“Haha, ang tagal mo naman kasi dumating. Atsaka, inaliw ko lang ang sarili ko sa pakikipag-usap sa maganda mong tauhan.”
Chapter 2
“Tiyong Noli,” tawag ko sabay katok sa pinto.
“Sandali lang! Sino ba ‘yan?” Anang boses sa loob.
“Ako po ito —” sabay bukas ng pinto. Tumambad sa’kin ang may edad na may hitsurang si tiyong Noli na nakatapis ng tuwalya at suot nitong navy blue na sando. Kahit may konting katabaan ito ay sakto lang ang hubog ng katawan. Hindi masyadong malaki ang tiyan ngunit ang mga braso nito ay parang pamalo sa lalabhang mga damit sa ilog.
“O, ikaw pala Miriam! Tuloy ka, hija.” Bati nito.
“Ah, e, hindi na po.” Pagbalik ng aking diwa. “Mag-aabot lang po sana ako ng bayad, tiyong. Tinawagan ko po si tiyang Mela, sabi e i-abot ko na lang daw kay Lily.”
“Ganon ba? Inutusan ko muna si Lily na samahan ‘yung kahera sa tindahan. Kanina pa din nakaalis sina tiyang mo, kasama si Leslie. Mamamalengke pa sa Gagalangin ‘yon.” Page-eksplika niya. “Gusto mo magkape, hija?”
“Hindi na po, ito nga pala bayad ko at ang kalahati din para sa buwang ito. Para hindi ko na ulit magastos. Baka mamaya masigawan na naman ako ni tiyang.” Sabay abot ko ng pera nang, “…ay!”
Pagkaabot ko ay nahulog ang ilang piraso ng pera at napaluhod agad ako sa pagdampot. Sa dulas ng sahig nila ay hindi ko agad mapulot-pulot ang papel na sandaang piso kung kaya’t napayuko na rin si tiyong Noli at dinampot din ito.
“Sorry po, tiyong, hehe.” Sabay hawak sa kamay ko at napatingin ako sa may tuwalya niya na parang may nakatayo o bukol sa harapan na ikinabog ng dibdib ko. Hindi ko rin sigurado kung may saplot o wala sa umawang na tuwalya niya.
“Okay lang, hija. Ikaw naman, huwag mo naman itapon ang pera,” pagbibiro nito. “Huwag ka ng mag-abala sa kalahati ako nang bahala kay tiyang Mela mo.” pagtutuloy niya na nakangisi.
“Naku nakakahiya naman. Huwag na po.” Pagpipigil ko. “Sige po. Tuloy na po ako, tiyong.” Pamamaalam ko sa kanya at nagpaabot ng bati sa katorse anyos na bunso niyang anak na babae.
“Ikaw talaga, hija. Okay lang ‘yun, parang hindi naman tayo malapit.” Sabay pisil sa balikat ko. “O. Huwag ka magpapagod masyado, ting’nan mo nangangayayat ka na.”
Tumawa lang ako ng sandaling iyon. Umalis agad ako pagkatapos kong magpasalamat. Pagkadating ko ng kwarto ay parang hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Parang nag-init at kumabog ang dibdib ko sa nangyari. Matagal ko na ring kilala si tiyong ngunit parang ngayon lang ako nakaramdam ng ganito.
Kinapa ko ang aking mukha at tumingin sa salamin. Hindi kaya sa suot ko na kita ang hubog ng aking harapan at umepekto ito sa kanya. Hindi rin ako sigurado sa huling sinabi niya. Lagi ko namang binabanggit na sa call center ako nagtatrabaho, alam na siguro nila ‘yon.
Nung gabing ‘yon ay umalis na ako sa aking inuupahan at naghanda na akong pumunta sa pinagtatrabahuan ko. Tinawagan ako ni Amanda, ang kasamahan ko at pinapapasok kami ng maaga at may mga bago raw na big time na mga kliyente.
Pagkasakay ay humikab ako dahil sa antok at sa sobrang lamig na rin sa loob ng bus. May nakita akong ginang sa labas na kumakaway sa bus na aking sinasakyan sabay paalam naman ng babae sa aking likuran. Naisipan ko munang umidlip dahil matatagalan pa ang biyahe dahil sa trapik. Dahan-dahang pinikit ko ang aking mga mata tanaw ang basang bintana dulot ng katatapos lang na ulan.
Nakaraan.
Nakita kong kumaway si tiya Tessy habang sumasakay ito ng tricycle. Naiiyak ako dahil sa kabaitan nito at sa hangad nitong magkaroon ng anak. Ganoon ang pagpipigil nito sa akin na umalis. Ngunit hindi ko rin maikakaila na nanganganib ang lagay ko sa kamay ni tiyo Romulo kung nagpatuloy pa ako.
Humigpit ang hawak ko sa dala kong bagahe na naglalaman ng mga damit ko. Nakita ko ang sasakyan na may karatulang Balayan, ang bayan kung saan ako nakatira. Desididong humakbang at umakyat pasakay ng bus. Nanalangin na lamang ako bago ito lumarga at nakaalis ng Batangas.
“Welcome back to Manila!” Pagkababa namin.
Sigaw ni Laila sa’kin, ang dalagang nakakatanda ng anim na taon sa’kin na nakilala at nakaibigan ko habang nasa biyahe. Nakakwentuhan ko siya habang nasa bus kami at naihayag ko sa kanya ang mga pangyayari sa buhay ko at sa kalaunan ay nakagaanan ko ito ng loob.
Si Laila ay isang katulong sa malaking bahay ng mayamang mag-asawa na may malaking negosyo. Ang tita niya raw ang unang naging katulong doon at pinasa sa kanya noong magretiro ito. Umuwi lang siya kamakailan ng probinsya para magbakasyon at ngayo’y pabalik na nga ito ng Maynila dahil ang mga amo naman niya raw ang magbabakasyon ng Europa.
Habang nasa biyahe tanaw ang basang bintana ng bus nasabi ko minsan kay Laila, “hindi ko alam kung saan ako pupunta. Bahala na!” Sabay ng pag-iilaw ng madilim na kalangitan dulot ng pag-uulan.
“Alangan namang babalik ka pa. Kung iyan ang desisyon mo panindigan mo e.” Pagsesermon ni Laila sa’kin. “Kung gusto mo sumama ka na lang sa’kin.”
“Hindi ko alam kung tama ba ‘tong nagawa ko, baka mag-alala sina mama at tiya sa’kin.” Pagtutuloy ko sa aking nagawa.
“Ala e, ang drama mo. Tama na nga ‘yan. Saka mo na isipin ‘yan ‘pag nasa Maynila ka na. Sabi mo may kilala ka sa Maynila, e ang tanong kung kilala ka pa nila?”
Matagal na nga pala akong hindi nakakabalik ng Maynila. At walang kasiguraduhan kung may nakakakilala pa nga sa akin.
“Mabuti pa, e, sumama ka na lang sa’kin. Ano? At kailangan ng amo ko ng dalawa pang katulong.” Suhestiyon ni Laila na nakapagpabago ng aking isip.
Alas otso na kami nakarating sa bahay ng amo niya. Medyo luma na ang bahay pero napakalaki nga nito at may parte na pinalitan ng mga modernong gamit. Hindi mo mahahalata sa kapal ng halaman at taas ng bakod sa labas.
Pinakilala ako sa mayordoma ni Laila na dating kasamahan ng tita niya at sa isa pang katulong. Medyo bata pa si madam mayordoma at nasa cuarenta na ang kanyang edad. Hindi naman pala ito kasingsungit tulad ng mga nasa pelikula.
“Mabuti naman at nandito na siya, Laila. O, Hija, kumain na muna kayo. Sayang ‘yung ibang niluto na hindi nagalaw.” Pag-iimbita nito. “Laila, ito ba ‘yung nabanggit mo na anak ng pinsan mo?”
“Ay naku po, madam, nag-ayaw. Babalik na lang daw sa pag-aaral e. Hindi ko naman pinilit na kasi parang ayaw din noong tatay. Sabi ko na lang sa pinsan ko na ayos lang, maghahanap na lang kami ng iba.” Todo eksplika ni Laila.
“Salamat po madam, malaking tulong po ito para sa’kin. Buti na lang po at nakilala ko itong si Laila.” Pagsabat ko.
“Naku, hija, kailangan din namin ng tauhan dito, kasi magbabakasyon sina ma’am at sir. Kailangan nila ng maraming may maaasahan habang wala sila. Kulang pa nga tayo ng isa.” Wika nito. “Laila, ibigay mo lahat…