Parang bata itong nagtago nang kung anong bagay sa magulang upang huwag mapagalitan. Pilit ikinubli ang hawak nito sa kinuyom na palad at mabilis na nagpahid ng kanyang mga luha.
“Wa… wala.”
Sising-sisi si Trisha sa pagmamadali kanina. Nailock nya nga ang main door ng opisina ngunit nalimutan naman niyang ilock ang pintuan ng banyo.
Tumayo siya at nag-aapurang lumabas nang nakayuko. Pilit isiningit ang sarili sa maliit na puwang sa pinto kahit nakaharang ang katawan ng alkalde sa kanyang daraanan.
Akala ng dilag matapos siyang makaraan ay nakaiwas na siya sa mga mapang-usig na mata ng alkalde. Nagulat na lang siya nang hablutin ni Marco ang kamay niyang may itinatago.
“Sandali Trisha…” awat ni Marco. Hawak ng isang kamay nito ang pulsuhan ng dilag at ang isa naman ay marahang ibinukas ang kamay na nakatikom.
Nang makuha sa kamay ang pakay ay nanatiling hawak lang ni Marco ang kamay ng nobya. Wala siyang masambit na kahit anong salita sa kaharap habang tangan ang test strip. Nakamasid lang ito sa nakatungong dilag na tila naghihintay ng paliwanag mula dito.
“Di pa ko dinaratnan… kaya ako nag test.” halos pabulong nitong wika.
“And? Two lines… so positive, right?” paninigurong tanong ni Marco.
Bahagya lamang tumango ang dilag at nanatiling nakayuko. Pilit ikinukubli sa buhok ang malaking pangamba sa kanyang mukha sa mga susunod na maaaring itanong sa kanya ng alkalde.
“You mean… buntis ka?” tila di makapaniwalang tanong muli ni Marco. Malumanay ngunit bakas ang pangamba sa tinig nito.
Imbis na sumagot ay parang nanghihina ang dalaga na napaupo sa katabing silya. Di niya malaman kung sasagutin pa ba ang mga tanong ng lalaking kanyang nakatakdang pakasalan.
Bumuntong-hininga si Marco. Nag-iipon ng lakas ng loob upang itanong ang bagay na sadyang bumabagabag ngayon sa kanyang isip.At nadinig na nga ni trisha ang tanong na pinangangambahan niyang madinig mula kay Marco.
“Is it mine?” usisa ng alkalde sa malalim nitong tinig.
Sunod-sunod na pag-iling lamang ang naitugon ni Trisha habang nakayuko at napasapo ang dalawang kamay nito sa kanyang mukha. Hindi makatingin kay Marco sa sobrang hiya at pangamba sa magiging reaksyon nito sa nalaman.
Sa nadinig ay naputol ng lalaki gamit ang dalawang kamay ang hawak na pregnancy test. Bagama’t may hinala na siya sa isasagot ng nobya base sa mga ipinapakita at kinikilos nito sa nagdaang mga araw ay di niya kinayang makontrol ang bugso ng kanyang damdamin sa natuklasan.
Napaigtad ang katawan ng dilag sa tunog ng pwersahang naputol na bagay na pumukaw sa katahimikan ng opisina. Sinilip niya sa pagitan ng mga daliring nakatakip sa kanyang mukha ang bagay na hawak ni Marco na matapos nitong putulin ay saka initsa sa kanyang paanan.
Nanlulumong napahilig si Marco sa kalapit na lamesa. Titig na titig sa dalagang nakatakip pa din ng mga kamay ang mukha sa pagtatago ng mga luhang dumadaloy sa pisngi nito.
Parang sasabog ang kanyang dibdib. Hindi niya malaman kung anong emosyon ang gustong sumambulat mula sa kanyang kalooban. Nagngangalit ang mga kamay na nakakapit sa gilid ng lamesa na parang babaon ang mga kuko.
Gusto niyang hiyawan ang dilag. Gusto niyang ipamukha na sino ba ito para ganoon na lang pasakitin ang kanyang damdamin.
Tinanggap na niya na hindi siya ang nakauna dito nang walang anumang panunumbat ngunit bakit ngayon ay heto naman ang kanyang malalaman. Na nabuntis pa ito ng iba.
“Nung tinanggap mo ang alok ko Trisha… hindi kita pinilit di ba?” pagpapaalala ni Marco nang nangiginig ang boses.
“Pero kahit hindi mo sabihin… alam kong napilitan ka lang… Alam kong dahil lang yon sa mga naitulong ko sa pamilya niyo.” dagdag pa nito.
Pigil na pigil ang nagbabadyang luha sa mata ni Marco at parang may bara ang lalamunan nito habang nagsasalita. Kahit nagpupuyos ang damdamin ay mas pinili niyang maging mahinahon sa harap ng kanyang minamahal.
“Trisha… gusto kong malaman mo na lahat ng tulong na ginawa ko… ginawa ko yun ng buong puso kahit walang kapalit.” patuloy nito na garalgal pa din ang tinig.
“Siguro nga nagkataon lang Trisha… Di kita masisisi na mag-isip na… na nanamantala ako sa sitwasyon… Pero ano’ng magagawa ko? Noon pa minahal na kita.”
Humagulgol ang dalaga nang marinig ang mga sinabi ni Marco sa kanya. Parang sinusundot ng kunsensiya ang kanyang kalooban sa mga nagawa. Pero ano’ng magagawa niya gayong hindi niya madiktahan ang puso na mahalin ang lalaking ito na nasa kanyang harapan.
Kung natuturuan lang ang puso, sana ay di na siya nasasaktan ngayon. Sana ay walang Daniel na dumaan sa kanyang buhay. Lalaking dumaan lang ngunit nag-iwan ng malaking sugat sa kanyang puso.
“Trisha…”
Napatingin ang dalaga kay Marco na pinangingiliran ng luha ang mga mata. Hindi man lang kababakasan ng panghuhusga ang mga titig nito.
“Mahirap ba akong mahalin?”
Napayuko at umiling ang dalaga sa hiya sa lalaking nagtatanong. Tila hindi na nararapat sa isang tulad niya ang alayan pa ng ganitong klaseng pagmamahal. Para siyang nanliliit sa lalaking di niyang matutunang suklian ang pagtatangi.
“Ako ang hindi nararapat sa pagmamahal mo Marco… lalo na ngayon…”
Gustong yakapin ng lalaki ang babaeng umiiyak sa kanyang harapan ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Lalo siyang manliliit kung gagawin pa niya iyon. Dahil pakiramdam niya ay pinagtaksilan siya ngunit alam din niyang naging totoo lang ang dalaga at nagpatangay sa nararamdaman nito.
“Ma… mahal mo ba siya?” Hirap na hirap si Marco na bigkasin ang tanong na nahihinuha na din niya ang sagot.
Marahang tango lamang ang tanging naisagot ni Trisha. Na sinundan din ng mga iling na ikinakunot ng noo ni Marco.
“Wala na siya… umalis na siya… iniwan na niya ko! Huhuhu…”
Dito na hindi nakatiis si Marco at kinabig ang ulo ng humahagulgol na dalaga. Napayakap naman ito sa kanyang baywang tanda ng pasasalamat nito sa pang-unawa sa kabila ng kamaliang kanyang nagawa.
“Kung… kung pwede nga lang… na ikaw ang mina–“ wika ng dalaga sa pagitan ng mga hikbi.
“Shhhh…” mabilis na saway ng lalaki sa babaeng minamahal.
“Tandaan mo… Ang nagmamahal… hindi naghihintay ng kapalit…”
Lalong humigpit ang yakap ni Marco sa dilag na sinuklian nito ng mahigpit na kapit sa kanyang baywang. Umaasa siyang balang araw ay matikman din niya ang totoong yakap ng babaeng minamahal. Alam niyang darating din ang araw na iyon. Kailangan lang niyang maghintay.
Nang mahimasmasan si Trisha ay nagkuwento ito ng lahat ng nangyari sa kanya. Hinayaan lang ni Marco na mailabas nito ang lahat ng sakit na idinulot ng lalaking nang-iwan dito matapos ang lahat.
Nagulat siya sa bilis ng mga pangyayari sa pagitan ng lalaki at ng babaeng minamahal. Tila kwentong mababasa lamang sa pocketbook o mapapanood sa pelikula ngunit heto at totoong nangyari.
Di na rin niya pinilit pa ang dalagang sabihin kung sino ang lalaking iyon. Parang hindi na rin naman mahalaga matapos niyang makita at marinig ang pagkamuhi ng dilag dito.
At hindi rin niya masisi ang dalaga dahil kahit mismong siya ay nagmahal. At sa isang taong nagmamahal, walang rason na kailangan at walang paliwanag na sasapat.
Alam niyang kahit anong estado ng buhay, kapag tinamaan ka ng pagmamahal ay gagawin mo ang lahat para sa iyong iniibig. Maaring ito ay makabuti, ngunit pwede ding makasama.
Tulad ng nangyari sa kanya. Nagawa niyang talikuran at itakwil ang nag-iisang anak nang dahil sa sakit na dulot ng pagmamahal. Ang anak niyang minsan ding nasira ang buhay nang dahil din sa pag-ibig.
Sa kabila ng lahat ng naipinagtapat sa kanya ay handa pa rin si Marco na ituloy ang kasal dahil alam niyang mas kailangan siya ni Trisha ngayon. Kailangang maisalba ang kahihiyan di lamang ng dalaga, kundi maging ang sa kanya din.
Bukod pa sa wala namang nabago sa pagmamahal niya para dito sa kabila ng sakit na dulot ng mga naging pangyayari. Kaya naman bukas siya na tanggapin ang magiging anak ng katipan bilang kanya rin.
“Ayaw ko Marco… Ayokong abusuhin ang kabutihan mo sa amin… Kalabisan na ang ipakargo ko sayo ang batang hindi mo naman anak…” tanggi ng dalaga sa alok ng alkalde na panagutan ang kanyang dinadala.
“Kailangan Trisha… Isipin mo din ang kalagayan mo. Gawin natin sana ito para sa ikabubuti nating dalawa… Basta hihintayin ko na lang ang araw na sana… sana… matutunan mo din akong mahalin.”
Napayakap muli si Trisha kay Marco. Yakap ng pasasalamat sa lahat ng pang-unawa nito. Batid niyang napakalaking eskandalo kung hindi matutuloy ang kasal at lalo na kung malalaman ng lahat na siya ay nagdadalang-tao pa sa ibang lalaki.
Alam niyang mali ang ipagpatuloy pa ang kasal ngunit para sa ikabubuti ng bawat isa ay kailangan na niya iyong tanggapin. Kailangan niyang ibaling sa lalaking ito ang kanyang pagmamahal. Sana nga ay ganoon lamang iyon kadali. Sana nga.
************************
Normal na lumipas ang linggong iyon sa pagitan ng magnobyo. Kapwa naging abala ang dalawa sa kani-kanilang trabaho sa munisipyo.
Naisingit na din ni Trisha ang pagpapacheck-up sa kaibigang OB-GYN ni Marco upang masigurong ligtas at maayos ang kanyang pagbubuntis. Binigyan pa ito ng special appointment sa klinika nito upang matiyak na walang ibang makakaalam sa kanyang maselang kundisyon.
Kay bilis ng mga araw. Tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago ang nakatakdang kasal.
Araw ng Linggo. May salo-salo sa mansyon ni Marco kasama ang pamilya ni Trisha at ilang piling kaibigan ng alkalde. Kasama din sa pagtitipon si Janet na siyang tatayong maid of honor.
Bagaman pinili nla ni Marco na ilihim muna sa kanyang pamilya, naipagtapat na ni Trisha sa matalik na kaibigan ang tungkol sa kanyang maselang kalagayan at kung sino ang ama ng dinadala. Nasabi din nito na alam na ni Marco ang lahat ngunit sa kabila noo’y iginiit nitong mas lalo nilang kailangan na ituloy ang kasal.
Lalong humanga ang kaibigan sa prinsipyo ng alkalde dahil nagawa nitong magsakripisyo at sagipin ang kaibigan sa kahihiyan. Nagkamali pala siya sa unang inisip na tanging virginity lamang ng kanyang bestfriend ang habol nito.
“Ah Mayor Marco?” wika ni Janet.
“Yes Janet, ano yon?”
“Tanong ko lang sana… May magiging bestman ka na daw? Sino siya? Pogi ba? Hihi” may kapilyahan nitong tanong na nagpatawa sa lahat ng nakaupo sa mahabang dining table.
Noong una kasi ay walang Best Man sa wedding entourage ng dalawa maging sa mga inimprentang mga imbitasyon sa kasal. Ngunit nabanggit ni Trisha kay Janet ang nasabi ni Marco na mayroon nang gaganap sa nasabing tungkulin.
Saka lang naalala ng alkalde ang anak na dadalaw daw dapat sa kanya ayon sa tiyahin nito. Dahil sa pagiging abala sa munisipyo ay nawala na iyon sa kanyang isip at hindi na din maalala kung kailan ba sila nagkita sa labas ng sementeryo.
“Ah yeah! Meron na… Kaso nalimutan ko siyang pasabihan para nakadalo sana ngayon… Wait, excuse me may tatawagan lang ako.” paalam nito sa mga nasa hapag.
“Ahhh… Kilala ba namin siya Mayor?” pahabol na tanong ni Janet sa alkaldeng tumayo.
“Makikila niyo na siya… Anak ko.” nakangiting baling nito sa magkaibigan saka ipinagpatuloy ang paglalakad palayo habang hinahanap sa telepono ang tatawaga…