LARAWAN 17

Kung muli lamang lumingon si Trisha habang inaalalayan ni Marco pasakay ng sasakyan ay nakita niya sana kung sino ang nagsauli ng bracelet.

Tigib sa luha ang mga mata ni Daniel habang tinatanaw ang dalagang noon pa pala niya minahal. Lalaking noon pa ma’y masaya na matanaw lamang ang dilag.

Kuya nandito ka lang pala eh!” sita ng batang paslit na inutusan niyang mag-abot ng pulseras.

Mabilis na nagpunas ng luha ang binata nang makitang mayroon palang nakakakita sa kanya.

Kuya… Lab mo sya noh?”

Napangiti ang binata sa tinuran ng batang paslit. Sabay tango dito bilang sagot sa itinanong nito.

“Sabi ng lola ko… kapag kayo daw talaga… gagawa ng paraan si Papa Jesus para sa huli kayo pa din.”

Napailing at mahinang natawa si Daniel sa sinabi ng bibong paslit. Minsan pala ay nakakagaan din ng damdamin yung may nakakaalam ng sakit na nasa iyong dibdib. Kahit sino pa, kahit nga isang bata lang.

Bagama’t napangiti siya ng bata ay dala pa rin ni Daniel ang bigat sa kanyang dibdib. Nang makasampa sa kanyang motorsiklo ay mabilis iyong pinasibat na parang mauubusan ng kalsada.

Agad niyang narating ang himlayan ng kanyang ina. Malungkot na pinagmasdan ang larawang nakadikit sa marmol na puntod nito.

Ma… Siya pala si Ishie… Ba’t di mo naman agad sinabi sakin hahaha” Nakangiti man ay mababakas ang matinding lungkot sa kanyang mga mata.

“You’re right… Na she’ll become a pretty woman someday… Damn, look at her now!” sambit nito habang minamasdan ang mga larawan ni Trisha sa kanyang telepono.

“Kaso Ma hindi pwede eh… Turuan mo naman ako, paano ko ba siya makakalimutan?”

Muling tumulo ang mga luhang pinipigilang bumagsak. Parang mas lalo siyang naging mahina ngayon kumpara noong una siyang nakaranas ng kabiguan.

Sadyang mas masakit ngayon nang malaman niyang iisang tao lang pala ang dahilan ng kanyang pag-iyak. Kaya naman pala parehas din kung paano tumibok ang kanyang puso sa unang pagkikita pa lang nila ni Trisha. Dahil si Ishie din pala ito. Iisa lang pala sila.

Kahit siguro i-delete ko mga photos at messages nya Ma dito sa phone ko… parang di ko na mabura mga alaala niya dito…” sabay turo sa tapat ng kanyang dibdib.

“I miss you Ma… lalo na ngayon…”

Di na napigilan ni Daniel ang pagyugyog ng balikat sa paghagulgol nang pawalan ang kinikimkim na damdamin. Tila ito na lang ang tanging paraan upang kahit sandali ay mapawi ang sakit. Kahit papaano ay mapawi ang kirot ng mapaglaruan ng tadahana.

Ma alis na po ako… balik na lang ako dito kapag… pag okay na lahat.”

Habang papalabas siya ng sementeryo ay muli niyang natanaw ang matandang puno ng Acacia sa tuktok ng burol. Tinangka niyang ipaling ang kanyang tingin ngunit tila kumakaway ang mga sanga nitong hinihipan ng hangin. Para bang nagpapapansin ang puno at ibinabalik ang mga alaalang lumipas.

************************

“I LOVE YOU PAPA BILLY!! MARRY ME PAPA!!!” hiyaw ng maharot na baklang estudyante sa gitna ng dumadagundong na tilian at hiyawan sa gymnasium.

Natawa si Dandan sa nadinig na tiling iyon patuon sa kanyang kaibigan. Hindi magkamayaw ang mga nanonood na sumusuorta sa magkabilang team na naglalaban sa larong basketball. Mula sa malaking lamang ng isang koponan ay naging dikit na dikit na ang laban sa mga huling sandali ng laro.

Dumadagundong ang hiyawan at kantiyawan. Ang lahat ng tao sa stadium ay sa loob ng court nakatuon ang pansin maliban sa kanya.

Bagama’t may kalayuan siya sa dalagitang tinatanaw ay maliwanag na maliwanag sa kanya ang kagandahang nasisilayan. Ang mga tawa nitong nakakahawa ay sadyang nakakahalina sa binatilyo.

Hindi siya pumasok sa eskwela nang araw na iyon upang panoorin ang laro ng kanyang kaibigan. Kapwa sila nasa ika-apat na taon sa sekondarya ngunit sa magkaibang paaralan. Sa pribadong high school siya habang si Billy naman ay sa public.

Ngunit kahit laro ang kanyang idinayo ay parang wala siyang matandaan sa buong oras ng match na iyon sapagkat lagi lang siyang nakamasid sa isang dalagita. Wiling pinagmamasdan ang mga tawa at pakikipagharutan nito sa katabing kaibigan.

Gustuhin man niyang makipagkilala dito ngunit sadyang likas na mahiyain ang binata. Sa kabila ng estado niya sa buhay ay malaki ang kakulangan nito pagdating sa kumpinyansa sa sarili.

Matangkad sana ito ngunit patpatin naman ang katawan. Kahit yata isang dakot na vitamins na ang laklakin niya ay wala talagang katalab-talab. Para pa ding kawayan sa nipis ang kaha nito na nakakantiyawan ngang wala man lang lilim.

Maganda sana ang mga mata nito ngunit pirming natatabunan ng suot nitong salamin. Nasa gitna ang biyak ng buhok na nakasanayang hinahagod ng kamay upang itabon sa mga tigyawat sa kanyang noo. May mahiyaing ngiti na pilit ikinukubli ang braces sa kanyang ngipin.

Maganda ang kaniyang ina na si Laura. Katunayan ay lagi itong nasasali sa mga beauty pageant nung kabataan nito. Hindi rin papatalo ang amang si Marco na campus heartthrob sa parehas na unibersidad na pinapasukan ng kanyang ina.

Simula high school pa lamang ay magkasintahan na ang kanyang mga magulang. Sila nga ang itinanghal na King and Queen sa kanilang Prom. Nagpatuloy ang kanilang pag-iibigan sa kolehiyo hanggang sa sila’y makatapos ng pag-aaral at magpakasal.

Larawan sila ng perpektong mag-asawa na waring sadyang itinadhana para sa isa’t isa.

Natapos na ang palaro at itinanghal na kampyon ang koponan ng kaibigan. Kanina pa nagtatangkang lumapit si Dandan sa dalagitang nakaupo sa pinakataas na bleachers ngunit pinangunahan siya ng hiya.

Nagsimula na ang awarding ceremony ngunit hindi pa rin makakuha ng bwelo ang binatilyo na nanatiling bahag ang buntot.

Oh akala ko umuwi ka na?” tawag ni Billy kay Dandan na nakatayo malapit sa stage kung saan siya ginawaran ng medalya.

“Bro… ahh ano eh… hmmm… Can I ask a favor?”

“Huh?!… Sige ano yun?”

Napakunot ang noo ni Billy nang sa halip na sumagot ang kaibigan kung ano ang hihilingin nitong pabor ay napatingin ito sa malayo na parang may tinatanaw.

“May nambully na naman ba sayo? Saan?! Turo mo!”

“No… no wala… ahh wag na nga lang!”

Chicks ba?” natatawang hula ni Billy.

Napangiti na lang si Dandan sa hula ng kaibigan. Maya’t maya ang tingin nito sa gawi ng dalagitang tinatanaw sa malayo. Nagulat naman si Billy na tila tumama ang kanyang hula. Ngayon lang yata kasi ito nagkainteres sa isang babae.

Sino ba dun bro?” tanong niyang muli. “Turo mo nga baka kilala ko.”

Inilarawan na lamang ni Dandan ang babaeng natitipuhan. Ang cute na mestisang dalagita na naka-pigtails ang buhok at may pagka-chubby ang pangangatawan.

Habang dinedescribe ay pinipigilan niya ang kamay ni Billy na ituro ng kamay ang babae. Nahihiyang baka kung ano ang isipin ng dalagita at ng kasama nito lalo’t mukhang sa direksiyon nila ni Billy nakatingin ang magkaibigan.

Nagkataon namang hindi rin kakilala ni Billy ang babaeng tinutukoy ng kaibigan kahit kaeskwela pala niya ito. Pinilit niya si Dandan na siya na ang umakyat upang makipagkilala ngunit di niya ito napilit. Kaya’t wala siyang nagawa kundi tumungo sa taas upang tanungin ang pangalan ng dalagita para sa kanyang kaibigan.

Ishie. Iyon pala ang ngalan ng dalagitang nakapukaw sa kanyang pansin. Ang unang babaeng mapapamahal kay Dandan.

************************

“Ah Ma… hmm, pwede bang pakilagay sa box yan?” hiling ni Dandan sa kanyang ina isang umaga nang makitang naghahango ito ng cookies mula sa oven.

Napatingin ang mag-asawa sa kanilang unico hijo na noo’y nag-aalmusal bago pumasok sa eskwela. Nagtataka ang mga ito kung bakit kailangan pang ilagay sa kahon ang cookies na babaunin lang sana ni Marco.

Matagal na kasing tumatanggi ang anak na pabaunan ng mga ibinake ni Laura. Nahihiya daw ang nagbibinatang anak na naiintindihan naman ng kanyang ina.

“May pagbibigyan ka ba?” nangingiting tanong ng ina na pasulyap-sulyap din sa kanyang asawang nagbabasa ng pahayagan habang nagkakape.

“Ahh… ehh… Wala Ma… hmm… parang namiss ko lang ulit yung cookies mo.” halatang pagdadahilan lang nito.

Eh di wag na i-box… sayo naman pala eh… Supot mo na lang yan Hon.” pigil ang tawang wika ni Marco.

Pinandilatan naman ni Laura ang asawa. Sinaway ito sa pang-aasar sa nag-iisa nilang anak. Kahit kasi parang magkakatropa lang silang tatlo kung mag-asaran, ngayon lang nila natunugan ang anak na tila may pagbibigyan at ayaw niyang maglihim ito sa kanila nang dahil sa hiya.

“Saka teka ha… Eh di ba sa akin yan Hon? Ano memeryendahin ko mamaya?” patuloy na pagbibiro ni Marco sa kanyang mag-ina.

Igagawa na lang kita ulit bukas Hon. Kay Dandan na lang muna to at baka nga NAMISS na niya ang cookies ng mama niya.” Di na nakatiis at sumali na din si Laura sa pambubuska sa kanilang anak.

Sige ha… Pinagtutulungan niyo ko ha!” natatawa na lang din si Dandan sa halatang panunuya ng mga magulang.

So kailan mo ba ipakikilala samin yung GELPREN mo?… Oh baka naman pag nalaman na SYOTA mo siya eh magbreak na kayo? Hehehe” pang-aasar pa lalo ni Marco sa anak na nakangising napapailing na lang habang sumusubo.

Napuno ng tawanan ang pagsasalo ng Pamilya Vargas sa hapag kainan nang umagang iyon. Natutuwa ang mag-asawa na makita ang kanilang anak na tila mayroon nang iniibig.

Di na kasi lihim sa kanila ang madalas na pagbili ng anak ng kung ano-anong pang-regalo. Matyagaang binabalutan ng makukulay na wrapper at nilalakipan ng mensahe. Nakikita nilang ipinapabigay ni Dandan ang mga iyon sa kaibigan nitong si Billy.

Pagkaabot ni Laura ng kahon ng mga cookies ay sumakay na ang anak sa kotse nito. Mas maagang umalis si Dandan nang umagang iyon upang sumaglit sa eskwelahan nila Ishie.

Nang tumuntong si Dandan ng disi-siete anyos kamakailan lang ay pinagamit na ng mag-asawa ng sariling oto ang anak. Mayroon naman na itong student driver’s license at responsible naman ang binata sa pagmamaneho kaya’t kanila nang pinagkatiwalaan.

Arrghh! Ikaw na kase mag-abot nyan! Na-Guidance na nga yun nung Monday… nahuli daw ng teacher na binabasa yung card mo.” reklamo ni Billy kay Dandan na nakasilip sa bintana ng kotse habang pilit inaabot ang kahon ng chocolate chip cookies na gawa ng kanyang mama.

“Eh pa-sorry ko nga to sa kanya bro… sige na naman oh…” pagsusumamo ng binata.

Kahit anong pakiusap ni Dandan ay hindi niya talaga mapilit ang kaibigan na iabot iyon sa dilag. Bukod sa nahihiya daw itong magbitbit dahil malaki ang kahon ay baka mahuli pa daw siya ni Ishie.

Iniwan na siya ni Billy na nagmadali nang pumasok ng gate ng kanilang paaralan kaya’t mapipilitan siya ulit na sa guwardiya na lang iyon ipaabot.

Bababa na sana siya ng kanyang sasakyan nang mapansin niya ang kaibigan ni Ishie na nakatayo sa may tindahan sa tapat. Patingin-tingin ito sa mga taong lumalabas at pumapasok sa gate ng kanilang paaralan na tila may hinihintay.

Hmm… ano nga kaya kung ako na lang ang magbigay?’ sa isip-isip ng binata. Gusto din niya sanang pormal na humingi ng paumanhin dahil naging dahilan pa ang huling ipinadala niyang card sa pagkaka-office ng dilag.

Matagal-tagal pa ang inabot bago nakapagdesisyon ang binatilyo na siya na ang mag-abot kay Ishie. Akmang bababa na sana siya ng kotse upang harapin muna ang matalik nitong kaibigan ngunit biglang may humintong tricycle lulan ang dalagita.

Sa pagbaba ni Ishie ng tricycle na sinalubong naman ng kaibigan nito ay siya ding biglang pagsara ng pinto ng kanyang oto. Napalingon pa ang magkaibigan sa kanyang kotse dahil sa lakas ng kalabog.

Napayuko si Dandan sa hiya. Pababa na sana siya ngunit parang asong nabahag ang buntot na napabalik nang muling masilayan ang dalagita. Abot ang pagbuga ng hangin kasunod ng malalalim na paghinga dahil sa kaba habang nasa loob ng kanyang sasakyan.

Lalong nagulantang ang binatilyo sa sunod-sunod na katok sa kanyang bintana. Napakunot ang noo nito nang makita kung sino ang kumatok na umikot sa kabilang gilid ng kanyang oto at sumenyas na pagbuksan ang nakalock na pinto.

“Ma! Ano pong ginagawa niyo dito?!” nagugulumihanang tanong nito sa ina habang papasakay ito sa kanyang kotse.

“Siya ba si Ishie nak? Yung bumaba sa tricycle? Wow! She’s pretty ha!” di mapigil na pag-uurirat ni Laura sa kanyang binata.

“Wait… Bakit ka nga nandito Ma?!”

Lihim pala siyang sinundan ng ina. Nakisabay lang ito sa sasakyan ng amiga dahil kung magdadala siya ng sasakyan ay baka makahalata ang anak na binubuntutan niya ito.

Hula niya’y pupunta ang anak sa bahay ng kaibigan nitong si Billy. Kapag nakaalis na si
Dandan ay balak niya sanang usisain sa binata kung sino ang babaeng nililigawan ng kanilang anak.

Ngunit nang lumampas si Dandan sa bahay nila Billy at mukhang didiretso sa paaralan ng babae ay doon na lang siya nagpahatid sa kanyang kaibigan.

“Ma naman eh! Argghh!” reklamo nito.

Pero alam mo nak… she looks familiar… Parang nakita ko na siya.” at kunot-noo itong napaisip kung saan nga ba niya nakita ang dalagita.

Mabilis na bumaba si Dandan at pasimpleng iniabot na lamang sa guwardiya ang bitbit nitong kahon ng cookies habang mukhang abala si Ishie at ang kaibigan nito sa pagbili sa tindahan.

Napailing na lang ang guard na sanay na sa mga ipinapakisuyong ipaabot ng torpeng binatilyo para sa isang dalagitang nag-aaral sa eskwelahang kanyang pinapasukan.

Nang makarating ang mag-ina sa pribadong paaralanan ni Dandan ay si Laura na ang pumalit sa manibela. Pero bago siya umuwi ay muli niyang tinawag ang anak.

“Dan… Lakasan mo ang loob mo anak… malay mo she’s the one pala di ba?”

Sumimangot lang ang binatilyo sa ina. Nanliliit siya sa hiya dahil hanggang ngayon ay para pa din siyang bata minsan kung tratuhin ng kanyang ina.

Pero sa kabila noon ay masaya din siya sa suportang ipinapakita nito sa kanya. Tuwang-tuwa siya na aprubado nito ang babaeng kanyang napupusuan. Sabi pa ng kanyang mama ay maganda si Ishie at lalo na daw kapag nagdalaga na ito.

Parehas na parehas sila ni Laura na marunong tumingin kung ano ang maganda. Palibhasa’y kapwa nasa linya ng sining ang mag-ina kaya naman sanay ang mga mata sa pagkilatis at pagpapahalaga sa natural na kagandahan.

Umalis na si Laura at nagbilin sa anak na magtext na lang ito kapag uuwi na upang maipasundo na lang sa tauhan. Nagagalak siyang masaksihan ang pagbibinata ni Dandan at ang maranasan ng kaisa-isang anak ang umibig sa unang pagkakataon.

************************

Lumipas ang ilang mga linggo at patuloy pa din si Dandan sa pagpapaabot ng mga regalo at sulat kay Billy para kay Ishie. Masaya naman ang binatilyo na makatulong sa kanyang kaibigan.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Dandan ay nagbago na ang intensiyon ni Billy. Ang nagsisilbing tulay niya kay Ishie ay mayroon na palang nabubuong sariling plano.

Alam ni Dandan ang tungkol sa pangyayari nang minsang nahuli si Billy na nagsisingit ng liham na ipinabigay niya para kay Ishie. Ngunit wala siyang kaalam-alam na ang mga sumunod niyang sulat ay hindi na pala nito ipinararating sa dalagita.

Ang buong akala niya’y patuloy na nababasa ni Ishie ang kanyang pagpapahayag ng damdamin. Ngunit ang totoo, matapos basahin ang mga liham na para sana sa dalagita ay itinatapon lang ni Billy ang mga iyon.

“Salamat bro ha… Libre na lang kita mamaya. Food trip tayo.”

Iniabot ni Dandan kay Billy ang isang kahon ng mamahaling imported na chocolates na galing sa kanyang ina, at isang tangkay ng pulang rosas na pinitas naman ng kanyang ama sa kanilang garden. Wala kasi siyang dalang pang-regalo nang umagang iyon bago umalis ng kanilang bahay.

Tila nakatuwaan siya ng kanyang mama at papa na pagbitbitin ng maibibigay para sa dilag. Naiiling na lamang si Dandan sa kakulitan ng kanyang mga magulang. Natuwa naman siya sa ambag ng mga ito para sa kanyang nililigawan at nilakipan na lamang niya ang padala ng mga ito ng isang simpleng liham.

Sure bro… ikaw pa!” sagot naman ni Billy habang inaabot ang mga ipinabibigay ni Dandan.

Pagtalikod ng kaibigan ay pinagmasdan lang ni Billy ang tangan na rosas at tsokolate. Kinuha niya ang liham na nakadikit sa kahon at saka iyon itinapon.

Simula nang malapitan niyang makaharap ang dalagita at napagsalitaan niya ng hindi maganda ay parang may damdamin siyang nabuksan para dito. Tila biglang nakita ni Billy sa mga mata ni Ishie ang gandang sinasabi ng kanyang kaibigan.

Bago pumasok sa kanilang campus nang umagang iyon ay nagpaprint muna si Billy sa computer shop malapit sa kanilang paaralan. Hindi niya maaaring gamitin ang sariling sulat-kamay dahil baka mapansin ni Ishie na nag-iba iyon sa mga dati nitong natatanggap na liham.

Inilakip niya ang pinaprint na note na nagsasabing ‘Sorry’ sa mga regalong kanyang iniabot sa dalagita. Mabuti at tinanggap naman ni Ishie ang mga iyon. Mukhang masaya-masya pa din ito sa pagpapahalagang natatanggap kahit sino pa ang nasa likod ng alyas na Unseen.

Habang tumatagal ay lalong lumalakas ang nararamdaman ni Billy para sa dilag. Nagiging mas pala-ayos na kasi ito sa kanyang sarili kaya’t lalo na itong naging kahali-halinang pagmasdan. Ngunit parang may kumukurot sa kanyang puso sa tuwing makikita niya ang saya nito sa mga simpleng bagay na natatanggap mula sa kanyang kaibigan.

Nang lumaon ay sumasagot na din si Ishie sa mga liham ni Unseen na ipinabibigay din kay Billy. Ngunit sa kasamaang-palad ay sa basurahan lamang nauuwi ang mga iyon.

************************

Oh… tig-isang bote muna tayo…” alok ni Marco ng beer kay Dandan habang nakatambay sila sa art studio ng mag-ina sa kanilang bahay.

Ito na ang naging bonding nilang mag-anak tuwing araw ng linggo, ang panoorin si Laura na magpinta. Maging si Dandan ay nakahiligan din ang sining mula pagkabata pa lang nito. Sa katunayan ay ilang art competions na din ang napanalunan ng binat…