“Uy… Uy… Pre gising! Kanina ka pa umuungol! Binabangungot ka yata!” tapik ni Jorge kay Daniel na natutulog sa kaniyang sofa. Dito na niya inuwi sa kanyang apartment ang kaibigang lasing na lasing at halos di na makatayo kagabi sa inuman na kanilang dinaluhan.
Sapo-sapo ng dalawang kamay ang kanyamg mukha, nagbubutil ang pawis sa noo at humihingal sa takot ang binata sa panaginip niyang iyon. Para bang nalalasahan pa niya ang dugo ng babae na sumirit sa kanyang mukha. Malinaw na malinaw pa rin sa kanyang gunita ang mukha nitong hirap na hirap.
“Sino pare yung Ishi?” usisa ni Jorge. “Yan ang hinihiyaw mo eh… ngayon ko lang narinig sayo yang pangalan na yan.”
Umiling lamang si Daniel sa kaibigan at pasuray-suray na naglakad papasok sa banyo. Binuksan ang gripo sa lababo at hinilamusan ang mukha at binasa maging ang kanyang buhok. Pilit tinatanggal sa isip ang napanaginipan at pinabababa ang epekto ng alak sa kanyang ulo.
Inabutan ng tuwalya ni Jorge ang kaibigang nakadukdok at nakatuon ang mga braso sa sink. Tinititigan ng binata ang sariling repleksyon sa salamin matapos paliguan ang kanyang ulo.
“Ano ba nangyayare sayo pre? Kagabi pa ko na wiweirduhan sayo ah… kaya nga kita isinama sa inuman para ikaw sana ang aalalay sakin.”
Kagabi pa niya napapansin ang kaibigan. Bagama’t natural dito na tahimik lang sa inuman ay di naman ito talaga ganun kaseryoso. Simpleng joker nga ito, subalit kagabi ay napakaseryoso nito at parang wala lagi sa sarili. Panay din ang shot na parang nilulunod ang sarili sa alak.
“Wala pre… Ok lang ako medyo masama lang pakiramdam ko.”
“Dahil ba sa babaeng nakasama mo sa bar? Bakit di mo hanapin pre? Pwede naman natin siguro ipagtanong.”
“No no… hindi yun… basta hayaan mo lang ako, lilipas din to.”
“Ok pre ikaw bahala.”
Hanggang sa makauwi ang binata ay di niya naikwento sa kaibigan ang tungkol kay Ishie. Kahit kanino yata na nakasama na niya ay di niya binanggit ang tungkol dito. Marahil ay iniiwasan niya na maungkat kung anumang ugnayan niya sa babaeng iyon. Pumikit sya at ipinaling-paling ang kanyang ulo sa mga alaala ni Ishie na muling nagbabalik.
Lumipas ang halos isang linggo ay walang inatupag ang binata kundi magpinta. Inililipat sa canvas ang mga nagbabalik na alaala na kahit ano’ng gawin niya ay di niya mabura sa kanyang isip. Baka kahit sa ganitong paraan ay makalaya siya sa mga alaala ng lumipas. Balak niyang isama ang mga ito sa mga obrang kanyang ididisplay sa art exhibit sa susunod na buwan.
May kalakip na kirot ang kanyang pagpipinta ngayon. Parang sa bawat paghagod ng brush sa puting canvas ay nagbibigay ito sa binata ng ibayong lungkot, pagsisisi, at galit. Galit na di niya alam kung natutuon sa iba, ngunit tila mas matimbang ang galit sa kanyang sarili.
Habang pinagmamasdan ng binata ang kanyang mga likha ay pigil na pigil ang pagtulo ng kanyang luha. Lalo na sa huling obra niya na imahe ng mag-ina.
Napukaw ng isang tawag sa telepono ang pag-iisip ng binata at agad niya iyong sinagot.
“Hello Mi! Musta po?” bakas ang tuwa ng binata nang marinig ang kausap.
“Really?! Mabuti naman uuwi na kayo. For good na po ba?” napalitan ng saya ang mukha ng binata sa ibinalita ng kausap na agad ding nawala sa sumunod na sinabi nito.
“Hmm… can’t promise you that… Ikaw na lang dumalaw dito Mi o kaya I’ll wait na lang sa airport.”
“Haaayst… sige tingnan ko na lang kung makakauwi ako.” napipilitan nitong tugon sa kausap. “Ok mi… ingat na lang po sa byahe.”
Natulala ang binata pagkababa ng telepono. Parang hindi pa siya handa sa hinihiling ng kausap na umuwi siya sa kanyang bayan na nakagisnan.
Parang sinasadya ng pagkakataon na kanina lang ay napanaginipan niya ang babaeng nagpabago ng kanyang buhay. Heto at muli niyang makikita ang lugar kung saan nanduon ang mga alaalang ayaw na niyang balikan.
************************
Mabilis na lumipas ang isang linggo kay Trisha. Tumulong na lang siyang magbantay ng sari-sari store ng kanyang nanay imbis na gumala pa o maglalabas. Natatakot pa din siya sa nangyari nung minsan siyang maglakad sa labasan. Ang kaibigan si Janet na lamang ang dumadalaw sa bahay nila sa tuwing libre ito.
Naipaalam na din niya kay Marco ang nangyari at nagpaimbestiga na ito sa kanilang kapulisan. Ngunit wala naman silang makalap na lead o ibang impormasyon upang matukoy kung ano talaga ang pakay kay Trisha ng sasakyang iyon. Itinuring na lang na isolated case ang pangyayaring isinumbong ng dalaga.
“Ay Ishie anak… ipamimigay ko na tong mga lumang gamit na nandto sa lumang aparador ha. Gagamitin ni bunso at wala daw siyang mapaglagyan ng gamit niya.” hiyaw ng kanyang nanay na nakasilip sa bintana habang nakabantay ang dalaga sa kanilang tindahan na nakahiwalay sa kanilang bahay.
“Sige po Nay kayo na ho bahala.” sagot naman niya na abala sa pag-aasikaso sa mga bumibili.
“Ah miss meron kayong softdrink?” tanong ng isang nakasumbrerong lalaki na nakayuko sa kanyang cellphone habang nagtatanong.
“Meron po… maliit lang po ba?” balik-tanong niya sa customer.
“Oo, bigyan mo nga ako ng isa.” tugon nito na di inaalis ang tingin sa screen ng kanyang cellphone kaya’t di gaanong makita ng dalaga ang lalaki.
Nang mabigyan ng binili ay naupo ito sa bench sa harap ng tindahan. Di nagtagal ay umalis na din ito at sumakay na ulit sa pick-up truck na nakaparada sa tapat.
“Mukhang malabong lumabas to boss… Saka andaming tambay sa labas.” anas ng lalaki habang hawak ang cellphone na nakatutok ang back camera sa tindahang kanyang binilhan.
“MGA TANGA TALAGA KAYO! Isang linggo niyo na yan binabatayan!” Umaalingawngaw ang boses ng kausap sa kabilang linya. “Umuwi na kayo at baka magduda pa mga tao dyan!”
Titig na titig si John sa pinadalang video ng kanyang tauhan. Kanina pa niya ito paulit-ulit na pinapanuod. Kita niya ang natural na kagandahan ng dalaga kahit wala itong make up sa mukha, na syang lalo namang nagpapagigil sa kaniya.
‘Tangina ako magpapakasawa sayo Trisha! Sakin ka malalaspag!’
Tanghali na ng mapalitan si Trisha ng kanyang ina sa pagbabantay sa kanilang tindahan. Siya namang dating ng kaibigan niyang si Janet na walang pasok sa trabaho ng araw na iyon.
Napansin nito ang mga nakasupot na mga lumang damit at uniporme nila nuong high school na matagal naimbak sa lumang aparador. Agad iyong pinagbubuklat ni Janet at inilabas sa supot.
“Uy bes… buhay pa pala tong mga uniform mo? Ano to pamimigay na?”
“Oo naman, aanhin pa yan?”
“Grabe bes ang luluwag ng bewang ng palda mo nun oh! Ahahahaha!”
Iniladlad ni Janet mula sa pagkakatupi ang isang palda at tawang-tawa sa laki ng bewang ng dalaga nuong teenager pa ito. Tumingin lamang si Trisha sa kaibigan na natatawang isinukat ang kanyang lumang palda.
Sino ba naman ang mag-aakala na ang dating chubby na dalagita ay mamumukadkad at magiging seksi at magandang dalaga ngayon. Halos lahat nga ng kaklase nila nung high school na sa ibang mga lugar na nakabase ay di siya nakilala nung nagsiuwi ang mga ito upang umattend ng kanilang reunion kamakailan lang.
“Pero kahit para kang timba nun bes may suitor ka ha… inggit nga ako sayo nun hihi”
Biglang natigilan si Trisha sa narinig at naalala niya ang kaisa-isang binatang nagpakilig sa kanya noon. Ngunit kilig nga lamang ba? O sadyang minahal niya ito dahil sa kabila ng kanyang imahe noon ay nagkagusto ito sa kanya.
“Nasaan na kaya si Billy noh? Simula nung maka-graduate sila, di na nagpakita yung tukmol na yun noh.” Lalong lumungkot ang dilag ng marinig kay Janet ang pangalang iyon.
“Opppps suri… nalimutan ko siya nga pala prince charming mo.” agad namang bawi ni Janet nang mapansin ang lungkot sa mukha ni Trisha.
“Ok na bes… tanggap ko nang di na babalik yun… I hope na lang na sana ok na din siya ngayon.”
Si Billy ay ahead sa kanila ng dalawang taon sa pampublikong hayskul kung saan sila nag-aral. Isa sa mga hinahangaan niya sa kanilang campus nuong siya ay second year pa lamang. Bukod kasi sa may angking talino ay napakagaling pa nito sa basketball.
“Ay shit wait!” Biglang naalala ni Trisha ang lata ng biskwit ng kanyang mga abubot. Pinuntahan nya agad ang lumang aparador at binuksan iyon. Malinis na malinis na at wala nang kahit anong gamit na nakalagay sa loob.
“Nay… nakita nyo ba yung lata ng biskwit?!” Kabang-kaba ang dalaga at baka kasama nang naitapon iyon ng kanyang ina.
“Nilipat ko na sa aparador mo.”
Agad na chineck ni Trisha ang kanyang aparador, saka pa lang nakahinga ng maluwag nang Makita nga roon ang isa sa pinakaimportanteng bagay sa kanyang buhay. Siniguro lamang na andoon ang lata ngunit din na niya iyon binuksan pa.
************************
Lunes. Maagang bumiyahe si Daniel papuntang timog, upang dalawin ang balikbayang umuwi. Humiling ito na sa probinsiya sila magkita at nang makasalamuha din niya ang iba pa nilang kaanak.
Abot-abot ang kaba ng binata nang makita ang malaking arkong gawa sa semento kung saan naka-ukit ang pangalan ng bayan na kanyang kinalakihan. Kulang labing-isang taon na din ng lumisan siya mula sa bayang ito na puno ng lungkot at pighati ang kanyang dibdib.
Nanginginig ang mga paang nakatapak sa mga pedal ng kanyang sasakyan maging ang kanyang kamay na nakahawak sa manibela. Ngunit kahit papaano ay di niya maiwasang humanga sa laki ng pagbabago ng kanilang bayan. Napakarami ng establisimiyento ang nadagdag. Kitang kita ang malaking pag unlad nito.
Lalong kumabog ang kanyang dibdib ng matanaw ang malaking bakuran na may mataas na bakod na yari sa semento. Nagbagal ang kanyang pagpapatakbo ng sasakyan at tila gustong tumapak ng kanyang paa sa preno upang huminto sa tapat niyon, ngunit nag-alinlangan siya. Nakalingon lamang siya sa malaking bahay nang mapatapat siya sa malaking gate na yari sa bakal.
Parang may kurot sa kanyang dibdib nang lumampas siya sa bakurang iyon. Gusto man niyang huminto ay di niya magawa. Hanggang sa makaabot siya sa pinaka sentro ng bayan na iyon ay parang naiwan ang kanyang isip sa mansyon na naraanan.
Mabuti na lamang at mabagal ang usad ng takbo ng trapiko dahil wala sa pagmamaneho ang isip ng binata. Kaakibat talaga ng pag-unlad ng isang bayan ay ang pagdami ng mga sasakyan lalo na at araw ng Lunes. Ang lahat ay nag-aapurang makarating sa kani-kanilang trabaho o paaralang pinapasukan.
Halos di na gumagalaw ang mga sasakyan na nagkabuhol-buhol at naipit na siya sa crossing. Marami sa mga commuters ang nagsibaba na sa mga pampublikong sasakyan dahil kung kailan nasa abalang oras ay saka pa nangangapal ang maitim na ulap na sinamahan ng mga pagkulog. Kanya-kanyang pulasan sa ibat- ibang direksyon ang mga pasaherong ayaw abutan ng pagbagsak ng ulan.
Mayroong iba na sumasalubong at nakikipagpatintero sa usad ng mga sasakyan. Ang ibang nakasingle na motor naman ay pilit sumisiksik at nakikipag-unahan tumawid ng crossing na nagresulta ng buhol-buhol na trapiko.
Habang nakakapit sa kanyang manibela, abalang pinapanuod ng binata ang mga nagkukumahog na mga tao sa paligid. Napalingon sya sa kanan at agad napako ang tingin niya sa dalagang naglakad sa harapan ng kanyang sasakyan patawid sa kabilang gilid ng kalsada.
Parang biglang tumigil ang ikot ng mundo kay Daniel ng oras na yon. Hindi siya pwedeng magkamali. Mahigit isang linggo nang di nawala sa kanyang isip ang babaeng kanya ngayong minamasdan.
Nang magising si Trisha ng umagang iyon ay nabasa niya ang mensahe galing kay Marco. Nasa airport na daw ito at sa munisipyo na didiretso mamaya. Ang amang si Mang Bert ang sumundo sa alkalde at mga kasama nito kung kaya’t mamaya ay mamamasahe na lang ang dalaga pagpasok sa munisipyo.
Blue long sleeves na tinernuhan ng khaki slacks ang napili niyang isuot ng araw na iyon. Habang nasa byahe sakay ng tricycle ay naipit ang dalaga sa traffic. Napansin din niya ang makapal at maitim na ulap na nagbabadya ng malakas na ulan.
Minabuti na lang ng dalaga na bumaba at lakarin ang munisipyo na malapit-lapit naman na kaysa abutan pa siya ng malakas na ulan sa loob ng tricycle na walang trapal. Nagmadaling bumaba ang dalaga at tumawid sa kalsadang puno ng sasakyan dahil sa pagkakabuhol ng trapiko.
“MISS! Hey Miss!” tawag ng binata ng ibaba niya ang kanya bintana.
Ngunit deretso lamang sa pagtawid ang dalaga at tila hindi sya nadinig. Nagkumahog si Daniel na habulin sana ito ngunit hindi sya makababa dahil sa motor na nasa tapat ng kanyang pintuan. Hinampas pa ng binata ang upuan ng motor upang paabantehin ito, ngunit ito man ay ipit na din at wala nang mauusaran.
Umusad lamang ang mga sasakyan sa hudyat ng traffic enforcer upang umabante na ang mula sa direksyon ni Daniel. Akma sanang bababa sya upang sundan ang babae ngunit binusinahan na siya ng malaking truck na nasa kanyang likuran.
Napilitang iabante ng binata ang kanyang sasakyan upang makatawid na crossing habang nakamasid pa din sa naglalakad na dalaga. Saka nya biglang itinabi ang kotse sa hindi dapat na lugar. Ayaw ng binata na makawala pa ang dalagang gumugulo sa kanyang isip. Di na niya kayang palampasin pa ang pagkakataong ito.
Iginilid lang ng binata ang sasakyan sa tapat ng sidewalk grills na may na…