“Sige lang anak… kaya mo yan… Don’t mind her movement. Just focus on her features…” tugon naman ng ina sa kanyang anak.
Tutok na tutok ang paningin ni Dandan habang pinagmamasdan ang batang babae na kanyang iginuguhit. Sinasabayan ng hagod ng charcoal pencil sa kanyang sketchpad ang tila pagsayaw ng mahaba’t maalong buhok ng batang nakatalikod habang tinatangay ng hangin ang mga hibla nito.
Tuwang-tuwa si Laura na makita ang anak na nakukuha ang bawat detalye ng batang kanyang iginuguhit. Maging ang mabibintog na kamay na nakakapit sa magkabilang lubid, ang mga alon sa tela ng bestidang suot, pati ang pagkaka-ekis ng mga binti ng bata na nakabitin sa ere habang nakaupo ito sa duyan.
Kuha ng anak maging ang tamang shading upang mapalutang lalo ang dimensiyon ng iginuguhit. Manghang-mangha siya dahil sa murang edad ay nakikita niyang may likas na husay ang kamay nito. Isang kakayahan na kanilang lilinangin at lalong hahasain sa paglipas ng panahon.
Nang matapos ni Dandan ang iginuhit na larawan ay buong pagmamalaki niyang ipinakita iyon agad sa kanyang ina. Tuwang-tuwa na nagawa niyang iguhit ang bata kahit na may kalikutan ito.
“Bilib ka Ma?” pagyayabang nito sa ina.
“Oo naman anak… Ang ganda!… I’m sure mas magaling ka pa kay Mama paglaki mo.” tugon ni Laura sa anak.
“Ay ano yan… Ang pangit naman! Bakit walang color!” puna ng batang babae na nakasilip na pala mula sa likod ni Laura at nakatingin din sa sketchpad na hawak nito.
Inis na inis si Dandan sa sinabi ng bata at agad na kinuha mula sa kamay ng kanyang mama ang larawan at itinago iyon sa kanyang likod.
“Mas maganda pa kuha ng camera ni Tita dyan eh. Halika… picture tayo…” anas nito sa naiinis na batang lalaki.
Walang nagawa si Dandan nang hilahin siya ng bata sa may puno ng Acacia. Tila siya naging estatwa na tuwid na tuwid sa pagkakatayo nang yakapin siya ng bata mula sa kanyang gilid. Diretso lang ang nahihiyang tingin nito habang kinukunan sila ng litrato ng kasama ng bata gamit ang polaroid camera.
Nang lumabas na ang larawan sa camera ay excited iyong tinignan ng bata ngunit napasimangot ito at ipinakita din ang litrato kay Dandan.
“Cute ka sana kaso ayaw mo mag-smile sa picture!” inis nitong puna.
Tawang-tawa si Laura at ang tiyahin ng bata sa kakulitan ng paslit. Di naman makakibo at nanatiling nakasimangot si Dandan sa batang nang-aasar sa kanya. Matapos non ay nagpaalam na sa kanila ang magtiyahin na nakasabay nilang mamasyal doon at nagsabing mauuna na ang mga ito na bumaba ng burol.
“Uy, smile ka na…” wika ng ina sa nakasimangot na anak.
“Sige ka… papangit ka niyan… Cute ka pa naman daw sabi ni Ishie.” dugtong pa nito at pilit na pinapangiti ang anak.
“I-Ishie?” nagtatakang tanong ng bata sa ina.
“Oo Dandan… Siya si Ishie… Siya ang babaeng mahal mo… Kaya sige na sundan mo siya anak!”
Takang-taka ang bata sa sinasabi ng ina. Kung bakit alam nito ang pangalan ng bata at kung bakit nito pinasusundan ang batang iyon sa kanya. Lalo na siyang naguluhan nang makita niya itong umiiyak.
“Dali na Daniel… habulin mo si Trisha… Kailangan ka niya anak!” at napahagulgol na ang tumatangis na ina.
Biglang nagdilim ang kalangitan at nabalot ng maitim na ulap. Lumakas ang bugso ng hangin at nagliparan sa himpapawid ang mga ibong umuuwak na tila nangangamba sa delubyong paparating.
Ngunit nanatili lang siyang nakatingin sa kanyang inang umiiyak habang nangingilid na din ang luha sa kanyang mga mata.
“Bilis na anak wala nang oras…” at ipinagtulakan na siya ng ina upang umalis.
“Ayaw ko mama! Dito lang ako! Ayaw kitang iwaaan!”bulalas ng anak na sa halip umalis ay napayakap pa sa kanyang mama.
Humahagulgol na din si Dandan habang kinakalas ng ina ang kanyang mga braso at itinutulak siya upang habulin ang batang babae. Parang kinakapos ng hininga ang bata sa pag-iyak habang ipinagtutulakan ito ng ina. Waring nawawalan na ng boses upang makiusap na huwag siya nitong itaboy.
“Please anak umalis ka na… Tulungan mo siya! ILIGTAS MO SI TRISHA!”
Sa pagkakalas ng mga braso niyang mahigpit na nakapulupot sa katawan nito ay unti-unting lumabo ang imahe ng kanyang ina hanggang sa tuluyan na itong naglaho.
“MAAAA!!! MAMAAAAA!!!” palahaw ng batang nagpapalinga-linga sa paligid.
“Pare! UY DANIEL! GISING PRE!!”
Niyugyog ni Jorge ang magkabilang balikat ni Daniel upang gisingin ang kaibigan na tila binabangungot. Kunot-noo itong umuungol kanina sa pagtulog ngunit hindi maintindihan ang sinasabi nito at panay ang paling ng ulo. Nang magising ay dilat na dilat ang mga mata nito, humihingal at di agad makapagsalita.
Malinaw na malinaw pa rin sa isip ni Daniel ang kanyang napanaginipan. Parang nararamdaman pa niya sa kanyang katawan ang pwersa ng pagtulak ng ina upang puntahan niya si Ishie.
“Yung dinrawing ko… Siya si Ishie!” tila gulat na nasambit ng binata sa kaibigan.
Walang ideya si Jorge sa babaeng binabanggit ni Daniel ngunit iyon na ang pangalawang beses na ginising niya ito at nasambit ng kaibigan ang pangalang iyon. Una ay noong nakatulog ito sa sofa sa condo nang iniuwi niya itong lasing matapos nila mag-bar. Ngayon naman ay habang natutulog ito sa kama ng ospital.
Ikaapat na araw na nitong naka-admit doon dahil sa pagkakaoverdose sa ipinagbabawal na gamot. Mabuti na lamang at napadalaw siya sa unit ng kaibigan nang araw na iyon dahil kung hindi ito naagapan ay maaaring ikinasawi ni Daniel ang napakataas na dosage ng tinunaw na cocaine na naisaksak nito sa kanyang sistema.
“Pre ok ka lang?” tanong niya dito sabay abot ng bote ng tubig sa kaibigan.
Wala naman siyang alam na kamag-anak ni Daniel sa Maynila kaya’t siya na ang nagmamalasakit na puntahan ito araw-araw sa ospital pagkagaling niya sa trabaho. Sa lakas nga lang ng ulan kagabi ay hindi na siya nakauwi sa takot na bahain. Mabuti na rin na andoon siya kaya’t nagawa niya itong gisingin mula sa pagkakabangungot.
“Pre kailangan ko nang umalis!” tila natataranta nitong sambit.
“Ha? Bakit? Saan ka pupunta?!”
“Uuwi ako ng Batangas!”
Napakunot ang noo ni Jorge dahil mag-aala sais pa lang ng umaga. Medyo madilim pa sa labas dahil sa makapal na ulap na nagpapakulimlim ng kalangitan.
May discharge orders na ang doktor para kay Daniel ngunit hindi pa nasesettle ang bill nito sa ospital at alas otso pa magbubukas ang opisina doon.
“Di pa pwede pre! Paubusin daw muna yang swero mo bago ka payagan makalabas… Saka sarado pa Billing. Hindi pa tayo bayad!”
Nagulat na lang ang kaibigan nang si Daniel na mismo ang humugot ng karayom na nakatusok sa braso nito na nakakabit sa linya ng nakasabit na swero. Agad itong tumayo at bahagyang sumusuray na naglakad patungo sa bag nito na parang hilo pa at nanghihina.Bagaman halatang hindi pa nanunumbalik ng husto ang lakas nito ay nagmadali itong magbihis.
Kakamot-kamot na lang ng ulo si Jorge at mukhang hindi na papipigil ang kaibigan. Mukhang balak din nitong takasan ang bill sa hospital dahil alam niyang wala din itong ibabayad.
Nagpalinga-linga sila bago lumabas ng pasilyo at pasimpleng naglakad na parang mga magnanakaw na papatakas. Napakunot pa ang noo ng nasalubong nilang nurse nang mapalingon ito sa kanila. Mabuti na lamang at may hood ang jacket na suot ni Daniel kaya’t tila di nito namukhaan ang pasyente.
Dahil sa nakikitang kundisyon ng kaibigan na hindi pa tuluyang nanunumbalik ang lakas ay nagprisinta na si Jorge na ipagmaneho ito at samahan pauwi ng Batangas. Ngunit mariing tumanggi si Daniel at nagpahatid na lamang pauwi sa condo nito.
************************
Araw ng Kasal. Umpisa ng panibagong yugto sa buhay ni Trisha.
Maagang nagpunta ang pamilya, kasama na rin si Janet, sa hotel sa kabilang bayan kung saan sila nakatakdang magbihis at ayusan. Pawang pagod ang mga ito sa ginanap na handaan sa kanilang bahay nang bisperas ng kasal ngunit masaya ang lahat sa pagdating ng pinakaaabangang espesyal na araw para sa kanilang kaanak.
Ang lahat ay nasasabik maliban kay Trisha.
Batid naman ng mag-asawang Bert at Fely na hindi buo ang kalooban ng kanilang anak sa pagpayag nitong magpakasal kay Marco. Dahil dito ay hindi na nila nilayong isagawa pa ang mga kaugalian sa isang tradisyunal na kasalang Batangas. Ang mahalaga sa kanila ay mabasbasan sa simbahan ang pakikipag-isang dibdib ng kanilang nag-iisang anak na babae.
Mga prominenteng tao sa negosyo at pulitika ang inaasahang dadalo sa engrandeng wedding reception nila Trisha at Marco. Kaya naman nagdaos ang mag-asawa ng isang simpleng handaan sa kanilang tahanan para sa mga kumpare ni Bert at ilang mga kapitbahay at kakilala na hindi makakadalo.
Nagpaunlak naman ang alkalde na dumaan sa salo-salo upang makisalamuha sa mga bisita. Ngunit pinili ni Trisha na magkulong lang sa silid ng mga magulang kung saan nga ito nasita ni Aling Fely sa ginawang pagsusukat ng kanyang traje de boda.
Malayo ang tingin ni Trisha sa labas ng bintana ng sasakyan habang bumabaybay sila sa daan patungo sa hotel. Ni hindi niya alam kung nakatulog nga ba siya nang nagdaang gabi.
Araw na ng kanyang kasal ngunit parang hindi pa rin lubos na matanggap ng kanyang puso at isip ang pangyayaring ito sa kanyang buhay. Dahil ang totoo’y parang nahahati ngayon ang kanyang puso sa dalawang lalaking itinitibok nito. Ang masakit ay wala naman sa dalawang lalaking iyon ang kanyang pakakasalan.
Ang una ay ang lalaking nagpakilig sa kanyang musmos na damdamin. Ang nagparamdam sa kanya ng labis na pagpapahalaga sa kabila ng mga alinlangan niya sa kanyang sarili. Ngunit kanya itong nasaktan nang hindi niya kilalanin ang pagsinta nito at piniling paniwalaan ang isang impostor.
At ang ikalawa ay ang estrangherong lalaki na sa loob ng maigsing panahon ay alam niyang minahal siya ng lubos. Ang inakala niyang siyang katuparan ng kanyang mga pangarap. Ngunit sa halip na ipaglaban nito ang kanilang pagmamahalan ay hinusgahan pa nito ang kanyang pagkatao.
Napatingala si Trisha sa langit. Nagtatanong kung ganito ba talaga ang kapalarang nakatadhana para sa kanya. Simple lang naman ang kanyang pangarap, ang makasal sa k…