Kagubatan

Kagubatan (Introduction lang po ito)

“Bawal diyan diba?”

Tinignan ko ng masama ang nakababata kong kapatid na babae. Alam kong bawal lumagpas sa ilog na to ngunit hindi naman sinabi nila inay kung bakit. Kung may masasamang hayop man sa kabilang dako, bakit hindi inuutusan sila itay na sugurin ang kabilang dako ng ilog upang magkaroon kami ng pagkain?

“Maghuhugas lang ako dito” hinubad ko ang tagpi tagping dahon na nagtatakip sa aking katawan sabay lubog sa ilog. Kita ko ang pag aalinlangan ng aking kapatid.

Dama ko ang kaginhawahan ng tubig ilog. Malamig. Masarap sa pakiramdam.

Kung ang mga kasamahan sa lipi ay kontento sa pagpahid ng telang basa sa kanilang katawan, iba sa aking parte. Gusto kong parating malinis ang aking katawan. Noon ay ni ayaw kong maligo. Marahil sa kadahilanang ako ay nagdadalaga na kaya ganito.

“Ate, bilis na” natawa ako sa sinabi ng aking kapatid. Kita ang kaba niya. Tumayo na ako at sinuot muli ang pantakip sa aking katawan.

Napatigil lamang ako nang may naramdaman akong nakatitig mula sa aking likod kung saan naroon ang kabilang dako ng ilog. Parang may nakatitig sa banda kung nasaan kami ng aking kapatid. Tila ba may nagmamasid.

Hinarap ko ang ilog. Wala namang tao. Marahil ay guni guni ko lang.

Kinuha ko ang dalang kahoy at buko na napulot namin ng aking kapatid “Tara na sa nayon”.

“Ari, samahan mo na ako” pakiusap ko sa aking kaibigan na si Ari. Nais ko sanang maglakbay, o bisitahin muli ang ilog.

“Rosa, sa ilog na naman ba? Nung isang araw kagagaling lang natin doon. Sinabi ng bawal dun diba. Malalagutan tayo pag nahuli tayo ng pinuno o ng nino man!” Sagot niya habang mabilis na naglalakad palayo sa akin.

Pilit ko siyang sinusundan at pinakiusapan. Gusto kong bumalik sa ilog, ngunit ayokong pumunta doon ng mag isa.

“Isama mo nalang kaya kapatid mo?”

“Sinama ko na siya kahapon. Ngayon ikaw naman” sagot ko kay Ari

“Lintek ka! Kagagaling mo lang pala doon kahapon! Sinasabi ko sayo Rosa tigilan mo yan. May utos pa si inay kaya wag mo na muna ako guluhin.”

Malungkot ko siyang pinanood na naglakad palayo.

Tinignan ko ang maliit na tarundon, kung saan ang daan papunta sa ilog. Natatakot ako ngunit may kung ano sa ilog na para bang sa kabilang dako ay isang mundo na bago man saakin, ay alam kong masisiyahan ako.

Bahala na. Tinungo ko ang makipot na daan. Ramdam ko ang lamig ng simoy ng hangin. Ang sinag ng araw ay nasa tuktok ng aking ulo ngunit kakunting sinag lamang ang nakakalusot sa malalaking punong kahoy.

Nang makarating sa ilog ay walang takot akong tumawid. Walang tulay dahil hindi rin naman malakas ang pag agos ng tubig. Mababa lang din. Malinaw ang tubig ilog kung kayat nakakahalina. Malamig.

Unang tapak ko sa kabilang dako ay tila nanlamig ang aking buong katawan. Bakit ako andito? Paano pag ito ang ikinamatay ko?

Bago pa man ako nakabalik sa aking pinanggalingan ay nakarinig ako ng maliliit na ingay. Tila mga kalalakihang nagtatawanan. Sinundan ko ang pinanggalingan ng ingay. Dahan dahan ang aking bawat yapak.

May nasulyapan akong tila bahay, sa tabi ay 3 lalaki na iba.

“Mga tao?” Tanong ko sa aking sarili. Bakit ipinagbabawal ng ninuno ang dakong ito kung kapwa tao lang din naman ang andito.

Nagtatawanan sila habang may dalang baso. Tila umiinom ng alak kagaya ng ginagawa nila itay. Tumayo ang isang lalaki at may kinuhang parang mahabang tungkod na may kakaibang hulma. Tinutok niya iyon sa itaas na parte na siyang ipinagtataka ko.

“AHHHH!” Sigaw ko nang biglang may pumutok. Nakita kong bumagsak mula sa itaas ang isang ibon. Hindi tungkod ang hawak ng lalaki! Napatingin ako sa kanila ngunit huli na. Papunta na sila sa kung nasaan ako naroon. Marahil narinig nila ang sigaw ko kahit nasa malayong banda ako.

Agad agad akong tumakbo palayo. Kita ko ang pagbagsak ng ibon, duguan. Patay. Naiiyak akong tumakbo palayo nang rinig ko ang mabibilis nilang yapak. Hinahabol ako. Nasaan ang ilog? Mas lalo akong naiyak nang hindi ko na mahanap ang daan pabalik.

“ITAAAAAAY!” Kahit alam kong malabong marinig ako ng aking itay o ng tribo, sinubukan ko paring humingi ng tulong. “TUL…