Kristal Na Tubig

X.
Bigla niyang sinaklot si Nene at dinalang papanaog. Maglalakad siya, maglalakad ng maglalakad hanggang makatagpo siya ng mapapagkatiwalaan kay Nene. Naroon si Tiya Nena, na iisa ang anak. A, ngunit si Tiya Nena ay namumuhi sa kaniya. Sa bayan ay may isang mapagkawanggawa. Si Don Bartolo; maaandukha niyang mabuti si Nene, mapagbibihis ng maganda, mabibigyan niya ang marikit na laruan…Ngunit si Don Bartolo ay mayaman; si Nene ay hindi masisiyahan sa isang kakaibang daigdig. At si Nana Upeng? A, si Nana Upeng pa kayang maselan ang makakawatas kay Nene?

Hindi maaari, hindi maaaring mawalan ng isa man lamang sa buong daigdig na ito na makakapagkalinga nang wasto kay Nene! Ngunit lahat na’y tila nagtatakwil kay Nene, at kung may tumatanggap man ay upang ipasok lamang siya sa isang daigdig na di niya nawawatasan at di nakakawatas sa kaniya.

XI.
Lumalatag na ang dilim nang ang “mag-ama’y” magbalik ng bahay. Si Tasio ay patang-pata. Si Nene naman ay natatalinghagaan sa mga kakaibang kilos ng kaniyang ama, na di maabot-abot ng kaniyang murang isipan.

Nalalagas ang mga araw ay nauupos nang nauupos ang buhay ni Tasio. Ngunit di pa niya natatagpuan ang karapat-dapat na kamay na makakapag-kupkop sa kaniyang si Nene. Sa gitna ng kaniyang kasiraang-loob ay naisipan na niya tuloy ang dumulog sa mga magulang ni Ninay o dili kaya’y sa tinakasan nitong kaisang-puso, na siyang tunay na ama ni Nene…ngunit nangalisag ang kaniyang balahibo…hindi niya magagawa!

“Iilang buwan na lamang!” anang doktor. At ngayo’y nakalilipas na ang ilang buwan. Nababanaagan na ni Tasio ang mapanglaw na wakas. Ngunit si Nene!

XII.
Si Nene ay itinakwil pa rin ng di nakawawatas na daigdig. Si Tasio ay natabunan na ng kasiraang-loob. Ang kaniyang puso’y nginangatngat na ng poot sa sangkatauhan. Kay lawak ng sangnilikha ay walang isa mang kaluluwang nakawawatas kay Nene, maliban sa kanya!

Magdadapithapon na nang magunita niyang muli na naman niyang nakaligtaang dalhin si Nene sa ilog upang doon ay magtampisaw, mamangka at humanga sa kristal na tubig. Kaagad niyang binuhat si Nene at mabilis nyang tinungo ang ilog.

Mabining umaagos ang tubig sa ilog. Ang lagaslas, ang mga ibon, ang hanging naglalaro sa mga dahon ng kahoy, ay nagsasaliw sa isang kaayaayang tugtugin ng kalikasan. Ang malamlam nang sinag ng araw ay tila ba nalulunoy sa tubig.

XIII.
Si Tasio ay napatigalgal. Ngayon lamang siya napuspos ng panggigilalas sa kalikasan. Napapako ang kaniyang paningin sa kristal na tubig. Biglang nagliwanag ang kaniyang mukha. May isa nang inang makapagkukupkop kay Nene!

Kapagdaka’y dinampot niya ang batang nawiwili pa noon sa paglalaro sa buhanginan. Tinungo niya ang bangka at mabilis siyang sumagwan.

“Natagpuan ko rin ang kaligtasan!” ang kaniyang bulalas.

Pagdating sa gitna ay itinigil niya ang bangka. Hinawakan niya si Nene, itinaas … ilang iglap pa’y nalagak na ito sa sinapupunan ng Inang Kalikasan….Ngunit napatitig siya sa kristal na tubig. Nasinag niya ang larawan ng kamusmusan. Nagunita niya ang musmos na katanungan ni Nene. Batuhin man nang batuhin, yurakan man nang yurakan, ang kristal na tubig ay di nababasag. Bakit niya katatakutang maiwan sa isang mapanlibak at di nakawawatas na daigdig ang isang walang malay na si Nene kung ang puri’t dangal nito’y kristal na tubig?

XIV.
Siya namang paghihip ng hanging may inihahatid na isang awit, ang awit ng isang inang may ipinagheheleng sanggol. Napatitig siyang muli sa kristal na tubig. Nasinag niya ang isang matamis ngunit malungkot na gunita: si Ninay. Ang lagaslas ng tubig, ang awit ng mga ibon, ang sutsot ng hangin ay naitaboy sa kaniyang pandinig ng awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.

Ibinaba niya si Nene at hinawakan niya ang sagwan. Ang kaniyang mga tikhim, na nabubunot sa isang maysakit na dibdib, ay sumasalit sa mga hampas ng sagwan at sa sagitsit ng bangka sa kristal na tubig, samantalang sa hangin ay patuloy na nagduruyan ang awit ng ina. Sumadsad ang sasakyan sa pampang, kinalong niya si Nene, ipinagduyan niya sa kaniyang mga bisig, saka ang gumagaralgal niyang tinig, na halos naiimpit ng nangangapos niyang hininga, ay sumaliw sa awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.

“Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kanyang gagawin…”

Si Antonio B. L. Rosales ay ipinanganak noong 13 Hunyo 1913 sa Intamuros, Maynila; naging pangulo ng Ilaw ng Bayan; kasapi sa Manila Press Club at Ilaw ng Panitik; nag-aral sa Mapa High School at Far Eastern University; inihayag na 11 kuwentista ng 1937.

Mga Pahina: 1 2