“Tangina! Tangina!” natampal ko ang aking pisngi sa labis na pagkadismaya dahil pasado alas nuwebe na pala ng umaga. Masyado na akong huli para pumasok sa trabaho. Nanghihinayang ako sa no absent incentive na pwede ko sanang makuha! Tatlong libo na’y naging bato pa! Ibang klase talaga si Linda, lumayas na’t lahat ay may hatid pa ring kamalasan!
Kagabi lang ay pinagbantaan ng mga bata ni Gary ang buhay ko, kasabay pa noo’y nilayasan na ako ng aking mag-ina!
Dala ng samu’t saring emosyon na naglalaro sa isipan ko ay nagdesisyon akong magpakalango sa alak habang kinokontak si Carla, ang potensyal na sugar mommy na pwede kong huthutan ng kwarta.
Sa kasamaang palad ay hindi na nag-reply si Carla sa mga text ko, ni hindi siya nag-abala na sagutin ang aking mga tawag. Nakaramdam ako ng panghihinayang dahil si Carla ang pinakagalante sa lahat ng naging sugar mommy ko.
Kamot ulo akong nagtungo sa kusina upang ayusin ang aking sarili pati na magkape. Pagkatapos magsepilyo at maghilamos ay naghalughog ako ng kape sa ibabaw ng ref pero wala akong nakita…
Sinubukan ko pang maghanap sa iba’t ibang parte ng kusina, sa canister ng ice cream, sa mga garapon, kahit sa loob na mismo ng ref ngunit ni isang granules ng kape ay wala akong nakita!
Dala ng inis at desperasyon ay wala sa sarili kong dinampot ang tasa malapit sa’kin at buong pwersa iyong ibinato sa lababo! Pesteng buhay ‘to! Kape na nga lang ay wala pa! Hinalughog ko ang aking backpack para maghanap ng barya pambili ng kape ngunit ‘ni singkong duling ay wala akong nakita!
Wala sa sarili akong napasabunot sa aking buhok bago magpakawala ng marahas na buntong hininga. Ganito ba talaga kamiserable ang buhay ko?
Pilit kong pinaklma ang aking sarili, inayos ang gusot kong buhok tapos ay tinampal-tampal ang magkabila kong pisngi hanggang sa mawala ang bakas ng inis at galit sa aking mukha…
Lumabas ako ng bahay at nagtungo sa sari-sari store doon sa kanto. Wala na rin naman akong ibang choice kung hindi ang mangutang. Pagdating ko sa harap ng tindahan ay tumikhim ako at malambing na nagwika, “Aling Fe, magandang umaga ho.” Lumingon ang matandang tindera at biglang umasim ang kanyang mala-ampalaya mukha nang makita ako.
“D’yoskupo Oliver hindi ako nagpapa-utang,” bungad ng matandang tindera na may pagka-judgemental din. “Ang dami-dami n’yo nang utang dito, baka gusto mong magbayad?”
“Babayaran kita Aling Fe, dadagdagan ko pa para naman makabawi po ako sa kabutihan n’yo,” magalang kong tugon sa medyo malungkot na tono. “Kayo na lang kasi ang malalapitan ko kapag gipit na gipit ako, alam n’yo naman na sobrang gastadora ang misis ko. Lahat ng intrega ko sa kanya eh nawawala na parang bula,” dagdag ko pa.
“Tapos kagabi, nilayasan na nila ako. Tinangay na nga ni Linda ang lahat sa akin Aling Fe. Wallet, ATM, barya, pati kape hindi pa pinatawad!” emosyonal kong daing sa matandang amoy lupa na may kasama pang pangingilid ng luha para mas convincing.
Napansin kong nagitla si Aling Fe sa narinig, biglang naglaho ang maasim na ekspresyon ng kanyang mukha at napalitan ng kyuryosidad.
“Talaga ba iho?” manghang tanong ng matanda. “Nilayasan ka na ng mag-ina mo?”
“Oho,” malungkot kong tugon sabay kunwang pinahid ang gilid ng aking mata. “Kagabi pag-uwi ko galing sa trabaho hindi ko na sila naabutan sa bahay tapos simot na simot gamit namin. Mabuti nga at nagtira pa s’ya ng ilang damit ko,” dagdag ko pa.
“Naku po, kawawa ka naman palang bata ka…” sambit ni Aling Fe kasabay ang pag-antanda.
“Oho eh…” tugon ko. “Baka pwede ho munang pautang ng Kopiko Blanca at dalawang Fortune Lights,” sambit ko.
“Ay sige, Oliver. Ililista ko na lang ‘to. Basta magbayad ka sa katapusan ha?”
“Syempre naman po Aling Fe, kailan ko ba kayo binigo?” nakangiti kong tugon habang inaabangan ang mga produktong inutang ko.
“Tangina! Halagang bente pesos lang pahirapan pa,” bulong ko makaraang makuha ang kape at yosi.
“May sinasabi ka ba Oliver?” tanong ng matanda.
“Sabi ko po hirap na hirap na ako…” paawa kong tugon.
“Kaya mo ‘yan iho. Suyuin mo ulit ang mag-ina mo. Mahal na mahal ka ng mga ‘yon.”
“Salamat po. Mahal na mahal ko rin sila lalo na si Linda…” tugon ko kahit nakakasuka.
Dali-dali akong umuwi sa bahay para magkape. Kumukulo na ang aking tiyan sa gutom, lalo lang tuloy umiinit ang ulo ko! Matapos timplahin ang kape ay nagtungo ak…