LARAWAN 13

Napahangos ang mga nasa harapan upang saklolohan ang dalaga na agad pinangkong mag-isa ni Marco. Parang walang anumang bigat ang dalaga sa mga bisig ng alkaldeng alalang-alala sa nangyari sa kanyang mapapangasawa.

Nagmadali itong dalhin ang walang malay na dalaga sa kanilang in-house clinic na nasa bandang likod lang ng gusali ng munisipyo. Nagsisunod din sa clinic ang ibang nag-uusyosong kawani. Kasama ding umalalay si Mang Bert na di din maiwasang mag-alala para sa kanyang anak.

Tarantang inalalayan ng mga clinic staff ang alkalde upang mailapag ang dilag sa higaang naroon. Agad namang inasikaso at binigyan ng nurse ng paunang lunas ang namumutla at walang-malay na dalaga.

************************

Abalang-abala si Lucy sa mga gawaing-bahay. Nangingiti ito habang nagpupunas ng mga muwebles sapagkat di maalis sa kanyang isip ang magagandang bagay na nangyayari ngayon kay Daniel. Sa pagkakatagpo nito ng panibagong pag-ibig at sa muling pagkikita at pagkaka-ayos nilang mag-ama.

Sa pagpupunas niya ng estante na lagayan ng kung ano-anong pigurin at mga pangdekorasyon ay di sinasadyang may natabig siyang bagay at tuluyan iyong nahulog sa sahig. Sa pagkaabala ay saka na lang siya napalingon sa tunog ng pagkabasag niyon.

“Maryosep!!”

Nanlaki ang mga mata ni Lucy nang makita ang bagay na nahulog at ang nagtalsikang bubog mula dito. Nagulat din ang kanyang kapatid na kasalukuyang nagkakape at nanonood sa telebisyon at agad itong lumapit kay Lucy.

Di na nito napigilan ang kapatid nang damputin ang nakakwadrong larawan na nagkadurog-durog ang salamin. Larawan ng kanilang namayapang kapatid kasama ang binatilyo pa lang noon na si Daniel nang manalo ito sa isang sinalihang art contest.

Kahit nagdurugo na ang daliri ay di alintana ni Lucy ang tinamong sugat bula sa bubog. Balisa itong nakatitig sa dinampot na larawan na puno ng kaba and dibdib.

“Ano ga! Di ka nag-iingat alam mo namang bubog ya-an eh!” Pilit ding itinago sa kanyang kapatid ang pangamba nang makitang hawak ni Lucy ang larawang may bahid pa ng kanyang dugo.

Kuya… Si… Si Daniel!” alumpihit na sambit nito habang iniaabot sa kapatid ang larawan ng mag-ina na bitak-bitak na ang salamin.

“Ay sus! Wag ka ngang mag-isip ng ganyan! Yan eh kasabihan la-ang ng matatandang naihi na sa salawal!” pilit na pagpapakalma nito sa kapatid ngunit maging siya ay di maitago ang pangamba sa kanyang mga mata.

************************

Wala sa sarili ang binata habang nagmamaneho. Tulala itong nagpapatakbo ng sasakyan na ni hindi alam kung saan siya patungo. Harurot. Mabilis. Pilit tinatakasan ang nasaksihan kanina na halos dumurog sa kanyang puso.

Naninigas ang mga kamay nitong nakakapit sa manibela. Nakadiin ang paa sa silinyador. Tila wala sa kalsada ang paningin ng naghihilam na mga mata dahil sa pinipigilang pagluha.

BAKIT IKAW PA?’ Yan ang kanina pa paulit-ulit na umuukilkil sa kanyang isip. Ganito ba talaga magbiro ang tadhana?

Bakit sa dinami-rami ng babae sa mundo na bibihag sa kanyang puso ay bakit si Trisha pa. Ang babaeng siya ring dahilan ng pagbabalik ng ningning sa mga mata ng kanyang ama. Hindi malaman ni Daniel kung matatawa na lang sa mapait na pagkakataon, at tuluyang dumadaloy ang luha sa kanyang pisngi.

Di niya namamalayang halos sumasagad na ang kanyang milyahe sa bilis ng pagpapatakbo. Mabuti na lamang at nasa ilang na lugar siya at kakaonti ang mga sasakyang dumaraan. Ngunit bukod sa lumulutang ang isip habang nagmamaneho ay hindi na kabisado ni Daniel ang lugar na iyon.

Walang anomang babala sa daan na papalapit pala siya sa isang matalim na kurbada pakaliwa. Nagulat na lang si Daniel nang maramdaman ang pagdulas ng kanang bahagi ng sasakayan sa pagdaan niya sa mabuhanging bahagi ng kalsada.

Pinilit niyang kinabig ang manibela pakaliwa sabay tapak ng madiin sa preno. Napapikit na lang ang binata nang maramdaman ang pag-ikot ng kanyang sasakyan.

Matinis ang langitngit ng pagkagat ng preno at pagsadsad ng gulong. Amoy na amoy ang pagkapudpod ng goma mula sa maitim na usok na likha niyon at sa markang iniwan noon sa kalsada.

Di mabilang ni Daniel kung ilang ikot ang nangyari sa kanyang sasakyan. Nanatili lang siyang madiing nakapikit kahit hanggang sa nakahinto na ito.

Nang magmulat ang binata at lumabas ay nanlulumo itong napaupo sa semento at sumandal sa kanyang sasakyang nakahambalang sa gitna ng daan.

AAHHHHHH!!!” ubod-lakas niyang hiyaw. Nagngangalit ang mga ugat sa leeg at hinang-hinang napayuko na lamang sa labis na panlulumo.

************************

Nang mahimasmasan si Trisha ay napalinga ito sa paligid at tinangka agad na bumangon. Ngunit pinigilan lamang ito ng mayor na nagbabantay sa kanyang tabi.

“Teka lang Marco… Kailangan kong—” Unang sumagi sa kanyang isip ay ang pagnanais na pigilan ang pag-alis kanina ni Daniel.

“Shhh… Magpahinga ka muna at baka mabigla ka.”

Hinawakan siya ng alkalde sa magkabilang balikat at sinabihang manatili lamang sa kanyang pagkakahiga. Dinampian ng daliri sa kanyang mga labi at inawat din maging ang kanyang pagsasalita.

“Okay naman daw ang vital signs mo… Pero baka kailangang ipa-examine ang dugo mo para makasigurado tayo.”

Puno ng pag-aalala si Marco habang hawak ang kamay ng dilag na ngayon lamang nagising matapos itong mawalan ng malay.

Gusto sana niyang tanungin si Trisha tungkol sa nabanggit nito na kailangan nilang pag-usapan bago ito hinimatay kanina. Ngunit dahil sa kaba ay minabuti na lamang muna ni Marco na manahimik. Pilit niyang winawaksi sa isipan ang kanyang sapantaha tungkol sa nais sabihin ng dalaga.

Alam niyang patungkol iyon tiyak sa kanilang nalalapit na kasal. Kaya nga’t imbis na pansinin ang pakiusap kanina ng dilag na mag-usap muna sila ay minabuti niyang halikan ito sa harap ng lahat. Parang di niya kayang marinig na umuurong na ito sa kanilang pag-iisang dibdib.

“Mas maigi sigurong magpahinga ka muna… Ihahatid na lang kita sa inyo mamaya pag pwede ka na maglakad. Gusto ko makapagpahinga kang mabuti… Ayokong magkasakit ang mahal ko…” at dinampian nito ng halik ang kanyang kamay.

“M–May kailangan kang malaman Marco…” mahinang sambit ng dalaga sa alkalde.

Huminga ng malalim si Marco at inihanda na ang sariling marinig ang sasabihin ng batang kasintahan. Ngunit naputol ang kanilang pag-uusap sa pagtunog ng telepono ng alkalde. Agad iyong sinagot ni Marco nang makita na ang hepe ng kanyang pulisya ang tumatawag.

Ahh sige Hepe… Pakisabi sa media na hintayin ako dyan, papunta na ko. Salamat.”

Babalikan kita dito ha. Kailangan ko lang harapin ang press for an interview about Umali.”

Isang dampi ng halik sa noo ang iginawad ni Marco sa nakahigang dilag bago ito tuluyang lumabas ng klinika.

Di na hinintay pa ni Trisha na makabalik ang alkalde at nagpasya na siyang magpaalam sa clinic doctor, umigi na rin naman ang kanyang pakiramdam.

Bigo ang dalaga na makausap ng masinsinan ang alkade tungkol sa kanilang kasal. Ngunit mas lubos siyang nag-alala ngayon kay Daniel na nakita niya kaninang nakamasid pala at nasaksihan ang anunsiyo ni Marco.

Di niya lubos-maisip na sa kabila ng kanilang kasiyahan kahapon ay ito naman ngayon ang magiging kapalit. Ang masayang mukha ng binata na gustong-gusto niyang namamasdan, kabaligtaran ang nakita niya kanina. Ang nakahahalinang ngiti nito at kinang ng mga mata ay napalitan ng lungkot at pang-uusig.

Minabuti ni Trisha na magpahatid na lang sa kanyang ama pauwi sa kanilang bahay.

“Nak?… Sigurado ka bang ayus ka la-ang?” pag-aalala ni Mang Bert habang nagmamaneho at pasulyap-sulyap sa katabing anak.

Bahagya lamang tumango ang dilag sa tanong ng kanyang ama. Ni hindi niya man lang ito tinapunan ng tingin at sa halip ay nanatiling nakatanaw sa labas ng kanyang bintana.

Alam ko anak na hindi ka masaya sa pagpapaksal mo kay Marco…” Sa nadinig ay dahan-dahang napalingon si Trisha sa kanyang tatay.

Alam ko din na may… na may ibang nagpapasaya sayo…” Napayuko ang dilag sa narinig na waring inaamin ang sinabi ng magulang.

Wala kaming ibang hangad ng nanay mo anak kundi ang kaligayahan ninyong magkakapatid… Nandito la-ang kami na nagpapaalala sa inyo.” Nangingilid na din ang luha ng ama sa kanyang pagmamaneho habang nagsasalita.

Siguro naman eh hindi pa huli ang lahat para hanapin mo anak kung saan ka talaga magiging masaya.” Napayakap si Trisha sa kanyang tatay nang huminto ito sa gitna ng trapiko.

Kung tutuusin ay hindi naman siya sinabihan ng mga magulang na magpakasal kay Marco. Ngunit dahil pakiramdam niya ay naipit na siya at upang huwag mapahiya ang mga magulang sa laki ng utang na loob ng pamilya nila sa alkalde ay kusa niyang tinanggap ang alok nito.

Ngayon lang niya naisip na siya pa rin ang dapat masunod. Tanging siya lamang ang nakakaalam kung saan siya talaga magiging masaya at kailangan niya iyong ipaglaban.

“I’m sorry Tay… huhuhu… Nakita ko na siya eh… Siya po ang mahal ko….” hagulgol nito sa balikat ng ama.

Humaplos lamang si Bert sa buhok ng kanyang panganay. Nangangamba man para sa kanyang anak na baka masaktan lamang ng lalaking iyon ay kailangan niyang sumugal. Kailangan nilang tanggapin kung sino man ang talagang makakapagpasaya sa kanyang nag-iisang anak na babae.

Di na hinintay pa ng dilag na makagilid ng husto ang sasakyan. Agad binuksan ni Trisha ang pinto at nagmamadaling bumaba. Hangos itong pumasok ng kanyang silid, kinuha ang telepono at sinubukang tawagan ang binatang tunay na nagmamay-ari ng kanyang puso.

************************

Patuloy ang pag-ring ng cellphone ni Daniel, kanina ay mga tawag mula sa kanyang tiyahin, ngayon naman ay sa babaeng pakakasalan ng kanyang ama. Walang sinagot ang binata alin man sa mga tawag na iyon. Pati mga mensahe ng mga ito ay hindi rin niya binasa.

Paano nga ba niya ngayon ipaliliwanag sa kanyang tiyahin na ang babae palang kanyang ipaglalaban ay walang iba kundi ang babae din na muling nagbigay buhay sa kanyang ama?

At paano niya sasabihin sa babaeng minamahal ang ugnayan niya sa lalaking nakatakdang pakasalan nito?

Inis na inis siya sa kanyang sarili. Parang ang tanga-tanga niya. Bakit niya hinayaang mahulog muli? Bakit kay Trisha pa?

Hindi ba nga’t noon pa niya sinabihan ang sarili na hindi na muli pang magmamahal? Di ba’t para sa kanya ay wala naman talagang maidudulot iyong mabuti at pinag-uugatan lamang ng pighati?

Hindi ba’t kaya nga siya di naghahanap ng dalaga, para umiwas na mahulog? Pero bakit ngayon ay nandito siya sa sitwasyong pinaka-iiwasan niya?

Ang daming tanong. Ngunit kahit isa ay wala siyang mahanap na sagot.

PUTANG INA!!! GANITO BA TALAGA MAGMAHAL?!!” sabay hagis sa tinutunggang bote ng beer sa gilid ng kalsada.

Nakaparada ang sasakyan ng binata sa gilid ng highway. Nakatanaw sa kabundukan habang nag-iinom at pilit nilulunod ang sarili dahil sa sakit na nadarama.

Tila ba isang maigsing panaginip ang lahat ng namagitan sa kanila ni Trisha. Isang napakagandang panaginip ngunit nagising naman siya sa isang bangungot.

Kahapon lang ay punong-puno ng kulay ang kanyang mundo. Puno ng pag-asa. Puno ng kumpiyansa sa sarili at desididong ipaglaban kahit kanino ang babaeng muling nagpatibok sa kanyang puso.

Kung kailan muli niyang naranasan ang amor ng kanyang ama. Kung kailan muli nyang namasdan ang buhay sa mga mata nito. Paano niya ilalaban sa ama ang babaeng siyang sanhi ng pagkamit niya ng pagpapatawad nito?

************************

“Talaga ba Kuya Marco, hindi nagawi dito si Daniel? Ang paalam kasi samin eh dadalawin ka niya.”

Alalang-alala si Lucy at di na nakatiis at sinundan ang binata sa munisipyo ng kabilang bayan. Lalo pang nagtaka nang malamang hindi pala natuloy ang plano nitong pagdalaw sa kanyang ama.

“Di pa kami nagkikita buhat kahapon… Sige ipapaalam ko agad sayo pag nagpakita siya sakin.”