“AY, AY… ANO GA MGA I-RE?!” galit na bulalas ng driver.
Kinabahan si Trisha nang mabilis na nagsibaba ang mga lulan ng dalawang sasakyang umipit sa kanila at makitang pawang armado ang mga ito ng baril.
Natigalgal ang dalaga sa bilis ng mga pangyayari. Isa sa mga lalaki ang lumapit sa gilid ng driver, tinutukan ito ng mahabang baril at humihiyaw na buksan nito ang sasakyan. Isa pang lalaki ang nasa tapat na ng kanyang pinto at may nakatutok ding baril.
Nagmadaling binuksan ni Trisha ang kanyang purse, hinawi ang bead bracelet sa loob upang kunin ang kanyang cellphone at makatawag ng saklolo. Ngunit isang hataw ng puluhan ng mahabang baril ang bumasag sa bintana ng driver sa harap at nagpatili sa dilag.
“PUTANGINA!! BABA!!!” galit na hiyaw nito sa driver na kahit may bulto din ang katawan ay napataas na lang ang dalawang kamay dahil sa takot sa armas na nakatutok dito.
Sa pagkabigla ay nabitawan ni Trisha ang kanyang telepono. Agad namang nabuksan ng lalaking nakatayo sa labas ang kanyang pinto nang ma-unlock ng kasama nito ang mga pintuan ng sasakyan. Tinangka pa ni Trisha na lumabas sa kabila ngunit isa pang kasamahan ng mga lalaki ang nakatayo na din doon.
Nang makasakay na ang unang lalaki sa tabi ng dalaga ay walang alinlangan niya itong pinaghahampas. Hindi nanlaban ang lalaki at pinagsasalag lamang ang mga hampas at kalmot ng babae. Nang makasakay na ang kasama nito sa kabila ay bigla nitong tinukop ng hawak na panyo ang mukha ng dalaga.
Nakasusulasok na amoy ang nasinghot ni Trisha at unti-unti siyang nakaramdam ng pagkahilo. Humina ang kanyang panlalaban sa mga lalaki hanggang sa tuluyan itong mawalan ng malay.
Isang malakas na bira ng dulo ng mahabang baril ang tumama sa ulo ng kawawang driver na ikinawalan nito ng malay. Pinagtulungan naman ng dalawang lalaki ang pagbuhat sa katawan nito papunta sa likod upang maikarga sa loob ng trunk ng bridal car.
Napakabilis ng mga pangyayari. Sa isang iglap ay nagawa nilang hijackin ang sinasakyan ni Trisha bago pa may maparaang ibang sasakyan. Magkasunod na nagmaniobra ang bridal car at van pabalik sa direksiyong pinanggalingan ng dilag. Dumeretso naman ang SUV na humarang sa kanila kanina.
“Hello Boss… dala na namin yung pinapakuha mo.” wika sa cellphone ng lalaki sa kanan ni Trisha na may kalmot sa mukha.
“Ok. Kopya boss.” paalam nito sa amo matapos makapag-ulat.
“Puta ang sakit mangalmot nito ah!!” singhal ng lalaki habang hinihipo ang sugat sa mukha mula sa pagkakakalmot.
Aambaan na nito ng sampal ang walang malay na dilag ngunit pinigil ito ng kasamahang nagmamaneho nang matanaw siya nito sa rearview mirror.
“Hoy! Wag mong gagasgasan yang merchandise kundi mayayari tayo kay boss!” banta nito sa kasama.
Parang natauhan naman ang lalaki sa nadinig at ibinaba na ang nakaambang kamay.
“Pasalamat ka tangina… Di bale, pagkatapos ni boss sayo mamaya… kami naman hehehe”
Napapadila pa ito sa labi habang hinahaplos ang hita ng dalaga na natatabunan ng malambot na tela ng puting traje nito.
************************
Palabas na ng bayan nila si Daniel. Pilit idinidilat ang mga mata sa dinaraanan ng kanyang motorsiklo upang patuyuin sa hangin ang namamasang mga mata.
Dahil sa nalaman ay parang mas higit pa ang panghihina niya ngayon kaysa kaninang umalis siya ng Maynila. Ngayon pala ang kasal ng kanyang minamahal at sa dinami-rami ng lalaki, ay sa kanyang ama pa.
Dagdag pa ang kalituhan ng isip sa kanyang napanaginipan kanina. Hindi niya alam kung paniniwalaan pa ba ang mensahe ng ina sa panaginip o baka dala lamang iyon ng sobrang pag-iisip niya kay Trisha.
‘Iligtas? Paanong iligtas?’ nalilitong tanong niya sa sarili.
‘At paano naman malalaman ni Mama ang pangalan nung bata sa duyan? Bakit niya nasabing si Ishie? Bat niya nasabing si Trisha yon?’ sa isip-isip pa ng binata.
Palagay niya’y dahil sa sobrang boto ito noon kay Ishie ay naghalo-halo na lang ngayon sa magulo niyang isip ang kanyang mga alaala at mga pangyayaring nagaganap sa kasalukuyan. Patuloy pa rin ang pagmumuni ng binata hanggang sa makalagpas na siya sa arko ng kanilang bayan.
‘This time ikaw na mag-abot niyan ha Dandan.’ naalala niyang sinabi ng ina tungkol sa bracelet.
‘Dan… Lakasan mo ang loob mo anak… Malay mo she’s the one pala di ba?’sambit naman ni Laura nang minsang maihatid siya nito sa school mula sa pagbuntot nito sa kanya sa eskwelahan ni Ishie.
Iyon ang unang beses na nakita ng ina ang babaeng kanyang napupusuan at naaalala pa niya ang nasambit nito. ‘Pero alam mo nak… she looks familiar… Parang nakita ko na siya.’
Doon biglang napapreno si Daniel sa gitna ng kalsada. Mabuti na lamang at mabilis ding nakahinto ang mga sasakyan na sumusunod sa kanya.
Ngayon lang luminaw ang lahat. Marahil ay masyado pa kasi siyang bata noon upang maalala na nakita na nilang mag-ina si Ishie nang musmos pa lamang ito. Kaya naman pala nasabi ng ina na pamilyar si Ishie dito. Dahil si Ishie at ang batang nasa duyan ay iisa.
“AHH SHIT!!!”
Biglang paling ng motorsiklo nito pabalik sa kanilang bayan na umuusok pa ang mga gulong sa pagmamadali. Umaalingawngaw sa kanyang isipan ang sinabi ng kanyang ina. Na kailangan niya itong iligtas.
************************
Nagulat si Marco sa pagkakahawak ng estranghero sa kanyang braso. Magiliw naman itong nakangiti sa kanya na para bang walang ano mang pagbabanta. Ngunit ipinagtataka din niya ang tungkol sa sinasabi nitong pumapatol sa babae kaya’t napilitan siyang tanggapin ang cellphone na inaaabot nito.
“Yes?…” malalim na tinig ng alkalde.
“Vargas! Kamusta na Mayor?… Remember me?” tanong ng nasa kabilang linya na may nakakalokong tawa.
Biglang kinabahan si Marco nang mabosesan ang kausap. Hindi siya pwedeng magkamali dahil madalas silang magkita nito noon sa tuwing bibisita sa kanilang bayan ang mag-ama na napag-alamang mga druglords pala at pinuno ng malaking sindikato.
Kahit nahuli na sa raid ang matandang Umali ay malaya pa rin ang nakapuslit na anak at hanggang sa ngayon at wala pa ring lead ang mga otoridad sa kinaroroonan nito dahil palipat-lipat ito ng kuta.
“What do you want, John?” matigas na sagot ng alkalde.
“Ohhh… I don’t need anything from you hahaha… Tapos na di ba, wanted na ko… Tapos na maliligayang araw namin ni Daddy, at isa ka sa dahilan non!” may diin na pagkakasabi nito.
Hindi na kumibo si Marco. Kumakabog ang kanyang dibdib ngunit pilit siyang nagpapakatatag. May panibagong hinala nang namumuo sa kanyang isip ngunit ayaw pa rin niyang tanggapin iyon.
“So you see, wala akong kailangan sayo Vargas!… Pero ikaw… ikaw ang may kailangan sakin hahaha!” parang demonyo nitong tawa sa kabilang linya.
“Pero bago yan… siguraduhin mong cool ka lang diyan… Hindi pwedeng may ibang makialam… dahil kung hindi… merong sasamain!” pagbabanta nito.
Pigil na pigil ang galit ni Marco sa kausap na gusto na niyang murahin sa mga sandaling iyon. Nanatili naman na nasa kanyang tabi ang pinag-utusan ni John. Parang walang binabalak na masama at magiliw pang nakangiti sa alkalde kaya’t hindi paghihinalaan ng mga naroon ang kanilang pagbabanta.
“Ok ba tayo dun ha Mayor?” tatawa-tawang paglilinaw ni John.
“Fuck! Diretsohin mo na ko!” pikon na tugon ng alkalde.
Napatawa ng malakas si John dahil damang-dama nito ang galit ng kausap. Bumaling siya ng tingin sa walang malay na babaeng nakahiga sa papag na sinapinan ng karton. Napakaganda nito sa suot na traje de boda. Napapakagat pa ito sa labi habang pinagmamasdan ang alindog nito.
Nanariwa sa kanyang alaala ang gabing nakita niya ang dalaga na kasama ng alkalde. Ngunit mas masarap pala itong pagmasdan habang suot ang damit pangkasal na iyon.Kinuhanan niya ito ng litrato saka ipinadala sa cellphone ng tauhan upang makita ni Marco.
“Ang ganda nga pala ng pakakasalan mo Vargas… tangina!”
Nagngangalit ang panga ni Marco nang makita ang larawang ipinadala ni John. Gusto niyang magwala nang makumpirmang hawak nga nito si Trisha. Akmang lalapitan niya upang pagbuntunan ng galit ang tauhang pinadala nito ngunit pinigil lang niya ang kanyang sarili.
“Putang ina mo John!… Wag na wag mong kakantiin si Trisha… PAPATAYIN KITA!” pabulong ngunit may pagbabantang pagkakasabi nito.
“HAHAHAHA!… Alam mong wala ka sa posisyon na gawin yan… Kaya kung hindi ka susunod sa mga ipag-uutos ko… pira-piraso kong isosoli sayo itong babae mo!”
Matapos noon ay binabaan na siya ng telepono ni John. Agad naman siyang sinabihan ng lalaking kaharap ng mga dapat niyang gawin at sundin.
Para siyang batang nakinig sa mga sinabi ng tauhan ng anak ni Cong. Umali. Mahigpit na ipinagbilin nito na wala dapat siyang pagsasabihan at walang susunod sa kanya kung hindi ay di na niya makikitang buhay ang dilag.
Tinawag na lamang ni Marco si Bert na sinusubukan din noong tawagan ang anak. Sinabihan niya itong hindi na matutuloy ang kasal. Labis na nagulat at may halong pag-aalala ang ama ni Trisha sa sinabi ng alkalde.
Gusto niyang malaman ang dahilan ng pagkakansela ng kasal at nais din niya sanang makausap ang anak. Ngunit walang maibigay na sagot si Marco. Sinabihan lang nito ang nag-aalalang ama na aalis siya upang sunduin na lang si Trisha.
Agad nang umalis si Marco sa kabila ng pagtataka ng mga tao sa simbahan. May bahid ng pagdududa si Mang Bert sa kilos ng alkalde dahil hindi ito nagsama ng body guards. Ipinagtataka rin niya kung sino ang lalaking kasama nitong sumakay sa sasakyan ni Marco na mabilis na umalis.
Ito din ang nasaksihan ng binata na nakaparada sa isang tabi. Tanaw niya ang kumpol ng mga taong inip na naghihintay sa labas ng simbahan. Kanina pa nagbabalak si Daniel na lapitan ang ama ngunit hindi makakuha ng lakas ng loob ang binata.
Gayon na lang ang pagtataka niya nang makita ang ama na tila papaalis ng simbahan. Nagduda siya sa pagsakay nito sa sasakyan kasama ang isang matabang lalaki. Minsan na niyang nakaalitan ang lalaking iyon sa pinaradahan niya sa may crossing malapit sa munisipyo nang inaabangan niyang maparaan doon si Trisha.
Hindi niya malilimutan ang pagmumukha ng mayabang na lalaking iyon. Lalo na siyang nagduda nang makitang sumunod at nagconvoy sa sasakyan ng alkalde ang isang itim na SUV na pamilyar din sa kanya at dating may plakang otso.
Hindi na nagdalawang isip ang binata sa sundan ang dalawang sasakyan. Malakas ang kutob niyang mayroong hindi magandang nangyayari.
“Akala ko ba sarhento eh tapos na kapag nakuha na natin yung babae? Masama na pakiramdam ko sa mga nangyayari.” wika ng isang pulis na nakasibilyan na nagmamaneho ng pangalawang sasakyang nakabuntot sa oto ng alkalde.
“Wala tayong magagawa buddy… kailangan nating sumunod. May pinanghahawakan si Umali para idamay tayo sa sindikato.” sagot naman ng isa.
Noong una ay inakala ng dalawang pulis na nakatalagang security ng alkalde na tanging pagti-tip lamang ng impormasiyon sa mga Umali ang kanilang papel sa mga ito. Hanggang sa nadawit na din sila sa operasiyon nito ng droga maging sa pagdukot sa babaeng pakakasalan ng alkalde.
“Wala bang sumusunod?” tanong muli ng nagmamaneho habang sumusulyap-sulyap sa dashboard mirror.
Lumingon naman ang kasama at sinilip nito sa likuran kung mayroong ibang sasakyan na galing din sa simbahan ang bumuntot sa kanila.
“Negative.” maigsing sagot nito.
Ngunit walang kamalay-malay ang mga lulan ng dalawang sasakyan na may sumusunod sa kanila. Kahit malayo ang distansiya at minsan’y napapagitnaan pa ng ilang sasakyan ay tanaw na tanaw ni Daniel ang bawal liko ng mga ito. Sa tuwina’y maagap na nakasunod at hindi inaalis sa paningin ang dalawang sasakyan.
Kabang-kaba si Marco sa sitwasyon. Ramdam niyang hindi magiging maganda ang dulo at si John lang ang magwawagi. Ngunit wala siyang magagawa. Kailangan niyang sumugal. Dapat niyang sundin ang lahat ng ipagagawa ng mga ito. Handa siyang itaya ang kanyang buhay magkaroon lang ng pagkakataon na masagip si Trisha.
Pirming nakatutok sa kanya ang baril ng lalaking nasa kanyang tabi habang siya ay nagmamaneho. Kanina sa simbahan ay matamang minasdan rin nito ang kanyang bawat galaw upang matiyak na hindi siya makapagbibigay ng senyales sa ibang tao upang humingi ng tulong.
Pumasok na sila sa karatig bayan at dumeretso sa isang ilang na sitio. Sa bandang iyon ay pawang mga naglalakihang farm lamang ng hayupan at panabong na manok ang matatagpuan. Madalang ang mga residente kung kaya’t mga farm truck at mga pribadong sasakyan lamang ang nagagawi roon.
Bahagyang kumukurap ang talukap ng mata ng dalagang nakahiga sa papag. Unti-unti’y nagkakamalay na ito. Bahagyang nanikip ang kanyang paghinga nang makalanghap ng usok na galing sa sigarilyo.
Napamulagat ang dilag nang sa kanyang pagdilat ay nakita niya kung saan nagmumula ang usok na kanyang naaamoy. Takot na takot itong napamaluktot sa higaang iyon.
“SINO KA?!… NASAAN AKO?!” takot na tanong nito sa lalaking parang demonyo kung makangiti.
“Hindi mo na ba ko natatandaan Trisha? Di ba sabi ko sayo lahat ng babaeng ginusto ko, nakukuha ko…” sabay pitik nito sa upos ng sigarilyo palabas sa awang ng kahoy na jalousie ng bintana.
Hindi siya agad nakilala ng dilag dahil sa mas humaba na nitong bigote at balbas mula nang sila’y magtago. Nanlaki na lang ang mga mata ni Trisha sa pagkagimbal nang mapagtanto niya na ang lalaking kaharap ay siyang lalaking montik na silang ipabaril dalawa ni Marco sa mga tauhan nito noong kaarawan ng kanilang congressman.
Sa takot ay tinangka ni Trisha na tumakbo sa nakabukas na pinto ngunit biglang humarang doon ang isang lalaking may bitbit na baril. At muli siyang pumaling sa lalaking nakaupo sa papag.
“Anong kailangan mo sakin? Maawa ka!” pakiusap nito nang naginginig ang boses sa takot.
Napangisi lamang si John sa pagmamakaawa ng dalaga saka tumayo at hinila niya ito pabalik sa papag na kawayan. Sumunod na lang si Trisha dahil sa matinding takot. Napausod siya sa dulo ng papag nang tabihan siyang maupo ng lalaki.
“Kailangan? Hmmm… ano pa bang pwedeng kailangan ng isang lalake sa isang babae?” sabay hagod nito ng likod ng mga daliri sa kanyang pisngi.
“Maawa ka please… pauwiin mo na ko!” at di na napigil ng dilag ang pagtulo ng luha.
Tinawanan lang siya ni John at ng isa pang lalaking nakatayo sa may pintuan.
Napansin ni Daniel na dumalang na ang mga sasakyan sa daan at wala nang nakapagitna sa kanila ng sinusundan kaya’t dumistansiya pa siya sa mga ito.
Paahon at palusong ang mabakong daan kaya’t hindi nakikita ng mga pulis na sakay ng hulihang sasakyan kung mayroon bang nakasunod sa kanila. Kampante din ang mga ito na sa layo ng kanilang binyahe ay wala nang sinuman mula sa simbahan ang makakasunod pa.
“Itabi mo diyan.” utos ng lalaking kasama ni Marco.
Huminto sila sa tapat ng isang malaking bakuran na napapalibutan ng yerong nagsisilbing bakod nito kaya’t wala kang matanaw sa loob. Nang bumukas ang gate ay inutusan ulit ng lalaki ang alkalde na ipasok ang sasakyan sa loob ng bakuran.
Magkasunod na pumasok ang dalawang sasakyan. Mabilis namang isinarang muli ng isang matandang nakasalakot ang gate na gawa din sa yero. Nanatili lamang ito sa labas ng bakuran at sumilong sa ilalim ng puno.
‘Kagandang motor ah!’ bulalas nito sa sarili sa pagkamangha sa dumaan na big bike. Waring noon lamang ito nakakita ng ganoong klaseng motor sa lugar na iyon.
Inilampas ni Daniel ang motor sa pakurbang bahagi ng kalsada saka iyon ipinarada sa isang gilid. Nagmadali siyang balikan ang malawak na bakurang pinasukan ng magkasunod na sasakyan.
Kailangan ng binatang makahanap ng pwesto upang masilip kung ano ang nasa loob ng bakurang iyon. Balot na balot kasi ng yero ang buong harapan nito.
Nakatanaw siya ng puno sa labas na maaari niyang akyatin upang lundagin ang loob ng bakuran. Malaki ang duda niya sa nagaganap sa loob kaya’t sinubukan niyang tawagan ang kanyang tiyahin na si Lucy upang ipaalam dito kung nasaan siya.
‘The subscriber cannot be reached. Please try again later.’
Nadismaya ang binata dahil sisinghap-singhap pala ang signal ng kanyang telepono. Habang nakakubli sa punong balak akyatin ay sinubukan niya ulit na tawagan ang tiyahin ngunit hindi pa rin kumokonekta ang tawag niya dito.
“Argh! Fuck!!!” bwisit na turan nito.
Imbis na magbaka-sakali pa ulit na tumawag ay napilitan na ang binata na akyatin ang puno upang silipin ang loob ng bakuran kahit nakakaramdam pa rin ito ng pagkahilo. Desididong alamin kung ano ang nasa loob at kung bakit nagpunta roon ang amang nakatakdang ikasal. Nang makakita ng pwesto sa itaas ng puno at matanaw ang loob ng bakuran ay hinanap agad ng mga mata kung nasaan ang kanyang ama.
Nanginginig sa takot ang dilag habang nakaupo sa papag katabi si John. Napa-ekis ang mga braso nito sa kanyang dibdib dahil sa masamang tingin doon ng lalaki. Dahil sa off-shoulder na disenyo ng traje ay nakalantad sa dalawang lalaki ang kinis ng kanyang balikat at dibdib.
“Tinatago mo pa eh na…