Magpinsan

ni Amado V. Hernandez

I.
“Magandang araw po.” Pamimintana ni Ligaya sa kanilang durungawan ay isang liham ang inihagis sa kanya ng tagahatid sulat na nagbigay ng “magandang araw.” Marahan niyang ginupit ang isang dulo ng sobre, tiningnan, nangunot ang noo at saka napahalakhak ng malakas.

“Ha, ha, ha. Nasisira yata ang ulo ni Nestor!” ang nasabing tatawa-tawa.

II.
Ang totoo ay hindi sukat akalain ni Ligayang makapangangahas si Nestor na magpapahayag sa kanya ng pag-ibig. Silang dalawa ay magpinsan. Makipagsintahan siya kay Nestor ay walang salang magiging bukang-bibig ng madla na sila ang magpinsang “nagpipisan.” Kay laking kahihiyan, marahil! At saka si Nestor, ayon sa kanya, ay hindi pa naman tunay na binata kundi bago pa lamang nagbibinata. Kailan lamang ay nakaputot ng salawal at ni hindi makuhang ayusin ang buhok. Noon lamang mga nakararaang taon ay lagi silang magkasama sa paglalaro. Madalas pa siyang ipinamimitas ni Nestor ng sari-saring bungang-kahoy sa kanilang bakuran na pagkatapos ay pinagsasalunan nilang dalawa. Kung tanghaling tapat ay madalas silang makagalitan tuloy ng kanyang ina dahil sa hindi nila makuhang matulog at nalilibang sa paglalaro ng sintak sa puno ng hagdan. Ganon na lamang ang sarap ng kanilang matalik na pagsasama na wala silang iniwan sa tunay na magkapatid. Kaya lamang sila nagkahiwalay ay nang ipasok na siya sa kolehiyo. Nagkaiyakan pa silang matagal dahil sa pangambang makalimot ang isa’t-isa. Awang-awa siya kay Nestor.

III.
Ngunit noo’y mga batang musmos pa lamang sila halos. Marami ng araw at taon ang nakalipas. Nang kanyang lisanin ang kolehiyo ay magdadalaga na siya. Sa dahon ng kanyang ala-ala ay malabo na ang titik ng panahon. Nagdaan ang masayang kabataan nila ni Nestor na hindi na niya ganoon nagugunita. Nang magkita sila ng kanyang pinsang binata, pagkaraan ng isang mahabang panahon ng pagkakahiwalay, ay nagkahiyaan sila, kung bakit, at hindi nakuhang magbatian. Si Nestor ay nasilaw sa kanyang kisig at ganda, samantalang siya naman ay nanibago kay Nestor. Binata na pala ito! Ang nasabi sa kanyang sarili. Buhat noon, kung sila’y magkasalubong ay tumutungo siya upang mailagan ang mata ng kanyang pinsang binata at si Nestor naman ay lumilihis ng daan dahil sa malaking pagkaumid at pag-aalang-alang sa kanyang pinsang dalaga.

IV.
Kaya ganoon na lamang ang panggilalas ni Ligaya ng tanggapin niya ang sulat ni Nestor.

“Marunong na palang lumigaw ang pilyong yaon,” ang wika pang nakangiti.

Ipinalagay niyang si Nestor ay nahihibang. Dili kaya’y nagbibiro. Kaya hindi pinansin ang liham ng binata. Saka ang pag-ibig ay hindi pa rin naman nagigising sa kayang puso.

V.
Pagkaraan ng mahigit na dalawang linggo ay nagsisi si Nestor kung bakit siya nakapagtapat pa kay Ligaya. Wala nga namang unang pagsisisi. Ngayon na lamang niya nakurong malayo siyang ibigin ng kanyang magandang pinsan. Si Ligaya ay tanyag na tanyag sa mga lipunan, mula ng lumabas sa kolehiyo, samantalang siya’y palad ng makadalo sa isang piging minsan sa isang buwan. Maraming maginoo at hombres de profesion na nangingibig kay Ligaya at siya’y isang estudyante pa lamang na pinakakain at pinaghihirapan ng kanyang ama. Isa nga naman palang kabaliwan ang kanyang pag-ibig. Lalong nag-ibayo ang kanyang pagkakimi sa harap ni Ligaya. Kung minsang sila’y nagkakatagpo sa isang sayawan o piging ay hindi niya magawang sumulyap man lamang sa mukha ng kanyang pinsang dalaga, habang yao’y ngingiti-ngiti at parang ikinasisiyang-loob ang makitang siya’y labis na nagugulumihanan.

VI.
Nguni’t ano ang kanyang gagawin? Siya ay lalaki at lalaking may puso. Ang tibok ng puso ay makapangyarihan. At hindi maaaring pigilin, lalong mahirap at hindi mangyayaring limutin niya si Ligaya. Si Ligaya ay inibig na niya at minahal, sinundan-sundan ng paningin at pinintuho ng buong kaluluwa mula pa sa kanilang kabataaan. Ang isang bagay na naukit sa diwa at napunla sa puso sa panahon ng kamusmusan, ay hindi na malilimot at mamamatay sa habang panahon. Ang mga ala-ala ng ating kabataan ay siyang matamis sa lahat, sariwa sa lahat at mahal sa lahat. Talagang si Nestor ay hindi nakalimot kay Ligaya. Ewan nga lamang niya kung bakit naparam na sa isip ng dalagang yaon ang kanilang kahapong lipus sa kaningningan ng mga murang guni-guni at masamyo sa pabango ng kawalang-malay. Wala nang masakit na alalahanin na gaya ng mga ala-alang nagbabalik sa gunam-gunam ni Nestor. Ngayon siya’y nasa gitna ng luha at lungkot.

VII.
Nang hindi nagtamo ng tugon ang ikalimang sulat ni Nestor kay Ligaya, ay niyari sa loob ng binata na hindi na siya muli pang susulat sa pinsang walang puso. Naisip niyang sayang lamang ang panahon at pagod nang magpakabaliw sa isang bagay na tila hindi matatamo. Ang pag-ibig ay may dalawang hanggahan: luwalhati at pagtitiis. Yamang sa pagtitiis siya itinalaga ng tadhana ay tila kabaitan ang sumang-ayon sa gunita ng palad. May araw ding mabibihis ang kanyang pagdurusa. Sadyang ang alin mang pangarap na mahalaga at dakila ay hindi natutupad sa iisang gabi. Kinakailangang maglamay at magpakasakit, magbata at lumuha.

VIII.
Pinag-ibayo ni Nestor ang pagsisikap sa pag-aaral. Kung siya’y makatapos na ng karera, sa paano’t paano man ay hindi na kahiya-hiyang mangibig kahit kanino. Ang titulo ay isang kalasag na malaki ang nagagawa. Kung wala mang paglingap si Ligaya sa kanya ngayon baka kung siya ay isang doktor na ay malamuyot din ang puso at mabagbag ang kalooban ng pinsang walang awa. Kaya nagsunog ng kilay si Nestor.

IX
Samantalang si Ligaya ay patuloy sa kanyang pagkabulaklak ng lipunan. Kung sabagay ay hindi naman siya katulad ng ibang dalagang pag natatanyag na sa gitna ng palalong sosyedad ay nagkakaroon ng marungis na batik ang iwing dangal at ang angking kabanguha’y napagsasamantalahan ng ilang mapagsamantala. Si Ligaya ay hindi gayon. Habang siya ay napapasa-itaas ay lalo siyang nagpapakalinis, lalong pinag-iibayo ang kanyang kababaang-loob, at katamisan ng ugali, lalong sinikap na siya’y maging karapat-dapat sa mata ng sambayanang nakapako sa kanyang mga kilos.

X.
Pagkaraan pa ng tatlong mahahabang panahon ay nagtapos din si Nestor sa pagka-manggagamot. Isang batang-batang manggagamot na nginingitian ng pag-asa at pinatatapang ng lalong matatamis na pangarap. Datapwat kung ano ang tagumpay ngayon ni Nestor ay siya namang kabiguan ni Ligaya. Dahil sa malabis na pagpupuyat gabi-gabi sa kung saan-saang sayawang idinaraos ng gayo’t ganitong samahan at kapisanan, bukod pa sa panonood ng mga dulaan at sine, ang murang katawan ni Ligaya ay hindi nakatagal. Siya’y lumura ng dugo at unti-unting nangayayat. Dahan-dahang nalanta ang rosas sa kanyang dalawang pisngi at naglamlam ang langit sa kanyang mata.

XI.
Nang mabalitaan ni Nestor ang kaawa-awang kalagayan ni Ligaya ay dali-daling inihandog ang kanyang tulong. Ang pinsang dalaga ay tumalima naman sa kanyang mga tagubilin. Ang buong panahon at pagsisikap ni Nestor ay inukol na lahat sa pagpapagaling ng karamdaman ng kanyang minamahal.

Mga Pahina: 1 2