LARAWAN 14

Isang huling sulyap sa babaeng sinadyang saktan upang mas madali sa kanya ang lumisan.

Ngunit sa kanyang pagtalikod, pakiramdam ni Daniel ay kulang na ang kanyang pagkatao habang humahakbang palayo sa babaeng minamahal. Nakasisiguro na kailanman ay di na muling mararanasan pa ang sandaling kaligayahan na nadama sa piling nito.

Patawad Trish…’

Nang umabante na ang sasakyan ni Daniel ay lalong yumugyog ang balikat ng dilag sa pag-iyak. Waring gusto niyang humabol dito at makiusap sa binata na huwag siyang iwan subalit parang di na siya makagalaw sa kanyang kinauupuan nang sandaling iyon.

Mugto ang mga mata, nagpalinga-linga siya at naghanap ng balikat na maiiyakan ngunit tanging mangilan-ngilang mabibilis na sasakyan lamang ang napaparaan.

Bakit mo naman ako iniwan Daniel… huhuhu…”

Tila wala sa sarili ang dilag na humakbang kung saan tumungo ang sasakyan ng binata. Nakatanaw at tila umaasam na babalikan pa rin siya nito. Hindi pa rin makapaniwala sa bilis ng pagbabago ng lalaking kanyang minamahal.

Tulala at hilam sa luha, nagpatuloy sa paglakad ang dilag. Di halos maaninag ang dinaraanan dahil sa pagkuskos ng kanyang mga mata na binabalungan ng luha.

Wala itong kamalay-malay na nasa gitna na siya ng kalsada, nakatingin kung saan naglaho ang sasakyan ni Daniel. At isang malakas na busina kasabay ang matinis na kaskas ng gulong mula sa preno ang umalingawngaw at pumukaw sa kamalayan ng dalaga.

“AYYYYYY! DIYOOOS KOOOO!!” Tilian ang mga sakay ng pampasaherong jeep dahil lahat sila ay napadikdik papunta sa unahan ng sasakyan sa biglaang pagpreno nito.

“ALA EH! IKAW GA’Y MAY SANIB INENG?!! ABA’Y WALA AKONG IBABAYAD SA I-YO!” galit na turan ng mamang nagmamaneho ng jeep sa dalagang napabalik sa gilid ng kalsada.

Tila natauhan sa pagkatulala nang maglakad itong wala sa kanyang sarili. Humingi na lamang siya ng paumanhin sa driver at tumawid na sa kabilang direksyon ng kalsada at pumara ng masasakyang tricycle pabalik sa kanilang bahay.

Nang makarating sa kanila ay naabutan pa niya si Mang Bert na nagkakape sa hapag-kainan. Napatayo ito nang makita ang namumugtong mga mata ng nag-iisang anak na babae.

“Nak… anong nangyare sa i-yo?!”

Di na kumibo ang dalaga at hangos itong lumapit sa amang lubos na nag-aalala. Mahigpit na yakap lamang ang itinugon ng dilag sa kanyang tatay. Dama ni Bert ang pighating nararamdaman ng kanyang anak sa higpit ng yakap nito habang humihikbi.

Kahit di magsalita ang anak ay batid ng ama na muli na namang nasaktan ang kanyang anak. Kung kanina ay walang katumbas ang kasiyahang nakita niya sa mga mata nito bago umalis ay siya namang kabaligtaran ng nasasaksihan niya ngayon.

Diyos ko nararapat ba ito sa aking anak?’ Di niya naiwasang magtanong sa langit habang hinahagod niya ang likod ni Trisha. Habag na habag sa pagdadalamhati nito.

************************

May bahagyang liwanag pa nang marating ng binata ang kanyang tinutuluyan sa Maynila. Nang makapasok sa loob ay inihagis lang ang bitbit na bag sa isang tabi at pabagsak na naupo sa sofa. Parang estranghero itong iginagala ang mga mata sa apat na sulok ng kanyang tirahan.

Parang may kulang. Pakiramdam niya ay di siya taga-roon. Parang naiwan na ang kanyang buong pagkatao doon sa bayang kay tagal din niyang iniwasan. Parang sa mahabang panahon na hinanap niya ang kanyang sarili, nang matagpuan ay muli na naman siyang nagkawasak-wasak.

Tinukop ng dalawang palad ang mukha sa pangungulilang nadarama sa pag-ibig na nilisan. Sa babaeng alam niyang minahal niya ng lubos kahit sa sandaling kanilang pinagsaluhan.

Dito niya napatunayan na sa kabila ng mapait na kahapon ay may kakayahan pa pala siyang magmahal. Pagmamahal na agad ding hinadlangan ng mapagbirong tadhana.

At ano itong ginawa niya? Sa halip na suklian ang pagmamahal na ipinadama sa kanya ng babaeng ito, bakit di niya nagawang ipaglaban bagkus ay kanya pa itong sinaktan?

Parang kandilang nauupos ang binata na buhat sa kanyang pagkakaupo sa sofa ay dumausdos ito at napasalampak na lang sa sahig.

Unti-unting nagdilim ang paligid ng unit sa paglubog ng araw sa Manila Bay. Namaluktot ito sa dilim na parang giniginaw. Naghahanap ng mapagkukunan ng lakas.

************************

Parang ordinaryong araw lamang nang pumasok sa opisina ang dalaga kinabukasan. Ngunit ang pinagkaiba ay tila nawala ang ngiting laging nakapagkit sa kanyang magandang mukha. Malamlam ang mga mata nito at kahit ang mga kasamahan ay nagtataka sa biglang pagbabago ng dilag na dating magiliw at palabati.

Good morning babe…” bati ni Marco at tinangkang halikan ang dilag sa labi na iniwasan naman nito.

Mabilis na naupo lang ito sa kanyang lamesa at inayos ang mga gamit na parang walang ibang kasama sa loob ng opisina. Muling nangamba si Marco sa inasal ng nobya sa pagsalubong nito sa kanya.

Pasensiya na nga pala kahapon di na kita nakamusta… Ang dami kasing dumating… yung DILG Secretary… sumadya din ang NBI director.” paliwanag ng alkalde sa dalaga.

“Okay lang.” matipid nitong sagot. Tila robot itong walang ka emo-emosyon at ipinagpatuloy lang ang kanyang pagtatrabaho.

Di na muling nagsalita pa si Marco sa lamig ng pakikitungo sa kanya ng nobya. Iginalang na lamang niya ang pananahimik nito.

Kahapon pa siya nangangamba sa gustong sabihin sa kanya ng dilag. Parang ayaw niyang marinig dito ang bagay na kanyang kinatatakutan. Na baka umuurong na ito sa kanilang nalalapit na kasal.

Hindi siya bato upang di maramdaman kung ano ang gustong ipahiwatig sa kanya ng nobya. Kung kinakailangang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan sa mga senyales na ipinapakita nito ay gagawin niya huwag lamang ito mawala sa buhay niya.

‘Mamahalin mo din ako Trisha.’ mga salitang namutawi sa kanyang isip habang pinagmamasdan ang kanyang mapapangasawa.

Lumipas ang maghapon na para silang hindi magkakila. Kumain nga ng sabay ngunit di naman maramdaman ng alkalde ang presensiya ng kaharap.

Para itong wala sa sarili at laging malayo ang iniisip. Waring nanliligaw si Marco kung paano nito pagsilbihan si Trisha ngunit para lamang itong tuod at walang pakiramdam.

Naghiwalay sila nang araw na iyon na halos wala pa ring imikan. Parang hindi maihahalintulad sa dalawang taong malapit nang mag-isang dibdib.

‘Kung kinakailangang suyuin kita Trisha, gagawin ko.’ Mapaklang nangiti na lang ang alkalde nang bumaba na si Trisha sa kanyang sasakyan.

Isang mahigpit na yakap ang sumalubong kay Trisha pagbungad niya pa lamang sa may pintuan ng kanilang bahay. Tuwang-tuwa ang dalaga at mayroon na siyang mapaghihingahan ng kanyang dinaramdam.

Naitanong pala ni Mang Bert kay Janet kung ano ang nangyari sa anak dahil di naman nagkwento ang dalaga matapos siyang iyakan nito kahapon. Kagyat naman itong napadalaw upang kamustahin ang matalik na kaibigan.

Agad pumasok ang dalawa sa silid ng dalaga para pag-usapan ang problema nito at kung bakit di niya naikawento iyon sa kaibigan.

SHIIIT!!! Nagkita kayo ulit dito sa Batangas?!!” bulalas ni Janet na agad sinaway ng dilag.

“Kita mo nga naman… So nakatatlo pala ang gagong yon! At pumayag ka naman!” Nanlalaki ang mga mata ni Janet sa kaibigang nakayakap lang sa kanyang unan.

Ito na nga ang dahilan kung bakit hindi niya naikwento ang tungkol sa muling pagkikita nila ng estrangherong iyon. Alam niyang makakatikim siya ng pang-uusig mula kay Janet.

Ang hirap nga naman kasing maunawaan ng kahit sino. Kung paano at bakit na sa maigsing panahon ay ganoon na lang kadali na mahulog siya sa lalaking iyon. Sa totoo lang, maging siya ay hindi rin iyon maintindihan.

Paano niya maipapaliwanag kung bakit kahit pangalan lang ang alam niya tungkol dito ay parang ang tagal na nilang magkakilala. Na para bang simula pa lang pagkabata ay kilala na ng puso niya si Daniel.

“Mahirap mong maintidihan lahat ng nangyari at naramdaman ko nuon… kahit ako eh… parang hindi ko kilala ang sarili ko pag kasama ko siya. Ang saya-saya ko non! Pero bakit ngayon… ang sakit-sakit!”

Awang-awa si Janet sa kaibigan. Lihim niyang sinisisi ang sarili kung bakit pa kasi niya isinama si Trisha noon sa Maynila. Hindi na sana nito nakilala ang lalaking iyon na nagpapaluha ngayon sa matalik na kaibigan.

Ok lang yan bes… Ganun ata talaga ang nagmamahal… Kailangan masaktan ka pa… kasi kung hindi ka nasasaktan, hindi ka daw totoong nagmahal, di ba?” sambit nito sabay yakap sa kaibigan.

So ano, gwapo ba talaga?! Nag-enjoy ka ba?! Hihi” biro nito sa kaibigan sa paglalayong mapangiti naman ito.

Walang maipakita si Trisha na larawan kay Janet dahil kahapon ay pinagbubura niya lahat ng mga kuha nilang magkasama sa kanyang cellphone. Kasabay din noon ay ang pag-unfriend niya sa binata sa social media.

Umaasa siyang sa ganoong paraan ay mas madali niya itong makakalimutan. Sana nga ay ganoon kadaling burahin ang alaala nito ngunit sadyang napakahirap at tila naka-ukit na ang imahe nito sa kanyang isip.

Malaking bagay ang pagdalaw ni Janet. Kahit papaano ay naibsan ang bigat ng kinikimkim na sama ng loob ni Trisha. Ngunit sadyang naroon pa rin ang kirot na iniinda ng kanyang puso.

Bago umuwi ang kaibigan ay ipinaalala nito ang pag-aanak nila sa binyag na magaganap dalawang linggo mula ngayon.

“Ah sige bes… Nakalimutan ko na nga yan, buti pinaalala mo.”

Dati nilang kaklase ang inang magpapabinyag na doon pa rin sa kanilang bayan naninirahan kasama ang napangasawa nitong dayo. Kaya naman sila-silang magkakaklase din ang kukuning ninong at ninang ng bata.

“Nang ma-invite mo na din sila sa kasal mo di ba?” pahabol pa ni Janet bago ito sumakay ng tricycle.

Tumango lamang at kumaway si Trisha sa papaalis na kaibigan. Tila lalo siyang nalungkot nang maalala na malapit na nga din pala ang kanyang kasal.

Malapit na silang magsama ng lalaking hindi naman niya mahal. Ng lalaking ginagawa ang lahat para lamang matutunan niyang mahalin. Ano pa nga ba ang hinahanap niya?

Halos lahat ay nagsasabi na napakaswerte niya kay Marco. Halos lahat yata ng kababaihan ay naiinggit sa kanya dahil siya ang piniling pakasalan ng butihing ama ng kanilang bayan.

Wala siyang narinig na anumang masamang opinyon o panghuhusga ng mga tao sa pagpapakasal niya dito maliban na lang sa lalaking mahal niya. Hindi niya maalis sa isip ang mga huling lintanya nito.

‘Dahil sa kapangyarihan at pera.’

Nanlulumo si Trisha sa mga tinurang iyon ni Daniel. Hindi pa rin nagbabago ang sakit at lalo pa yatang humahapdi sa tuwing maalala niya ang sinabi ng binata.

‘Arrghh!’ Eto na naman siya. Ginugulo ng lalaking kanyang minahal.

Ngunit di tulad dati na sa tuwing maaalala ay umaasa siyang makaharap itong muli. Iba na ngayon. Gusto niyang burahin na ito ng tuluyan sa kanyang isip na parang isang masamang panaginip.

************************

Isang buwan na lang bago ang kanyang kasal. Mabilis na lumipas ang dalawang linggo buhat nang iwan siya ni Daniel.

Nanatili pa ring parang bato ang dilag. Walang nagbago. Hindi pa rin kakikitaan ng sigla ang kanyang mga mata. Lagi pa rin natutulala, bingi at tila walang naririnig sa ingay ng mundo.

Uy bes… Halika group pic daw oh…” Hinatak ni Janet si Trisha upang makihalubilo sa mga dating kaklase para sa isang group selfie.

Masayang-masaya ang lahat sa ginaganap na salo-salo sa bahay ng nagpabinyag. Halos lahat ng kanilang mga ka-batch na naroon sa kanilang bayan ay nakadalo. May ilan na ding may sarili nang mga pamilya pero karamihan ay mga wala pang asawa.

Bagama’t madalas din silang magkita dahil sa iisang bayan lang din naman sila nakatira ay iba pa rin kapag may ganoong okasyon na nagsasama-sama ulit sila na parang mini-reunion.

Lihim na naiinggit si Trisha sa kaibigan kapag nakikita niya ang sweetness nito kasama ang nobyo na katuwang din nilang nag-anak sa binyag. Di maiwasang sumingit sa kanyang isip si Daniel.

Paano nga kaya kung kasama niya doon ang binata. Siguro ay napakasaya niya katulad ng kanyang mga kaklase na kasama ang kani-kanilang mga kasintahan at asawa.

Nabaling ang atensyon ng lahat nang ilabas ng kanilang kaklase ang mga lumang photo album ng mga litratong kuha noong sila’y nasa high school. Lahat ay nagkagulo sa tuwa nang muli nilang masilayan ang kanilang mga itsura.

Ay grabeee! Ang chachaka pa natin nun oh… ANG JOJOLOGS!” hiyaw ng isa na sinundan ng tawanan ng lahat.

Napuno ng ingay ang salas habang inisa-isa ng magkakaklase ang mga lumang larawan nila. Mayroong mga di na halos makikilala kumpara sa itsura nila ngayon. Isa na dito si Ishie. Ang chubby na dalagita na laging naka-pigtails ang pagkakatali ng buhok.

Kasalukuyan nilang tinitignan ang mga litratong kuha noong sila ay nasa 2nd year higschool. Mga class pictures, mga kuha sa mga programa sa eskwela, field trip, maging mga bonding moments nilang magkakaklase sa labas ng paaralan.

Biglang natahimik si Trisha nang madaanan ng nagbubuklat ng album ang isang litrato. Pamilyar na pamilyar sa kanya ang lugar na iyon na nasa larawan. Kasama niya doon ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang batang puso.

Hinayaan na niya ang paglipat ng mga pahina ng album ngunit pinigilan naman iyon ni Janet dahil sa memorable picture na natanaw.

“WAIT… WAAAIT!!” pigil nito sa kamay ng may hawak ng album na agad ibinalik ang pahina.

“May nakita ako sandali… AY SYET!! Ikaw to bessss!!” tili ni Janet.

Kuha iyon sa malaking puno ng Acacia sa may tuktok ng burol. Summer break noon sa kanilang pagkakatanda. Nakaupo si Ishie sa duyan na gawa sa kahoy ang upuan at tinalian ng lubid sa magkabilang gilid na isinabit sa sanga ng puno.

Napakaganda ng pagkaka-ayos ng duyan at sadyang pinahanga siya ng lalaking katabi sa larawan.Ang lubid kasi niyon ay pinalamutian pa ng mga bulaklak na gawa sa makukulay na papel. Maging ang mga kaklase nga nilang babae ay nagpakuha din ng litrato sa duyang iyon na inihanda talaga para lamang sa kanya.

Ganda naman ng duyan oh! Saka ang cute ni Billy!” biro ng isa sa mga babaeng kabiruan din ni Trisha.

Si Billy na bigla na lang naglaho. Iyon na ang huling araw na nakita niya ang binatilyo na ni hindi man lang nagpaalam o nagsabi kung saan pupunta. Pero patuloy ang dalagang naghintay at umasang magkikita pa silang muli.

Napasilip si Trisha sa loob ng kanyang bag. Hinahanap ang munting alaala ng unang pag-ibig na lagi niyang dala-dala. Ngunit kahit anong wasiwas niya ng mga abubot na laman noon ay hindi niya makita ang bracelet.

Ay nandiyan din pala si Ruding Tigidig oh!”

Tawanan ang lahat nang may makapansin sa binatilyong nasa di kalayuan na napasama sa larawan nila Ishie at Billy. May kurot sa puso ng dilag nang makita niya ang lalaking yon.Gamit ang cellphone nito ay kinuhanan pa ni Janet ng picture ang larawang iyon ng kaibigan na nasa album.

Sa di kalayuan ay may dalawang lalaking di nabibilang sa kanilang magkaklase. Pawang dayo ang mga ito na bisita lamang na dumalo sa binyagan. Nagbubulungan ang mga ito patungkol sa magandang babae na kanilang nasisilayan.

Tablado ka diyan brad… Balita ko yan ang mapapangasawa ng mayor dito.” anas nito sa lalaking kumukursunada sa dilag.

“Ah ganun ba? Edi mas ok… Malay mo di ba?” sabay kindat nito sa kasama.

Pag lumingon yan brad… akin yan hehehe” pahabol pa nito kasabay ng malalim na hitit sa sigarilyo.

Ang laki ng kumpiyansang ipinapakita nito sa sarili. Palibhasa ay may kagandahang lalake rin, mukhang mapera at may dating kaya ganun na lang kalakas ang loob.

Saglit na nadaanan ng paningin ni Trisha ang dalawang lalaki. Napansin na niya ang lalaking kanina pa nakatitig sa kanya mula pa sa simbahan. Tinangka na din nitong makipag-usap at magpakilala subalit di ito makasingit sa dami ng nagkakamustahang magkakaklase.

Diyan mo ko mapapabilib kung madadale mo yan.” sabay fist bump pa ng dalawa.

Madilim na nang magpasyang magsiuwi na ang magkakaklase. Lahat ay nasiyahan sa kanilang pagsasama-sama at ang iba ay umuwing may mga tama na.

Ang ibang malalayo ang bahay ay may dalang sariling mga sasakyan. Kanina ay nagpahatid si Trisha kay Mang Bert na nangakong susunduin din siya doon.

Sure ka bes, mauuna na kami?” tanong ni Janet na naka-angkas na sa likuran ng single na motor ng kanyang nobyo.

Sige Bes… ingat kayo. Nagtext na ko kay tatay di pa lang nagrereply pero baka papunta na din yon.”

“Oh message mo ko pag nasundo ka na ni Mang Bert ha.” habilin pa nito sa kaibigan bago umalis. May pupuntahan pa kasi sila ng nobyo kaya’t di na mahintay na masundo si Trisha.

Medyo na…