ni Amado V. Hernandez
I
May uwing panalunan si Manuel nang gabing yaon: P700. Mahigit nang ika-11:00 sa kanyang orasan. Alam niyang inip na sa paghihintay si Naty, ang kanyang asawa, at walang salang nagkakagutom na naman. Mapapanis ang hapunan ay di-kakain si Naty habang siya ay wala, batid ni Manuel.
II
Ngunit anumang sama ng loob ngayon ay maaaring malunasan, inaasahan ni Manuel sa sarili, pagkat ibibigay niya ang buong napanalunang P700. Ang halagang ito ay hindi magaan kitain, lalo na ngayong siya’y walang tiyak na hanapbuhay. Dalawang buwan nang nasasara ang bahay kalakal na pinapasukan ni Manuel, sampu ng umuwi sa Estados Unidos ang Amerikanong may-ari sa dahilang kukuha ng kuwalta, subalit hindi na nagbalik. Nag-iwan dito ng maraming utang pati ng ilang buwang sahod ng may 20 kawani, kabilang si Manuel. Kaya naiisip niyang bagaman siya’y ginabing lubha ay ipagpapaumanhin na ni Naty kung makita ang salaping uwi niya na sapat ng magdulot ng kaluwagan sa kanilang kasulukuyang kagipitan.
III.
Ang totoo si Naty ay hindi nanayag sa pagsusugal ni Manuel. Malimit na ito ang kanilang ipagkagalit. Nagugunita niyang sa may sampung taon nang pagsasama nila na ipinagkaroon ng tatlong malulusog na anak ay walang ibang dahilan ang anumang alitan nilang mag-asawa liban na sa pagsusugal ni Manuel. Kapag si Manuel ay hinatinggabi sa labas ng bahay, talastas na ni Naty na siya’y nagsugal. Pag si Manuel ay hindi nakabili ng mga ipinagbilin ng kanilang mga anak bago umalis kung umaga, alam ni Naty na siya’y natalo noong araw na yaon. Kapag si Manuel ay hindi maisama sa sine or sa nightclub, kahit minsan sa isang linggo man lamang, batid na rin niyang nahungkoy ang lahat ng salapi ni Manuel sa mesa ng poker. At simula na ang kanilang pagbabangay.
IV.
“Kung dangan kasi’y palagi ka sa kalye at hindi mo nalalaman ang nangyayari dito sa bahay. Ano ang kuwenta sa iyo kung kami’y mahipan ng hangin o manigas sa gutom. Ano ang malay mo kung magkano ang ibabayad sa koryente, sa tubig, sa rasyon ng gatas, sa labada, sa matrikula ng iyong mga anak. Wala kang inaasikaso kundi ang iyong sarili. Mayroon kang naisusugal ay ni hindi ko makuha ang rasyong bigas. Mayroon kang ipinatatalo ay nakasanla na pati ang kuwintas na minana ko sa aking nunong nabulok!”
V.
Matangi sa “ikaw naman” “manong magtigil ka na” at “ano bang sugal ang sinasabi mo?” si Manuel ay hindi gaanong nagsasasagot kay Naty. Si Manuel ay isang lalaking may kapusukan sa kanyang kapwa lalaki; ngunit lagi siyang mapagpaumanhin sa kanyang asawa. Lasong-lason sa loob niya ang marinig ng kanilang mga anak na sila’y nagtatalo o malaman kaya ng mga kapitbahay na sila’y di nagkakasundo. Dinaraan niya sa lamig palibhasa’y hindi kaila sa kanya na ang isang babaeng nagagalit ay walang iniwan sa isang rabentador na putok nang putok ay hindi naman nakakasakit. Saka may subo ba ang sinaing na hindi naaawat at natapos sa mabangong aso ng isang isang pinggang kanin?
VI.
Si Manuel ay hindi naman isang manunugal na talaga. Ang sugal ay hindi isang bisyo niya, manapa’y isang libangan. Gaya rin ng alak, marunong siyang uminom at umiinom siya tuwing mapapasubo sa pagtitipon ng mga kaibigan, nguni at kailan man ay hindi siya napainom sa alak. Hindi pa siya naaalaalang umuwi siya ng bahay na lasing. Naglalaro siya kung nakakayag, ngunit hindi panay. Maari siyang maging kapupunan sa mesa ng mahjong o poker; nakikipagsapalaran siyang manakanaka sa blackjack o hearts. Kung minsan, kung may tip na sigurong plantsado ng nag-abuloy sa kanya, siya’y nagpaparaan ng ilang oras sa Manila Jockey Club, o sa Sta. Ana Racing Tracks kung linggong may karera. Datapwa’t siya’y hindi malakas ni subo. Kahanga-hanga ang kanyang pagpipigil sa sarili. Bihira siyang lumagpas sa puhunang P100 maging sa poker o sa mahjong o sa karera o sa jai alai. Kung matalunan siya ng isang daan ay kagyat na tumitigil na, at kailanman ay hindi niya tinangka o pinagpilitan habulin, bawiin ang halagang natalo na. Talos niyang may mga araw na sadyang malas at ang pagpipilit ay lalo lamang ikababaon. Ang pagkakabaon sa sugal ay isang kasawiang kalungkot-lungkot, at may matibay na panata si Manuel na ito’y huwag mangyari sa kanya kailan man.
VII.
Bukod pa sa rito, may palagay siyang kung ang sugal ay isang sakit ng kapisanan o ng isang bahagi ng kapisanan, ang sakit na kaipala’y hindi na malulunasan. Maaaring itulad sa pagbibili ng aliw na isang karamdamang matanda pa kaysa kasalukuyang sibilisasyon. Madalas niyang masabi na talagang mahirap sugpuin ang sugal at nabanggit niyang pati ang tunika ni Hesukristo ay pinagsugalan ng mga Hudyong naghuhubad at lumapastangan sa kanya. Sa ganang kay Manuel, magiging tapat at hindi kabilanin ang pamahalaan kung pagkakalooban ng lisensiya ang mga bahay-sugalan at club na ngayo’y pinagbabawal, at komisyon sa mga larong libangan, gaya ng sabong, jai alai, karera at sweepstakes. Sa gayong paraan maiiwasan ang suhulan at pagmamalabis at ang gobyerno nama’y makakapagpairal ng iisang batayan lamang ng pakikitungo sa lahat ng uri ng sugalan at sapalaran na di paris ngayong gumagamit siya ng tinatawag na double standard o sa lalong maliwanag na pamamaraang “sa pula, sa puti.”
VIII.
Naglaro sa isipan ni Manuel ang mga tinurang isipin habang siya’y nagdudumali sa pag-uwi na lulan ng isang taksi. Subalit higit kaysa ibang paksa ng pagbubulay-bulay ay pabalik-balik sa gunita niya kung papaanong nanalo siya sa poker ng P700. Ang akala niya ay talo na naman siya gaya ng karaniwan. Wala na ang P85 sa P100 labas niya. Di niya inaasahang siya’y makababawi man lamang. Ngunit walang anu-ano’y kinasihan siya ng suwerteng pambihira, sa tatlo o apat na huling “deal”. Sa isang karaniwang “senatorial” na sinalihan ng lahat ng anim na magkakaharap sa mesa ng poker, ang P15 niya ay naging P90. Sukat ba namang sa “senatorial” na sinalihan ng anim ay nanalo ang “trio de king” lamang hindi nagkaroon ng “flush” ni “straight”. Ang sumunod na “deal” ay “locktail” at natodo na naman ang P90, ngunit dalawa lamang ang “call” at siya ay kumabig uli sa pamamagitan ng “full house”. Ang ika-apat na baraha sa “obligado” ay “jack” at ang kasama ay isang “nueve” at isang “seis”; may hawak siyang dalawang “jack”, samakatuwid pagdating ng “jack” ay mayroon na siyang “highest trio”. Ang ika-limang baraha ay “duplicacion” ng “nueve” kaya siya ay nakayari ng tatlong “full de jack con nueve”. Sa kabila ng “red cross” ay “colapso” at “trio de dos” lamang ang pinakamataas. Kaya nasamsam niya ang buong “pot” na umaabot sa P300.
IX.
Ang pangatlong deal na naging “sensacional” ay “eight cards stud, choose your wild”. Kinakanan niya ang dealer. Pagdating sa ika-limang karta ay “good” na ang dalawang alas na nakataob. Samantala sa kinakaliwa niya ay may isang alas na nakabilad din ang “dealer” ay isang pang alas na “bistado”. Ang kinakanan ng “dealer” ay may “perde buen”. Ang “pas de buwan” ay nagmanda ng P120 na kasinglaki ng “pot”. Ang dealer ay matunong na nagsabi ng “good” ngunit si Manuel ang kanyang kinakaliwa ay kapwa “call”. Sa ika-anim na baraha’y dinatnan ni Manuel ng isa pang siyete; kaya siya ay may “par” na ring “ala vista”, bagamat mataas pa rin ang “par de buen” na dinatnan ng isang “king”. Ang kanyang kinakaliwa ay tiyak na may “royal” pagkat ang alas na espada ay natambalan ng isang “jack” at “diez” na espada rin. Ang “par de queen” ay tumaya ng P180 na parang tinapatan ang nalalabing kuwalta niya sa harap at kahit alanganin at alam niyang malamang ang kanyang katalunan kaysa kapanalunan, ay waring nagpanting ang kanyang tainga at itinulak na rin ang P180 sa kanyang harapan. “Call” ang mataginting na sagot ni Manuel. Ang “royal” sa kaliwa ay sali na rin, pagkat talagang “muerta natural.” Ang ika-pitong baraha niya ay isang “cinco” kaya hindi nagkaroon ng anumang “improvement.”