Kahit Isang Saglit… Ng Nakaraan

“Sana ika’y muling makita ko. Damhin ang tibok ng puso mo. Sana yakapin mo akong muli kahit sandali, kahit isang saglit, mayakap ka.”

At tuluyan na ngang pumatak ang mga luha sa kanyang mga mata na kanina pa namumuo nung magsimula yung kanta ni Martin Nievera. Eto kasi yung tugtog sa radyo habang binabaybay namin ang kahabaan ng Quirino Ave. sa Maynila. Dahil sya ang may hawak ng manibela, pinakiusapan ko ito, “itabi mo nalang muna, please.” Pinaunlakan naman nya at kami ay huminto sa gilid. Mabuti at wala na din gaanong sasakyan, mga alas diyes na din kasi ng gabi iyon.

Tinitigan ko sya at pinagmasdan. Hindi na rin muna ako nagsalita, hinayaan ko syang ilabas ang kanyang nararamdaman. Inoff ko na din yung tugtog kaya tanging mga hikbi na lang nya ang nangingibabaw.

Oo, dalawang buwan na kaming magkakilala. At halos araw araw kaming nagkikita at nagkakasama. Madaming beses na din kaming naghalikan at matitinding pagtatalik. Matindi as in intense. Puno ng emosyon, umaalab na damdamin. Yung tipong ganun. Pero hindi kami. Walang ligawang naganap kasi. Di ko din naman sya tinanong kung kami na ba at din rin naman sya nagtanong. Alam lang namin masayang masaya kami sa piling ng isat-isa.

Kaya naging palaisipan sa akin yung tagpong iyon sa loob ng kanyang kotse. Never kasi sya nagpakita o nag open up ng usaping nakakalungkot. First time ko sya nakitang malungkot, bagkus, umiyak pa talaga ng todo. Ang tanging naibigkas ko lang, “are you okay?” sabay hagod sa kanyang kanang balikat. Isang malalim na buntong hininga lang ang kanyang sinukli.

Nung mahimasmasan na sya, tinuloy nya ang pagmamaheno at tinungo na namin ang lugar na madalas namin tambayan – Starbucks sa may Robinsons Manila. Dito ko na tinanong kung bakit bigla syang naiyak duon sa tugtog sa kotse. Napatingin sya sa malayo, iyong tingin na alam mong blanko, tsaka sya nagsalita.

“I had a bf and we were supposed to live together na. Kaya lang he died 8 months ago. He was killed, actually. Gunshot. Tinambangan sya. He was a councilor sa isang bayan sa Laguna pero business-related daw ang motibo. Ang masakit hindi man lang ako nakalapit sa burol nya. You see, he had a legal wife but they separated a long time ago and they have a son. Kaya si ex-wife ang nag ayos ng kanyang burol at libing. It was so painful that I could not even mourn beside him. The closest I got was after the burial. Ang sakit sakit. Bakit ganun? I did not deserve that, right?”

Habang sinasabi nya iyon, nakailang pahid din sya ng tissue sa kanyang mga mata. Muli, wala akong masabi. Ramdam ko ang kanyang kirot. Hinawakan ko nalang ang kanyang kamay sabay sabing “Everything will be okay. Hang on.”

Paano ko nga ba sya nakilala? Eto balikan natin dalawang taon na nakaraan. Kausuhan pa nuon ng MiRC. Ang bukod tanging chat site na halos lahat ng mga syudad sa bansa ay may kanya-kanyang chatroom. Dito ko nakilala si Carmi. Isang nurse na taga Bacolod. Isang taon kaming nagchachat at usap sa phone. Pero sa buong panahon na iyon, never sya nagpadala ng photo nya. Samantalang nakita na nya itsura ko. Di ko nalang din inintindi kasi masaya naman ako sa communication namin. Secondary nalang siguro kung ano man itsura nya diba.

Pero hindi si Carmi yung kasama ko sa kotse. Yung babaeng namatayan ng bf. Ibang babae yun, pero darating tayo dyan bakit ko kinukwento si Carmi.

One time, nagpasya akong pumasyal sa Bacolod. Sabi ko kay Carmi na pupunta ako at magkita kami. Tumanggi sya. Ngunit nanaig ang kakulitan ko so tumuloy pa din ako. Sinabi ko sa kanya yung hotel na saan ako mag stay. Ngunit di talaga sya dumalaw sa tatlong araw ko duon. Pero sulit din yung byahe ko kasi pumasyal pasyal din naman ako sa syudad mag isa. Yun nga lang, mas exciting sana kung nagpakita sya. Iyon na din naging hudyat ng pagkaputol ng aming communication.

Makalipas ang isang taon mula nung byahe ko sa Bacolod, totally nawala na sa isip ko si Carmi. Tuloy ang buhay kumbaga.

Ngunit isang gabi may tumawag sa cellphone ko. Bagong number kaya walang pangalan na lumabas. “Hello Roger, remember me? Carmi here.” Di ako nakasagot agad kasi di ko naman inaasahan na kokontak pa sya. “Oh hi. Napatawag ka?” sambit ko. “I’m in Manila, would you like to meet?” patuloy nya. O diba? May mas surprising pa ba sa mga katagang yun? Ang dami mong arte last year tapos ngayon nag aaya ka pa. Isip-isip ko. Pero gentleman naman ako so tinanggap ko ang kanyang paunlak. “Meet you tomorrow night, I’m with my cousin so bring along some company para masaya tayo,” pahabol ni Carmi.

Nagpasya kaming magkita sa may parking lot sa KFC sa may Nagtahan para convoy nalang kami papuntang Malate. 9PM, binitbit ko din mga pinsan ko. Pagkakita ko sa plaka ng kotseng binanggit nya, nilapitan ko na ito agad. Sabay may bumaba na babae mula sa passenger side para salubungin ako. Chubby na girl, short hair, medyo maputi. Na anticipate ko agad na si Carmi ito. At sya nga. Honestly, good riddance na yung hindi nya ako sinipot sa Bacolod. Swerte nya, malas ko kung nagkataon. Yabang ko ano? Pero sa totoo tayo. Physically, hindi sya yung usual na type ko. Pero kung last year ito, wala na sana akong pakialam kahit ano pa itsura nya. Anyway, balik tayo sa pangyayari.

Introduce dito, introduce dun. Hanggang hinila ako ni Carmi papunta sa kabilang side ng kotse nila, dun sa driver’s. Nung tumapat kami sa bintana sabi ni Carmi “Roger, cousin ko si Lynn. Lynn, si Roger.” Nilapit ko mukha ko sa bintana para makita ko yung pinsan nya. Napalunok ako ng laway sa nakita ko. Mala-dyosa. Maamo ang mukha. Amputi nya, chinita, straight shoulder length hair. “Hi” lang ang nasabi ko sabay ngiti. Ngiti lang din ang iginanti nya.

Nakaubos kami ng isang bote ng Jack Daniels nung gabing yun. Si Carmi ang daming drama nung tipsy na. Hindi nakakatuwa. Maarte at paimportante. Sorry, di ko sya sinisiraan, dinidescribe ko lang yung antics nya nung gabing yun. Samantalang si Lynn, tahimik lang sa kinauupuan nya. Never sumali sa kwentuhan. Pangiti-ngiti lang. Pero ang ganda nya talaga. Di pa uso koreanovela nung panahon na yun pero yung itsura nya, parang syang Korean actress. Yung ganun. Basta. Stunning ang word na simplest description sa kanya. Kaya si ako, pasulyap sulyap lang. Kung minsan nagpapang abot ang aming paningin. Sinasabayan ko ito ng bahagyang ngiti. Gumaganti naman sya. Feeling ko tuloy ang gwapo ko. Haha.

Anyway, natapos ang gabi ng maayos. Makalipas ang ilang araw, nag text si Carmi sa akin “Thanks Roger for seeing me. I’m heading to the airport now pauwi ng Bacolod.” Di ko agad nabasa iyon. Napansin ko nalang nung andun na din ako sa airport. Hinatid ko din kasi Dad ko dahil may byahe sya nung araw din na yun. Nireplayan ko yung text, “Hi Carmi, no prob. Nice meeting you. Nasa airport din ako ngayon. Di ka pa ba nakaalis?” Nagbakasali kasi akong nandun pa sya para magkausap man lang kami sa huling pagkakataon.

Maya maya nagreply sa text ko, eto yung saktong words “Nakaalis na sya kanina pa.” Nagulat tuloy ako kung sino yung nagtext. Tinext ko ng “Kanino po itong number pala?” At ang sumunod na reply ay tuluyan ng nagpakabog sa aking natutulog na damdamin. “Lynn.”

…To be continued.

For the next final part, I will narrate how that last text changed the course of history (lol). This is not purely sexual (sorry to disappoint you) but we will touch a bit of it somewhere. Some great moments that were totally unexpected, unplanned and out of course. But just the same, masaya na natahak at naisabuhay.