“I want to have some lemonade, please!”
“Kung iyan ang desisyon mo, hija, hindi kita pipigilan. Pero nais ko lang sabihin sa iyo na malaki ang tiwala ko sa iyo sa kabila ng nangyari. Sana ay magbago ang isip mo dahil mahirap makahanap ng katiwala sa panahon ngayon.”
Chapter 7
Dahil sa kulit ni Laila ay naikwento ko sa kaniya kung saan talaga ako nagtungo at kung gaano ako nasiyahan sa aking bakasyon. Pero hindi ko binanggit na may namagitan sa amin ni Jorge. Marahil may kuro-kuro ito pero natutuwa naman ako dahil hanggang sa kantiyaw lang ito na tinutugunan ko lang ng ngiti.
“Ikaw na talaga! Nakakainggit ka naman. Talagang eksklusibong-eksklusibo ang bakasyon mo ah!” Anito sa mapanibughuing tono.
“Hindi naman. Nagkataon lang na mayroong bahay-bakasyunan sila Jorge doon. At saka ‘wag ka ngang maingay baka makarinig sina madam.” Tukoy ko kay mayordoma.
“Uy. Pero alam mo bang naparito ang ex ni sir Jorge noong nakaraang araw?”
“Si-sino?” Tanong ko.
“Naalala mong sinabi ko sa’yo na dati niyang asawa?”
Naalala ko na may nasambit ito pero wala namang nabanggit na pangalan ang mga ito, maging si mayordoma na nagpaalala bago ako nagbakasyon.
Hindi pa rin ito nakumbinsi na naaalala ko kaya sinabi na nito ang pangalan. “Si madam Clara.”
“Madam Clara?”
“Oo. Binisita nito sina sir Eric at palagay ko hindi naman talaga ang negosyo ang pakay nito kung ‘di nag-uusisa lang kung nasaan talaga si sir Jorge.”
“Bakit, hindi ba niya alam kung saan ito nagpunta? Ikwento mo na kasi sa akin.”
“Tsk. Ito naman o. Ayaw ko sana maging pinanggalingan ng mga tsismis e.”
Pinilit ko na nga ito at nakapagkwento nga.
“Matagal nang hiwalay iyang dalawa. Ewan ko kung sa anong dahilan. Itong si madam Clara ay hindi makapag-move on kaya lagi pa ring nakikisali sa mga negosyo ni sir Jorge.”
“Ganoon ba? Bakit kasi ayaw pang lubayan nitong Clara si Jorge?”
“Aba! Ewan ko. Sa gwapo ba naman ni sir, e, kahit ba naman ako.” At tumawa ito.
“Loka-loka ka talaga.”
“‘Wag kang magseselos, ah!” Kutya nito.
“Aba! Hindi ah. At saka wala naman talagang pakiramdam si Jorge sa akin. Gagawin lang naman…” Napahinto ako. Muntik ko nang masabi sa kanya ang dapat ay lihim ko lang.
“Ang ibig kong sabihin ay, gawain lang ni Jorge talaga ang maglibang at gusto laging may makasama.”
“Hmmm. At ikaw talaga ang napili niyang isama.” Pag-ismid nito sabay ng isang ngiwi ng bibig nito.
Pagkatapos ng kwentuhan namin ay nagpahinga na ako at nang makita ako ni mayordoma kinabukasan ay kinumusta ako at hindi na nag-usisa pa.
Dumaan ang ilang araw at puro trabaho lang ang inatupag ko. Wala naman akong natanggap na mga tawag o mensahe mula kay Jorge. Siguro ay natuon lang ang pansin nito sa trabaho na binanggit nito noong nasa biyahe kami pauwi.
O baka naman nagkabalikan sila ni madam Clara. Nanlumo ako. Pero tinatagan ko na lang ang sarili ko at hindi na ako nagpaapekto. Umiibig na ba talaga ako kay Jorge o dala lang din ng libog kaya ako nagpaubaya?
Habang nagmumuni-muni ay sabay ko ring tinapos ang mga pinupunasang muwebles nang dumating naman si mayordoma.
“Miriam, may mga bisitang darating. Ihanda mo ang salas at ang hapag. Dito na rin manananghalian ang mga tauhan ng amo.”
“Sige po, madam.” Sagot ko sa utos nito.
Maya-maya ay nagsidatingan naman ang mga bisita. Unang pumasok ang mga taga-opisina. Bumati ako sa isang babae na nakilala ko nang minsang pumunta kami ni Laila doon.
Ilang saglit lang ay umigkas ang puso ko ng makita si Jorge na sinundan naman ng kaba nang makita ko ang isang babae na umangkla sa mga bisig nito. Ito marahil si Clara. Tama, siya nga ito.
Ang akala ko ay hiwalay na ang mga ito. Pero bakit parang mahigpit pa rin ang kanilang relasyon?
Napatalikod na lang ako upang hindi ako mapansin. Nahihiya man ay pumasok ako sa kusina. Sakto namang nasalubong ko si mayordoma.
“O, kadarating lang ng mga bisita. Asikasuhin mo na sila at doon na raw sila sa meeting room.”
“Me-may kukunin lang po ako sa kusina.” Pagdadahilan ko. At siya rin namang pagdating ni sir Eric.
“Miriam. Maaari mo bang tulungan ang mga bisita natin na kunin ang kanilang gustong inumin?” Tanong nito.
Punyeta! Anang sa isip ko. Wala talaga akong kawala. Nagkunwari na lang akong masigasig sa hiling nito. Nakakahiya naman at ang amo ko pa ang nakiusap.
Pagpasok ko sa meeting room ay nagkatinginan agad kami ni Jorge. Agad naman akong umiwas at itinuon ang pansin ko sa kaibigang babae at nagpatulong magtanong. Buti na lang nag-uusap ang mga ibang miyembro sa loob ng silid.
Nakakaasiwa ang pangyayaring iyon at nang makuha ko ang mga kahilingan nila ay tumalikod ako.
“I want to have some lemonade, please!” Utos ng babae ng mapansin kong boses ni madam Clara noong paglingon ko. Nakatingin ito sa akin ng diretso at tikom ang napakapulang labi nito.
“Y-yes, madam.” Malumanay kong tugon. At agad pinutol ang nakakakabang tingin nito sa akin at akmang aalis.
“Wait!” Sigaw nito sa akin. “What do want, darling?” Lumingon ito sa katabing si Jorge.
“Ah, I’m fine. Thanks.” Maikling tugon nito.
Damdam kong naaasiwa din ito habang pinalipat-lipat ang tingin sa akin at kay madam Clara.
Umalis agad ako nang wala na akong narinig mula sa kanila. Habang inihahanda ang mga dadalhin sa loob ay dumating naman si Laila.
“Haaay! Napakamaldita talaga ng babaeng ‘yon!” Pagtukoy nito kay Clara. “Nakita mo bang halos ipagtulakan na siya ni Jorge?”
“Na-nagkabalikan na ba talaga sila?” Usisa ko.
“Ahm, ewan ko lang. Pero ting’nan mo naman kung gaano kawalang-pakialam ni Jorge sa babae. Haha.” Tumawa ito ng mapanuya.
Naabutan naman kami ni mayordoma, “O, ‘wag muna kayong mag-tsismisan diyan. Laila umpisahan mo ng gayakin ang mga lulutuin.”
Naputol ang aming usapang nang maraming inutos si mayordoma sa amin.
…