X.
Tago ang huling baraha “ang babala ng dealer” at idinulot sa kanya ang pangwalong baraha. Halos wala na siyang pag-asa. Gayunman, hindi maikubli ang panginginig ng kanyang mga daliri na dinampot ang huling “karta”, ipinailalim sa tatlong hawak niya, saka marahan at buong pananabik na pinintahan. Anong laking suwerte! Ang dumating ay isang siyete, ang kahuli-hulihang siyete, kaya siya’y nakayari: “Quinto de aces” o limang alas na siyang pinakamataas na “karta” sa “choose your wild”, ang “par de queen” ay nakayaring “quinto de queen” at ang kinakaliwa niya ay “royal” nga.
XI.
“Your money” at halos panabay na saad ang dalawang kalaban nang makitang inilahad ni Manuel ang dalawang alas at tatlong siyete. At nakatawa niyang kinabig ang lahat ng kuwalta. Nang bilangin niya ang inabot ng kanyang P15 ay kulang kulang na P1,000 pagkaraan ng tatlong “deal” lamang. Tinawag niya ang “waiter” at nagpakuha ng isang kahong “koronas” na alhambra at isang dosenang botelya ng serbesa; pinatakbo’t pinainom pati ng mga miron na parapara nilang mga kaibigan.
XII.
Isa pang round at nagka-ayawan na pagka 11:00 na halos ng gabi. Namahagi si Manuel ng kaunting balato at ang natirang malinis niyang pinanalunan ay P700 na kanyang ibinukod habang matuling tumatakbo ang taksi na patungo sa kanyang inuuwian.
Pagtigil ng taksi sa tapat ng kanilang bahay ay si Naty na rin ang nagbukas ng pinto kay Manuel; wala ang dating ngiti at giliw ng mukha; sa halip ay nakamungot at nanlilisik ang mga mata.
XIII.
“Ano, hinatinggabi ka na naman sa sugalan!” ang padarag na bati sa kanya.
Magsasalita sana si Manuel at magpapaliwanag, isasalaysay sana niya ang nangyari, datapwat hindi siya binigyan ng daan ng asawa.
“Pihong natalo ka na naman, nalimas na naman ang iyong salapi,” ang patuloy ni Naty. “Halika,” at siya’y mahigpit na hinawakan sa isang kamay, pahilang inakay hanggang sa kabahayan sa itaas at halos pakalakad na ipinasok sa kanilang silid dalanginan.
“Nakikita mo ba ang mga santong iyan?” ang tanong ni Naty at itinuro kay Manuel ang imahen ng Sagrado Corazon de Jesus, ang Nazareno at ang Mahal na Birhen na nakapaloob sa tig-isang sisidlang kristal na naiilawan ng tig-isang kandila. Ang tatlong santo ay tahimik na pinagmalas ni Manuel.
“Hindi ka maaaring manalo sa sugal,” ang wari’y hatol na sinabi sa kanya ni Naty. “Imposible! sa sandaling maiisip kong nagsusugal ka ay dagli akong lumuluhod sa harap ng tatlong poong iyan at idinadalangin kong kahimanawari’y matalo ka.”
Ipinagdiinan pa mandin ng babaing nagagalit ang mga katagang “idinadalangin kong kahimanawari’y matalo ka” at sinundan ng irap si Manuel na parang sinabing “nakita mo na”
XIV.
Hindi humuma si Manuel, ngunit marahang idinukot ang kanyang kanang kamay sa bulsa ng kanyang pantalon at sinalat at hinaplos ang bilot ng mga papel de bangkong ang P700 na kanyang napanalunan. At sa malamlam na liwanag ng mga kandila sa silid ng kaunting matuptop ni Naty ang isang makahulugang ngiting namulas sa kanyang mga labi. Natiyak ni Manuel sa kanyang sarili na mapaghimala man ang tatlong santo ay lalong mabisa at makapangyarihan kaysa kanila ang limang alas sa ibabaw ng mesa ng poker.
XV.
Kinabukasan, ng mabuti-buti na ang ulo ni Naty ay inabot ni Manuel sa kanya ang P700 at sinabing nasingil niya ang bahagi ng kanyang suweldong hindi nabayaran. Hindi ipinagtapat ni Manuel na yao’y panalunan sa poker pagkat ayaw niyang mapahiya ang tatlong santo sa kanyang asawa.