigurado ako hindi sa kaharian nina Jake at hindi rin sa kaharian nina Anthony kasi matutunton ka ng mga—“
“Mik, ngayon na!” Madiing sambit ni Anthony kaya hindi na natapos ni Mik ang sasabihin.
Humigpit ang pagkakahawak ni Mik sa kanyang kamay.
“W-wait, saan tayo pupunta?” Naguguluhang tanong niya.
“Ano ba kasing nangyayari?” Dagdag pa niya.
“Nicole, si Mik nalang muna bahala sa’yo. Trust him, he’ll guard you with his life. Alam ko marami kang katanungan pero wala na tayong panahon, please, just go. Sige na umalis na kayo,” pakiusap ni Jake.
Halatang nasasaktan ito. Animo’y nauubos ang lakas. Ganoon din si Anthony.
“Hindi kayo sasama?”
Umiling sina Jake at Anthony.
Agad silang napalingon sa bintana nang bigla itong bumukas at may kung anong pigura silang nakita sa labas. Hindi niya maaninag kung ano iyon.
Lumipad ang naturang pigura papasok sa kanyang kwarto.
Biglang iniharang ni Mik ang sarili sa kanyang harapan at nagsalita sa lenggwaheng hindi niya maintindihan.
“Nikki, please, nauubos na ang lakas namin ni Jake. Please, umalis na kayo ni—“
Akmang susugurin na sila ng naturang pigura nang hilahin siya ni Mik, ikinumpas ang kamay nito at pumasok na sila sa lagusan.
* * *
NAGISING SI NICOLE sa mahinang pagtapik ng mga magagaspang na kamay sa kanyang pisngi.
“M-Mik…” Usal niya nang makita niyang nakatunghay si Mik sa kanyang mukha.
Iginala niya ang paningin sa paligid. Nasa isang masukal na kagubatan sila. At magdidilim na.
“Anong lugar ‘to?” Tanong niya.
“Hindi ko alam,” malungkot na saad ni Mik.
Kinabahan siya.
“Mik, what happened? Saan mo ‘ko dinala?”
“Hindi ko talaga alam, mahal na prinsesa. Ang akala ko tutuloy pa rin tayo sa Lumeros dahil kaya ka namang protektahan ng mga kawal doon kahit pa pwedeng sumugod ang mga kalaban ng kaharian. Ganun din sa Elereia, pero dito tayo napadpad. Hindi ko alam, baka may nangyaring mali sa pagmamanipula nina Prinsipe Dravos at Prinsipe Yveros sa lagusan.”
Mahal na prinsesa?
Prinsipe Dravos?
Prinsipe Yveros?
Ano ba ‘tong pinagsasabi ni Mik? Tinawag siya nitong prinsesa? Parang sasabog na yata ang utak niya. Isama pa ang hindi maipaliwanag na panghihina.
“T-teka, Dravos? Yveros? At, tinawag mo ‘kong prinsesa?”
“Hindi mo pa alam? Hindi nila sinabi sa’yo?”
“Hindi sinabi ang alin?”
“Ah… eh, w-wala.. Uhmmm, halika maglakad lakad nalang muna tayo.”
“Mik!”
“Halika na, dumidilim na. Kailangan natin makahanap ng matutuluyan,” anito sabay kumpas ng kanang kamay. Sa isang iglap ay naging isang matandang babae ito.
“Mik! Teka, sabihin mo muna sa’kin lahat. Please…”
Napa-buntong hininga ito.
“Wala ako sa posisyon para sabihin sa’yo ang lahat, mahal na prinsesa. Ako’y isang hamak na duwandeng tagapagbantay lamang.” Malungkot na wika nito.
Nanlumo siya.
“Pero, ito ang palagi mong tatandaan, hinding hindi kita pababayaan. Isinumpa ko noon, at manunumpa akong muli ngayon, ibubuwis ko ang aking buhay para sa iyong kaligtasan, mahal na prinsesa. Hanggang sa aking huling hininga, ako’y maninilbihan bilang iyong tagapagbantay.”
Naantig siya sa mga katagang sinabi ni Mik. Oo, gulong gulo pa ang isip niya sa lahat ng mga pangyayari. Pero nakakagaan ng loob na malaman na mayroon siyang tagapagbantay na handa siyang protektahan.
“Maraming salamat, Mik,” aniya, nangingilid ang luha.
Ngumiti lang ito at naglakad na sila. Malayo pa yata ang lalakbayin nila sapagkat wala naman siyang natatanaw na bahay o kahit ilaw man lang.
* * *
NAPAUPO SI NICOLE sa damuhan. Kanina pa sumasakit ang kanyang mga binti sa kakalakad. Ang layo na nang binagtas nila ni Mik ngunit tila ba paikot-ikot lang sila. Napansin niya kasing ilang beses na nilang nadaanan ang isang malaking bato sa gilid ng lawa.
“Mik, teka lang. Hindi ko na kaya,” tawag niya rito sapagkat nagpatuloy pa rin ito sa paglalakad.
Lumingon ito sa kanya at mabilis naman siyang dinaluhan nito.
“Hindi mo ba napapansin? Ilang beses na nating nadaanan yung lawa. Pabalik-balik lang yata tayo,” nag-aalalang wika niya.
Nakarinig sila ng mga kaluskos. Parang mga dahon na iniihip ng hangin.
Kasabay niyon ay ang pag-ilaw ng mga alitaptap sa isang bahagi ng puno na nasa harapan nila.
“Masama ang kutob ko, mahal na prinsesa,” wika ni Mik.
Napakapit siya kay Mik nang lalong lumakas ang kaluskos at kasabay nito ay isang malakas na halakhak.
“Hindi yan mga alitaptap,” usal ni Mik at hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya.
Dumako ang tingin nila sa ibabang parte ng mga malalagong dahon ng puno.
May dalawang nanlilisik na matang nakatitig sa kanila.
KABANATA 6 – Si Yago, Ang Maamong Kapre
“M-Mik…” Nanginginig ang boses ni Nicole habang napapakapit sa kanyang tagapagbantay.
“Wag kang gagalaw,” wika ni Mik.
Humalakhak ang nagmamay-ari ng pula at nanlilisik na mga mata. Nakarinig sila ng malalakas na kaluskos at ilang saglit pa’y bumaba na ito sa puno.
“Magpakita ka!” Malakas na usal ni Mik.
Unti-unting nagbuo ang pigura ng nilalang. Tinanggal nito ang nakapulupot na tela sa baywang nito na animo’y sinturon.
“Cafir…” Bulalas ni Mik nang makita nila ang kabuuang anyo nito.
Isa itong kapre!
Galit na umangil ang kapre at dahan dahang lumapit sa kanila. Agad namang ginawang panangga ni Mik ang sarili at pumwesto sa harap niya.
“Anumang mangyari, ‘wag na ‘wag kang magsasalita.” Utos ni Mik sa kanya.
“Cafir, magkaibigan tayo… Wag mo kaming sasaktan,” ani Mik at ikinumpas ang kamay sa ere. Bumalik ito sa tunay nitong anyo bilang isang duwende.
Ikiniling ng kapre ang ulo at kapagkuwa’y bumungisngis. Tila naaaliw ito kay Mik. Sa tangkad at laki nito ay hanggang tuhod lang yata nito ang kanyang tagapagbantay.
“Ayan, magkaibigan tayo, ha?” Tila batang pakikipag-usap dito ni Mik.
“Hindi kami kaaway…” Dagdag pa nito.
Ngumiti ang kapre bago ito humithit ng tabako. Ibinuga nito ang usok sa ere at nilamon ng makapal na usok ang bahaging iyon ng kagubatan.
Naglakad ito palayo sa kanila at tumingala, iginala ang paningin sa kabuuan ng masukal na kagubatan. Ilang saglit pa’y lumapit ito sa kanila.
“Panganib,” wika ng kapre sa mababang boses. Sunod sunod ang paghithit-buga nito ng usok hanggang sa tuluyan nang balutin ng usok ang punongkahoy sa likuran nito.
Sumenyas ito sa kanila na sumunod dito.
Tumango naman si Mik at hinila siya. Nakabuntot sila sa kapre.
“M-Mik! Anong ginagawa mo?!”
“Sssshhhhh!”
Nakaakyat na si Mik sa puno. Hinihila nito ang kamay niya ngunit natatakot siyang umakyat.
Napatingin sa kanila ang kapre. Tumitig ito sa kanya at walang ka-hirap hirap na kinarga siya nito gamit ang kanang kamay at pinaupo siya sa isang sanga.
Nasa gitna at tagong parte sila ng malagong puno.
“Panganib…” Wika ng kapre.
“Cafir, ano’ng ibig mong sabihin?” Tanong ni Mik.
Tumingin muna ang kapre sa kanya.
“Aswang…” Sagot nito. Nakatitig pa rin sa kanya.
“H-hindi ako aswang,” wika niya.
“‘Wag kang ngang magsasalita!” Pabulong na usal na Mik.
Tumawa ang kapre at tumango-tango.
“Prinsesa…” Anito sabay haplos sa kanyang nakalugay na buhok.
Prinsesa? Na naman?
“Cafir!” Sigaw ni Mik.
Binitiwan naman agad ng kapre ang kanyang buhok.
“Ganda…”
“Oo, pero hindi mo pwedeng hawakan ang mahal na prinsesa,cafir!”
Naging malungkot ang anyo nito bago yumuko.
Naawa naman siya sa kapre. Sa kabila ng nakakatakot na anyo nito ay nararamdaman niya namang isa itong mabait na nilalang.
Kahit nahihirapan ay lumapit siya rito.
“Pasensya ka na ha, kung nasigawan ka ni Mik,” mahinahong wika niya.
Dahan dahan itong lumingon sa kanya.
Napapalatak naman si Mik.
“‘Wag ka nang malungkot,” dagdag pa niya.
Umaliwalas ang mukha ng kapre at tuluyan na ring ngumiti sa kanya.
“Cafir,ano’ng ibig mong sabihing mapanganib?” Untag ni Mik.
“Aswang…” sagot nito.
“Aswang? Pero walang aswang ngayon ‘diba kasi ngayon ang araw ng pangangalap?”
Tumango ang kapre. Ngunit maya-maya’y umiling.
“Mga aswang…” anito habang nakatitig kay Mik.
“Hanap prinsesa…” dugtong nito sabay lingon sa kanya.
Tinakasan ng kulay si Mik.
“Ibig mong sabihin, natunton na nila ang mahal na prinsesa?”
Malungkot na tumango ang kapre.
“Maraming salamat sa impormasyon,cafir.” Wika ni Mik pagkatapos ay tumalon pababa sa puno.
“Pero kailangan na naming umalis. Hindi ligtas ang mahal na prinsesa dito.”
Tumingin ito sa kanya. Tila ba nagpapaalam kung pwede siya nitong kargahin at ibaba. Tumango naman siya.
“Maraming salamat,” wika niya nang mailapag na siya nito sa damuhan.
Nilapitan ito ni Mik at nakipagkamay.
“Hanggang sa muli nating pagkikita, kaibigan.”
Ngumiti ang kapre.
Kumaway naman siya dito. Nagsimula na silang maglakad palayo.
“Prinsesa…” usal nito na nagpahinto sa kanila.
Ibinuka nito ang nakakuyom na kamay. Naroon ang isang kumikinang na puting bato.
Iniabot nito sa kanya ang naturang bato. Kukunin niya na sana ito nang pigilan siya ni Mik.
“Mahal na prinsesa…” wika nito sabay iling.
Ngunit kinuha niya pa rin ang bato.
“Para saan ‘to…?”
“Yago,” sagot nito.
“Yago?” naguguluhang tanong niya.
Itinuro nito sa sarili.
“Ah, Yago ang pangalan mo,” usal niya, “Okay, Yago, para saan itong puting bato?”
“Kahilingan…”
“Kung hihiling ka at hawak mo ang batong yan, ipagkakaloob ngcafirang iyong kahilingan,” singit ni Mik.
Napapikit siya. Kailangan niyang isiping mabuti kung ano ang ihihiling niya. Mapanganib ang lugar na ito. Kailangan nilang makaalis dito.
“Mik, nasaan ngayon sina Jake at Anthony?” Tanong niya.
“Hindi ko alam, mahal na prinsesa,” malungkot na saad nito.
“Pero diba, ikaw ang tagapagbantay naming tatlo? May kakayahan ka pa ngang kopyahin ang iyong sarili para mabantayan mo pa rin kami kahit hindi kami magkakasama diba?”
Napayuko si Mik.
“Hindi ko na ‘yun kaya, mahal na prinsesa. Sa ngayon ikaw nalang ang binabantayan ko. Hindi ko na magawang bantayan sina Prinsipe Dravos at Prinsipe Yveros magmula nang pumasok tayo sa lagusan. Hindi na sila naaabot ng aking mahika.”
Naawa siya kay Mik.
“Dalhin mo kami saLumeros,” hiling niya kay Yago.
Malungkot na umiling ang kapre.
“Hindi yan sakop ng kanyang kapangyarihan, mahal na prinsesa,” wika ni Mik.
Napabuntung-hininga siya.
“Yago, pwede mo ba kaming samahan hanggang sa makahanap kami ng ligtas na lugar dito sa gubat?”
Tumango tango si Yago.
“Mik, paano ba ginagawa yung lagusan na nilikha nina Jake at Anthony sa kwarto ko?” Tanong niya.
“Sila lang ang may kakayahang gawin yun, mahal na prinsesa. Ikaw, kaya mo ring gawin yun. Higit pa roon, kung tutuusin. Pero hindi mo pa alam kung pano gamitin ang kapangyarihan mo.”
Napasabunot siya sa kanyang buhok. Hindi niya talaga alam kung ano ang gagawin.
“Maglakad lakad nalang muna tayo. Baka makahanap tayo ng mga natatanging puno na pwedeng gawing lagusan.”
Hinawakan sila ni Yago, at kapagkuwa’y nasa gilid na sila ng lawa.
“Bakit mo kami dinala dito,cafir?!” Sigaw ni Mik.
“Lagusan…” ani Yago sabay turo sa puno ng balete sa may gilid ng lawa.
Agad naman itong nilapitan ni Mik. Hinawakan nito ang puno, at makailang sandali pa ay umiling iling.
“Mik? Bakit?” Tanong niya.
“Hindi ko matukoy kung saan papunta ang lagusang ‘yan, mahal na prinsesa. Ngunit tiyak ko na hindi yan ang lagusan papun–” hindi na natapos ni Mik ang sasabihin sapagkat nakarinig sila ng sunod sunod na kaluskos.
Lumingon sa kanila si Yago at sumenyas na wag silang gumawa ng ingay. Kasabay niyon ay ang pagtanggal nito sa telang nakapulupot sa baywang nito. Mabilis na ipinulupot ni Yago ang naturang tela sa kanilang dalawa ni Mik.
Pero bago pa man nito tuluyang maitali sa kanila ang tela ay may sumulpot na magandang babae. Nakabibighani ito.
“Cafir… Anong ginagawa mo dito?” malamyos na wika ng magandang babae.
Lumapit pa ito kay Yago at sinilip ang likuran nito.
“May mga kasama ka pala…”
Bumalik na ito sa harapan ni Yago at nagsalita.
“Ipakilala mo naman ako sa kanila,cafir.”
Umiling si Yago.
Ipinagsalikop nito ang mga kamay sa likuran nito at ginalaw galaw iyon na tila ba sumesenyas sa kanila ni Mik.
Tila naiintindihan ni Mik ang naturang senyas sapagkat bigl…