“Trisha…” mahina nitong tugon sa babaeng nagmamay-ari ng kanyang puso mula pa noon hanggang ngayon.
Halo-halong emosyon ang nag-uumapaw sa dibdib ng dilag ngayong nasa harapan na niyang muli ang lalaking kanyang iniibig. Ang siyang muli’t muli ay nagparanas sa kanya ng labis na pagpapahalaga at ng tunay na pagmamahal.
Parang sa isang iglap ay napawi ang lahat ng kanyang takot at pag-aalala. Heto at muling nakikita sa kanyang harapan ang binatang simula pa lang nang kanyang makasama ay di na nawaglit sa kanyang puso’t isip.
Dahan-dahang napatayo si Trisha na tila nalimutan na ang lalaking katabi na siya palang ama ng lalaking kanyang minamahal. Hindi niya lubos maisip kung bakit ngayon lang niya nalamang si Unseen ay si Dandan na anak ni Marco. At si Dandan at si Daniel pala ay iisa.
Napakaganda lalo ng kanyang mahal sa suot nitong puting trahe. Habang papalapit ito sa kanya ay sumandaling naglaro sa isip ni Daniel na sana ay siya ang maswerteng lalaking pakakasalan ni Trisha.
Ngunit unti-unting nanlabo ang kanyang paningin sa pagkahilo habang papalapit sa kanyang kinatatayuan ang minamahal. Pinilit pa niyang ihakbang ang mga paang tila kay bigat at ang tuhod na parang wala nang lakas.
Subalit tuluyan na siyang iginupo ng pagkahapo at ng mga tama sa kanyang katawan. Para siyang kandilang tuluyang naupos. Ang matamis na ngiti sa mga labi nito ay biglang naglaho at ang mga mata’y tuluyan nang napapikit bago pa man siya makalapit sa babaeng inalayan niya ng kahuli-hulihang lakas.
Sa halos pagkawala na ng kanyang ulirat ay hindi na napigilan ng binatang matumba at mapasandal sa barandilya ng balkonahe na tuluyan nang bumigay at nakalas dahil sa kanyang pagkakatuon.
“DANIEEEELL!!!”
Kitang-kita nila Trisha at Marco nang bumigay ang kahoy na sinandalan nito. Napatakbo ang dilag upang hilahin ang binata ngunit dulo na lang ng daliri nito ang kanyang nahawakan.
Sa paglangitngit ng bumigay na balkonahe at unti-unting pagkahulog ng kanyang katawan ay muling nagmulat ang binata at pilit pang iniangat ang kanyang kanang kamay kay Trisha. Nais mahaplos man lang sa huling pagkakataon ang babaeng kumumpleto sa kanyang pagkatao. Ang babaeng nagturo sa kanya kung paano magmahal.
Tuloy-tuloy na bumagsak ang katawan ng binatang wala nang malay at bumagok ang ulo nito sa sementadong sahig sa ibaba.
“DANIEL!!!… DANIEEEELLL!!!!!” palahaw ni Trisha na napasapo na lang sa kanyang bibig nang mamasdan ang pagkalabog ng katawan ng binata sa pagbagsak nito sa semento.
************************
Pilit nagpipigil ng iyak si Trisha habang hawak-hawak nito ang kamay ni Daniel sa loob ng ambulansiya. Kapwa sila walang magawa ni Marco kundi masdan ang dalawang paramedikong nagbibigay ng paunang lunas sa binata habang humaharurot ang kanilang sinasakyan patungo sa ospital.
Kahit napakaraming tanong sa kanyang isip bukod pa sa iniinda ring tama sa kanyang hita ay nangingibabaw kay Marco ang pag-aalala para sa kalagayan ni Daniel. Taimtim itong nananalangin na sana’y makaligtas ang kanyang anak na nagawang isugal ang sarili upang sila’y sagipin.
Nang makarating sa ospital ang ambulansiya ay agad nagsilabas ang mga medical staff ng Emergency Room upang salubungin at asikasuhin ang mga isinugod na pasyente.
“Unahin nyo anak ko!” tarantang pakiusap ng alkalde.
Hanggang sa pagtutulak ng stretcher papasok sa Emergency Room ay hindi binitawan ni Trisha ang kamay ni Daniel. Patuloy ang panalangin nito para sa kalagayan ng binata habang walang tigil ang pagdaloy ng luha sa kanyang pisngi.
“Miss… Kami na po bahala sa pasyente.” pigil ng isang staff sa dalaga saka lamang ito napabitaw sa kamay ng binata.
Agad ding may sumalubong kay Marco na lalaking may dalang wheelchair at umalalay na maiupo doon ang sugatang alkalde. Nang maipasok din sa ER ay pilit nitong sinisilip ang anak habang sinusuri at nilalapatan ng lunas ng mga medical staff.
“Doc! Please gawin nyo lahat… Sagipin niyo anak ko!”pagsusumamo ng alkalde nang hablutin nito ang braso ng nagamamadaling doktor na naparaan.
“Gagawin namin ang lahat ng magagawa namin para sa kanya, Mayor. Pero kailangan niyo na ding matignan…” at nagmuwestra ito sa staff na may tulak ng wheelchair upang ipasok na din ang alkalde sa kabilang cubicle.
Alerto ang kilos ng lahat ng nasa ER. Habang inililipat siya mula sa wheelchair papunta sa kama upang masuri ay balisa itong nakamasid sa kanyang anak. Awang-awa ang ama sa binata lalo’t alam niyang kritikal ang kondisyon nito.
Mabilis na nagtubo ang isang nurse sa bibig ni Daniel habang ginugupit ng isa pa ang duguang t-shirt nito. Lumantad kay Marco ang dumudugong saksak na tinamo ng anak sa kaliwang tagiliran at ang tama nito ng baril sa balikat. Ngunit ang ipinag-aalala niya ng lubos ay ang pinsalang tinamo ng katawan nito dahil sa pagkakahulog.
Hinatak na pasara ng isang nurse ang kurtinang naghahati sa cubicle ng mag-ama. Hindi naman halos makasagot si Trisha sa mga tanong ng staff na kumukuha ng impormasyon tungkol sa mga pasyente. Wala pa rin itong tigil sa pagtangis sa labis na pag-aalala sa kalagayan ng mag-ama lalong-lalo na ni Daniel.
Tila lutang pa rin ang dalaga sa mga pangyayari. Tulala itong mag-isang naroon sa Waiting Room habang naghihintay ng balita mula sa mga doktor kung kamusta ang operasyon ng mag-ama.
Doon na sunod-sunod na nagsidating ang kanilang mga kaanak. Bakas ang pag-aalala sa mukha ng mga magulang ni Trisha. Humahangos naman nang dumating si Lucy kasama ang kuya nito. Maging si Manang Sabel ay napasugod sa ospital nang mabalitaan ang nangyari sa mag-ama.
Agad niyakap ni Mang Bert at Aling Fely ang kanilang anak. Mugto ang mga mata ng dalaga sa walang tigil na kaiiyak, gulo-gulo ang buhok at may bahid ng dugo ang nanlilimahid at punit na trahe.
Napahagulgol ang ama sa kapalarang sinapit ng nag-iisa nilang anak na babae. Ang pinakamasaya sanang araw sa buhay nito ay tila naging isang bangungot na montik pa nitong ikinapahamak.
Di naman mapigilan ng magkapatid na sisihin ang mga sarili dahil hindi agad nabasa ang mensaheng ipinadala ng kanilang pamangkin.Bagama’t nakatawag sila ng pulis at ambulansiyang agad rumesponde sa insidente ay nanghihinayang sila sa mga nasayang na oras.
Kung mas napaaga sana ay baka hindi ganoon ang sinapit ni Daniel. Gayon pa man, batid din nilang sa puntong iyon ay mas kailangan nito ng mga panalangin kaysa ang sisihin nila ang kanilang mga sarili.
Kahit hindi kakilala ni Lucy ang dalagang nakasuot ng damit pangkasal ay nakasisiguro siyang bukod kay Marco ay ito rin ang dahilan kung bakit nagawa ni Daniel na isugal ang sariling kaligtasan.
Kailan lang kasi, habang magkausap sila sa telepono ay naipagtapat sa kanya ng pamangkin na itinuring na rin niyang anak ang tunay na rason ng muli nitong paglayo sa kanyang papa. Lumapit si Lucy kay Trisha at maluha-luha nitong niyakap ang dalaga ng mahigpit.
Sama-sama silang taimtim na nanalangin para sa kaligtasan ng mag-ama at matiyagang naghintay. Nailahad na din ni Trisha sa kanila ang mga pangyayari.
Lahat ay labis ang paghanga sa katapangang ipinamalas ni Daniel na mag-isang pinasok ang kuta ng batang Umali upang iligtas ang dalawa. Pagliligtas na sa kasamaang palad ay nagbunga sa sarili nitong pagkapahamak.
Makalipas ang mahigit isang oras na paghihintay ay natanaw nila mula sa salaming bintana ang paparating na doktor. Sabay-sabay pa silang napatayo sa pagpasok nito sa silid, kumakabog ang mga dibdib sa hatid nitong balita tungkol sa lagay ng mga pasyente.
“Mayor’s operation went well. Naalis na ang bala sa hita niya… Good thing the bullet missed the bone and major blood vessels. But we had to sedate him since nag-eelevate ang BP niya kanina dahil sa anxiety niya sa surgery.” saad ng doktor kay Trisha.
“Pero ligtas na po si Mayor, Doc?” tanong ni Sabel na nalilito sa mga naririnig na terminolohiya.
“Yes, ligtas na siya. All his vitals are stable now. Ililipat na lang po natin siya sa recovery room para doon na po natin siya hintaying magising.”
Nakahinga ng maluwag ang lahat sa nadinig. Mabuti na lamang at walang kumplikasyon ang tama ng alkalde at nasa ligtas nang kalagayan.
“Si Daniel po?” nagkasabay pang tanong nila Lucy at Trisha.
Saglit na sumilip ang doktor sa bitbit nitong chart ng pasyente bago muling hinarap ang mga nag-aalalang kaanak at mahal nito sa buhay.
“Naalis na po ang bala sa balikat ni Daniel… Walang tinamaang internal organs yung saksak niya sa gilid but he lost a significant amount of blood from his wounds kaya sinalinan po siya ng dugo. Tungkol sa pagkalaglag niya naman–“
Saglit itong natigilan habang minamasdan ang labis na pag-aalalang mababakas sa mukha ng mga kaanak. Tila naghahanap ng tamang mga salita ang doktor na kanyang bibigkasin sa mga ito.
“Nagkaroon ng fracture sa kaliwang binti ang pasyente. May mga pasa din siya sa katawan from his fall and sa encounter niya with his assailants.”
“Doc, ligtas na ba siya?! Please… Sabihin niyo pong ligtas na si Daniel!” nanlulumong pakiusap ng dalaga na hindi na mahintay ang mga sasabihin ng doktor dahil iisang bagay lang naman ang nais niyang madinig mula dito.
Huminga ng malalim ang doktor bago nagpatuloy.
“Bukod sa fracture sa bungo ni Daniel, his CT scan shows na may pagdurugo at pamamaga ang utak niya. Kaya sumasailalim po siya ngayon sa isang napakaselang operasyon…”
Napayakap muli si Trisha kay Lucy sa nadinig at kapwa napahagulgol ang dalawa sa masamang balita.
“Pray… Kailangang-kailangan ni Daniel ng panalangin… Dahil sa ngayon po, walang makakapagsabi kung makakaligtas ba siya… kundi ang nasa itaas.”
Mababakas sa mga mata ng espesiyalista ang kalungkutan dahil sa alanganing kalagayan ng pasyente. Napayuko ito at tahimik na iniwan na ang nagdadalamhating mga kaanak sa silid.
Kahit nanlulumo sa masamang balita ay hindi sila maaaring mawalan ng pag-asa. Lalo na si Trisha. Patuloy siyang kakapit sa panalangin at aasang malalampasan ng kanyang minamahal ang matinding dagok na iyon.
“Matatagalan pa tiyak ang operasyon ni Daniel… Maganda sigurong iuwi niyo na muna si Trisha para makapagpahinga… Kami na muna ang maiwan dito.” mungkahi ni Lucy sa mag-asawang Fely at Bert.
Kahit tumatanggi ay napapayag din ng mga magulang ang dalaga na umuwi na muna. Ngunit hindi rin ito nagtagal sa kanilang bahay at agad ding nagpahatid pabalik sa ospital matapos makapaligo at magbihis.
Nailipat na si Marco sa pribadong silid at doon na ito nagkamalay. Agad nitong hinanap sa doktor ang kanyang anak at kinamusta ang kalagayan nito. Pinilit pa nitong bumangon upang makita si Daniel ngunit pinigilan ito ng kanyang doktor. Kasalukuyan pa rin kasing sumasailalim sa operasyon ang binata.
Sa pagdating ni Trisha ay nagsilabas na muna ng silid sila Lucy, ang kuya nito, at si Sabel. Pinagbilinan ni Marco ang mga bodyguard nito na andoon na din sa ospital at nagbabantay sa labas ng silid na hindi na muna ito tatanggap ng mga bisita at panayam mula sa press.
Sa pagpasok ng dalaga sa silid ay isang mahigpit na yakap ang isinalubong nito sa lalaking ama pala ng kanyang minamahal. Tahimik itong naupo sa silyang katabi ng kama ng alkalde.
Kapwa natigilan ang dalawa. Nag-aapuhap ng mga salita upang basagin ang katahimikang namamagitan sa kanila.
“Trisha…” sambit ni Marco at napaangat ang mukha ng dilag.
“Si Dandan… Uhmm Daniel… Siya ang nag-iisa kong anak… Siya ba ang–?”
Naputol na ang sasabihin ni Marco sa sunod-sunod na pagtango ng babaeng kanyang pakakasalan. Wala na itong ibang nasabi at muling dumaloy ang mga luha sa pisngi ng dilag habang nakayuko ito at animo’y napipi sa harap ng kausap.
Hindi malaman ni Marco ang mararamdaman nang oras na iyon. Hindi siya makapaniwala na ang lalaki palang tinatangi ng babaeng kanyang minamahal ay walang iba kundi ang kanyang anak.
Naiiling na nagpahid ng luha ang alkalde. Minasdan si Trisha na nakasapo na ang dalawang kamay sa mukha habang umiiyak.
Hindi na mahalaga sa kanya ang sariling damdamin sa puntong iyon. Ang importante sa lahat ay ligtas na si Trisha sa kapahamakan. Dininig ng Panginoon ang kanyang panalangin at ang mismong anak ang isinugo nito para sagipin sila.
Naalala pa niya nang magtapat ang dalaga tungkol sa pagdadalang-tao nito. Nakita niya kung paano nadurog ang damdamin ni Trisha nang iwan ng lalaking minahal nito kahit sa sandaling panahon lamang.
Kanina naman ay namalas niya ang kakaibang ningning sa mga mata ng dilag nang makita nito ang kanyang anak na siya palang iniibig nito. Ang kislap ng mga matang iyon na ni minsan ay di niya nakita sa dalaga kapag sila’y magkasama.
Gayon din ang kanyang anak na kahit hinang-hina na ang katawan ay muli niyang nasilayan ng lakas at pagmamahal sa mga mata nito. Bagay na huli pa niyang nakita sa anak noong nabubuhay pa si Laura.
Napangiti na lang si Marco sabay pahid muli ng kanyang luha sa pagmamahalang nakikita niyang namamagitan sa kanyang anak at sa babaeng ninais niya sanang mahalin at makasama sa buhay. Tunay ngang mapagbiro ang tadhana.
“Trisha…” sambit ng alkalde sabay abot sa kamay na nakatakip sa mukha ng dalaga.
Gamit ang likod ng kanyang daliri ay pinahid nito ang mga luhang namamalisbis sa pisngi ng dilag.Napadukdok naman ang mukha ni Trisha sa gilid ng higaan.
“I’m sorry Marco!… I’m so sorry!” palahaw nito habang nakasubsob.
Yumuyugyog ang balikat ng dalaga sa pag-iyak habang pilit pa ring itinatago ang kanyang mukha sa lalaking kanya sanang pakakasalan ngunit siya rin palang ama ng binatang tunay niyang iniibig.
“Shhh… Everything’s gonna be okay Trisha…” wika ni Marco sa dilag habang hinahaplos ang buhok nito.
Napaangat ang mukha ng dalaga at muli nitong niyakap si Marco. Yakap na tanda ng pasasalamat sa lahat ng pang-unawa nito.
Mahigpit na yakap din ang iginanti ni Marco sa dalaga. Yakap ng pag-unawa at pagpapalaya sa taong kanyang minamahal.
Hindi na kailangan pa ng mga salita. Sapat na ang yakap na iyon upang maiparamdam niya kay Trisha na nauunawaan niya ang kanilang sitwasyon. Na hindi na ito dapat mangamba pa.
“Salamat Marco…” maikling tugon ng dalaga sa pagitan ng mga hikbi.
Nang mahimasmasan ang dalaga ay nagkwento ito sa alkalde mula sa pinaka-una pa nilang pagtatagpo ni Daniel. Sa burol, nang sila’y mga musmos pa lamang at iginuhit siya nito sa may duyan. Nag sila’y mga teenager, nang palihim siya nitong sinuyo bilang si Unseen.
Ipinakita pa nito ang bracelet na bigay noon ng binata. Hinawakan ni Marco ang pulseras at nangilid ang luha nito dahil tandang-tanda pa niya nang makita niya si Laura na ginagawa noon ang bracelet na iyon para sa babaeng sinusuyo ng kanilang anak.
Nagulat si Marco na si Trisha pala ang dalagitang dahilan ng kabiguan ng kanyang anak noon. Na dahil sa kasinungalingan at pagtatraydor ng isang pinagkatiwalaang kaibigan ay naudlot ang pagkakamabutihan ng dalawa. Ang dahilan kaya’t labis na nasaktan ang kanyang anak.
Sising-sisi si Marco na hindi niya pinakinggan si Dandan noon at tanging galit at pighati sa biglaang pagkawala ni Laura ang hinayaan niyang manaig sa kanya. Nagawa niyang itakwil ang kaisa-isahang anak at maraming taon ang nawala sa kanilang mag-ama.
Namangha si Marco nang mapag-alamang simula noon pa pala ay nagkukrus na ang landas ng dalawa. Na para bang ang mga ito’y nakatadhana talaga para sa isa’t isa.
Iisiping tanging sa nobela o pelikula lamang nangyayari kung paanong nahulog ang loob ni Trisha sa isang lalaking noon lamang niya nakita. Ngunit sadyang may mas malalim pa palang pinag-uugatan kung ano ang mayroon sa pagitan ni Trisha at ng kanyang anak. Ilang ulit na palang pinagtatagpo ng tadhana ang mga ito.
Ngayon ay naging mas malinaw na kay Marco ang lahat. Akala niya ay isang simpleng pagkakamali lamang ang nagawang iyon ni Trisha. Pagrerebelde ng dalaga sa pagpapakasal nito sa kanya ng labag talaga sa kalooban nito.
Nagkamali siya ng iniisip dahil ito pala’y tadhana na matagal nang nakaguhit. Na sila Trisha at Daniel ay pinaglalayo lamang at sinusubok, ngunit muli ring pinagtatagpo.
“Trisha… Salamat. Malinaw na sa akin ngayon ang lahat… Pero hindi pa tapos ang kwento niyo ni Dandan… Kailangan ka ng anak ko…” lumuluha nitong pahayag.
Naantala ng marahang katok sa pinto ang pag-uusap ng dalawa. Agad naman iyong pinagbuksan ng dalaga at bumungad sa kanya ang kanilang hepe kasama ang dalawa pang unipormadong pulis. Sinenyasan sila ng alkalde na tumuloy nang matanaw nito ang mga bagong dating.
Pumasok na sa loob ang hepe at dalawang aide nito kasunod ang isang sibilyan na may benda ang noo. Nakilala agad ni Trisha ang lalaking kasama ng mga pulis dahil ito ang driver na kasama niya nang dinukot sila ng masasamang loob. Laking pasasalamat niya na buhay din ito.
“Mayor… Ako na po ang humihingi ng dispensa sa nagawa ng dalawang tauhan ko… Wala akong kaalam-alam na sangkot pala sila sa sindikato ng mga Umali.” bungad agad ng hepe sa kanilang alkade.
Alam naman ni Marco na malabong may alam ang opisyal sa dalawang pulis na naitalaga sa kanya bilang security. Bago pa kasi ito madestino sa kanilang bayan ay naka-assign na sa kanya ang mga iyon.
“Nangyari na Hepe… Pero kailangan siguro nating alamin baka may iba pang kasama ang mga iyon sa hanay ng kapulisan natin…