Nasagad na rin ako sa pangungutang sa’ming mga kakilala at kamag-anak. Nararamdaman ko ang pandidiri at pagtataboy sa kanilang mga mata sa tuwing dumadalaw ako sa kanilang bahay…
Ginawa ko naman ang lahat upang makabayad ng aking pagkaka-utang sa kanilang lahat. Ang bawat perang nalilikom ko ay itinataya ko sa mga kilalang manok panabong sa tupada para siguradong malaki ang tama!
May araw na nananalo ako at halos madoble ang aking pantaya ngunit mas madalas ay talo. Sa kabila noon ay nararamdaman ko na ang swerte na unti-unting bumabalik sa akin…
Alam kong konti na lang ay magiging sunod-sunod na ang panalo ko! Kapag nangyari ‘yon ay madali nang likumin ang halos tatlong daang libong piso upang ipambayad utang kay Gary. Isasaksak ko pa sa lalamunan niya ang pera! Tangina n’ya!
Ang tanging problema ko na lang ay halos wala nang kahit sinong tao ang nagtitiwalang magpahiram sa akin. Hindi ko naman sila masisisi dahil alam ko mismo sa sarili ko na hindi na ako makabayad at palagi na lang akong nangungutang…
Ang masakit lang ay kahit sarili kong kapatid ay pinagsarhan na ako ng pinto at hindi na ako kinakausap!
Treinta mil lang naman ang utang ko sa kanya, maliit na halaga lang ‘yon kung tutuusin pero nang dahil sa pera ay kinalimutan na niya ang ugnayan namin bilang magkapatid. Talaga namang nakakadismaya!
Wala akong pakialam kung itakwil pa ako ng aking kapatid. Wala rin akong pake kahit pagtsismisan ako ng aking mga kakilala at kamag-anakan. Kapag nanalo ako ng sunod-sunod sa sabong ay luluhod sila sa’kin, sisipsip sila at magpapapansin!
Dahil sa mundong ito, kung sino ang mapera ay siya ang palaging bida at lapitin ng lahat ng hunyangong linta!
Ang tanging kailangan ko lang ay pera pampuhunan sa sabong. Hindi ako masaya sa lo diez na tayaan, wala ang swerte sa barya-baryang taya. Dapat ay doblado agad ang laban!
LUMIPAS ang mahigit tatlong linggo. Nawala na sa isip ko si Gary pati na ang utang ko sa kanya. Putang inang ‘yan! Pambili nga ng kape at yosi ay wala ako, three hundred thousand pa kaya?
Naging miserable ang buhay ko dahil sa kawalan ng pera. Naisangla ko na nga ang cellphone at ATM ko sa aking manager para lang may maipambili ng pagkain sa araw-araw. Syempre ay naglalaan pa rin ako ng pera pantaya sa sabong kahit maliitan ang taya.
Dahil nakasanla ang ATM ko ay wala na rin akong sinusweldo. Dahil dito’y tinamad na akong pumasok sa trabaho.
Bakit pa ako papasok kung pambayad utang din naman lahat ng sasahurin ko? Sayang lang ang pagod!
Sa bawat araw at gabing dumaraan ay tanging alak ang naging sandigan ko sa lahat ng pinagdaraanan. Kapag nalasing ako’y nakakalimutan ko ang lahat, pakiramdam ko ay hindi na ako nag-iisa, na wala akong hinaharap na problema.
Pasado alas nueve ng gabi, nakaupo ako sa sofa hawak ang isang bote ng gin. Tanging rechargeable lamp ang nagbibigay liwanag sa buong bahay dahil naputulan na ako ng kuryente. Ang libangan ko ay uminom ng alak at magmuni-muni kung paano ako makakagawa ng pera para makataya na ulit sa sabong. Balita ko ay handa na si Pareng Roy na ilaban ang alaga niya… pihadong panalo lagi iyon!
Habang tinutungga ko ang bote ng gin ay marahas na bumukas ang pinto ng bahay! Akala ko kung sinong gago ang may planong magnakaw sa’kin ngunit laking gulat ko nang makita si Gary na kasama ang dalawang alalay niya!
“Oliver, pare… na-miss kita,” sambit ni Gary sa malumanay at malambing na tono. Nakasuot siya ng puting polo shirt, maong pants at tsinelas habang ang dalawang kasama naman niya ay kuntodo porma, mga naka-leather jacket pa na akala mong tunay na kontrabida kung pumorma!
Kahit hindi masyadong maliwanag ay kitang kita ko ang tusong pagngiti ni Gary. Nasa edad kwarenta na siya at sunog sa araw ang balat. Sa k…