Kabilang Mundo – Ang Pagtatapos

A/N: Pasensya na po kayo kung ngayon lang ito. Ang totoo nahihiya ko na pong ipost kase baka sa kabila ng katagalan ay ma-disappoint ko lang kayo. Hehe Pakibasa na lang po ulit kung nakalimutan nyo na yung story line, at sana po ma-enjoy nyo pa rin ito. Maraming salamat po. More powers FSS!

Kabilang Mundo: Ang Pagtatapos

Maraming mga mitilohiya ang laganap ngayon sa daigdig. Bukod sa ating mga tao, naniniwala ba kayo na mayroon pa tayong ibang nakakasalamuha sa ating pang-araw-araw na pamumuhay? Mga natatanging nilalang na hindi natin alam ang tunay na pinagmulan. Mga hindi pangkaraniwang nilalang na hindi natin inaakalang nabubuhay sa mundo.

Mga engkanto, kaluluwang ligaw, dwende, maligno, anghel at diablo, aswang at iba’t ibang uri ng mga elemento na hanggang ngayon ay wala pa ring sapat na eksplanasyon kung saan sila nagmula.

Nakita ko ang namamagitan sa langit at lupa. Nasaksihan ko ang bawat pangyayaring nagaganap sa likod ng mundo. Namatay ako at muling nabuhay. Nakita ko ang iba’t ibang uri ng nilalang na dati nababasa ko lang sa libro o napapanood sa telebisyon.

Nakilala ko si Tony, ang kauna-unahang human vampire sa mundo, at ang lalaking minahal ko ng lubos.
Nakilala ko rin si Jacob, ang kauna-unahang werewolf sa mundo, at ang huling lahi ng mga human white witch na si Maya.

Sila ang mga supernatural humans na tumulong sa akin para malutas ang hiwagang nakabalot sa huling Witchcrafter, ang may likha ng makapangyarihang Witchazel, at ang may likha ng lahat ng mga supernatural na nilalang sa daigdig.

Sa kasamaang palad ay nais maging tao ng bat vampire na si Marcus, isa siya sa mga nailikha ng Witchazel, at ang katawan ko ang kinasangkapan niya para maisakatuparan ang mithiin niya.

Taglay ko kasi ang malakas na Espirutu na hindi niya matagpuan sa ibang tao.
Sapagka’t sinumang makagat niya ay kaagad na mamamatay, hindi tulad ko na hindi kaagad kukunin ng mga tagapag-sundo sa kabilang buhay.

Ito ang isang bagay na inaasahan na ng huling Witchcrafter, kung kaya’t nag-iwan siya ng Propesiya na nahati sa apat na talinhaga upang maiwasan ang masamang balak ni Marcus.

Dahil kapag naging katawang tao si Marcus ay magiging makapangyarihan ito, at hindi na mamamatay ang sino mang makakagat niya mahina man ang espiritu, kundi magiging katulad niya at magiging alagad niya na susunod lang sa kanya.

Sa bagay na ito magbubukas na ang Twilight Zone, ang lagusan na nag-uugnay sa pagitan ng mundo ng tao at mundo ng mga kakaibang nilalang. Ito ang kinatatakutan ng mga tao sa lupa.

Marami ang mamamatay.

Ngunit ang katapusan naman ng Propesiya ay ang kamatayan ng lahat ng mga Supernaturals na nailikha ng huling Witchcrafter gamit ang Witchazel, at ang tiyak na kinababagabag ng kalooban ko ay ang kamatayan nina Tony, Jacob at Maya dahil likha din sila ng Witchcrafter.

Ngayon, nasa binggit kami ng oras at pagkakataon. Mukhang wala na talagang ibang paraan kundi kamatayan. Ang kamatayan ko at ang kamatayan ni Marcus. Sa gayong paraan, hindi na namin kailangan katagpuin pa ang huling Witchcrafter, upang hindi na rin mamatay si Tony at ang iba pang Supernatural beings. Isang malaking sakripisyong kahit pag-ibig hindi kayang talunin.

Pero hindi iyon ganoon kadali.

(Kapitulo Sinkuenta y Otso)

Lahat tayo naranasan na’ng magmahal at masaktan.
Sa pagmamahal, maraming bagay itong nagagawa.
Kaya nitong gisingin ang natutulog nating puso.
Kaya nitong lagyan ng kulay ang matamlay na buhay.
Kaya nitong bigyang buhay ang ating blankong mundo.

Pero hindi ko inakalang ang pag-ibig na bumuhay sa buong pagkatao ko, sa buong ako, ay sya ring literal na papatay sa akin.

“Kung ganoon Tony, ano pa’ng hinihintay mo? Bakit hindi mo pa ako patayin ngayon?”

Ibinalik ko sa kanya ang balisong na hindi ko naman magamit.

“Heto ang patalim…”

Tinitignan lang nya ito at sa hitsura nya parang nag-iisip sya ng malalim. Pwedeng nag-iisip sya ng ibang paraan o maari ding pinag-iisipan nya kung kaya ba nya akong patayin o hindi.

“Bakit kay dali sa iyo na gawin ito Maita? Ganoon na lang ba iyon? Papatayin kita?”

“Ano bang mahirap doon Tony? Papatayin mo lang naman ako ah! Hindi ba marami ka ng napatay? Bakit parang naduduwag ka ngayon?”

“Dahil puso ko ang kalaban ko! Manhid ka ba Maita?! Alam mong hindi kita kayang patayin sa sarili kong mga kamay!”

“Ang dami mo namang arte Tony eh! Patayin mo na ako, nagmamakaawa ako. Tapusin na natin ito! Mawawala din naman ako kapag nasakop na ni Marcus itong katawan ko!”

Marahang gumalaw ang kamay ni Tony upang kunin sa kamay ko ang kanyang punyal. Parang nagdadalawang isip pa sya, pero napansin kong namamasa ang mga mata nya. Malamang natanto din nya na tama ang mga sinabi ko, at ngayon ako ay kanyang pinagluluksa.

Alam kong mahirap ito para sa kanya, alam kong masakit ito, pero ito ang hinihiling ng kapalaran. Wala kaming magagawa kundi harapin ito, na kahit pag-ibig hindi kami kayang tulungang makatakas.

Hawak na nya ang balisong pero nanatili pa rin syang tulala. Pinagmamasdan lang nya ito sa kanyang kamay.

Tapos tiningnan nya ako…

Nakadama ako ng kaba noong makita ko ang mga mata nya. Nawala kasi bigla ang mga eyeballs nya kasabay ng pangingitim ng mga mata nya.

Senyales ba ito na iniipon na nya ang lakas at shakra nya?

Handa na ba sya?

Huminga sya ng malalim, nagkasabay pa kami. Natakot ako bigla, dahil mukhang buo na talaga ang loob nya na tapusin ako. Tapos napapikit na lang ako nang bigla nya akong sugurin.

Pikit na pikit ako. Sa isang iglap lang hawak na nya ako sa balikat ko, tapos hinihintay ko na lang ang kabila nyang kamay na may hawak ng punyal na dumapo sa akin at bumaon sa tagiliran ko.

“Aaahhhhhhgggg!!!”

Napasigaw na lang ako sa bilis ng pangyayari.

Pero… Ilang saglit na rin akong nakapikit hindi ko pa rin nararamdaman ang talim sa akin… Wala pa akong nararamdamang sakit, Wala pang matalas na bagay na dumapo sa akin.

Napamulat na lang ako nang maramdaman ko ang katawan ni Tony na yumakap sa akin. Narinig ko pa yung patalim na nahulog sa lupa.

“Patawarin mo ako Maita! Hindi ko talaga kaya…”

Pagtingin ko sa kanya umiiyak sya. Nadala ako sa emosyon ko kaya napaluha na lang din ako. Kung sakaling nagkapalit kami ng sitwasyon malamang hindi ko rin sya kayang saksakin at panoorin na lang mamatay.

“Tony, mahal na mahal kita…” isang yakap na mahigpit.

Mahigpit na mahigpit…

Nagyakapan kami na parang ayaw na naming pakawalan pa ang isa’t-isa. Ayaw ko talagang bumitaw. Ayaw kong mawalay kay Tony.

“Mahal na mahal din kita Maita…”

Alam kong mas nagdaramdam sya kaysa sa akin. Sa tinagal-tagal na nyang nabubuhay sa mundo, sa halos ilang daan-daang taon nyang namalagi sa lupa ay ngayon lang sya nagmahal ng ganito, tapos ganito pa ang kinahinatnan.

Ang sakit at lumbay na nararamdaman nya ay may halong sama ng loob.

Muli kaming umupo sa may katre. Parehong tulala habang magkayakap. Pinipilit kong mag-isip ng ibang paraan pero wala talaga akong maisip. Kamatayan ko na lang talaga ang tanging natitirang paraan upang hindi naman masayang ang sakripisyong ginawa nina Jacob at Maya.

(Kapitulo Sinkuenta y Nueve)

Ilang minuto na rin kaming nakaupo ni Tony pero wala pa rin kaming nagagawa. Parang mga tangang naghihintay sa wala sa loob ng kubong ito. Magtatakip-silim na rin, at ano mang oras puputok na ang dilim. Palubog na ang araw pero hindi pa rin ako kayang patayin ni Tony.

Napatayo na lang ako nang makita ko ang kumpol ng dayami na nakakamada sa tabi ng kubo. Tapos may nakita rin akong nakarolyong lubid na nakasabit sa sawaling dingding.

Dali-dali akong lumabas. Nakakatawa dahil ako mismo ang nag-iisip ng paraan para sa sarili kong kamatayan. Mababaliw na ata ako…

“Tony, halika! Tulungan mo ako!” utos ko sa kanya habang dumadampot ng dayami.

“Ano’ng gagawin mo?”

“Tulungan mo akong ikalat ang dayami sa buong bahay ni Lola Esme…”

“Huh? Para saan?”

“Basta! Bilisan na natin, wala na tayong oras!”

Wala syang nagawa kundi tulungan ako. Ikinalat namin ang lahat ng dayami sa buong paligid ng kubo, maging sa loob nito. Alam kong alam na rin ni Tony kung para saan ang ginagawa namin. Kung hindi nya ako kayang saksakin o patayin ng harapan, pwes susunugin ko na lang ang sarili ko.

“Tony, kailangan na nating magmadali.”

Kinuha ko yung lubid at ibinigay ko sa kanya.

“Heto! Talian mo ako. Itali mo yung magkabila kong kamay sa magkabilang dingding, tapos yung buong katawan ko naman.”

Natutulala pa sya, nasisindak ata sa pananalita ko.

“Bilisan mo na!” nasigaw ko.

Nagulat ata, nataranta, “Ah? Oo.” bigla na lang nya akong sinunod.

Tinali nya ang magkabila kong kamay sa magkabilang dingding, parang akong nakapako sa krus, tapos pinulupot nya ang natitirang lubid sa buong katawan ko at mga paa.

“Sigurado ka na ba dito?” tanong nya habang tinatalian ako.

“Bakit, may magagawa ba ako? Gawin na lang natin Tony para hindi na tayo mahirapan pa.”

May bigla akong naramdamang parang kumukulo sa tyan ko. Hindi ko alam kung kumakalam lang sikmura ko dahil sa gutom pero medyo nasasaktan na ako. Parang shakra na paikot-ikot at unti-unting nabubuo.

“Ayan. Tapos na.” sabi ni Tony.

“Tiyakin mo na maayos ang pagkakatali mo. Higpitan mo para hindi ako makawala…”

Parang nararamdaman ko na ang presensya ni Marcus sa loob ng katawan ko. Nagsisimula nang manginig ang kalamnan ko, ang mga kamay at mga paa ko, ang buong katawan ko.

Pero pinipigilan ko ang sakit. Ayaw kong mahalata ni Tony na may kakaibang nangyayari na sa katawan ko. Baka maalarma pa sya at lalong mataranta. Baka maisipan pa nya akong tulungan.

“Y-yung lighter mo T-tony…” nahihirapan na rin akong magsalita.

“Huh?” nagtaka pa.

“Yung zippo mo! Sunugin mo na ang kubo. Sindihan mo na yung dayami tapos umalis ka na sa lugar na ito.”

Ipinasok nya yung kamay nya sa bulsa nya. Halatang sobrang natataranta sya dahil hindi nya mabunot-bunot yung lighter nya.

Umiiyak sya… Randam kong ayaw talaga nyang gawin.

“Aaahhhhggg!!!” tumitindi na ang sakit na nararamdaman ko. Parang sinasaniban ako ng masamang espiritu. Nag-iiba na ang timpla ko, nag-iiba na ang diwa ko.

Naiiyak na ako sa sobrang sakit. Pakirandam ko mapuputol na ang mga ugat ko sa katawan. Pakirandam ko malalagutan na ako ng hininga. Parang akong nalulunod

“B-bilisan mo Tony! Dumidilim na! Sindihan mo na! Umalis ka na dito!” sinisigawan ko na sya.

Unti-unting umiinit ang buong katawan ko. May maitim na usok na akong nakikita na ibinubuga ng aking bibig. Pati mga mata ko umiinit na rin, parang may itim na usok na ring lumalabas mula rito.

Nag-iiba na rin ang paningin ko, nagiging kulay dugo na ang nakikita ko.

“Aaaahhhhh T-toonnnnyyyy!!!”

Nanlalabo na ang paningin ko. Naaaninag ko na lang ang anyo ni Tony. Madilim na rin ang buong paligid, ganap na ang pagsapit ng gabi. Lumubog na ng tuluyan ang araw at hinihintay na lang ang pagtaas ng buwan.

“Maita, mahal na mahal kita…” ang huling narinig ko kay Tony bago sya lumabas sa kubo.

Tapos, apoy na ang sumunod kong nakita. Mabilis na umusbong at kumalat agad ang apoy sa buong bahay gawa na rin ng tuyong dayami. Iyon na lang ang tanging liwanag na naaaninag ko.

Makapal na usok at singaw ng mainit na apoy ang dumadampi sa akin. Parang napapaso na ang buong katawan ko kahit hindi pa man dumadampi ang apoy sa katawan ko.

“Aaahhhhhaaahhhhh Aaahhhhh!!!” sigaw ako ng sigaw upang pakawalan ang sakit na nararamdaman ko. Hindi ko inasahan na sa ganito kasakit na paraan ko makakamtan ang kamatayan.

Nahihilo na talaga ako. Pakirandam ko nasusunog na ang buong katawan ko. At ang itim na usok na lumalabas mula sa mga mata ko at sa bibig ko ay unti-unting nagkakaroon ng mukha. Parang gustong kumawala sa akin.

Ito na ba ang mukha ni Marcus?

Unti-unti na talaga akong nauubusan ng hininga, unti-unti na rin akong nanghihina, sana lang masunog kaagad ang katawan ko bago pa ito tuluyang masakop ni Marcus.

Biglang sumagi sa gunita ko si Daddy. Yung mga masasayang sandali namin noong bata pa ako, kasama si Mommy noong nabubuhay pa sya. Yung paglalaro namin sa playground sa plaza, yung magkakasabay kaming kumain.

Pati yung araw na pagluluksa namin ni Daddy para kay Mommy. Nakita ko ang hitsura ni Mommy, ang maganda nyang mukha at matamis nyang ngiti. Parang gusto na talagang pumikit ng mga mata ko.

Mga ilang saglit pa, sa kalagitnaan ng makapal na apoy ay muli kong naaninag si Tony bago pa ako tuluyang mapapikit.

“B-bakit ka pa bumalik?” nagawa ko pang magsalita pero mahinang-mahina na.

Yinakap nya ako ng mahigit, “Maita… Ano pang saysay ng mabuhay sa mundo kung mawawala ka rin lang akin? Kung mamamatay ka ngayon, mabuti pang mamatay na lang tayo ng sabay.”

Pagkasabi nya sa mga bagay na ito bigla nya akong hinalikan. Naramdaman ko na lang ang mga labi nya na lumapat sa mga labi ko. Kumabog bigla ang dibdib ko. Tumibok ng mabilis ang pintig ng puso ko. Mahal na mahal talaga nya ako, at kaya din nyang magpakamatay para sa akin.

At sa puntong magkahalikan kami, biglang nagliwanag ang suot kong kwintas, ang kwintas ng may apat na elementong bato na bigay ni Reyna Diwata. Tapos ang itim na usok ni Marcus ay parang hinihigop ng suot kong kwintas. Muling nawala ang liwanag nito kasabay ng paglaho ng itim na usok. Parang ikinulong si Marcus sa pendant nito.

Nagulat na lang ako nang bigla itong mabasag at magkapira-piraso. Unti-unti ring nawala ang sakit na nararamdaman ko sa aking katawan.

Naramdaman ko na lang ang pagyanig ng lupa. Parang may malakas na lindol, kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin. Biglang lumutang ang maliliit na piraso ng lupa. Ito ba yung elemento ng hangin at lupa?

Nagkaroon din ng malakas na kulog at kidlat sa langit. Nagsusumiklab pa rin ang apoy kahit bumuhos na ang malakas na ulan. Tama, ang elemento ng apoy at tubig.

Hindi ko na alam ang sumund na nangyari dahil bigla na lang akong nawalan ng malay. Ang alam ko lang nakayakap pa rin sa akin si Tony.

(Kapitulo Sisienta)

Sa tamang panahon makikita ang apat na elemento na maghahatid patungo sa kinaroroonan ni Maria, ang huling witchcrafter. At malalaman lang ito sa pamamagitan ng totoong pag-ibig sa ilalim ng bilog na buwan.

Naririnig ko ang pagtibok ng puso ko sa aking tenga. Unti-unti at pabilis ng pabilis. Sunod kong narinig ay patak ng tubig, paisa-isang patak na hindi ko alam kung saan nanggagaling.

Marahan kong minulat ang aking mga mata. Kadiliman ang nakikita ko na kalaunan ay nagkaroon ng liwanag. Sinundan ko ang liwanag, nadoon sa lampara na nasa ibabaw.

Unti-unti akong nabubuhayan ng diwa. Sinubukan kong igalaw ang kamay ko upang iharang sa nakakasilaw na liwanag nung lampara.

Rehas. Mga rehas na gawa sa kahoy ang sunod kong nakita. Minulat-mulat ko ang mga mata ko. Natanto ko na nakahiga ako sa loob ng isang parang kulungan na yari sa kahoy.

Paglingon ko sa gawing kaliwa ko napansin ko ang isang babae. Nakaupo sya sa sahig, sa tabi ko. Maganda sya, mahaba ang buhok nya na kulay ulap sa sobrang puti.

Sinubukan ko syang hawakan dahil hindi ko pa magawang magsalita, ewan ko kung bakit hindi ko kayang ibuka ang aking bibig.

Nung mahawakan ko ang braso nya nagulat sya at bigla syang napalingon sa akin.

“Ate Alyana! Buhay ka!” sabi nya, tapos bigla na lang nyang inangat ang likod ko at binigyan ako ng mahigpit na yakap.

Alyana?

Naguluhan ako bigla. Ako ba ang tinatawag nyang Alyana? Pinilit kong alalahanin yung mga bagay na nangyari sa akin. Sa pagkakatanda ko kasama ko si Tony, at parehong nasusunog ang magkayakap na katawan namin doon sa kubo ni Lola Esme. At nung mawalan na ako ng malay, dito na sa lugar na ito ako nagising.

“Ang buong akala ko patay ka na!” sunod nyang sinabi kasabay ng pagtulo ng luha nya.

Sinusubukan kong magsalita para sana itanong kung sino sya at kung nasaang lugar ako pero wala pa ring lumalabas na tinig sa akin, pero paunti-unti nabubuka ko na ang bibig ko.

Hindi kaya sya na ang huling witchcrafter na hinahanap namin? Nagtagumpay kaya kami nina Tony?

“Magpahinga ka muna d’yan.” binitawan nya ako at pinagpatuloy nya yung ginagawa nya.

Sinubukan kong maka-upo pero nung iangat ko na ang likod ko bigla akong bumagsak uli, nanlalambot pa rin ako.

“O, huwag ka munang tumayo, mahiga ka lang muna d’yan at matatapos na ito.” sabi nya sa akin.

Nung tingnan ko yung ginagawa nya, hindi ko maunawaan kung ano iyon. Dalawang piraso ng tuyong dahon, yung iba ewan ko kung damo o kung ano man. Tapos may dinukot sya sa bag na yari sa dahon, o kung anong materyales, na isang maliit na piraso ng kawayan na hugis baso na may takip pa.

Hindi ko alam kung ano ang laman nung basong kawayan na iyon pero may likido syang ipinatak doon sa mga tuyong dahon na pinulupot nyang bilog na parang hugis meatballs.

“Heto, kainin mo ito.”

Muli nyang inangat ang likod ko at pinakain nya sa akin iyon. Hindi naman ako makakontra dahil hindi ko pa rin kayang kontrolin ang paggalaw ng bibig ko.

Nung maisubo na nya ito sa akin, dumiretso ito sa lalamunan ko hanggang sa malunok ko. Medyo naubo pa ako pero agad ding nawala.

“Maya-maya lang bubuti na rin yung pakiramdam mo n’yan.” at muli nya akong binitawan.

Kakaiba ang suot nya, parang kasuotan ng mga Amazonang nakilala namin sa bundok Sinai bago kami pumasok ng purgatoryo. At napansin ko na ganoon din ang suot ko ngayon.

Pinagmamasdan ko ang mga kamay ko na may mga singsing at bracelet na ngayon ko lang nakita. Napansin ko rin na parang mas pumuti ako at mas kuminis ang balat ko, at ang higit kong ipinagtataka ay ang buhok ko. Kulay ulap din sa kaputian, at parang mas humaba at lumambot.

Mayroon na naman syang ginagawang kakaiba sa mga dahon at kung ano-anong galing doon sa bag nya. Pinaghalo nya, at nung patakan nya ito nung likido mula sa basong kawayan bigla na lang itong nagliyab.

“Ano ayos ka na?” tanong nya sa akin.

Nagulat na lang ako na sa isang iglap nakakapagsalita na ako at sumagot, “Oo. Ayos na ako.”

“Magaling. Ngayon kailangan na nating tumakas, magandang pagkakataon ito habang tulog pa sya.”

“Sinong sya?”

Napatingin sya sa akin na parang nagtataka, “Ano ka ba, edi yung dark wizzard na nagbabantay sa atin!”

“Dark wizzard?”

Habang nag-uusap kami gumagawa ulit sya nung pinasiklab nyang apoy, at sininog nya isa-isa yung mga rehas na gawa sa kahoy.

Bumangon na ako at nagtataka talaga ako kung bakit bigla na lang akong lumakas.

“Ang galing naman nyan!” puri ko sa ginawa nyang apoy, “Paano mo iyan nagawa?” tanong ko.

“Ano?” punong-puno sya ng pagtataka, “Nalimot mo na ba? Ikaw kaya ang nagturo sa akin nito Ate.”

Ako din puno ng pagtataka, “Ate? Ako ba ang tinatawag mong ate? Bakit, kapatid ba kita?”

“Ano bang pinagsasasabi mo? Ano bang nangyayari sayo? Wala ka bang matandaan?” tanong nya.

Sa pagkakaalam ko nasa tamang pag-iisip pa ako. Tandang-tanda ko ang lahat ng pangyayari sa buhay ko, pero bakit ganito ang mga sinasabi nya sa akin?

“Ang mabuti pa mamaya na tayo mag-usap,” sunod nyang sabi, “Sa ngayon kailangan muna nating makatakas sa lugar na ito.”

Nasaang lugar na naman kaya ako? Parte pa rin kaya ito ng kabilang mundo? At si Tony, nasaan naman kaya sya? Sana walang masamang nangyari sa kanya. Pero, teka, kung ang babaeng ito na ang hinahanap naming last witchcrafter, ibig sabihin wala na si Tony?

Lumabas kami sa kulungan. Madilim ang paligid, tanging ang sinag ng lampara na nakasabit sa dingding na lupa lang ang nagbibigay liwanag sa amin, ang labo pa. At kung lupa ang nakikita kong dingding, ibig sabihin underground ang pihitang ito?

Malamlam lang ang paglalakad namin, ang suot ko pang tsinelas hindi ko mailakad ng maayos, kase naman gawa sa kahoy, ngayon lang ako nakapagsuot ng ganito.

May ibang selda pa kaming nadadaanan pero walang laman. May natanaw din akong hagdan paakyat sa taas sa ‘di kalayuan. Sa tingin ko kabisado na nitong babae ang daraanan namin.

“Nasaan ba tayo?” hindi ko matiis ang pagtatanong.

“Ano ba? Huwag kang maingay!” pabulong nyang sabi.

Tinigilan ko na muna ang pagtatanong. Marahil tama sya, baka hindi ito ang tamang oras at tamang lugar para mag-usap. Itinuon ko muna ang atensyon ko sa pagtakas namin.

Nauna syang umakyat sa hagdan na yari sa kawayan, at nung nasa itaas na sya dinungaw nya ako at sinenyasang umakyat na rin.

Pag-akyat ko sa taas bumungad sa amin ang isang maaliwalas na pasilyo na maraming pinto sa gilid. Ang sahig at dingding ay gawa lahat sa kahoy, hanggang bubungan. Marumi ang paligid, parang abandonado ang lugar, puno din ng agiw.

Hinawakan ng babae ang kamay ko, “Sshhhss” at sinenyasan akong huwag daw maingay.

Inagat na ingat sya sa bawat hakbang nya, kaya ginaya ko sya. Siguro ganoon nga sya kahigpit sa sinabi nyang bawal gumawa ng ingay.

Palingon-lingon sya sa paligid habang patuloy na humahakbang. Sa dulo ng pasilyo ay may pintuan. Iyon na siguro ang daan palabas.

Napansin ko na lang na iba na pala ang kulay ng mga mata nung babae, naging kulay puti. Naalala ko si Maya sa kanya, ganitong-ganito din sya nung nasa bundok pa kami, noong buhay pa sya. Nakakalungkot lang talagang isiping wala na sila, at sa mga sandaling ito talagang wala na sila.

Biglang napahinto ang babae sa paglalakad at hinarang nya ang kamay nya sa akin upang pahintuin din ako.

“Bakit?” pabulong kong tanong.

“May paparating.”

Kinabahan ako bigla, lalo na nung may marinig akong footsteps, malalaking yapak at matunog, pero wala naman akong makita.

Napayuko kami ng kasama ko sa tabi ng isang pintuan, tapos marahan nya itong pinihit, at nung mabuksan nya magkasunod kaming pumasok, buti na lang hindi ito nakakandado, at mabuti na lang walang laman ang silid.

Nakaabang kami pareho sa pinto nung isarado na nya ito. Papalakas ng papalakas ang naririnig kong yapak, parang hindi ito yapak ng isang ordinaryong tao lang, at kada marinig ko talagang sumasabay sa kabog ng dibdib ko.

“Wala na sya. Tara na.” sabi nya nung wala na kaming marinig na yapak.

Sa nakikita ko sa kanya parang hindi lang tunog ng yapak ang basehan nya para masabing may paparating o wala na, sa tingin ko tumatagos sa dingding ang paningin nya, tulad ni Maya na malayo ang nararating ng paningin.

Paglabas namin sa silid wala na ngang tao o ano mang bakas ng kung anong nilalang. Kaming dalawa na lang sa pasilyo at malayang dumiretso palabas doon sa pinto.

(Kapitulo Sisienta y Uno)

Nakalabas kami ng maayos at walang aberya. Sa mababaw na liwanag ng kapaligiran, natanto ko na takip-silim pa lang, papalubog pa lang ang araw, na sa buong akala ko kanina sa loob ay gabi na.

Tumambad sa akin ang naglalakihang punong-kahoy at damo. Nasa kagubatan pala kami, at talagang nanlaki ang mga mata ko nung malingon ako sa pintuan kung saan kami lumabas. Hindi ako makapaniwala na isa lang itong maliit na dampa o kubo, o cabin na walang bintana kundi nag-iisang pinto lang.

“Ano pang hinihintay mo Ate Alyana? Halika na! Umalis na tayo dito!” pabulong na sigaw ng kasama kong babae na hanggang ngayon hindi ko pa rin kilala.

Sumunod agad ako sa kanya. Tumakbo din ako nung makita ko syang tumakbo. Tinumbok namin yung gitna ng kagubatan, doon sa maraming puno at matataas na damo. Medyo masakit pa sa binti kase ang ikli ng suot kong palda short na hindi ko alam kung sa tela ba gawa o kung anong balat ng hayop.

Napanatag din ang loob ko nung makalayo na kami sa cabin na iyon. Wala akong ideya kung saan kami papunta ngayon, basta buo ang tiwala ko sa babaeng…