“Oh ‘yung mga talunan d’yan at wala nang pantaya umuwi na oh! Bigyan n’yo ng pwesto ‘yong mga tataya pa,” may himig ng pang-aasar na sinabi ng bangkero. Pakiramdam ko ay ako ang tinutukoy ng kupal na ‘yon!
“Kasalanan ‘to ni Linda, simula nang ikasal kami ay naging sunod-sunod na ang pagkatalo ko!” bulong ko habang nanggagalaiti sa galit.
Dapat kasi ay naligo muna ako bago nagsugal para nahugasan paalis ng katawan ko ang libag at malas galing kay Linda! Siya talaga ang peste sa buhay ko!
Masama ang loob kong tumalikod sa saklaan at mabigat ang hakbang na naglakad palayo. Bitin na bitin pa ako sa pagtaya, para akong batang inawat agad sa paglalaro! Para makataya ulit ay desperado kong kinapa ang lahat ng bulsa ko, pawisan kong hinalughog ang bag ko… sa kasamaang palad ay ‘ni piso’y wala akong nakita!
Kahit pambili ng yosi ay wala nang natira sa akin!
Habang naglalakad ako ng hindi alam ang patutunguhan ay kung anu-anong pagkakaperahan ang pumapasok sa utak ko. “Ano kaya ang maibebenta sa bahay? Maghahalughog ako sa cabinet ni Linda! Baka may ilang alahas pa s’ya ‘don na pwedeng isangla. Kung pwede lang na si Linda ang ibenta ng por kilo ay ginawa ko na!”
“Ibebenta ko na rin ang TV at ref kay Pareng Tolits bukas. Kailangan kong makalikom ng pera para makapusta ulit. Kailangang mabawi ko lahat ng lugi ko sa sabong…”
Dumadagundong ang tibok ng puso ko. Nararamdaman kong bumibilis ang aking paghinga. Hindi ko alam, pero sabik na sabik na akong umuwi para maghanap ng pwedeng ibenta. Alam kong sa pagkakataong ito ay makakabawi na ako, mananalo na ako ng sunod-sunod! ‘Pag nangyari ‘yon ay sasampalin ko ng pera ang pagmumukha ni Linda at palalayasin ko na s’ya.
Malalim ang pagpapantasya ko nang biglang may tumapik sa balikat ko… Lumingon ako para tignan kung sino iyon at nagsalubong ang kilay ko nang makita ang tatlong lalaki na hindi ko mamukhaan. Tila mga bagong laya sa Bilibid ang itsura nila, mga mukha na ‘di pahuhuli ng buhay.
Kahit na dayo lang ay maangas ang dating nila, nakangisi, mayabang ang paghithit-buga ng yosi at mababa ang tingin sa’kin. Mukhang ‘di nila alam na kilalang siga rin ako dito sa lugar namin! Ayoko pa naman sa lahat ay minamaliit ako lalo na ng dayo lang!
“Bossing, baka pwedeng magtanong?” tanong ng bigotilyong nakahawak pa rin sa balikat ko. Akala n’ya yata ay close kami.
“Nagtatanong ka na ‘di ba?” pilosopo akong tugon sa maangas at pagalit na tono. Dala na rin siguro ng kawalan ng pera at pagkabitin sa sugal kaya sobrang init ng ulo ko. Kulang na lang ay maging dragon ako at magbuga ng apoy.
“Eh? Oo nga pala. Ginyus ka rin ano boss?” sarkastikong tugon ni bigote. “Magtatanong ulit ako ha, kilala mo ba si Mr. Oliver Gomez?”
“Ako ‘yon,” pagalit kong tugon. “Bakit ano’ng kaila—“
Bago ko matapos ang sinasabi ko ay isang matulis na suntok ang mabilis na dumapo sa sikmura ko!
Nagdilim ang paningin ko kasabay ang pagsulak ng hapdi at sakit na dumadaloy sa buong katawan ko… Namalayan ko na lang ang sariling nakalupasay sa kalsada, sapo ang tiyan habang tulo ang laway na namimilipit sa kalsada.
“Ikaw pala ‘yan, tamang tama at hindi na kami mahihirapang maghanap sa’yo,” wika ni bigote.
“S-sino kayo? Ano’ng kailangan n’yo sa’ken?” Pilit kong pinatatag ang loob ko at pinatapang ang aking boses sa kabila ng katotohanang sinusukluban na ako ng takot.
“May pinapasabi sa’yo ang Boss Gary namin,” tugon ng isa sa mga goons. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang pangalan ng nagpapahanap sa akin! Bigla-bigla’y parang huminto ang pintig ng puso ko gayundin ang aking paghinga dahil sa labis na takot at pagkabigla.
“Natalo ka sa sabong sa Lucky Cockpit dalawang buwan na ang nakakaraan. Si Boss Gary ang nagmandang-loob na nagpautang sa’yo ng pera para kahit pap…