Napatingala ito sa asul na kalangitan. Hinahawi ng mga sinag ng araw ang maninipis na puting ulap sa himpapawid. Mga sinag na tumatagos sa lupang tigmak sa tubig ulan at tinutuyo iyon maging ang mga butil ng hamog na naipon sa dahon ng mga halaman.
Banayad ang ihip ng hangin na sinasabayan ng masayang paglipad ng mumunting mga ibon. Napangiti si Trisha sa maaliwalas na araw na iyon na ni hindi na kababakasan ng nagdaang unos.
Nang malapit na sila sa simbahan ay tanaw ni Trisha ang dami ng taong dumalo sa araw na iyon. Pawang halos lahat ng kanilang kakilala ni Daniel ay sinikap na makarating.
‘Heto na ko Daniel… sandali na lang mahal…’ bulong ni Trisha habang pumapasok sa pakurbang entrada ng simbahan ang kanyang sinasakyan.
Huminga siya ng malalim. Mula sa loob ng kotse at tagos sa malaking pintuan ng simbahan ay napatanaw si Trisha sa dambana sa dulo ng mahabang pasilyong pinapalamutian ng mga bulaklak.
Napangiti ang dalaga sa magandang pagkakaayos ng altar na tadtad ng samu’t saring mga bulaklak na tila isang paraiso. Puting-puti na sing busilak ng kanilang pagmamahalan ni Daniel.
Bumaba ang nagmaneho ng kanyang sinasakyan at pinagbuksan siya ng pinto. Inilahad ang kamay nito upang alalayan siya sa kanyang pagbaba.
Maingat na humakbang si Trisha pababa ng kotse at iningatang matapakan ang laylayan ng kanyang damit. Sa kanyang pagtayo sa entrada ng simbahan ay nanginginig ang mga kamay nito habang tangan ang pumpon ng mga puting bulaklak.
Lahat ng tao sa simbahan ay nakalingon sa kanyang kinatatayuan sa may pinto. Ang lahat ay nag-aabang sa kanyang pagdating. Di mapigilang humanga sa dalagang napakaganda at elegante kahit sa simpleng disenyo ng mahabang puting kasuotan nito. Eteryal na tila isang anghel na nagbaba sa lupa.
Bahagyang hinawi ni Trisha ang mga hibla ng buhok na nakalaylay sa magkabilang gilid ng magandang mukha nito. Muli siyang napatanaw sa may altar sa harapan ng simbahan. Masasamyo sa buong katedral ang halimuyak ng mga bulaklak na naroon.
Kumakabog ang kanyang dibdib at nangingilid ang luha sa tindi ng mga emosyong nadarama. Napatingala siya sa mataas na kisame ng simbahan upang pigilan ang mga iyon na pumatak mula sa kanyang mga mata.
Pinilit niyang kalmahin ang sarili sa kanyang unang paghakbang. Bitbit ang pumpon ng mga bulaklak ay marahan itong lumakad habang nakapako ang mga mata sa altar sa dulo ng pasilyong kanyang nilalakaran.
Nasa harapan sa gawing kaliwa ang kanyang mga magulang na sila Bert at Fely kasama si Janet. Sa gawing kanan naman ay si Marco katabi si Lucy at si Jorge.
Lahat sila ay nakamasid kay Trisha habang mabagal siyang naglalakad papalapit sa altar. Di mapigilan ni Mang Bert at Aling Fely na mapaluha para sa kanilang nag-iisang anak na babae. Ngunit ang mga mata ni Trisha ay sa isang tao lamang nakatutok sa mga sandaling iyon. Kay Daniel.
Hindi pa siya nakakapasok ng simbahan kanina ay tanaw na niya ang nag-iisang lalaking nagpatibok sa kanyang puso sa simula’t simula pa lamang. Habang papalapit siya sa binata ay lalo niyang namamasdan ang kinang sa mga mata nito.
Mga matang noong una silang nagkakilala ay tila puno ng misteryo. Ang siya ring mga matang kahit walang salitang bigkasin si Daniel ay parating nangungusap. Mga matang kung tumitig sa kanya ngayon ay punong-puno ng pagmamahal.
Namamasdan ng dilag ang mapupulang labi nito. Mga labing hatid ay masuyong mga halik. Mga halik na sa tuwina’y nagpapalambot sa kanyang mga tuhod at nagdadala sa kanya sa isang paraisong tila sila lamang dalawa ang nananahan.
Sa kanyang patuloy na paglapit sa altar, hindi maiwasan ni Trisha na mapangiti din sa ngiting iyon ni Daniel na pagkatamis-tamis. Ngiti na laging nagpapabilis sa pintig ng kanyang puso. Ngiting pilit pumapawi sa sakit ng matinding unos na kanilang pinagdaanan sa tuwing kanya iyong nasisilayan.
Habang papalapit si Trisha sa altar ay tila bumibigat ang kanyang mga hakbang. Gustuhin man niyang takbuhin ang kinaroroonan ng kanyang mahal ay tila may kadenang nakatali sa kanyang mga paa.
Sinalubong siya ng kanyang mga magulang at akma ding lalapitan ng alkalde. Ngunit parang wala itong ibang nakikita at nilampasan lamang niya ang lahat. Nagtuloy-tuloy ang mabibigat niyang hakbang papunta sa harapan ng altar.
“Daniel… Mahal ko…” mahinang usal nito.
Ipinatong ni Trisha ang bitbit na mga bulaklak at saka ito napayapos sa selyadong asul na ataol. At tuluyan na itong napahagulgol sa labis na pagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal.
Habang patuloy ang pag-agos ng kanyang mga luha ay napatingala ito sa malaking larawan ni Daniel na nakapatong sa stand sa tapat ng kabaong. Muling minasdan ang wangis ng kanyang mahal na tanging sa larawang iyon na lamang niya mamamasdan.
Di niya malilimot ang araw na iyon nang muli silang pinagtagpo ng tadhana sa may burol. Nang tutukan niya ito ng lente ng kanyang camera habang abala itong gumuguhit sa ilalim ng puno. Sa paglingon ni Daniel ay mababakas sa mga mata at ngiti nito ang labis na kaligayahan sa kanilang muling pagkikita.
Sa araw na iyon ay muling nagtagpo ang dalawang pusong ligaw. Mga pusong tila sa simula pa lamang ay itinadhana na para sa isa’t isa. Mga pusong ngayon ay muling pinaghiwalay ng mapait na pagkakataon.
“Danieeel!… Bakit mo ko iniwan… Kailangan kita… Kailangan ka namin!…”
Halos lahat ng tao sa simbahan ay nagpapahid ng luha kasabay ng pagpalahaw ng dalagang labis na nagdadalamhati. Walang tigil ang pagbukal ng luha sa kanyang mga mata sa tindi ng sakit ng sugat sa kanyang puso.
Sugat na tila hindi na kailanman maghihilom. Pusong kung bubuksan ay walang ibang laman kundi si Daniel.
Bago pa tuluyang manghina ang dalaga ay agad itong inalalayan ni Marco. Isang amang labis ding nagdadalamhati. Matapos mawalan noon ng kabiyak ngayon nama’y nagluluksa sa pagpanaw ng kanyang kaisa-isang anak.
Isang amang matagal na nangulila sa pagmamahal ni Daniel. Isang amang punong-puno ng pagsisisi ngunit sa isang iglap ay pinagkaitan ng pagkakataong makabawi at punuan ang maraming taong nasayang.
“Magpakatatag ka Trisha… para sa baby niyo…” pabulong na sambit ni Marco sa dalaga.
Inalalayan na lamang ng alkalde ang dilag na maupo sa tabi ng ama’t ina nito at sinalubong naman sila ni Bert. Kahit batid nito na labis na nasasaktan ang anak sa gagawing pamamaalam sa minamahal ay alam niyang kailangan iyon ni Trisha. Dahil iyon ang unang hakbang upang muli itong makabangon.
Bago umalis ng bahay kanina ang mag-anak ay tumanggi ang dalaga na dumalo sa huling misa para kay Daniel bago ito ilibing. Sadyang hindi raw nito kayang mamaalam sa binata. Kaya’t nagpaiwan na lang ang mayor ng sasakyan at driver sakaling magbago ang isip nito.
Tuloy ang pag-agos ng mga luha ni Trisha. Nang sa wakas ay nagpakita na ng pagbuti ng kalagayan si Daniel sa ospital ay umasa silang lahat na magtutuloy-tuloy na ang paggaling nito.
Ngunit sadyang hanggang doon na lamang siguro ang buhay na ipinagkaloob ng Maykapal dito at tuluyan na ring bumigay ang kanyang katawan.
Awang-awa si Marco sa nakikitang pagdadalamhati ni Trisha. Sa bawat patak ng luhang nakikita niya rito ay di niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili.
Sa kanyang pagganap ng tungkulin bilang punong bayan ay nagkaroon siya ng mga kaaway. Mga kalabang nais gumanti at ang naging kabayaran nga ay ang buhay ng kaisa-isa niyang anak.
Ang anak na pinagkaitan niya ng pang-unawa at pagmamahal bilang ama. Na ngayon kung kailan siya natauhan sa kanyang pagkakamali ay huli na ang lahat.
Paika-ikang lumakad si Marco pabalik sa kabaong at hinipo iyon.
“Patawad Dandan… Patawad mahal kong anak…” nakayukong sambit nito at diretsong pumatak ang mga luha ng ama sa ibabaw ng ataol ng kanyang anak.
Lahat ng nakasaksi sa nangyayari ay di mapigilang mapaluha. Damang-dama ang matinding pagdadalamhati ng mga naiwan ni Daniel lalo na ng kanilang alkalde at ng babaeng naulila nito.
Mabilis kumalat ang balita. Ngunit sa halip na maging tampulan ng kwento at panghuhusga ay mas nanaig ang respeto at pang-unawa ng mga tao sa pinagdaanan ng tatlo.
Napasubsob na lamang si Trisha sa balikat ni Mang Bert habang tinatapik naman nito ang kanyang balikat. Tila hindi na nito kaya pang tumayo nang magsitindig ang lahat para sa pambungad na awit sa pag-uumpisa ng misa.
Dumako na sa pagbabasa ng mga talata sa Bibliya na pinangunahan ni Marco, sinundan ni Lucy, at panghuli ay ang pari. Lahat ay matamang nakikinig sa mga pagbasa maliban kay Trisha na nanatiling nakapikit at nakayakap sa gilid ng ama. Tila wala nang lakas habang pinipigilan ang kanyang mga hikbi.
Lahat ay tahimik na nakatuon ang paningin sa harap ng altar. Pinalipat ni Aling Fely si Janet upang tabihan at alalayan ang kaibigan nito. Nakayuko itong tahimik na nakikinig sa pagtatapos ng pagbasa habang hinahagod niya ang likod ni Trisha.
“Isang magandang umaga po sa inyong lahat na mga dumalo upang makiramay sa mga naulila ni Daniel…” bungad na pagbati ng pari at nagsitango naman ang mga tao bilang tugon.
“Nilisan man tayo ng ating kapatid… isa pa rin itong magandang araw… sapagkat ating ipinagdiriwang ang kanyang naging buhay sa mundong ito…”
Sa pag-uumpisa ng sermon ay natuon ang mensahe para sa mga naulila ng binata. Habang minamasdan ng pari ang mga nagluluksang mukha lalo na ng mga nakaupo sa harapan ay damang-dama niya ang lungkot at pighati ng mga ito.
“Batid po ng lahat ang hindi magandang pangyayari sa yumao at sa kanyang naiwang mga minamahal sa buhay…”
“Marahil ay hindi ninyo maiaalis sa inyong isipang… Siguro kung may nagawa lang ako, baka hindi ito nangyari… Siguro kung iba ang naging aksyon ko, maaaring walang nangyaring masama kay Daniel…”
Nagpatuloy ang pari na kababakasan din ng lungkot sa mga mata nito habang nakatingin sa umiiyak na dilag sa harapan. Nanatili namang nakapikit ni Trisha at nakahilig lamang ang ulo sa balikat ng kanyang ama.
“Siguro naiisip niyo na… Sana pwedeng ibalik ang oras… Sana pwedeng maibalik ang mga panahong lumipas… Baka sakaling maiba sana ang takbo ng mga kaganapan.”
Lalong lumakas ang agos ng luha ng dilag sa naririnig na mensahe ng pari. Habang nakapikit ay taimtim na umusal na sana ay kaya niyang ibalik ang oras upang makasama niyang muli ang minamahal. Nang mayakap niya itong muli at sisiguraduhing hinding-hindi na ito mawawala pa.
“Ang daming SANA, hindi po ba?… At ang dami ding tanong na parang hindi natin malaman kung ano talaga ang tamang kasagutan…” wika ulit ng pari.
Habang nagpapatuloy ito sa pagbibigay ng mensahe sa misa ay palipat-lipat ang tingin nito sa butihing ama ng yumao at sa tumatangis na babaeng naulila ni Daniel.
“Siguro ay sumagi din sa isip ninyo ang mga katagang… Mahal ba ko ng nasa Itaas? Bakit Niya kinuha ang taong pinakamamahal ko?”
Nakamasid ngayon kay Trisha ang pari na para bang sa dalaga nakatuon ang mensaheng kanyang binibigkas.
Ngunit napapahid din ang alkalde ng panyo sa mga mata nito dahil sa ikalawang pagkakataon ay muli nga niyang tinatanong sa langit ang mga katanungang iyon. Noong una ay sa pagkawala ni Laura, at ngayon naman ay sa pagpanaw ni Daniel.
“Hindi po natin maiiwasan na itanong ang lahat ng ito sa Kanya…”
“Sana naitanong din po natin sa ang ating sarili na… Bakit pa kaya ako humihinga ngayon?… Bakit nangyari na nahahawakan at nakakapiling ko pa ang ibang mga mahal ko sa buhay?”
Lalong humigpit ang pagkakayakap ng dilag sa kanyang ama. Dahil tumitimo sa kanyang dibdib ang bawat mensaheng inilalahad ng pari.
Tila ba nababasa nito ang kanyang isip dahil ang dalas niyang tanungin sa kanyang sarili ang mga tanong na iyon. Kung bakit nga ba nangyayari ang lahat ng ito sa kanya.
“Oo mahal mo ang isang tao… ngunit alalahanin mo din na hindi mo siya pagmamay-ari… at wala tayong pagmamay-ari na buhay… Ang buhay natin ay sa Diyos at ipinapahiram lamang Niya sa atin.”
Napailing si Trisha na humahagulgol at nanatiling nakayakap sa ama. Di pa rin matanggap ang katotohanang wala na ang kanyang pinakamamahal. Katotohanang lalong tumitimo sa kanyang puso dahil sa sermong iyon ng pari.
“Mga kapatid… Ang lahat ng bagay ay may hangganan… Ang buhay natin ay may hangganan… Sapagkat ang buhay natin ay hiram lamang…”
“At kung darating na ang panahon para ibalik natin ang buhay na hiniram… magpasalamat tayo sa Kanya… dahil binigyan Niya tayo ng pagkakataon na mabuhay dito sa lupa…”
“Ngunit wag kang mag-alala dahil sa pangako Niyang buhay na walang hanggan… kasama Siya.”
Lalo nang hindi napigilan ng dilag ang magpalahaw ng iyak sa mga narinig. Maging si Marco ay di napigilang yumugyog ang balikat habang inaalo ni Lucy na panay din sa pag-iyak.
Nadudurog ang puso ng mga nakakasaksi sa pagdadalamhati ng mga naiwan. Lalo na ang paring ngayon ay nagpapahid na din ng luha sa mga mata nito. Waring hindi pa sanay na makasaksi ng mga pusong tila winasak sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.
Sadyang nadala lamang ng lumbay o tila may mas malalim pang dahilan ang nararamdaman ng pari.
“Alam niyo po mga kapatid… ang sakit pong makakita ng ganitong tagpo… lalo na po sa katulad kong tagapaglingkod ng Diyos… yung makita mong nagdadalamhati yung mga naulila… napakahirap po.”
“Hindi niyo po naitatanong… nung kabataan ko po ay mayroon din akong nasaksihan… Isang anak na naulila ng mapagmahal niyang ina… Isang anak na napawalay din sa kanyang ama…”
“At may dalawang pusong nakalaan sanang magtagpo… pero dahil sa akin ay tuluyan silang nagkalayo.” sambit nito habang nakatingin kay Trisha na tuloy ang pagluha habang hawak-hawak ang pinakaiingatan nitong bracelet.
Nahinto ang mga hikbi ni Trisha nang magsimula ang pari na magbahagi tungkol sa personal nitong karanasan. Ganon na lang ang gulat ng dalaga nang mapalingon sa altar at matitigan ang pari na ngayon ay naghubad ng salamin nito.
“Mga kapatid… Mayor Marco… Ishie…” pagpapatuloy nito sabay punas sa mga luhang di na napigil dumaloy sa pisngi.
“Nang dahil sa pagiging makasarili ko noon… nawalan ako ng isang tunay na kaibigan…”
“Si Daniel ay isang napakabuting anak sa kanyang mga magulang… Isang lalaking sa murang edad ay natutong umibig… Pero ako na naturingang kaibigan ay hinadlangan ko iyon dahil sa iisang babae ang aming nagustuhan.”
Sunod-sunod na napailing ang dalaga nang makilala ang bagong paring nasa kanilang harapan. Napahawak naman sa kamay niya si Janet na awang-awa sa kaibigan dahil sa karagdagang kirot na nararamdaman marahil nito dahil sa pagbabalik ng mga alaala ng kanilang kabataan.
“Lahat tayo ay nagkakamali… lahat tayo ay nagkakasala at nagkukulang… at walang taong hindi nangangailangan ng pagpapatawad…”
Dumako ang tingin ng pari sa larawan ni Daniel na puno ng dalamhati at pagsisisi sa mga mata nito.
“Bro… alam ko parang huli na para humingi ako ng tawad sayo… Alam kong sa akin nagsimula ang lahat… ang lahat ng sakit na pinagdaanan mo at ng inyong pamilya…”
“Dandan… patawad… Patawad sa lahat ng naging pagkakasala ko sayo noon… sayong pamilya… kay Ishie…
“Kaya po ako narito ngayon sa harap ninyo… dahil sa aking pagpasok sa debosyong ito ay isinuko ko na ang lahat ng aking pagkakasala sa nasa itaas…”
Tuluyan nang bumigay si Father Billy sa kanyang kinatatayuan at napadukdok sa pulpitong tayuan sa pagsesermon habang tukop ng dalawang kamay ang kanyang mukha.
Patawad… Patawad sa lahat, Daniel… Isang maayos na paglalakbay sayo kaibigan…” pahuling mensahe nito sa pagtatapos ng kanyang sermon at nagsitayo na ang lahat.
************************
Lumipas ang mga buwan mula nang maihatid si Daniel sa huling hantungan. Pinilit ni Trisha na magpakatatag sa kabila ng labis na pangungulila sa kanyang mahal.
Pilit siyang humuhugot ng lakas sa sanggol na dinadala sa kanyang sinapupunan. Patuloy man na nagdadalamhati sa pagkawala ng minamahal ay may di matutumbasang kaligayahan na nagmumula sa batang kanyang dinadala. Ang pinakamahalagang alaalang iniwan sa kanya ni Daniel.
Sa kabila ng alok ni Marco na bagong matutuluyan ay pinili niyang mamuhay pa rin kasama ng kanyang pamilya. Palagi naman kinakamusta ng alkalde ang lagay nila ng magiging apo nito. Maging ang nanay-nanayan ni Daniel na si Lucy ay napalapit na kay Trisha at sa kanyang pamilya.
“Malapit ka na namin makita baby… Alam mo… kung nandito pa ang daddy mo… I’m sure mas excited pa siya sa paglabas mo… Siguro paglaki mo artistic ka din kagaya niya.” nakangiting sambit ni Trisha na sapo at hinihimas ang kanyang mabilog na tiyan habang minamasdan ang mga obra ni Daniel.
Sa tuwing namamasdan niya ang mga likha nito ay parang nakikita niya ang kanyang mahal kung paano nito ipininta ang mga larawang iyon. Sa bawat piyesa ay tila may bahagi si Daniel na nananatiling buhay at kapiling niya.
Patuloy na nabubuhay sa kanyang puso at isip ang wangis ng lalaki na parang nariyan lamang ito lagi sa kanyang tabi. Pilit niyang dinudugtungan ang maigsing pinagsamahan nila ng nag-iisang lalaking kanyang minahal. Kahit sa isip lamang ay kapiling pa rin niya ito. Kahit kunwari lang.
Anak… gabi na masama sayo ang napupuyat…” paalala ni Aling Fely na sumilip sa kwarto ng anak.
Napuna kasi nito sa liwanag na sumisiwang sa ilalim ng pinto na hatinggabi na ay gising pa din ang panganay. Tumango lamang si Trisha sa kanyang ina.
Sinapo nito ang kanyang balakang at bumuwelo na upang mahiga. Dahil may kalakihan na ang kanyang dinadala ay medyo hirap na ito at nakaalalay sa bawat pagkilos.
Si Aling Fely na ang nagpatay ng ilaw sa silid ng anak matapos niya itong sabihan na matulog na. Dinukot naman ni Trisha mula sa ilalim ng kanyang unan ang pulseras na bigay ni Daniel at nilaro-laro ang beads sa kamay na nakapatong sa mataas niyang tiyan.
Good night Dan… Paramdam ka naman…