Kusina Chronicles: Hors D’oeuvre

Good day to all. I’m Ares. And I’d like to share some of my stories here. I hope you’ll like them.

Nagtatrabaho ako ngayon bilang kusinero sa isang hotel. Di ko na babanggitin kung anong pangalan ng hotel at kung saan.

Nagsimula ako bilang steward o dishwasher, naging kitchen helper, naangat bilang Commis 3, 2, 1, at ngayon ay Chef de Partie na.

Nung unang kita ko sa hotel kitchen ay namangha talaga ako. Napakalaki ng kusina. Napakaraming ingredients, iba’t-ibang gamit, napaka-proper, napaka-organized, at napaka-busy.

Pero hindi agad ako pinapasok. Sinamahan muna ako ng isa sa mga steward papuntang locker room. Kailangan ko daw muna magsuot ng proper attire bago pumasok ng kitchen.

“Ako nga pala si Rico pre.” Pakilala ng steward. Inabutan nya ako ng apron, hair net at pinagpalit ng non-slip shoes.

“Ares pre.” Pakilala ko naman. Nagpalit ako ng dala kong extra shirt at sinuot ang binigay na gamit ni Rico. Pagkatapos ay sinama nya ako papuntang dishwashing area.

Kung anong ayos ng kusina ay sya namang gulo ng area na pinagdalhan sakin na katabi lang ng kitchen area. Tambak ang mga plato, kubyertos, mga racks ng baso, kaldero, kawali, kaserola, sandok, mixing bowls, baking pans, baking trays, food pans, plastic tubs, at kung anu-ano pa.
Tinapik ako ni Rico sa balikat. Mabilis na briefing lang tungkol sa trabaho at sa area ang ibinigay nito.
“Alam mo na gagawin jan pre. Dun muna ako sa kitchen. May pinapagawa si Chef.” Pagkatapos ay umalis na ito.

Tumango ako at nagsimula na magtrabaho. Una ay in-organize ko muna yung area. Pinagsama-sama ko lahat ng magkakapareho. Kinuha ang isang malaking plastic tub, nilagyan ng tubig at dishwashing liquid at dun inilagay lahat ng kubyertos at mga sandok. Pinuno ko rin ng tubig na may sabon ang lababo at nilubog doon lahat ng plato. Pinagpatong-patong lahat ng stainless trays at pans. At inayos ang racks ng mga baso.
Halos kalahating oras ko din siguro inayos ang area ko dahil halos wala akong makilusan sa dami ng hugasin. Nang matapos ay ang laki ng inaliwalas ng area. Anlaki ng iniluwag at nagmukhang malinis. Sinimulan ko na rin isalang sa dishwashing machine ang mga plato. Nagtrabaho na rin ako bilang dishwasher sa isang resto dati na may kaparehong machine kaya alam ko na kung paano iyon gamitin.

Habang naghuhugas ako ng mga kawali ay may nagsalita sa likuran ko.

“Himala! Bakit ang ayos dito ngayon?”

Lumingon ako sa likuran ko at nakita ko ang isang babaeng nakasuot ng puting chef jacket. May suot syang hair net sa ulo pero sa likuran nya ay nakalabas ang mahabang bukok na nakatirintas. May hawak syang malaking mixing bowl na may mga cupcake trays, spatulas, measuring cups and spoons, at wire whisk.
Agad akong nagpunas ng kamay sa suot kong apron at kinuha mula sa babae ang mga hawak nya.
“Akin na po yan Chef.”

Nag “thank you” sya at ngumiti.

“Ikaw yung bagong steward?” Tanong nya sakin.

“Opo Chef. Ares po pala.” Sagot ko naman. Yumuko ako ng bahagya pagkatapos magpakilala dahil nahihiya akong iabot ang kamay ko na marumi.

“I’m Charlotte. Wag ka na mag-po. Mukha namang mas bata ako sayo.” Nakangiti nyang inabot ang kamay nya sakin.

“Chef, madumi kamay ko.” Ipinakita ko sa kanya ang kamay ko na may konting bula at mantika mula sa mga hinuhugasang kawali.

“Sus. Di ako maarte.” Inabot nya ang kamay ko at kinamayan.
“Teka may naiwan pa kong gamit. Dadalhin ko na dito para makapaglinis na ko sa area ko.”

Umalis sya at itinuloy ko ang paghuhugas. Maya-maya ay bumalik sya dala ang iba pang mga maruruming gamit nya.

“Ares, lapag ko na dito ha.”

“Sige Chef.”

“Eto nga pala para sayo.” Pinakita nya sakin ang isang plastic tub na may isang cupcake.

“Wow! Okay lang ba yan Chef? Hindi ba bawal yan?” Tanong ko.

“Hindi noh. Ako’ng bahala sayo. Sobra lang naman to. Saka binigyan ko na rin sila dun sa kusina.”

“Thank you Chef ha. May meryenda na ‘ko.”

“Sige. Basta tuloy mo lang yang sipag mo.” Sumilay ulit ang napakaganda nyang ngiti.

“Yes Chef.”

*

Bukod kay Charlotte ay mababait din ang ibang chefs na ‘pumasyal’ sakin sa area ko. Yung iba ay binibiro ako na anlaki daw ng pagkakaiba ko kay Rico. Dahil sa halos apat buwan daw na pagtatrabaho ni Rico doon ay di nila nakitang ganun kaayos ang dishwashing area.

Yung ibang kusinero ay nagdadala pa ng mga gamit na kawali na may lamang pagkain.

“Pre, tikman mo to. Malinis yan.” Inabot sakin ng nagpakilalang si Anton ang kawaling may laman na dalawang pirasong hipon.
“Spicy Gambas yan pre. Tirahin mo na.”

Agad ko naman dinampot ang mainit-init pang hipon at kinain. Paborito ko kasi ang hipon kaya di na ko nag-alangan pa.

“Ano? Panalo ba?” Tanong sakin ni Anton habang nakangiti.

“Panalo Chef! Champion to!” Sagot ko naman na naka-thumbs up pa.

“Sinasabi ko sayo eh!” Nakangiti syang naglakad pabalik sa kusina.

At ganun na nga ang nangyari noong unang araw ko sa hotel. Mahirap, maraming trabaho, nakakapagod, masakit sa katawan, at nagmukhang anemic na pasas ang mga kamay ko. Pero kahit papaano ay nakakagaan ng trabaho ang pagka-friendly ng mga tao dun. At bonus pa yung tamis ng ngiti ni Chef Charlotte.

***

Lumipas ang isang buwan at nakabisado ko na ang trabaho ko. Hindi na ako natatambakan at nagkaroon na rin ng extrang oras dahil mabilis ko na natatapos ang mga hug…