Parang may nagdaang anghel. Tahimik na nakamasid ang buong klase sa lalaking ngayon lang nila nakita. Lahat ay nagtataka maliban kay Billy na tila tinakasan na ng dugo sa kanyang mga ugat.Napalayo ito sa dilag na nakaupo sa may duyan at di makatingin ng diretso sa mga mata ng tinraydor na kaibigan.
Napadako ang mga mata ni Dandan sa bahagi ng puno na inukitan niya kaninang umaga ng pangalan nila ni Ishie. Nagulat siya na di na iyon mabasa dahil sa lupang itinapal doon upang tabunan ang nakasulat.
“Bro… bakit?!” wikang muli ni Dandan.
“I’m sorry… Sino ka naman?” mabilis na sagot ni Billy na sinabayan pa ng nakakalokong tawa.
Lalong nagngalit ang panga ni Dandan sa isinagot ni Billy. Tikom ang mga kamao, di niya napigil ang sariling mapahakbang pasugod sa taong itinuring nyang kaibigan.
“Hoy! Sino ka ba kase? Di ka naman invited dito ah!” pigil ng isa sa mga naroon na parang kabatch ni Billly.
Tinabig lang ni Dandan ang kamay na pumigil sa kanyang balikat. Matalas ang titig na nagpatuloy sa paglapit sa umaatras na kaibigan.
“Bakit hindi si Billy ang tanungin mo nyan?! Kung sino ako!” hiyaw nito nang di inaalis ang nanlilisik na mga mata sa naroon na tanging nakakakilala sa kanya.
“Sandali lang! Sino ka ba talaga?!” Di na nakatiis si Ishie na napatayo at namagitan na sa namumuong tensyon sa dalawang lalaki.
Para namang napawi saglit ang galit ni Dandan nang humarang ang dilag sa pagitan nila ng traydor na kaibigan. Bahagyang nakatuon ang mga kamay ng dilag sa kanyang dibdib upang pigilan ang paglapit niya kay Billy.
Hindi napigilan ni Dandan na hawakan ang mga kamay ni Ishie. Nagulat ang dilag sa kanyang ginawa at biglang binawi ang mga kamay na tangan ng estrangherong lalaki.
“Ishie… ako si Unseen.” at nagtangka itong lumapit sa napaatras na dalagita.
Nakaramdam ng takot si Ishie sa estrangherong binata lalo na nang akuin nito na siya si Unseen, ang lihim na nagpapadala ng mga liham sa kanya. Bagama’t parang mukhang pamilyar sa kanya ang lalaki ay nabastusan siya sa basta na lang nitong paghawak sa kanyang kamay.
“Lasing ka… Please umalis ka na!” pakiusap niya sa lalaki dahil lalo pa siyang natakot nang maamoy niya ang alak sa hininga nito.
“Hindi ako lasing!… Ako talaga si–” sabay hawak ulit sa kamay ng dilag.
Hindi na naituloy ni Dandan ang sasabihin dahil isang malakas na sampal ang kanyang tinanggap mula sa nabiglang dalagita. Kasunod niyon ay isang tadyak naman sa tagiliran buhat sa kasama ni Billy na tumangkang umawat kanina sa kanya.
Bagsak sa damuhan si Dandan ngunit mabilis din itong nakatayo. Tila di ininda ng katawan ang lakas ng tadyak na inabot. Sinubukan niyang harapin ang lalaking nanipa sa kanya ngunit isang sapak naman sa kanyang ulo ang muling nagpabagsak sa kaawa-awang binatilyo.
Tumalsik ang suot niyang salamin buhat sa suntok na iyon na galing kay Billy. Tatayo pa sana ang binata ngunit sunod-sunod na suntok agad ang inabot ni Dandan sa dalawang lalaki.
Sinubukan niyang gumanti ng mga suntok sa dalawa ngunit may mga tumulong pang iba nang makitang lumalaban ang estrangherong nanggulo sa kanilang kasiyahan.
Nagtilian ang mga kababaihan sa nakikitang kaguluhan. Ang iba namang kabataang lalaki ay umawat na sa panggugulpi sa lalaking naging dahilan ng gulo.
“TAMA NAAA!” hiyaw ni Ishie sa mga kasamang lalaki na sumusuntok sa nakahandusay na binata.
Huminto naman ang mga ito at iniwan si Dandan na lugmok ang katawan sa damuhan. Dalawa sa mga umawat ang bumitbit sa magkabilang kili-kili ng nakahundusay na binata. Putok ang kaliwang kilay at labi nito na parehas dinadaluyan ng dugo.
Awang-awa ang dalawa sa estrangherong nagulpi ng kanilang mga kasama. Nang mailayo ay saka nila binitawan ang duguang binata. Nagawa naman ni Dandan na makatayo kahit namimilipit at hawak-hawak ang masakit na tagiliran.
“Umuwi ka na la-ang at baka lalo kang samain sa mga yon.” payo ng isang nagmagandang loob at iniabot sa kanya ang kanyang salamin.
Isang matalim na tingin lang ang ipinukol ni Dandan sa kanyang traydor na kaibigan. Tingin na waring nagbabanta na di pa siya tapos sa mga ito.
“Sige na layas na! Titingin pa eh!” kantyaw ng tropa ni Billy.
Kahit iika-ika ay nagmadaling bumaba ng burol si Dandan. Kimkim ang matinding sama ng loob sa dibdib. Dala-dala sa isip ang paghihiganti sa pantatraydor at sa tinamong kahihiyan.
Mabilis niyang pinaharurot ang sasakyan pauwi. Umiingit ang mga gulong sa mga kurbada at kantong dinaraanan dahil sa hindi pagmemenor. Nagmamadali na tila may nais habulin at balikan.
Nang makarating sa kanilang tahanan ay di na ipinasok sa gate ang umaandar pang sasakyan. Di na din nakuha pang isarado ang pinto at pabalagbag lang na ipinarada ang oto sa harap ng kanilang bahay. Waring may pakay lang na kuhanin sa loob at balak na umalis din agad.
Nagulat si Sabel sa pabalibag na pagbukas ni Dandan ng front door. Ni hindi ito umimik nang kanyang tanungin kung ano ang nangyari sa duguan nitong mukha at halos liparin nito ang hagdanan papanhik sa itaas. Natakot siya sa itsura ng binatang tila wala sa kanyang sarili.
Nanlilimahid ang kasuotan nito at may bahid ng natuyong dugo sa kanyang mukha na puro pasa. Tarantang napatakbo ang mayordoma upang ipaalam iyon babaeng amo na abala sa paghahalaman sa likod bahay.
“Maam! Maam! Si Dandan po!” Hangos na napasugod si Manang Sabel kay Laura na ipinagtaka ng huli.
“Oh bakit?!” salubong naman ni Laura.
“Si Dandan Maam… puro pasa sa mukha!”
Hindi na nakuha pang mag-usisa ni Laura sa kasambahay at agad itong napatakbo papasok sa loob ng mansyon at pumanhik deretso sa kwarto ng kanyang anak.
“DAN! DAAAAN! Nasaan ka anak?!”
Umaalingawngaw sa buong kabahayan ang nag-aalalang hiyaw ng ina nang makitang wala ang anak sa loob ng silid nito. At nakarinig siya ng mga kalabog sa loob ng silid nilang mag-asawa at agad niyang tinungo iyon.
Tamang-tama naman na palabas na ang anak sa kanilang silid at tanaw ng ina ang isang bagay na nakasuksok sa tagliran ng bewang nito. Nahintakutan si Laura dahil hindi siya pwedeng magkamali kung ano ang bagay na iyon na kinuha ni Dandan sa kanilang silid.
“ANAK KO! ANONG NANGYARI SAYO!!” bulalas ng ina kay Dandan nang magpang-abot sila sa may tuktok ng hagdanan.
“MA! BABALIKAN KO SILAAA… GAGANTI AKO!!!” wika nitong namumula at nanlilisik ang mga mata sa galit.
Niyakap ni Laura ang anak at pilit kinapa ang baril ng kanyang asawa sa bewang nito. Tinangka niyang kuhanin ang baril na nakasuksok at nakatago sa ilalim ng t-shirt ng binata.
“Anak wag kang gagawa ng bagay na ikasisira mo please!!!” umiiyak na pagmamakaawa ni Laura kay Dandan.
Nagawa niyang hugutin ang baril sa bewang nito ngunit agad ding nahawakan ng anak ang baril na balak nitong ipangganti sa mga nakaaway. Nag-aapura nang makababa, pilit binawi ni Dandan sa kamay ng ina ang revolver.
“MA!… WAG KA NANG MAKIALAAAM!” hiyaw nito sa nagsusumamong ina na mahigpit pa ring nakakapit sa baril upang pigilan ang anak.
Tuloy ang pag-aagawan ng mag-ina sa armas. Gamit ang buong lakas ay pinuwersa na ni Dandan mula sa kamay ng ina ang hawak nitong baril. Ngunit sa lakas ng pagkakahiklat niya sa kamay nito ay hindi niya sinasadyang maitulak si Laura.
Nanlaki ang mga mata ni Dandan nang mawalan ng balanse ang kanyang ina. Tila bumagal ang mga pangyayari at nakita niya ang unti-unti paghilig ng katawan nito patalikod sa hagdan sa pagdulas ng paa nito sa pinakataas na hakbang.
Nakalahad ang kamay nito sa kanya at tinangka pang kumapit sa kanyang damit ngunit napabitiw din ito. Sinubukan pa ni Dandan na abutin ang kamay ng kanyang mama ngunit hindi na niya ito nagawang sagipin sa pagkahulog.
Napahiyaw na lang ang kasambahay na nakakita kung paano nagpagulong-gulong sa mataas na hagdanan ang katawan ng kanyang among babae hanggang sa mapahandusay ito sa pinakaibaba.
Tulala namang nakamasid lang ang anak na siyang dahilan ng pagkahulog ng ina. Napahawak na lang ang binatilyo sa kahoy na handrail sa labis na pagkabigla sa pangyayari.
Nang mahimasmasan sa pagkatulala ay patakbo itong bumaba ng hagdanan upang puntahan ang inang di na halos gumagalaw ang nakahandusay na katawan.Paluhod niyang kinalong ang ulo ng ina at tinitigan ang mga mata nitong dinadaluyan ng luha.
“Ma… Ma… Sorry po… SORRY POOO!!” hinaing ng tumatangis na anak habang hinahaplos ang buhok ng inang naghahabol na ng hininga.
Sa huling sandali ay nakuha pa nitong haplusin ang mukha ng mahal na anak. At dahan-dahang nalaglag ang kamay na iyon kasabay ng pagpikit ng mga mata nito.
“MAAAA!!! MAMAAAAA!!!”
Labas ang mga ugat sa leeg ni Dandan sa lakas ng paghiyaw nito. Lubos-lubos ang pagsisisi ng anak sa kanyang nagawa. Ngunit kahit anong tawag niya dito ay di na siya maririnig ng inang isinugal ang buhay huwag lang mapahamak ang nag-iisa at pinakamamahal na anak.
“LAURAAAAA!!!”
Gayon na lang ang pagkabigla at panlulumo ni Marco sa inabutan sa kanyang pag-uwi. Pagpasok pa lang nito ng pintuan ay napako na ito sa kinatatayuan nang matanaw ang walang buhay na katawan ng kabiyak na tinatangisan ng anak at mga kasambahay.
Nabitawan na lang nito ang hawak na kumpol ng mga rosas na ibibigay sana para sa kaarawan ng kanyang mahal na asawa. Napasalampak na lang si Marco at di napigil na maglupasay at magpalahaw habang minamasdan si Laura na wala nang buhay.
Ang babaeng kanyang minahal simula nang siya’y magbinata. Ang nag-iisang babae na bumihag sa kanyang puso.Sa labis na pagdadalamhati ay nawalan ng malay ang lalaki. Hindi kinaya ng kalooban ang sinapit ng kanyang kabiyak sa biglaang pagpanaw nito.
Isinugod pa sa pinakamalapit na ospital si Laura ngunit sadyang huli na ang lahat.
Naihatid sa huling hantungan si Laura na di pinayagan ni Marco na masilip man lang ni Dandan ang kanyang ina. Wala siyang ibang sinisi sa biglaang pagkawala nito kundi ang kanyang anak. Halos mapatay niya ito sa gulpi nang minsang magtangka ang binatilyo na sumilip sa burol ng ina.
Tuluyan na ding pinalayas at itinakwil ni Marco ang nag-iisang anak. Parang hindi niya kaya na makita pa ito sa loob ng kanyang pamamahay dahil ito ang nagpapaalala sa kanya kung bakit siya labis na nangungulila ngayon sa kanyang mahal na asawa.
Mabuti na lamang at sa pag-uwi ng bunsong kapatid ni Laura na si Lucy ay may kumupkop kay Dandan. Ito na ang tumayong pangalawang ina ng binatilyo at nagpasyang isama na lang ito pabalik ng Amerika.
Nang mabalitaan ni Billy ang nangyari sa mag-ina ay natakot ito at binagabag ng matinding pagkakunsensiya. Alam niyang kundi dahil sa pantatraydor niya sa kaibigan ay di sana sasapitin ng mag-ina ang masamang kapalaran.
Hindi niya mapatawad ang sarili sa nagawa sa taong itunuring siyang kaibigan kaya’t pinili ni Billy na umalis na lang sa kanilang bayan. Wala ring lakas ng loob na magpaalam sa babaeng kanyang inagaw sa pamamagitan ng panloloko at pagpapanggap.
Hindi niya kayang aminin na siya ang dahilan kung bakit may isang perpektong pamilya na nawasak. Na may isang kaibigan na nawalan ng ina at itinakwil ng ama ng dahil sa kanyang kagagawan.
************************
Malalim na napabuntong-hininga na lang si Daniel nang manariwa sa kanya ang mga alaala nang muling masulyapan ang matandang puno ng acacia sa tuktok ng burol.
Di niya lubos maisip kung ano ang mayroon sa lugar na iyon. Doon kung saan nag-ugat ang lahat, nang magbago at masira ang kanyang buhay sa murang edad ng dahil sa pag-ibig. Doon din sa lugar na iyon kung saan niya natagpuan ang babaeng muling nagpatibok sa kanyang puso.
At napagtanto pa na ang dalawang babaeng kanyang minahal… sila Ishie at Trisha… ay iisa lang pala.
Nang makasampa sa kanyang motor ay muling tinapunan ni Dandan ng huling sulyap ang lugar na iyon na kay raming alaalang pilit ulit niyang kakalimutan.
Ngunit sa pagkakataong ito’y wala na siyang laban. Alam niyang hindi na niya mapagtatagumpayan na mabura pang muli ang naranasang panibagong sakit sa kanyang puso at isipan.
************************
Isang linggo na lang at gaganapin na ang pag-iisang dibdib nila Marco at Trisha. Pinag-leave na ng alkalde ang kanyang nobya sa trabaho nito habang siya ay nanatiling pumapasok at inaasikaso ang mga proyekto sa kanilang bayan.
“Trisha… Darating nga pala bukas yung interior designer at contractor na kinuha ko… Ikaw na bahala sa kanila ha?”
Tumango na lamang ang nobya sa sinabi ni Marco. Noong nakaraang araw pa nito nasabi ang balak na pagpapa-renovate ng kanyang bahay. Nais ni Marco na siya ang mangasiwa dito at siya din ang masunod sa mga gagawing pagbabago sa magiging tahanan nila bilang mag-asawa.
Ayaw sana ni Trisha na pakialamanan pa ang dating disenyo ng mansyon ngunit si Marco ang nagpumilit na dapat ay baguhin na ito para na din sa panibagong buhay niya kapiling ang bagong makakasama.
“Pasensya na at di ko na maasikaso yon. Kailangan ko kasing madaliing matapos ang ibang projects sa munisipyo bago tayo ikasal. Para makapag-out of the country naman tayo after kahit saglit lang at makapagrelax tayo di ba?”
Kinabukasan ay maagang tumungo si Trisha sa bahay ng alkalde upang harapin ang mga taong kausap nitong magrerenovate ng kabahayan.Dinatnan niya doon ang mga tauhan na nagliligpit ng mga lumang gamit.
Nagulat siya sa dami ng mga obrang nakasabit sa dingding na sunod-sunod ibinababa upang dalhin sa bodega. Lalo na nang makita niyang maging ang malaking portrait ng mag-asawa ay tila kasama ding aalisin.
“Manang Sabel… Bakit naman po pati mga alaala ni Maam Laura eh kailangan alisin?” malungkot na wika ng dalaga sa mayordoma. Sa totoo lang ay wala naman kaso sa kanya kahit manatili ang mga iyon.
“Utos yan Ma’am ni Sir Marco.” matipid na sagot nito na maluha-luha ang mata habang isa-isang inilalabas ng mga trabahador ang mga likhang obra ng kanyang namayapang amo.
“INGATAN NIYO NAMAN YAN MGA UTOY!” singhal ni Sabel sa mga naghahakot na kalalakihan. Wala kasing ingat ang mga ito sa pagbubuhat at nabubungo na ang frame ng paintings sa pagkakahawak ng mga ito.
Agad kinausap ni Trisha ang contractor na kinomisyon ni Marco upang ligpitan at irenovate ang buong kabahayan. Nakiusap siya na huwag nang tanggalin ang mga portrait na iyon ngunit kailangan daw itabi ayon sa mayor. Kailangan ding magbawas ng mga gamit para sa babaguhing disenyo.
Tinulungan na lamang ni Trisha ang ibang kasambahay sa pagbabalot ng tela sa mga obrang ipinatatabi na sa loob ng bodega. Sa ganito man lang paraan ay makatulong siyang maalagaan pa rin ang mga alaala ng namayapang asawa ni Marco.
Kung hindi kasi dahil sa kanya ay hindi naman siguro gagalawin ng alkalde ang mga iyon at hahayaan lang na manatiling nakasabit ang mga obra. Dahil simula yata nang matuntong siya sa bahay na iyon ay andoon na talaga nakalagay ang mga likha ng dati nitong asawa.
Maingat na maingat sila sa pagbabalot di lamang sa mga paintings ni Laura, pati na din sa ibang mga gamit na di na daw nababagay pa sa gagawing pagbabago sa disenyo ng loob ng mansyon.
Tahimik silang nag-aayos ng mga gamit nang biglang bumigay at bumagsak ang isang estante na pinapatungan ng mga kahon. Bumuhos sa sahig ang laman ng ilang kahong nabuksan. Waring mga gamit ng isang lalaki ang laman ng mga kahong iyon.
“AY NAKUPOOO!!” hiyaw si Manang Sabel nang makitang nagkalat ang mga gamit ng dating alaga.
Tumulong na din si Trisha sa pagkalap ng mga gamit na sumabog sa sahig. Isa-isa nilang ibinabalik ang mga iyon sa loob ng mga kahon nang bigla siyang matigilan sa kanyang nakita.
Isang maliit na garapon na may lamang mga beads na tila pamilyar sa kanya. Agad niya iyong kinuha, binuksan ang takip at ibinuhos niya sa kanyang kamay ang laman nito.
Hindi siya pwedeng magkamali. Dahil parehas ito ng beads na nasa kanyang pulseras. Biglang kumabog ang kanyang dibdib at agad niyang tinungo ang kanyang shoulder bag at hinagilap ang bracelet na naroon.
Masusi niyang pinagkumpara ang klase ng mga beads na nasa kanyang palad at ang beads sa bracelet na kinuha sa kanyang bag. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib nang mapansing kahit ang mga kulay ng letra na nakaukit sa mga butil ay kaparehong-kapareho ng nasa kanyang pulseras.
“Ay Diyos ko!!! Bakit nasa iyo yan Ma’am Trisha?!”
Gulat na gulat si Sabel na nakatingin sa pulseras na hawak ng mapapangasawa ng kanyang amo. Tandang-tanda pa niya kung paano at sino ang gumawa ng bracelet na hawak ng dalaga.
Hindi na siya nakapagpaalam kay Trisha ng kuhanin niya ang pulseras mula sa kamay nito. Binasa ng nanlalabong mga mata ang nakasulat na mensahe sa beads ng bracelet.
“Saan mo nakuha ito?” litong tanong ng matanda sa dilag na naguguluhan din.
“Sa akin po Manang. Bakit po?” Agad namang binawi ni Trisha ang pulseras na tangan ng mayordoma.
“Ikaw si Ishie?” tila nahihindik na tanong nito na tinanguan lamang ng dalaga.
Napasapo ang palad ni Sabel sa bibig nito. Tila hindi makapaniwala sa kanyang nalaman.
“Nakilala mo na ba kung sino talaga nagbigay sayo niyan?”
Napamaang na lang si Trisha sa sinabi ng matanda. Nagtaka kung bakit ganoon ito magtanong na para bang may nalalaman ito tungkol sa pulseras. Kung bakit alam nito na may nagbigay lamang ng bracelet na iyon sa kanya.
“Bakit po Manang Sabel?… Syempre po kilala ko ang nagbigay nito sakin.”
“Si Billy ba ang alam mo?” muling tanong ng matanda.
Nagulat ang dalaga kung bakit alam ni Sabel ang tungkol kay Billy. Nagtataka kung ano ang kinalaman ng matanda sa lalaking iyon.
“Manang Sabel teka naguguluhan po ako… bakit niyo kilala si Billy?”
Imbis na sumagot ay tinungo ng mayordoma ang isang kahon. May kinuha ito sa loob na isang lumang album. Agad nitong binuklat ang pahina at ipinakita iyon sa dalaga.
“Siya si Dandan… alaga ko… ang nag-iisang anak nila Marco at Laura.” maluha-luhang pahayag si Sabel.
Namula ang pisngi ni Trisha nang mamukhaan ang binatilyong nasa larawan. Muling nanariwa sa kanyang isip ang araw na nakita niya ito sa tuktok ng burol.
Tanda pa niya kung paanong pinagtulungan itong gulpihin nila Billy dahil sa pagtatangka nitong manggulo sa kanilang kasiyahan. Inaako kasi nito na siya si Unseen, ang lihim na nagpapadala ng mga sulat at regalo noon sa kanya. Ito pala ang nag-iisang anak ng kanyang mapapangasawa na nasa Amerika.
Lalong nanghina ang dilag sa sumunod na sinabi ni Sabel.
“Siya si Dandan… siya ang tunay na nagbigay sayo ng pulseras na yan.”
Napaupo si Trisha sa katabing upuan na naroon. Hindi na tumutol ang kanyang isip sa narinig lalo na’t namamasdan niya ang mga beads sa loob ng garapon. Ngayo…